Sabado, Hunyo 28, 2008

Ang Anino ni Macario Sakay

Maikling Kwento
ANG ANINO NI MACARIO SAKAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kumukutitap ang ilaw ng lampara ng gabing yaon habang nagmumuni-muni sa kanyang pag-iisa si Dr. Dominador Gomez. Naaalala niya ang kanyang malayong nakaraan.

Sa edad 20 ay nagtungo na siya sa Madrid upang mag-aral ng medisina. Noong 1895 ay nakomisyon siya sa ranggong kapitan sa pangkat medikal ng Hukbong Kastila at naglingkod sa Cuba bilang doktor. Nang bunalik siya sa Pilipinas, nakilala niya si Isabelo delos Reyes, ang tinaguriang ama ng unyonismo sa bansa. Isang magaling na orador, naging pangulo si Gomez ng Union Obrera Democratica de Filipinas (UODF) nang makulong si Isabelo delos Reyes dahil sa pag-uunyon at pag-aaklas ng manggagawa.

Si Gomez ay isa ring magaling na manunulat sa wikang Kastila. Katunayan, nanalo ang sulatin niyang “Cervantes de las Filipinas” bilang pinakamagandang sanaysay sa El Mercantil. Nagsulat din siya sa Los Obreros, ang itinuturing na kauna-unahang pahayagang pangmanggagawa sa Pilipinas. Siya ang lider na nakapagmobilisa ng umano’y may 100,000 manggagawa sa harap ng MalacaƱang noong Araw ng Paggawa ng 1903, at doo’y kanilang isinigaw: “Ibagsak ang imperyalismong Amerikano!”

Sumapit sa kanyang gunita na ilang taon na rin ang nakalilipas nang bitayin sina Macario Sakay at Lucio de Vega, mga rebolusyonaryo ng digmaang Pilipino-Amerikano.

Sa pamamagitan ng awtorisasyon ni Gobernador Heneral Henry C. Ide, nakipagnegosasyon si Gomez kay Sakay upang sumuko na ito sa mga Amerikano.

Sa pakikipag-usap niya kay Sakay sa kampo nito sa bundok, sinabi ni Gomez na tanging ang pagmamatigas ni Sakay ang nakakabalam sa pagkakamit ng kasarinlan ng bayan. Na kung susuko sina Sakay at ititigil ang pakikidigma laban sa mga Amerikano ay maitatatag ang isang pambansang asamblea na magsisilbing unang hakbang para sa pagtatayo ng sariling pamahalaang Pilipino.

Maya-maya’y nagulat si Gomez sa paglapit ng isang anino sa kanyang harapan ngunit hindi niya ito gaanong maaninaw.

“Ikaw ay isang taksil sa adhikain ng rebolusyon! Ikaw ang dahilan kung bakit kami binitay!” ang sabi ng anino.

“Macario, ginawa ko iyon dahil sa paniniwalang kayo ang dahilan kung bakit nababalam ang independensyang hinahangad natin para sa ating bayan.”

“Hindi nahihingi ang kalayaan ng bayan, ito’y ipinaglalaban. Bakit mas pinaniwalaan mo ang kagustuhan ng mga dayuhan kaysa aming iyong kababayan? Ang aming tanging hangad ay kalayaan ng ating Inang Bayan. Nang malaman nating pinasimulan ni Gat Andres Bonifacio ang pakikibaka para sa kalayaan ng bayan, kami’y agad sumapi sa Katipunan at nakipaglaban hanggang sa malaman naming siya’y pataksil na pinatay ng mismong mga kababayan at kapanalig sa himagsikan. Lumaya tayo sa mga Espanyol upang magpasakop naman sa mga Amerikano. Ipinagpatuloy namin ang laban. Itinuring kaming mga bandido ng mga mananakop na Amerikano, gayong kami’y mga rebolusyonaryong kumikilos upang mapalaya ang bayan. Ngunit dahil sa iyong matatamis na salita at pangako ay napahinuhod mo kami. Pumayag kaming wakasan ang aming paglaban sa bagong mananakop sa kondisyong ipagkakaloob sa aking mga tauhan ang pangkalahatang amnestiya, payagan kaming makapagdala ng baril at pahintulutan kami at ang aking mga tauhan na makalabas ng bansa ng tiyak ang personal na kaligtasan. Iniwan namin ang aming kuta sa Tanay, ngunit…”

“Hintay ka, Macario, ako’y tumutupad lamang sa aking tungkulin, ngunit ang mga Amerikano ang hindi tumupad sa usapan. Hindi ko akalaing nang imbitahan kayo ni Kor. Bandholtz sa isang handaan sa Cavite sa tirahan ni gobernador Van Schaik, ay isang kapitang Amerikano ang sumunggab sa iyo at dinisarmahan ka, pati na rin ang iyong mga tauhan. Wala na rin kayong laban doon dahil napapaligiran na ng mga sundalo ang bahay.”

“Sino ka ba talaga, Dominador Gomez? Magiting na lider-manggagawa o taksil na Pilipino?” ang panunumbat ng anino. “Ang paanyaya’y naging isang bitag, hanggang sa kami’y mahatulan ng kamatayan. Binitay kami ngunit lumaya ba ang bayan?”

Hindi makapagsalita si Gomez, habang patuloy niyang pinagninilayan ang kanyang nakaraan.

Halos mamatay ang apoy sa lampara dahil sa mahinang hampas ng malamig na hangin. Siya na isang batikang organisador at lider-manggagawa ang siyang dahilan ng pagkabitay ng isang rebolusyonaryo? Isa itong batik sa kanyang katauhan.

May sinabi nga noon ang bayani, manggagawa, at Supremong si Gat Andres Bonifacio, “Matakot tayo sa kasaysayan.” At ngayon, si Dr. Dominador Gomez ay nanghihilakbot. Dahil sa kanyang kagagawan ay nabitay ang isang kababayang tulad niya’y naghahangad din ng paglaya.

“Ah, sadyang malupit ang kasaysayan. Maaari pa ba itong mabago?” Nasa gayong paglilimi si Gomez nang unti-unting naglaho ang anino sa kanyang harapan, habang ang tinig nito ay umaalingawngaw sa buong kapaligiran, na kasabay ng hampas ng hangin ay tila paulit-ulit na sinasabi, “Hindi kami mga bandido. Binitay kami ngunit lumaya ba ang bayan?”

(Nalathala sa pahayagang Obrero, Blg. 31, Marso 2007, p.7)