Huwebes, Setyembre 6, 2012

Emilio Jacinto - tula ni Julian Cruz Balmaceda

EMILIO JACINTO

Sagisag: - "Noli Me Tangere"

Dakilang Bayani:
Ipaumanhin mo kung ako'y humanga't
pakapurihin ko
ang mga gawa mong kadakidakila,
pagkat kung tunay mang ang balat ng lupa
ay tirahan lamang ng mga hiwaga;
nguni't ang diwa mo
nang ikaw'y buhay pa'y nagpapaniwala
na ikaw ay sadyang
sugong itinangi yata ni Bathala,
kung may Bathala ngang Diyos ng Tadhana,
upang tubusin mo ang bayang kawawa.

At marahil ako'y
kasingpanalig din ng kahima't sino
na sa biglang tingi'y
hindi mapag-asa sa gawa ng Tao;
aking tinawanan sina Bonifacio't
inumisan ko rin sina Agunaldo,
datapwa't nang ikaw
ay aking makita na kahalobilo
sa "Anak ng Bayang"
nagbangon sa gitna upang managano
ng Lakas sa Lakas... ay nagunita kong
dapat ngang humanga ako sa gawa mo.

Na kung ikaw't sino?
Ako sa sarili'y parang alinlangang
wari'y nagtatanong,
wari'y nagbubuklat ng aklat ng buhay
wari'y binabakas ang pinagdaanan
ng kabuhayan mo ng hinggil sa bayan,
datapwa't nang aking
mapag-aralan na ang hulo't luwasan
ng mga gawa mo'y
naniwala ako't aking naalaman,
na ako man pala'y may malaking utang
sa mga gawa mong katangitangian.

Bihibihira nga
at iilan lamang sa silong ng Langit
ang makababalak
ng gaya ng iyong mga nangaisip;
isang bayang tiklop ang tuhod at bisig
sa harap ng isang Haring Mapanglupig
ay napamulat mo
at sila'y naakay upang maitirik
ang bagong watawat
na ang nilalama'y bagong panaginip,
bagong munakalang panglunas sa sakit,
bagong pagkukurong panglimas sa ganid.

Gaya ng marami
ikaw ay namulat sa dampang tahanan,
at kung ang isip mo'y
hasa man sa aklat ng katalinuhan,
hindi mo kilala ang kislap ng yaman,
at di ka palagi sa pasasang dulang,
gahol ka sa lahat
sa aliw ng puso't ligaya ng buhay,
taguri ng diwa'y
bulong ng pangarap sa batang isipan;
ngunit nang dinggin mo ang tawag ng baya'y
niwalang saysay mo ang lahat ng bagay.

At nang makita mong 
ang sikat ng araw sa irog mong lupa'y
malamlam na waring 
hingalo ng tinghoy sa bahay-timawa,
ay di mo natiis at iyong nawikang
- Kung tunay na tayo'y likha ni Bathala
kailangang tayo'y
kanyang bahaginan ng patak ng awa
tayo ay tao rin,
at sapagka't tao'y dapat maunawang
may karapatan ding tayo ay lumaya
at makapagtirik ng ating bandila.

Angat ang noo mong
lumuwal sa parang ng pakikihamok
pinag-aralan mong
pumatay ng kapwa nang laban sa loob,
sapagka't tanto mong ang bayang Tagalog
ay lubhang dagi na sa buhay-busabos.
Ang napakahabang
pagpapakahirap ay di na pagsubok,
kundi talaga nang
pagpapakaimbi't pag-aasal-hayop,
kaya makakalag ang higpit ng gapos,
kung Lakas sa Lakas ang nagpapasabog.

Nagdamit-intsik kang
pagkahiraphirap upang ibalita
kay Gat Jose Rizal
ang dakilang mithi nitong iyong Lupa,
na kung mangyayari'y minsanang lumaya
sa kamay ng Haring nagpapakasiba.
Dakilang Bayani
ng katutuhanan, ako'y naniwala
na napakatangi
ang pag-iisip mo, diwa't munakala,
sa kapwa ko tao'y talagang bihira
ang sa ginawa mo'y hindi pa hahanga.

Mulang Balintawak
hanggang Pasong Tamo'y ang ngalan mo lamang
ang mistulang naging
parang pulot-gata sa bibig ng bayan,
paano'y sadya kang diwang tagaakay,
ulong tagaisip, tukod na pangsuhay.
Lahat ng gawain
kung ikatatamo ng kaligayaha'y
nasasaklawan mo
at may panahon kang sa madla'y panglaan.
Talagang ang bawa't pagbabagong buhay
ay mga gawa mo yaong kailangan.

- Kung si Bonifacio
ang diwang nagbunsod sa dakilang nais
ngunit ikaw naman
ang talino't siglang nag-akay sa bisig
ng bayang busabos ng mga limatik...
Sulo kang tumanglaw sa malabong isip,
araw kong sumikat
sa wastong panahon sa bayang may sakit.
Pagkat ang utak mo'y
parang isang aklat na mapanaginip
tambuling ang sigaw'y abot hanggang langit,
banganan ng lunas, kaban ng pagibig.

At ikaw'y di lamang
bayani ng bisig at ng katapangan
hindi lamang gulok
ang iyong napitang gawing kasangkapan
upang makayari ng Malayang Bayan
at makapagtayo ng Sariling Bahay;
ikaw'y bayani ring
higit sa marami't hirang sa hinirang,
Guro sa kudyapi,
Nuno sa panulat, Apo sa isipan,
sapagka't sa iyong mga tula't aral
ay lalo kang naging katangitangian.

Ang - A LA PATRIA - mo
matapos na aking mapagkurukuro'y
kinilala kitang
sa ngalang tulaa'y dapat maging Guro
pagkat tutuhanang ang luwasa't hulo
ng tula mong yaon ay tibok ng puso't
pitlag ng damdamin
ng bayang aliping laon nang siphayo
at ayaw tulutang
sa pagkaalipi'y sandaling mahango,
tulang kinalamnan ng iyong pangakong:
"patay ka na muna bago ka sumuko".

Sa wikang sarili
na iyong minana sa Inang naghirap
ay doon lalo kong
tinakhan ang iyong Dakilang Panulat,
sapagka't kung ikaw'y hindi ko namalas
na kagaya ko ring taong sawing palad,
ipalalagay kong
malikmata lamang ang iyong pagsikat
at ang mga aral
na tanging ikaw lang ang nakasusulat.
ay sasabihin kong di sibol sa utak
ng sino mang tao sa Sangmaliwanag.

Kung tunay ang sabi
na may isang Diyos na lubhang dakila,
ay sasabihin kong
ang mga aral mo ay aral-Bathala,
sapagka't ang lahat at bawat talata'y
isang mundong batbat ng banal na nasa,
isang daigdigang
ang pinakalangit ay aral na pawa,
isang halamanang
ang lahat ng bunga, hinog man o mura,
ay kanin mo'y parang sinukat ng dila
at balat ma'y di mo iiwan sa lupa.

Walang kabanatang
di ang bawat bigkas ay may kanyang aral,
kung baga sa kanin:
walang isang mumong sukat na masayang,
hamog ng Disyembreng sa lantang halama'y
nagpapasariwa't nagbibigay-buhay,
bulong ng hiwagang
ang ibig sabihin - Dapat mong malamang
kung ikaw ay tao'y
narito ang iyong mga katungkulan,
sapagka't tao ka'y mayroon kang bayang
dapat mong tubusin sa kabusabusan...

"Ningning at Liwanag"
isang kasulatang ang ibig sabihi'y
- Di dapat masilaw
ang tao sa dikit ng makita natin,
sapagkat mayroong kung tingna'y butihin
ngunit ninanakaw lamang ang kakanin;
at may abang-abang
kung ating pagmasda'y mistulang alipin,
nguni't nabubuhay
na... sa kanyang pawis galing ang pagkain,
may magandang-pangit na dapat laiitin,
may pangit na gandang dapat dakilain.

At "Ang Kalayaan"
Sa bayang alipi'y aral na dakila
isang pagtuturong
ngayo'y naguugat sa lahat ng Diwa,
Hampas na mariin sa mga pasasa
na umaaliping lagi kay Mahina.
Ikaw ang may sabi
- Kung walang katwiran ay walang paglaya
at ang kalayaa'y
haliging matibay ng isang Dambana,
na sino man siyang ibig na sumira'y
kinakailangang ilagpak sa lupa - .

"Tao'y pantaypantay"
Isang pagkukurong ang ibig isaad,
ay: - Galing ang tao
sa iisa lamang, kaya't pataspatas
at magkakapatid ang dapat itawag.
Ang lahat ng tao, mayama't mahirap,
puti man at itim
matalino't mangmang, dakila at hamak,
ay dapat kilanling
iisa ang uri't sa isa nagbuhat...
Ngunit tayo'y sadyang sawi yatang palad
na wala nang laya't wala pang watawat,

At "Ang Pag-ibig" mo
Kay tamis na wikang singlambot ng tubig
Singlamig ng buwan,
singganda ng tala, sing-inam ng langit,
wikang nag-uutos sa lahat ng isip,
wika ring nagsakay sa lahat ng bisig,
datapwa at dahil
sa salitang iya'y ibig mong isulit
na... - tayo kung kaya
inalialipi'y dahil sa pagibig
at kapapasuno sa bawa't may nais,
at kapapatuloy sa bawa't lumapit...

"Bayan at Gobyerno"
Dalawang salitang iisa ang uri.
singtimbang ng lakas
at kapangyarihan sa alinmang lahi,
ang huli ay Puno't ang una ay Hari,
datapwa't ang una'y dustaing palagi.
Gaya ng sabi mo:
- Ang una ay buhay, dugo, lakas, ari...
ang huli ay siyang
utak na pangkuro't bisig na pangyari.
Maging yao't ito'y dapat magugaling
tulong na parati't sukob sa gusali.

"Maling Paniwala"
Isang aral mo ring ang ibig ituro'y
- Iwan mo ang maling
pag-asa sa Diyos na tunay ma't biro;
tayo ay binigyan ng malayang kuro,
malayang isipa't layang paghuhulo.
Ang hirap sa lupa
ay likha ng Tao at hindi ng Gurong
Lumikha sa Tao.
Siya'y di gumawa ng Daya at Hibo,
Bagkus pawang galing pagkat Siya'y puno
ng lahat ng gawang kapintupintuho.

"Gumawa": - Salitang
nasnaw sa bibig mo, Bayaning Dakila
upang gawing batas
nitong iyong bayang sabik sa paglaya.
- Ang paggawa'y hindi parusa sa lupa
manapa'y ginhawang hulog ni Bathala.-
Iyan ang sabi mo
sa paggawa lamang napapanariwa
ang lantang bulaklak
ng halaman nating mga mahihina.
Ang paggawa'y ugat ng pananagana't
ang paggawa'y birang sa daloy ng luha.

Ang damong masama'y
kung lumalago man kahi't ginugusad,
ang damong mabuti'y
sadyang matampuhin sa guhit ng palad.
Ito ang nangyari: sa maagang bulas
ng kagitingan mo'y pinuti ka't sukat...
parang hangga ngayo'y
natatanaw ko pa ang dugong nagdanak
nang ikaw'y tamaan
ng taksil na punglong sa kalaban buhat,
nguni't ang dugo mong yaon ay nasulat
ng titik na ginto sa ating Watawat.

Naryang boongboo
ang lahat ng bagay na dapat masabi,
ang - alpha't omega -
ng kabuhayan mo, Dakilang Bayani,
anopa't ang iyong buhay na iniwi;
kung isasalibro'y libro nang marami,
paano'y sa bawa't
pinagdaanan mo'y may binhi ng buting
tumubo, nagdahon,
nagbunga at ngayo'y aming inaani
upang maipunla kung ga't mangyayari
dito rin sa lupang sabik-manarili.

Iyan ang diwa mo:
kislap na mistula ng batong "Pingkian",
tinig ng kudyapi
ng isang Makatang "hindi masisilaw"
sa kinang ng ginto at bisa ng yaman;
Biblia't Ebanghelyong kinasusulatan
ng mga tuntuning
dapat panuntunan ng alin mang bayan.
At ngayon, sa harap
ng tirik na kurus sa iyong libinga'y
walong angaw kaming ngayo'y nagninilay
upang ang aral mo'y amin ding iaral.

JULIAN CRUZ BALMACEDA