Linggo, Nobyembre 7, 2021

Kartilya

KARTILYA

dinaraos tuwing ikapito ng bawat buwan,
ikapito ng gabi, pulong na makasaysayan
doon binabasa ang Kartilya ng Katipunan
sa isang seremonyang talaga namang dibdiban

tulad ng petsa ngayon, ikapito ng Nobyembre
na dinaraos kahit nasa malayo man kami
sumabay man sa Dakilang Rebolusyong Oktubre 
ikasandaang apat na anibersaryo nire

maraming salamat sa pangkat ng Kamalaysayan
o Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan
na tuwing sumasapit ang ikapito ng buwan
ay sinasariwa ang Kartilya ng Katipunan

ito'y Kartilyang patnubay sa pagpapakatao
pawang inaaral bago maging Katipunero
sinulat, pinagtibay, pinalaganap sa tao
nina Gat Andres Bonifacio't Emilio Jacinto

higit dalawang dekada ko nang sinasabuhay
ang Kartilyang itong sadyang isinapusong tunay
nakikibaka, maralita't obrero'y karamay
halina't itaguyod sa madla ang gintong gabay

- gregoriovbituinjr.
11.07.2021

Sabado, Nobyembre 6, 2021

Dimas Ugat

DIMAS UGAT

I

ako si Dimas Ugat, makata ng himagsikan
tinutula ang kagalingan ng sangkapuluan
sinusuri ang samu't saring isyu ng lipunan
upang lumaya sa pagdurusa ang sambayanan

ako si Dimas Ugat, yaring makata ng lumbay
na sa mga sugatang puso, doon nakaratay
subalit nagsisipag, patuloy na nagsisikhay
upang ang mga nalulungkot ay mabigyang buhay

ako si Dimas Ugat, makatâ, di man magaling
nakaapak sa putikan, wala sa toreng garing
na maralita't uring manggagawa ang kapiling
makatang piniling dinggin ang api't dumaraing

ako si Dimas Ugat, buhay ko na'y inihandog
upang sagipin ang bayan sa barkong lumulubog
upang sa kapwa dukha'y pitasin ang bungang hinog
at pagsaluhan ng bayan nang lahat ay mabusog

ako si Dimas Ugat, inyong lingkod, naririto
dugo'y ibububo para sa uring proletaryo
kasiyahan ko nang tumula't magsilbi sa tao
inaalay yaring buhay at tula sa bayan ko

II

Dimas Alang si Gat Jose Rizal, bayani natin
bukod sa Pingkian, si Jacinto'y Dimas Ilaw din
si Pio Valenzuela'y Dimas Ayaran ang turing
Dimas Indak si Ildefonso Santos, makatâ rin

- gregoriovbituinjr.
11.06.2021

Lunes, Agosto 30, 2021

Pitong tanaga sa Pagkasilang ng Bansa

PITONG TANAGA SA PAGKASILANG NG BANSA

1
sinilang ng Agosto
ang bayang Pilipino
noong Katipunero
ay nag-alsa ng todo
2
pagkasilang ng bansa't
tandaan nating pawa
nang kababayan, madla'y
naghimagsik ngang sadya
3
ang sedula'y pinunit
dayuhang panggigipit
ay tinapos nang pilit
paglaya'y iginiit
4
eighteen ninety six iyon
at Agosto pa noon
nang isilang ang nasyon
Pinoy ay nagkatipon
5
ang buong Katipunan
na nag-alsang tuluyan
ay mula sa samahan
naging pamahalaan
6
mabuhay ang pagsilang
nitong Lupang Hinirang
mananakop na halang
ay ipinagtabuyan
7
ito'y gintong historya
na bansa'y malaya na
ituro sa eskwela
ang tagumpay ng masa

- gregoriovbituinjr.
08.30.2021

* litrato mula sa pampletong "Andres Bonifacio: Buhay at Pakikibaka" na inilathala ng LKP, PAIS at EILER, pahina 28

Linggo, Agosto 29, 2021

Sa ika-91 anibersaryo ng Bantayog ni Bonifacio sa Caloocan


SA IKA-91 ANIBERSARYO NG BANTAYOG NI BONIFACIO SA CALOOCAN

taos-pagpupugay ngayong Buwan ng Kasaysayan
na Bantayog ni Bonifacio'y ipagparangalan
inspirasyon ng pakikibaka't paninindigan
upang mapalaya ang bayan sa mga dayuhan

nagpasa ng batas noon itong Lehislatura
na isang pambansang bantayog ay maitayo na
sa kabayanihan ni Bonifacio'y paalala
hinggil dito'y maitayo ang isang istruktura

isang lupon ang tinayo para sa paligsahan
upang bantayog ni Bonifacio'y mapasimulan
magandang disenyo't simbolo ng kabayanihan
ni Gat Andres na namuno noon sa himagsikan

Mil Nwebe Syentos Trenta, Bente-Nwebe ng Agosto
nang mapili'y disenyo ni Guillermo Tolentino
upang maitayo ang Bantayog ni Bonifacio
sa Caloocan na kilala ngayong Monumento

abot apatnapu't limang talampakan ang pilon
limang parte'y limang aspekto ng K.K.K. noon
ang base'y mga pigura hinggil sa rebolusyon
walong probinsyang bumaka'y simbolo ng oktagon

ngayong Agosto Bente Nwebe'y nagpupugay sadya
kay Guillermo Tolentino sa monumentong likha
inspirasyon at kasaysayan sa madla'y nagawa
bilang paalaala kay Bonifaciong dakila

- gregoriovbituinjr.
08.29.2021

Mga Pinaghalawan:
Pampletong "Andres Bonifacio: Buhay at Pakikibaka" na inilathala ng LKP, PAIS at EILER, pahina 47
https://www.pressreader.com/philippines/manila-bulletin/20151130/281779923044961
https://web.facebook.com/pinoyhistory/photos/the-bonifacio-monument-or-monumento-is-a-memorial-monument-designed-by-national-/395411887336520/?_rdc=1&_rdr

Lunes, Mayo 10, 2021

Sa ika-124 na anibersaryo ng pagpaslang sa Supremo

SA IKA-124 NA ANIBERSARYO NG PAGPASLANG SA SUPREMO

sa kasaysayan ay kilala ang Diyes de Mayo
na araw ng pagpaslang kay Gat Andres Bonifacio
siya'y kilala bilang bayaning Katipunero
ngunit di mananakop ang pumaslang sa Supremo

siya'y pinaslang ng may nasa rin ng kalayaan
pinaslang ng kapwa rin niya mga kababayan
siya'y pinaslang ng kapanalig sa Katipunan
ang pumaslang ay mga karibal sa himagsikan

nakatala sa kasaysayan kung paano nalugmok
ang Supremo't ang kanyang kapatid sa isang bundok
may nagsabing siya'y binaril, tinaga ng gulok
dahil daw kinalaban ang naghahangad sa tuktok

ngunit sa bayan, kayraming ambag ni Bonifacio
na pinamunuan ang laban ng Katipunero 
upang lumaya ang bayan, nakibakang totoo
ngunit siya nga'y pinaslang, kasama si Procopio

naiwang sulatin ng Supremo'y pinag-aralan
kanyang mga tula't sanaysay ay makasaysayan
sinalin niyang tula ni Rizal ay kainaman
patunay ng talino niya't mga kaalaman

Diyes de Mayo, sa anibersaryo ng pagpaslang 
kay Maypagasa o kay Agapito Bagumbayan
siya'y inspirasyon sa may nais ng kalayaan
taos na pagpupugay sa kanyang kadakilaan

- gregoriovbituinjr.
05.10.2021

Sa kaarawan ni Sir Ding

SA KAARAWAN NI SIR DING

maligayang kaarawan sa yumaong Ding Reyes
araw din ng pagpaslang sa bayaning si Gat Andres
dalawang Katipunerong talagang magkaparis
na pananakop sa bayan ay di nila matiis

si sir Ding ay historyador, kaibigang matalik
sa kasaysayan ay gabay ko sa pananaliksik
isa ring guro't manunulat na sinasatinig
ang kultura, at anumang ang masa'y hinihibik

magkasama sa grupong Kamalaysayan na hangad
Karilya'y isapuso, sa kasaysayan mamulat
sa tulong niya ay nakagawa ako ng aklat
libro kong Macario Sakay sa U.P. inilunsad

kayrami niyang pinamunuang organisasyon
at tagapagtaguyod din ng makataong layon
tulad ng Kamayan para sa Kalikasan Forum
na higit tatlong dekada na'y patuloy pa ngayon

kayrami niyang librong sinulat at nalathala
may tungkol sa kalikasan, may tungkol sa adhika
may kooperatiba, may kasaysayan ng bansa
may libro siya ng sariling tula't ibang paksa

marami pong salamat, maligayang kaarawan
mabuhay ka, Sir Ding Reyes, na aming kaibigan
mananatili kang patnubay ng Kamalaysayan
at di ka mawawala sa aming puso't isipan

- gregoriovbituinjr.05.10.2021

* kuha ang litrato sa paglulunsad ng aklat na "Macario Sakay: Bayani" ni Gregorio V. Bituin Jr. sa UP Manila noong sentenaryo ng pagbitay kay Macario Sakay, Setyembre 13, 2007; ang nasabing aklat ay inilathala ng Kamalaysayan