Miyerkules, Agosto 13, 2025

Kasaysayan at lipunan ay pag-aralan

 

KASAYSAYAN AT LIPUNAN AY PAG-ARALAN

bayani nga'y nagbilin sa bayan:
"matakot kayo sa kasaysayan
walang lihim na di nabubunyag"
madaling tandaan, maliwanag

ang bilin nila't yapak ay sundan
na pag-aralan ang kasaysayan
at pag-aralan din ang lipunan
kung nais natin ng kalayaan

lumaya sa pagsasamantala
lumaya sa bulok na sistema
lumaya sa kuhila't burgesya
at pulitikal na dinastiya

uring obrero'y pagkaisahin
tungong mapagpalayang layunin
iba pang sektor, pagkaisahin
at isyu nila'y ating aralin

at ipaglaban, kasama'y dukha
pesante, vendor, babae, bata
mangingisda, uring manggagawa
sa pakikibaka'y maging handa

- gregoriovbituinjr.
08.13.2025

Lunes, Agosto 11, 2025

Si Oriang

SI ORIANG

dumalo ako sa Oriang
isang maikling talakayan
nang kaalaman madagdagan

ginanap iyon doon sa MET
layunin naman ay nakamit
sinapuso'y bagong nabatid

sa Supremo'y di lang asawa
kundi isang Katipunera
nakipaglaban, nakibaka

kahit ang Supremo'y pinaslang
ng dapat kasangga ng bayan
ay nagpatuloy si Oriang

taaskamaong pagpupugay
kay Oriang na anong husay
tanging masasabi'y Mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
08.11.2025

* mga litrato kuha sa Metropolitan Theater, Maynila, Agosto 11, 2025, kasama ang grupong Oriang; ang aktibidad ay proyekto ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP)