Linggo, Nobyembre 7, 2021

Kartilya

KARTILYA

dinaraos tuwing ikapito ng bawat buwan,
ikapito ng gabi, pulong na makasaysayan
doon binabasa ang Kartilya ng Katipunan
sa isang seremonyang talaga namang dibdiban

tulad ng petsa ngayon, ikapito ng Nobyembre
na dinaraos kahit nasa malayo man kami
sumabay man sa Dakilang Rebolusyong Oktubre 
ikasandaang apat na anibersaryo nire

maraming salamat sa pangkat ng Kamalaysayan
o Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan
na tuwing sumasapit ang ikapito ng buwan
ay sinasariwa ang Kartilya ng Katipunan

ito'y Kartilyang patnubay sa pagpapakatao
pawang inaaral bago maging Katipunero
sinulat, pinagtibay, pinalaganap sa tao
nina Gat Andres Bonifacio't Emilio Jacinto

higit dalawang dekada ko nang sinasabuhay
ang Kartilyang itong sadyang isinapusong tunay
nakikibaka, maralita't obrero'y karamay
halina't itaguyod sa madla ang gintong gabay

- gregoriovbituinjr.
11.07.2021

Sabado, Nobyembre 6, 2021

Dimas Ugat

DIMAS UGAT

I

ako si Dimas Ugat, makata ng himagsikan
tinutula ang kagalingan ng sangkapuluan
sinusuri ang samu't saring isyu ng lipunan
upang lumaya sa pagdurusa ang sambayanan

ako si Dimas Ugat, yaring makata ng lumbay
na sa mga sugatang puso, doon nakaratay
subalit nagsisipag, patuloy na nagsisikhay
upang ang mga nalulungkot ay mabigyang buhay

ako si Dimas Ugat, makatâ, di man magaling
nakaapak sa putikan, wala sa toreng garing
na maralita't uring manggagawa ang kapiling
makatang piniling dinggin ang api't dumaraing

ako si Dimas Ugat, buhay ko na'y inihandog
upang sagipin ang bayan sa barkong lumulubog
upang sa kapwa dukha'y pitasin ang bungang hinog
at pagsaluhan ng bayan nang lahat ay mabusog

ako si Dimas Ugat, inyong lingkod, naririto
dugo'y ibububo para sa uring proletaryo
kasiyahan ko nang tumula't magsilbi sa tao
inaalay yaring buhay at tula sa bayan ko

II

Dimas Alang si Gat Jose Rizal, bayani natin
bukod sa Pingkian, si Jacinto'y Dimas Ilaw din
si Pio Valenzuela'y Dimas Ayaran ang turing
Dimas Indak si Ildefonso Santos, makatâ rin

- gregoriovbituinjr.
11.06.2021