Huwebes, Marso 19, 2020

Ang Hasik ng Katipunan, ang Buklod ng BMP, at ang KASAMA ng KPML

ANG HASIK NG KATIPUNAN, ANG BUKLOD NG BMP, AT ANG KASAMA NG KPML
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

May ninuno pala ang BUKLOD ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) at ang dating KASAMA ng grupong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). Ito ang HASIK ng KKK o Katipunan nina Gat Andres Bonifacio.

Sa aklat na "Kartilyang Makabayan: Mga Tanong at Sagot Ukol Kay Andres Bonifacio at sa KKK" na sinulat ni Hermenegildo Cruz, ay nabanggit ang pagbubuo ng Hasik na maihahalintulad sa pagbubuo ng Buklod ng BMP, at dating KASAMA (Kapatiran ng mga Sosyalistang Aktibistang Maralita), ng KPML na binago na't ginawa na ring Buklod na ibinatay sa BMP. Sa pahina 21 ng nasabing aklat ay nasusulat: 

25. - Sa papaanong paraan ginagawa ang pagkuha ng kasapi? - Sa bawa't pook ay nagtatayo ng isang wari'y lupon na kung tawagin ay "Hasik" na binubuo ng tatlo katao na parang tatlong tungko. Ang "Hasik" na ito ang siyang sa inot-inot ay nanghihikayat upang may sumapi sa "Katipunan". Pagdamidami na ng mga kasangayon ay saka pa lamang itinatayo ang "Balangay" na pinamumunuan ng isang lupon na ang mga tungkulin ay tulad din ng sa Kataastaasang Lupon. Ang mga "Hasik" na yaon ay di na ipinagpatuloy ng malapit na ang tangkang panahon sa paghihimagsik, pagka't ang mga taong baya'y halos naguunahan nang sila'y mapabilang sa "Katipunan".

Sa aklat na “Andres Bonifacio: Buhay at Pakikibaka” na nalathala noong ika-150 kaarawan ni Gat Andres Bonifacio noong Nobyembre 30, 2013, pahina 21, ay nakasulat naman:

“Sa larangang pang-organisasyon, isinaayos ang balangkas ng kilusang lihim sa pamamagitan ng sistemang hasik o tatsulok. Ang “Hasik” na ito ang matiyagang nanghihikayat ng bagong miyembro ng Katipunan. Kapag marami-rami na ang kasang-ayon ay saka itinatayo ang “Balangay” na pinamumunuan ng isang lupon na ang mga tungkulin ay tulad din ng sa Kataastaasang Lupon.”

Ang pagbubuo ng Buklod ng BMP ay naisulat ng namayapang Ka Popoy Lagman sa akda niyang PAGKAKAISA na nalathala sa magasing Tambuli ng BMP noong Disyembre 1998. Halina't sipiin natin ang ilang bahagi nito:

"Dapat ay mas madali ang magbuo ng grupo o sirkulong pampulitika ng lima hanggang sampu katao sa bawat kompanya (tawagin natin na mga buklod) kaysa magbuo ng unyon na kinakailangang dumaan sa mga ligal at teknikal na proseso. Upang mapatampok ang pampulitikang tungkulin at katangian ng BMP, mas wasto at mas mahusay na ang magiging ispesyalisasyon nito ay ang pagbubuo ng network ng mga grupo o sirkulong pampulitika sa pinakamaraming kompanyang maaabot nito na mas nakatuon sa pampulitikang pagkamulat, pagkakaisa, pagkakaorganisa at pakikibaka ng masang manggagawa bilang uri."

"Oryentasyon ng mga buklod na ito ang aktibong paglahok sa pang-unyong pakikibaka nang hindi binabago ang prinsipal na diin sa pampulitikang pag-oorganisa. Bawat lider, organisador at aktibista ng BMP ay dapat magkaroon ng mga target na kompanyang tatayuan nila ng mga buklod. Dapat ay walang tigil ang araw-araw na pagbubuo ng mga buklod na ito hanggang sa malatagan natin ang mayorya ng mga kompanya sa buong bansa ng ganitong network ng sosyalistang pagkakaisang makauri bilang preparasyon sa paglubha ng krisis ng globalisasyon at pag-igpaw ng kilusan ng uring manggagawa sa antas ng pampulitikang pakikibaka."

Sa bahagi naman ng KPML, binuo noon ang KASAMA upang maipalaganap ang makauring pagkakaisa ng mga maralita bilang proletaryado at ng uring manggagawa sa kabuuan. Katatampukan ang KASAMA ng pag-oorganisa at pampulitikang pagmumulat. Ayon sa dokumentong Oryentasyon ng KASAMA: "Ang KASAMA ay isang pampulitikang grupo o sirkulo (mga 5-10 katao) ng mga mulat na maralita sa loob ng isang lokal na organisasyon at komunidad na kinikilusan ng KPML, o kaya'y mga indibidwal na maralitang wala pang organisasyon sa isang komunidad."

"Binuo ang KASAMA bilang katuwang ng KPML sa pagkokonsolida sa ating mga kinikilusang komunidad. Pagkat sila ang mga mulat (may mataas na pampulitikang kamalayan) na maralita sa loob ng kanilang mga lokal na organisasyon, pangungunahan nila ang kanilang samahan sa mga pagkilos sa loob at labas ng kanilang mga komunidad, at magsasagawa ng pagmumulat sa hanay ng kasapian at maging sa iba pang organisasyon at mga kalapit pang komunidad. Ang mga KASAMA ang siyang magiging gulugod sa pag-oorganisa at pagkokonsolida ng ating organisasyon at mga komunidad na kinikilusan."

Sa ngayon, napagpasyahan na ng KPML na mas mainam na gamitin ang Buklod, at pinalitan na ang katawagang Kasama bilang pagtalima sa atas ng BMP, kung saan kasaping organisasyon ang KPML, na magtayo ng Buklod sa mga komunidad ng maralita upang palakasin ang sosyalistang kilusan.

Maraming salamat sa Katipunan, at may pinagmanahan pala ang BMP at KPML bilang mga mapagpalayang organisasyon tungo sa pagtatayo ng lipunang walang pang-aapi at walang pagsasamantala ng tao sa tao.

Mga pinaghalawan:
aklat na "Kartilyang Makabayan: Mga Tanong at Sagot Ukol Kay Andres Bonifacio at sa KKK" na sinulat ni Hermenegildo Cruz, (inilimbag, 1922), pahina 22
aklat na “Andres Bonifacio: Buhay at Pakikibaka” na nilathala ng Bonifacio 150 Committee (B150C)
http://popoylagman.blogspot.com/2009/07/pagkakaisa-akda-ni-ka-popoy-lagman.html
http://kpml-org.blogspot.com/2010/10/ang-pagbubuo-ng-kasama.html

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Marso 16-31, 2020, pahina 18-19.

Lunes, Marso 16, 2020

Si Espiridiona Bonifacio



SI ESPIRIDIONA BONIFACIO
Maikling sanaysay at saliksik ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sino nga ba si Espiridiona Bonifacio, o Nonay? At ano nga ba ang ambag niya sa Katipunan?

Nakabili ako ng dalawang aklat na tiglilimampung piso lang ang isa noong Disyembre 9, 2019 na pumapatungkol kay Gat Andres Bonifacio at sa Katipunan. Ito'y ang "Kartilyang Makabayan", na sinulat ni Hermenegildo Cruz (Inilimbag sa Maynila noong 1922), umaabot ng 70 pahina, at ang "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan" na sinulat ni Jose P. Santos (Ikalawang Pagkalimbag, 1935), umaabot naman ng 43 pahina.

Dito'y nabasa ko ang ilang tala sa buhay ni Ginang Espiridiona Bonifacio. Bagamat sa isang aklat ay mali ang tala, na iwinasto naman sa isa pang aklat.

Sa pahina 6 ng "Kartilyang Makabayan" ay ganito ang nakasulat:

"2. - Nagkaroon ba siya ng mga kapatid? (na tumutukoy kay Gat Andres Bonifacio) - Apat: sina Ciriaco, Procopio, Petrona, at Troadio. Ang dalawang una at itong huli'y patay na at ang babai'y buhay pa. Ang babaeng ito ay siyang naging asawa ng nasirang bayaning Teodoro Plata, isa sa mga masikhay na kasama ni Andres Bonifacio."

Sa pahina 1 ng "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan" ay ganito naman ang nakasulat:

"Sa mga nagsilabas at napalathalang biograpiya ni Andres Bonifacio ay sinasabing lima lamang silang magkakapatid, at sa limang iyan ay iisa raw ang babae na hindi pa tumpak ang pagkakasulat ng pangalan. Nguni't sa pagsusuring ginawa namin ay aming nabatid na sila'y anim na magkakapatid at hindi lima. Sa anim na iyan ay dalawa ang babae, si Espiridiona, hindi Petrona na gaya ng sinasabi ng maraming kasaysayan, at Maxima. Ang matanda sa lahat ay ang Andres, sumusunod ang Ciriaco, pangatlo ang Procopio, pang-apat ang Espiridiona, ikalima ang Troadio at bunso ang Maxima."

Idinagdag pa sa sumusunod na talata hinggil kay Espiridiona: "Ang Espiridiona na naging maybahay ng bayaning Teodoro Plata, isa sa bumubuo ng unang triangulo ng Katipunan at naging Ministro de Guerra ng pamahalaan ni Andres Binifacio, ay buhay pa."

Nakalathala naman sa pahina 4 ng "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan" ang larawan ni Ginang Espiridiona.

Nabanggit muli si Espiridiona sa pahina 18 ng nasabing aklat, hinggil sa nag-iisang tula naman ni Procopio:

"Isang tula naman ni Procopio, kapatid ng Supremo, ang iniwan ni Andres Bonifacio kay Ginang Espiridiona, kapatid na babae ng Supremo, bago siya lumabas ng gubat..."

"Ang tulang ito ay buong-buong nasasa-ulo ni Ginang Espiridiona na nagkaloob sa akin ng salin."

Tatlo sa magkakapatid na Bonifacio ang nagbuwis ng buhay sa pakikibaka para sa kalayaan. Sina Andres at Procopio ay pinaslang ng mga tauhan ni Heneral Emilio Aguinaldo noong Mayo 10, 1897 sa Bundok Buntis, Maragondon, Cavite, habang si Ciriaco naman ay napatay sa Limbon. May pagtalakay hinggil kay Troadio, subalit kaunti lamang ang ipinatid sa atin tungkol kay Espiridiona. Wala nang nabanggit na anupaman tungkol kay Maxima, maliban sa siya ang bunso sa magkakapatid.

Sa website na filipino.biz.ph ay ito naman ang pakilala kay Espiridiona Bonifacio:

"The youngest sibling of Andres Bonifacio, she helped the Katipuneros even when she had just lost her husband, Teodoro Plata."

"At a designated spot, she would wait for the rebels to give guns stolen or collected from attacks on Spanish soldiers. As they would race back into hiding, she would quickly stash the weapons under her big skirt."

"Aside from her husband, she also lost her three brothers Ciriaco, Procopio, and Andres who were killed by forces loyal to Aguinaldo in 1897."

Gayunman, tila hindi nila nabasa ang aklat na "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan" at hindi nila alam na si Maxima ang bunsong kapatid ni Andres Bonifacio, at pang-apat sa anim na magkakapatid si Espiridiona o Nonay. Gayunman, sinipi ko iyon dahil sa ikalawang talata, na ambag ni Nonay sa himagsikan. At isinalin ko iyon sa ganito: "Sa isang itinalagang lugar, hihintayin niya ang mga manghihimagsik na magbigay ng mga baril na ninakaw o nakolekta mula sa mga pagsalakay sa mga kawal na Kastila. Tulad ng pagtalilis nila upang magkubli, mabilis niyang itatago ang mga sandata sa ilalim ng malaki niyang baro."

Sa tagalog wikipedia ay ito naman ang ulat hinggil kay Espiridiona:

"Si Espiridonia de Castro Bonifacio (14 Disyembre 1875 – 26 Mayo 1956) ay isang Katipunera at bayaning Pilipino. Siya ay isa mga unang babaeng kasapi ng Katipunan na itinatag ng kanyang nakatatandang kapatid na si Andres Bonifacio. Ang iba pa niyang nakatatandang kapatid ay sina Ciriaco Bonifacio at Procopio Bonifacio."

"Noong siya ay labingpitong taong gulang pa lamang, siya ay nagpakasal noong 1893 kay Teodoro Plata na isa rin sa mga nagtatag ng Katipunan. Siya ay nabalo nang bitayin si Plata sa Bagumbayan (Luneta) noong 1896 nang matuklasan ng mga Kastila ang Katipunan. Di naglaon, matapos paslangin ang kanyang mga nakatatandang kapatid ng mga alagad ni Emilio Aguinaldo sa Cavite, siya ay kinupkop ng isang pamilyang taga-Cavite rin na may apelyidong Distrito upang itago sa mga tumutugis na alagad ni Aguinaldo, na nais din siyang paslangin. Matapos ang himagsikan, napangasawa niya ang isa sa mga anak ng pamilyang kumupkop sa kanya."

"Si Espiridiona Bonifacio-Distrito ay namatay noong Mayo 26, 1956 sa Paco, Manila. Siya ay nakahimlay sa Manila South Cemetery. Siya ang nalalamang pinakahuling kapatid ng Supremo na nabuhay pagkatapos ng pananakop ng mga dayuhan sa Pilipinas."

Kapansin-pansing isang araw lang ang tanda ni Ginang Espiridiona sa kasamang matalik ng kuya Andres niya na si Gat Emilio Jacinto, ang sinasabing Utak ng Katipunan, na isinilang noong Disyembre 15, 1875.

Panghuli, inalayan ko ng soneto o tulang may labing-apat na taludtod si Ginang Espiridiona. Ito'y nasa anyong akrostika, o tulang pag binasa ang unang titik ng bawat taludtod ay may mababasang salita.

SONETO KAY GNG. ESPIRIDIONA
tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ginang Espiridiona, bunsong kapatid ni Andres,
Na naghimagsik din sa Kastilang mapagmalabis
Gutom at pagod ay binata, kahit na magtiis
Esposa ni Plata, lumaban sa dayong mabangis
Sa panahon ng himagsikan ay sadyang lumaban
Panahon ay ibinigay para sa masa't bayan
Inisip din kung paano makatulong sa tanan
Rebolusyonarya, Katipunera, makabayan
Isa ka ring dakilang bayani ng bansa, Nonay!
Dahil tumulong kang sadya sa himagsikang tunay
Ikasawi man ng kabiyak, mabuhay! Mabuhay!
O, Espiridiona, taas kamaong pagpupugay!
Nawa'y di malimot ang ambag mo sa himagsikan
At kahit munti man ay dapat kang pasalamatan!

Mga pinaghalawan:
Kartilyang Makabayan, ni Hermenegildo Cruz, Maynila, 1922
Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan, ni Jose P. Santos, 1935
https://filipino.biz.ph/history/hero/espiridiona_bonifacio.html
https://tl.wikipedia.org/wiki/Espiridonia_Bonifacio

Ang dalawang aklat hinggil sa Katipunan, na nabanggit ng sanaysay
Ang litrato ni Espiridiona Bonifacio sa pahina 4 ng aklat na "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan" ni Jose P. Santos
Ang nagsaliksik at nagsulat ng munting sanaysay