Martes, Oktubre 2, 2012

Emilio Jacinto - tula ni Pascual De Leon

EMILIO JACINTO

"Emilio Jacinto o Dizon (a) Pingkian, secretario del Katipunan, fue, segun dicen los Katipuneros, el ojo de la Sociedad."
"Si Andres Bonifacio fue el Alma del Katipunan, Emilio Jacinto la intelligensia, y el entusiasmo que lo dirigio." - (Isabelo de los Reyes.)

I

Ang mga bayani ng irog kong bayan
Ay di lamang tanyag sa mga digmaan,
Sa mga nagpuyat sa ilog at parang,
Sa mga nagsubo ng buhay sa hukay,
Sa mga kumilos ng lubus-lubusan,
Sa mga gumamit ng lakas at tapang
Ay may mahahalong di malilimutan
Na isang Makata pagsakapuluan.

II

Gaya ni Mabini kung magmalasakit,
Gaya rin ni Luna sa pamimiyapis,
Gaya rin ni Rizal sa mga pag-awit
At kung sinasabing "kaluluwa't bisig
Yaong Bonifaciong di naliligalig"
Masasabi namang mata, dunong, isip
Noong himagsikang ang hindi nanganib
Na ating Pingkiang may gintong panitik.

III

Singbata ng mga balitang Patricio,
Subalit singdiwa nina Zola't Jugo;
Singtapang ng ating mga Bonifacio,
Plaridel, Zamora, Burgos, Lapidario;
Bayaning kapilas ng palad ni Kristo
Na nagpakahirap nang matubos tayo;
Iyan ang makatang Emilio Jacinto
Na anak at dangal ng purok ng Troso.

IV

Kabilang sa isang marangal na lipi,
Matalinong walang kapangipangimi
Mapalad na anak na nakapag-ari
Ng isang panulat na di nababali;
Batang mandirigmang dangal nitong Lahi;
Batang manunulat na kahilihili
At isang makatang kung magdalamhati
Ay nailalagay sa tulang mayumi.

V

Murang-murang bunga ang kanyang katulad
Nguni't pusong Nestor na di nagugulat,
Nang mga panahong nagbabangung-palad
Itong ating Bayang busog sa pahirap,
Ay nagsuot-intsik na di nabagabag
Upang makalapit at makipag-usap
Noong si Rizal pa ay nasa sa dagat,
Tungkol sa pag-agaw dito at pagtakas.

VI

Ang tapang ng tao, ang pagkamagiting
Sa buhay na ito'y hindi malilihim,
Pagka't parang tulang hagkan man ng hangin
Ay taglay ang kislap at di magmamaliw;
Ang batang Pingkian, nang siya'y pukawin
Upang makilaban, ay di nahilahil;
Kanyang idinulot ang buong paggiliw
Sa ikatutubos ng Bayang alipin.

VII

Kanyang isinubo sa mga kaaway
Ang hindi nangiming hiniram na buhay:
Paano, sa mundo'y walang kamatayan
Ang taong masawi nang dahil sa Bayan,
At ang kanya pa ring pinagbabataya'y
Ang buhay ng tao'y parang isang araw
Na kahi't magkanlong sa kanyang kanlungan
Ay sumisikat din sa kinabukasan.

VIII

Yaong Pasong Tamo ang siyang magsabi
Sa tapang na kimkim ng ating Bayani;
Ang bayang Mahayhay na nananatili
Ang siyang sumagot sa mga nangyari't
Diyan napatangi ang dahas na iwi
Ng ating Jacintong hindi masisisi:
Diyan nakilalang siya'y Garibalding
Sa mga digmaa'y unos at buhawi.

IX

Talagang ang sibol sa lupang Tagalog
Ay napapatangi sa pakikihamok,
Na kung sakali mang hindi kumikilos
Ay nagpapalipas pa lamang ng pagod,
O kaya'y katapat ang nangaguutos:
Kung hindi ganito'y laging masusubok
Ang kapangyarihan kung nagsasaagos
Na bawat daana'y pawang matatapos.

X

Matamis sa puso kahit Bagumbayan,
Huwag lang malagak sa kapighatian;
Mga Balintawak ang hinahanapan
Ang ipaglalagot sa kabusabusan
Labingtatlong palad sa Kabiteng bayan
Ang kailangan pa sa ati'y dumamay.
Ang lahat ng ito, kung nangabubuhay
Ay bagong Malulos ang maaasahan.

XI

At bakit binitay yaong tatlong Pari?
Si Rizal ay bakit kaya naaglahi?
Bakit nangagsikap sa anyo't ugali
Ang mga Jacinto at ibang kalahi?
Bakit pinaluha ng walang pangimi
Ang mga panulat na kahilihili?
Pagka't nangagnasang sa mga gusali
Ng lupit ay kumi't iguho ang hari.

XII

Sa dahon ng ating panahong lumipas
Ang ngalang Pingkia'y di na matitinag,
Paano'y pangalang ang nakakatulad
Ay malaking bundok na di mapapatag
Ng mga dumaang digmaa't bagabag;
Na sa sinalungang sigwa'y di matinag;
Paano'y pangalang yumari't sumulat
Ng dakilang aral ng ilaw ng palad.

XIII

Ang kanyang sinulat na palatuntunan
Na ubod at diwa noong Himagsikan,
Ang kanyang niyaring mga gintong aral
Na yaman ng palad at gabay sa buhay,
Ang di malilimot na kanyang kundiman
Na handog sa ating nagdurusang Bayan...
Ang lahat ng ito'y mga katunayang
Ang kanyang panulat ay dapat hangaan.

XIV

Ang kanyang panulat na busog sa diwa
Haligi ng palad na kahangahanga,
Ang kanyang panulat ang siyang nagwikang
Tayo'y pantaypantay sa balat ng lupa;
Panulat ding iyan ang hindi naawang
Tumapos sa mga ganid at masiba;
Subali't sa mga may pusong dakila
Ay batis at batis ng mga biyaya.

XV

Kung minsa'y hinampo ng puso sa kasi,
Kung minsa'y tumaghoy na parang pulubi,
Kung minsa'y paawang parang si Florante,
Kung minsa'y kilatis ni Elias sa Noli,
Kung minsa'y dagundong ng mga buhawi,
Kung minsa'y maglambing na parang babae...
Iyan ang panitik ng ating Bayaning
Sa pagkamakata'y walang masasabi.

XVI

Basahin ang kanyang kundimang sinulat
Kungdi ka mapukaw sa pagkapanatag,
Kuruin ang kanyang hinagpis ng palad
Sa bawat talatang mainit, maalab;
Pakinggan ang kanyang paghanga't pagtawag
Sa kaawaawang Inang naghihirap;
Tingnan mo kungdi ka sagian sa hagap
Ng mga yumaong saglit ng bagabag.

XVII

Kung buhay si Aldeng humanga kay Cesar
Ay hindi sasalang hahanga ring tunay
Sa pagkamakata't sa kabayanihan
Ng ating Jacintong walang kamatayan,
Ang ganitong anak na may katangian
Ay dapat matanyag sa Sangkatauhan,
Sapagka't sa tao'y bihirang mapisan.
Ang pagkamakata't kawal sa digmaan.

XVIII

Malinis na asal, tapat na pagsuyo,
Pag-ibig sa bayang kapintupintuho,
Damdaming matayog na hindi susuko,
Loob na maalab na di maglalaho
Isipang mayaman na makagigipo
Sa kapangyarihan ng mga palalo...
Ang lahat ng iyan ang itinuturo
Ng kanyang panitik na hindi mahapo.

XIX

Hanggang may panitik ang mga makata't
Mga manunulat sa iniwang lupa
Hanggang nadadama ng aming akala
Ang bundok, ang yungib at damong mahaba,
Hanggang nadadama ng aming akala
Ang bayang Mahayhay na kahangahanga,
Ay pakaasahan na laging sariwa
Ang ngalang Pingkian sa puso at diwa.

XX

PARANGAL:

Dakilang Kalihim niyong KATIPUNAN:
Batang namayani sa unang digmaan,
Bolivar ng aming sinisintang Bayan,
Aquiles na tanyag sa pakikilaban;
Ang halimbawa mong sa ami'y iniwan
Ay magiging sulo sa kinabukasa't
Siyang magtatanyag sa iyong pangalang
Katumbas ng Dunong, Lakas, Kalayaan

PASCUAL DE LEON.
Tondo, Maynila.