Ang Simbolikong Paglilibing kay Gat Andres Bonifacio
sa Kweba ng Pamitinan sa Wawa, Montalban, Rizal, Mayo 10, 1997
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Saksi
ako sa simbolikong paglilibing kay Gat Andres Bonifacio sa kweba ng
Pamitinan sa Wawa, Montalban, Rizal, noong Mayo 10, 1997, isandaang
taong anibersaryo ng kanyang pagkapaslang sa kamay ng kapwa kababayan.
Staff pa ako ng Sanlakas noon nang mapasama ako rito't naging kasapi ng
history group na Kamalaysayan (Kampanya para sa Kamalayan sa
Kasaysayan). Ang simbolikong paglilibing ay pinangunahan ng grupong
Kamalaysayan, na pinamagatan nilang Sentenaryo Bonifacio '97: The
People's Symbolic Funeral of Andres Bonifacio.
Dumalo
dito ang mga apo ni Bonifacio, kabilang si Gary Bonifacio (na hindi pa
abogado noon), mga taga-akademya, kabataan, environmentalist, mga kasapi
ng grupong Sanlakas, at marami pang iba. Ipinasok sa loob ng kweba ang
isang urna bilang simbolo ng paglilibing kay Bonifacio, at nagkaroon ng
maikling programa, kung saan binigkas namin ang Kartilya ng Katipunan.
Ayon sa alamat, dito sa Kweba ng Pamitinan ikinulong ng nag-uumpugang
bato si Bernardo Carpio, isang bayani ng bayan na ang lakas ay tulad ng
kay Samson ni Delilah. Ang kweba ng Pamitinan ang tinuturing na "Temple
of Katipunan Spirit".
Noong
1895, dito sa kweba ng Pamitinan ang lihim na pulungan nina Bonifacio
at iba pang Katipunero upang magplano ng mga istratehiya't taktika laban
sa Kastila. Pinaniniwalaang dito isinagawa ang Unang Sigaw para sa
Kalayaan ng Bayan laban sa Espanya noong Biyernes Santo ng Abril 1895.
Isinulat pa nila sa dingding ng kweba ang panawagang “Viva
Independencia" na mababakas pa rin hanggang ngayon. Dito rin nila
isinagawa ang paglilinis ng kalooban na nakatitik sa Kartilya ng
Katipunan.
Noong
Hulyo 7, 1996 ang kweba ng Pamitinan ay idineklarang National
Historical Site at noong Oktubre 10, 1996, ito’y idineklarang Protected
Area Landscape.
Makasaysayan
ang aktibidad na ito na nagdulot sa akin ng kakaibang pakiramdam at
pagiging committed sa gawaing history hanggang ngayon.