Sabado, Marso 7, 2026

Dalawang sine hinggil sa Philippine-American War

DALAWANG SINE HINGGIL SA PHILIPPINE-AMERICAN WAR
Maikling sanaysay at tulâ ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kahapon, Marso 6, 2026, ay napanood ko ang dalawang dokumentaryo / pelikula hinggil sa Digmaang Pilipino-Amerikano, lalo na ang Bud Dajo massacre. Talagang inabangan ko ito. Ang dalawang ito'y ang Memoirs of a Forgotten War, at ang Cinemartyrs. Ang direktor ay si Sari Dalena. Nabanggit na ika-120 anibersaryo ng Bud Dajo massacre ng araw na iyon.

Mula sa isang presscon na pinamagatang "Defending the Defenders" na hinggil sa karapatang pantao, ay agad kong hinabol ang nasabing historical dokyu. Alas-kwatro ang simulâ kayâ alas-tres pa lang ay umalis na ako sa 1-4pm na presscon. Marahil, naisip ng ilang kasama, bakit kaya ako nagmamadaling umalis? Tantiya ko kasi, kahit malapit lang, ay baka maleyt ako dahil sa trapik.

Dumating ako sa Cine Adarna ng ika-4:10 ng hapon. Naabutan ko pa ang pamagat na War. Di na ako dyuminggel at naghanap na ng mauupuan sa madilim na sinehan. Nagsimula ang Memoirs of a Forgotten War sa pagtalakay ng isang banyagang ang tinig ay babae. Sinalaysay ang ilang pangyayaring naganap noong Philippine-American War sa Ilocos at sa Patikul.

Naging matingkad sa akin ang paglusob ng pulutong ng kababaihan sa mga sundalong Amerikano sa isang labanan. Patay silang lahat, pati ang lider nilang animo'y Kristo ang kaanyuan.

Libre o Free Admission ang Memoirs of a Forgotten War, na isang oras din, habang may bayad naman ang Cinemartyrs, na higit dalawang oras naman. P200 ang regular habang P150 ang senior / PWD / student. Naglabas ako ng P150 at ibinayad na sabi ko, hindi regular, kundi pultaym na aktibista. Itatanong daw muna, subalit pumayag na rin at binigyan ako ng tiket.

Bihira akong makapanood ng sine o dokumentaryo hinggil sa Philippine-American War, habang kayrami ng pelikula hinggil kina Gat Jose Rizal, Gat Andres Bonifacio, at iba pang nakibaka laban sa mananakop sa Luzon. Kaya ang panonood ng dalawang pelikulang ito ay di ko na pinakawalan.

6:30 pm, pinapasok na kami para sa Cinemartyrs. Tahimik akong umupo at nanood. Binuksan iyon sa eksena sa isang lugar marahil ay sa Intramuros na kapis pa ang mga bintana. Pinakita ang pagkuha sa isang eksenang pinalabas na sa Memoirs of a Forgotten War na una kong napanood ng hapong iyon. Si Angel Aquino na ang gumanap sa babaeng may hawak na sanggol habang sumugod muna ang maraming kababaihan sa pulutong ng mga sundalong Amerikano, pinagbabaril, hanggang sila'y nangaubos. Lumaban noon ang mga kababaihan para sa dignidad at kalayaan ng bayan laban sa mga mapaniil na mananakop. Napanood habang dalawang araw na lang ay Araw na ng mga Kababaihan.

Pinakita rin ang sitwasyong kausap ng direktor na babae ang tatlong tagasuri para sa NCCA grant. Dapat daw hindi Luzon-centric ang kanyang pelikula kundi pinapunta siya roon sa Mindanao. Kaya nagpasiya siyang pumunta, kasama ang kanyang pangkat, sa Mindanao, partikular sa Patikul, Sulu, kung saan naroon ang Bud Dajo, isang matarik na kabundukan.

Nakausap pa niya ang lider ng mga sundalo, na pinakiusapan niyang sumama na rin sa pelikula. Nakarating ang pangkat sa Bud Dajo at nakausap ang mga elder at residente roon. Sa isang eksena, sinabihan silang bawal daw mag-utos ang babae sa lalaki. Kaya ang ginawa ng direktor ay kinausap ang panganay na anak ng isang elder upang siyang mag-utos sa mga gaganap.

Ayon kay Direk, pag tinapik niya sa balikat ang lalaki, ibig sabihin, magpatuloy na sa pag-arte, o kaya'y tapos na, "cut".

Araw pala ng kasalan ng dalawang Tausug nang maganap ang paglusob at pambobomba ng mga Amerikano sa Bud Dajo. Marami ang namatay sa kanila. Subalit sa pagsasaliksik ko, walang binanggit ang mga reporter na Kano sa nasabing kasalan, at binabanggit lang ay maraming moro ang kanilang kalaban. Buti't ipinakita iyon sa nasabing pelikula, kung ano talaga ang naganap.

Matapos ang eksena, ang babaeng umaktong ikakasal sana ay tila nasapian, at marami ang tumulong sa kanya, pati mga elder. Tatlo pang lalaki ang gayon din ang dinanas, pati na si direk. Hanggang makabalik na ang babae sa kanyang sarili. Sabi niya, "hindi n'yo ba nakikita, nariyan sila."

Nagpapasalamat ang mga katutubomg Tausug dahil naranasan umano nila ang dinanas ng kanilang mga ninuno, bagamat sa pelikula lamang. Matapos ang palabas ay nagkaroon ng panayam sa mga nagsiganap, pati kay Direk. Pagpupugay sa lahat ng gumawa ng mga dokumentaryo at pelikulang iyon!

Pumasok ako ng 4pm, lumabas bandang alas-nuwebe pasado na. Higit limang oras man, nagutom man, subalit talagang sulit pagkat napanood ko ang dalawang makasaysayang palabas na ito. Sadya akong nappapasalamat at nagpupugay.

DALAWANG SINE HINGGIL SA FIL-AM WAR

dalawang makasaysayang sine
ang aking pinanood kagabi
sadyang yumanig sa aking diwà
ang anibersaryo ng gunitâ

nang nanood sa U.P. Film Center
patungkol sa Bud Dajo massacre
kasabay ng petsang Marso Anim
ang isang kabanatang malagim

sineng Memoirs of a Forgotten War
pati ang Cinemartyrs, nilahad
sa dalawang pelikulang iyon
gunita't historya ng kahapon

kayraming babae ang namatay
Katipunerang lumabang tunay
sa mga sumakop at sumiil
sa bayang nais nilang makitil

dalawang sineng sadyang kaiba
na Fil-Am War ang tinalakay na
pagpupugay sa kanilang lahat
sa sine't temang sadyang kaybigat

03.07.2026

Sabado, Pebrero 7, 2026

Paglahok sa 2nd tour of historic Pasig

PAGLAHOK SA 2ND TOUR OF HISTORIC PASIG
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ako sa nagkainteres na lumahok nang makita ko ang anunsyo ng Samahang Pangkasaysayan ng Pasig (SPP) sa pesbuk hinggil sa 2nd tour of historic Pasig. Agad akong kumontak at sinabing nais kong sumama. Agad naman silang tumugon.

Pebrero 7, 2026, madaling araw pa lang ay gising na ako. Hindi ako dapat mahuli sa usapan. Maaga ako sa kitaan sa Plaza Rizal, at dumating ako roon bago mag-ikawalo ng umaga at umupo sa naroong mahabang bangko at naghintay. Ilang sandali  pa'y dumating na sila at agad akong nagpakilala.

Naghintayan pa ng mga dadalo. At nang kumpleto na ay lumakad na kami. Una naming pinuntahan ang Guanio Ancestral House na malapit lang sa Plaza Rizal. Nag-usap muna kami sa bungad ng tahanan hinggil sa kasaysayan ng nasabing lugar, na umano'y dating Cuartel ng mga Guardia Sibil sa Pasig noong panahon nina Gat Andres Bonifacio. Mahalaga ang kasaysayang ito dahil dito nakuha ng mga Katipunero, sa pangunguna ni Heneral Valentin Cruz, ang labimpitong armas mula sa mga Kastila noong magsimula ang Rebolusyong 1896. Kilala ang pangyayaring iyon bilang Nagsabado sa Pasig.

Inanyayahan kaming umakyat sa ikalawang palapag. Nakasabit sa dingding doon ang isang painting ni Felix Resurrection Hidalgo na kasabayan ni Juan Luna.

Sumunod ay nagtungo kami sa eskwelahang Colegio Del Buen Consejo at nagtungo sa museo nito.

Sumunod ay nagtungo kami sa Plaza Bonifacio, na ang estatwa ni Bonifacio ay nakasakay sa kabayo, kung saan may nakasulat na CENOTAPH, na ibig sabihin daw ay bantayog ng mga bayaning nagbuwis ng buhay para sa bayan subalit di ang katawan ay di na natagpuan. Isa lang daw ito sa dalawang estatwang nakasakay si Bonifacio, na ang isa'y nasa Uptown Bonifacio sa Taguig.

Sunod ay pinuntahan ang simbahan ng Pasig at nakita ang mga naka-displey na limang kampana nito. Naroon din ang estatwa ni Padre Fray Manuel Blanco, na dating kura paroko ng Pasig, at may-akda ng saliksik at pag-aaral sa higit 1,200 na katutubong tanim o ispesye sa bansa o Flora de Filipinas.

Umakyat sa museo ng simbahan, at nakita ang naka-displey na lumang mekanikal na orasan na gamit para sa oras ng pagkalembang ng kampana. Subalit di na kami nakaakyat pa sa kampanaryo.

Umuulan noon, kaya nagtungo muna kami sa Museo ng Pasig at doon nagpatila ng ulan. Subalit umakyat na rin kami sa museo kung saan naroon ang estatwa ng Mutya ng Pasig. Naka-display din doon ang mga kilalang tao mula sa Pasig, tulad nina Lope K. Santos, mag-asawang National Artists na sina Lamberto at Daisy Abellana, national artist for music Ramon Santos, Senate President Jovito Salonga, Senador Rene Saguisag, at iba pa. Mahaba-haba rin ang talakayan doon.

Natalakay din na ang Pasig dati ay bahagi ng probinsya ng Tondo, Maynila, noong panahon ng mga Kastila. At nang maisyu ang Philippine Commission Act 137 ay nalikha ang lalawigan ng Rizal na ang kapitolyo ay Pasig. Sa Rotonda raw umiikot pabalik ang sasakyang Tranvia. At ang Santa Rosa sa Pasig ay dating isla. Naging bahagi na ng Metro Manila ang Pasig noong 1975. Ang Pasig ay naging lungsod noong Enero 21, 1995, nang maisabatas ang Republic Act No. 7829

Sunod ay pinuntahan namin ang tahanan ni Heneral Valentin Cruz, kung saan idinaos doon ang pulong ng mga Katipunero, isang pangyayaring tinawag na Asamblea Magna, kung saan dumalo roon sina Gat Andres Bonifacio, Gat Emilio Jacinto, Heneral Emilio Aguinaldo, Heneral Valentin Cruz, at iba pang mga pinunong Katipunero.

Ayon sa kasaysayan, noong Mayo 3, 1896, isang pangkalahatang pagpupulong ng mga pinuno ng Katipunan ang ipinatawag ni Supremo Andres Bonifacio. Ito'y idinaos sa Pasig sa tahanan ng lokal na pinuno ng Katipunan na si Valentin Cruz. Tinawag ang papupulong na iyon na Asamblea Magna na isa sa pinakamahalagang pangyayari sa kasaysayan ng Katipunan. Ito na rin yata ang huling pag-uusap nina Gat Andres Bonifacio at Heneral Emilio Aguinaldo bago magsimula ang himagsikan, at bago mapatay si Bonifacio. (Wala sa Tejeros Convention si Aguinaldo).

Nakapanayam pa ni Dean Carlos Tech si Heneral Valentin Cruz hinggil sa naganap na Nagsabado sa Pasig, at ang labimpitong armas na nakuha sa mga Kastila ay dinala ng mga Pasigenyo kinabukasan sa Labanan sa San Juan, na kilala ngayon sa kasaysayan na Pinaglabanan.

Pagkagaling sa tapat ng bahay ni Heneral Vakentin Cruz ay nagtungo na kami sa Bahay na Tisa, kung saan ito ang bahay ng bagong henerasyon ng pamilya Tech. Isa ito sa pinakamatandang bahay sa Pasig na nakatayo pa rin hanggang ngayon. Panahon pa ng pananakop ng mga Kastila nang ito'y maitayo. Ang itsura ng tahanan ay para bang ang pinagsyutingan ng huling bahagi ng pelikulang Oriang, na ginampanan nina Lovi Poe at Gina Pareno.

Mahaba pa ang talakayan sa nasabing tahanan, at doon na rin kami nananghalian. Natapos kami roon bandang ala-una y medya ng hapon.

Sa aking pag-iisa ay napag-isip kong marami pang kasaysayan ang dapat halungkatin at isulat hinggil sa Pasig. Hindi lamang noong panahon ng Kastila, kundi sa iba pang panahon, tulad ng anong naganap sa Pasig sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano? May mga martir ba sa Philippine-American War? Anong mga naganap sa Pasig sa panahon ng pananakop ng mga Hapon? Noong pamahalaan ng Commonwealth? Noong panahon ng martial law? Ah, marami pang dapat saliksikin sa kasaysayan. At kung may pagkakataon, ako'y tutulong sa pananaliksik at mag-aambag ng anumang makakaya.

Taospuso akong nagpapasalamat sa Samahang Pangkasaysayan ng Pasig (SPP) at naging kalahok ako sa ganitong pagtitipon - ang 2nd Tour of Historic Pasig. Kung mayroon pang mga ganitong walking tour at kakayanin lang ng oras ko ay tiyak na dadalo ako. Mahalaga ang mga natututunan sa kasaysayan, na maaari ring maibahagi sa iba.

Nais ko ring imungkahi na magkaroon ng aktibidad sa Mayo 3, 2026, sa ikasandaan tatlumpung (ika-130) anibersaryo ng Asamblea Magna, bukod pa sa pagdiriwang ng ika-130 anibersaryo ng matagumpay na Nag-Sabado sa Pasig sa Agosto 29, 2026. Maraming salamat po!

ANG IKALAWANG LAKBAY-ARAL HINGGIL SA MAKASAYSAYANG PASIG

isa lamang ako sa mga tumugon
hinggil sa kasaysayan ng Pasig noon
salamat, nakadalo sa pagtitipon
maraming natuto sa kaygandang layon

pinuntahan ang bahay na dating Cuartel
na kinampuhan ng mga Guardia Civil
na mga tao ng mga mapaniil
buti't Katipunero sila'y nasupil

nakinig sa kanilang mga historya
habang aking tangan ang kwaderno't pluma
nakipagtalakayan, napuntahan pa
ang ginanapan ng Asamblea Magna

sa Bahay na Tisa pa nananghalian
isa sa pinakamatandang tahanan
sa Pasig, pesante'y ito ang puntahan
sa nakikibaka'y ito ang kanlungan

ang ganitong lakbay-aral ay mabuti
pagkat Pasig ay maipagmamalaki
dama ang tinahak ng mga bayani
sa pagsama rito'y di ka magsisisi

02.07.2026

Sabado, Enero 10, 2026

Pahayagang Baybayin

upang pagkaisahin
ang bayang mahal natin
pahayagang Baybayin
ay ating proyektuhin

- tanaga-baybayin
gbj/01.10.2026

Miyerkules, Enero 7, 2026

Haring Bayan

HARING BAYAN

Napanood ko nitong Nobyembre 27, 2025 sa UP Film Center ang palabas na Lakambini, hinggil sa talambuhay ng ating bayaning si Gregoria de Jesus, o Oriang.

May tagpo roon na nang dumalaw si Gat Andres Bonifacio sa isang bayan, may sumisigaw roon ng "Mabuhay ang Supremo! Mabuhay ang Hari ng Bayan!"

Na agad namang itinama ni Gat Andres. "Haring Bayan!"

Inulit uli ng umiidolo sa kanya ang "Mabuhay ang Hari ng Bayan!" At itinama uli siya ng Supremo, "Haring Bayan!"

Mahalaga ang pagwawastong ito. Walang hari sa Pilipinas. Ang tinutukoy ni Bonifacio na hari ay ang malayang bayan, ang Haring Bayan o sa Ingles ay Sovereign Nation, hindi King of the Nation.

- gregoriovbituinjr.
01.07.2026

Linggo, Enero 4, 2026

Anekdota sa polyeto ni Heneral Gregorio Del Pilar


ANEKDOTA SA POLYETO NI HENERAL GREGORIO DEL PILAR
Maikling sanaysay at saliksik ni Gregorio V. Bituin Jr.

Binabasa ko ang aklat ng mga sanaysay ni National Artist Nick Joaquin hinggil sa sampung bayani ng bansa sa aklat niyang A Question of Heroes nang mabasa ko ang isang anekdota hinggil kay Gregorio del Pilar, bago pa siya maging heneral. Nasa pahina 184 iyon ng nasabing aklat.

Estudyante pa lang noon si Gregorio Del Pilar sa Ateneo nang maging kasapi ng Katipunan. Naroon siya sa bahay ng Katipunerong si Deodato Arellano sa Tondo nang iatang sa kanya ang tungkuling pamamahagi ng polyeto ng Katipunan.

Noong minsang siya'y nasa Malolos na may dalang bulto ng polyeto ng paghihimagsik, ipinalit niya iyon sa kontra-rebolusyong polyeto ng Simbahan. Kaya noong sumapit ang araw ng Linggo, nakita ni Goyo na ipinamamahagi na ng kura ang kanyang ipinalit na polyeto.

Ganyan pala kahusay mag-isip at kumilos si Gregorio Del Pilar, ang batang heneral ng himagsikan na napatay sa murang edad na 24 sa Pasong Tirad.

Ibig sabihin, ang ganyang husay niya ang nagdala sa kanya upang maging heneral siya sa murang edad at pagkatiwalaan sa mga delikadong tungkulin.

Kumatha ako ng munting tula hinggil sa anekdotang ito:

ANG POLYETO NI GREGORIO DEL PILAR

isang anekdota ang nabasa ko
sa katukayong bayaning Gregorio
Del Pilar noong magsimula ito
bilang estudyanteng Katipunero

ang tinanganang tungkulin paglaon
mamahagi ng polyeto ang misyon
sa Malolos, polyetong hawak noon
sa simbahan ay sinalisi iyon

kaya imbes polyeto ng simbahan
ay naging polyeto ng himagsikan
habang kura'y pinamahagi naman
iyon sa nagsimba kinalingguhan

ganyan kahusay mag-isip ang pantas
na Goyo, may estratehiya't angas
taktika ng kaaway pinipilas
hanggang mapatay siya sa Tirad Pass

01.04.2026

Typo error sa talambuhay ng Katipunerong si Aurelio Tolentino

TYPO ERROR SA TALAMBUHAY NG KATIPUNERONG SI AURELIO TOLENTINO
Maikling sanaysay at saliksik ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nabili ko ang nobelang MARING ng mangangatha at Katipunerong si Aurelio Tolentino noong Disyembre 29, 2021 sa Popular Bookstore sa Lungsod Quezon. Nasa 72 pahina, may sukat na 5.5" x 7.75", nabili ko sa halagang P50.00.

Nakareserba lang iyon sa munti kong aklatan na nais kong basahin, lalo na't bihira nang makakita ng ganitong nobela ng isang Katipunero. Makalipas ang mahigit apat na taon ay ngayon ko lang ito napagtuunan ng pansin. Sa madaling salitâ, ngayon ko lang binasa.

Una kong binasa ang kanyang talambuhay na nasa likuran ng aklat. Subalit napansin kong may mali. Sa huling dalawang pangungusap ng ikaapat na talata ay nakasulat:

"Nangasawa ni Tolentino si Natividad Hilario noong 1918 at nagkaroon sila ng apat na anak. Namatay siya noong Hulyo 5, 1915."

Bukod sa salitang "Nangasawa" na dapat marahil ay "Napangasawa", ang mas matinding typo error ay ang petsang 1918. Kung namatay si Tolentino noong 1915, patay na siya noong nakapangasawa siya noong 1918.

Alin ang typo error? Ang 1915 ba o ang 1918?

Kayâ dapat pa nating saliksikin ang totoong petsa noong siya'y ikinasal at ang petsa ng kanyang kamatayan. Subalit dalawang ulit binanggit ang petsa ng pagkamatay niya sa likuran ng aklat: nasa unang talata kung saan nakapanaklong ang petsa ng kaarawan niya't kamatayan, kasunod ng kanyang pangalan; at sa huling talata.

Kaya marahil ang mali ay ang taon noong siya'y ikinasal. Saliksikin natin kung anong tama.

Nang sinaliksik ko sa https://philippineculturaleducation.com.ph/tolentino-aurelio-v/, gayon din ang typo error. Parang nag-copy-and-paste lang ang nagsulat o naglagay nito sa internet nang hindi napuna ang pagkakamali. 

Baka naman 1908 sila ikinasal at hindi 1918, (ang 0 ay naging 1) dahil patay na nga si Aurelio noong 1915, tatlong taon bago sila ikasal.

Sa Sunstar.com, sa kawing na https://www.sunstar.com.ph/more-articles/tantingco-guagua-and-aurelio-tolentino#google_vignette na nalathala noong Enero 15, 2010 ay wala namang nakasulat na petsa ng kasal. Ito ang nakasulat: "He married fellow Kapampangan Natividad Hilario and had four children (Cesar, Corazon, Raquel and Leonor).  Only Raquel, now 97, is still alive and residing in Australia with son Rene Vincent." Subalit wala ang petsa kung kailan sila ikinasal.

Gayunpaman, mabuti't natagpuan natin ang ating hinahanap. Iyon ay nasa isang 11-pahinang dokumentong may pamagat na "Survival and Sovereignty: Forces on the Rise of Aurelio Tolentino's Novels" na inakda ni Ms. Loida L. Garcia ng Bataan Peninsula State University, na nasa kawing o link na https://papers.iafor.org/wp-content/uploads/papers/accs2019/ACCS2019_45346.pdf. Isa iyong mahalagang dokumento ng The Asian Conference on Cultural Studies noong 2019. 

Ayon sa pahina 3, sa unang pangungusap sa ikatlong talata ng nasabing dokumento ay nakatala: "Along with the stated reasons and more, Tolentino, recorded as newly married in 1907, opted to leave his birthplace and reside in Manila together with his family and venture into a printing press business for economic security."

Dahil wala namang nabanggit na nakapangasawa siya ng ibang babae bukod kay Natividad Hilario, 1907 siya ikinasal kay Natividad Hilario kung saan nagkaroon siya ng apat na anak. Wala mang tiyak na petsa subalit ang taon na ang siyang kasagutan sa typo error sa aklat na dapat maitama.

Kaya hindi 1918, kundi 1907 ikinasal si Tolentino, walong taon bago siya mamatay.

Sabado, Enero 3, 2026

Ang panulat na Baybayin, ayon kina Bonifacio at Rizal

ANG PANULAT NA BAYBAYIN, AYON KINA BONIFACIO AT RIZAL
Maikling sanaysay at saliksik ni Gregorio V. Bituin Jr.

Hindi nila tinawag na baybayin ang lumang paraan ng pagsulat ng ating mga ninuno. Subalit mahihiwatigan agad na iyon ay Baybayin kung babasahin nating mabuti ang nilalaman ng mga sinulat ng ating mga bayaning sina Gat Andres Bonifacio at Gat Jose Rizal.

Inilahad mismo iyon ni Bonifacio sa unang talata pa lamang ng kanyang akdang "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog". "Itong Katagalugan, na pinamamahalaan noong unang panahon ng ating tunay na mga kababayan, noong hindi pa tumutuntong sa mga lupaing ito ang mga Kastila, ay nabubuhay sa lubos na kasaganaan, at kaginhawahan. Kasundo niya ang mga kapitbayan at lalong-lalo na ang mga taga-Hapon. Sila ay kabilihan at kapalitan ng mga kalakal, malabis ang pagyabong ng lahat ng pinagkakakitaan, kaya’t dahil dito’y mayaman ang kaasalan ng lahat. Bata’t matanda at sampu ng mga babae ay marunong bumasa at sumulat ng talagang pagsulat nating mga Tagalog."

Inilahad din ito ni Rizal sa ikadalawampu't limang kabanata ng Noli Me Tangere. Sa buod, nagsadya si Ibarra sa bahay ni Pilosopo Tasyo at nakita niyang ito'y nagsusulat. Itinanong ni Ibarra kung bakit siya nagsusulat sa paraang hieroglipiko na hindi naman naiintindihan ng iba. Sinagot siya ni Pilosopo Tasyo na ito'y isinulat sa Pilipino na para sa susunod na henerasyon.

"At bakit kayo sumusulat kung ayaw ninyong mabasa?"

"Sapagkat hindi ako sumusulat ukol sa salinlahing ito. Sumusulat ako sa ibang panahon. Kapag nabasa ako ng salinlahing ito, susunugin nila ang mga aklat ko, ang ginawa ko sa buong buhay ko. Sa kabilang dako, ang salinlahing babasa sa titik kong ito ay isang salinlahing marunong, mauunawaan ako, at sasabihing: 'Hindi lahat ay natulog sa gabi ng ating mga ninuno!"...

"At sa anong wika kayo sumusulat?" tanong ni Ibarra nang tumigil ang matanda.

"Sa ating wika, sa Tagalog."

Kung aaralin natin ang ating kasaysayan, malinaw na tinutukoy ni Bonifacio sa "talagang panulat nating mga Tagalog" ay Baybatin. Habang sa nobela ni Rizal, ang hieroglipikong isinulat ni Pilosopo Tasyo ay Baybayin din, dahil sumusulat siya "sa ating wika, sa Tagalog."

Sa nobelang Tasyo ni Ed Aurelio C. Reyes, historyador at siyang pasimuno ng Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan (Kamalaysayan) kung saan kasapi ang inyong lingkod, tinalakay niyang Baybayin ang tinutukoy rito ni Pilospong Tasyo. At kaya Tasyo, ibig sabihin ay Tayo.

01.03.2026

Mga sanggunian:
aklat na Noli Me Tangere, salin ni V. S. Almario; ang orihinal na Kabanata 25 ay ginawa niyang Kabanata 26 dahil ang ipinalit ni Almario sa Kabanata 25 ay ang nawawalang ika-10 Kabanata na may pamagat na Elias at Salome, o ang kabanatang tinanggal noon ni Rizal upang mapagkasya ang bayad sa imprentahan