Linggo, Agosto 29, 2021

Sa ika-91 anibersaryo ng Bantayog ni Bonifacio sa Caloocan


SA IKA-91 ANIBERSARYO NG BANTAYOG NI BONIFACIO SA CALOOCAN

taos-pagpupugay ngayong Buwan ng Kasaysayan
na Bantayog ni Bonifacio'y ipagparangalan
inspirasyon ng pakikibaka't paninindigan
upang mapalaya ang bayan sa mga dayuhan

nagpasa ng batas noon itong Lehislatura
na isang pambansang bantayog ay maitayo na
sa kabayanihan ni Bonifacio'y paalala
hinggil dito'y maitayo ang isang istruktura

isang lupon ang tinayo para sa paligsahan
upang bantayog ni Bonifacio'y mapasimulan
magandang disenyo't simbolo ng kabayanihan
ni Gat Andres na namuno noon sa himagsikan

Mil Nwebe Syentos Trenta, Bente-Nwebe ng Agosto
nang mapili'y disenyo ni Guillermo Tolentino
upang maitayo ang Bantayog ni Bonifacio
sa Caloocan na kilala ngayong Monumento

abot apatnapu't limang talampakan ang pilon
limang parte'y limang aspekto ng K.K.K. noon
ang base'y mga pigura hinggil sa rebolusyon
walong probinsyang bumaka'y simbolo ng oktagon

ngayong Agosto Bente Nwebe'y nagpupugay sadya
kay Guillermo Tolentino sa monumentong likha
inspirasyon at kasaysayan sa madla'y nagawa
bilang paalaala kay Bonifaciong dakila

- gregoriovbituinjr.
08.29.2021

Mga Pinaghalawan:
Pampletong "Andres Bonifacio: Buhay at Pakikibaka" na inilathala ng LKP, PAIS at EILER, pahina 47
https://www.pressreader.com/philippines/manila-bulletin/20151130/281779923044961
https://web.facebook.com/pinoyhistory/photos/the-bonifacio-monument-or-monumento-is-a-memorial-monument-designed-by-national-/395411887336520/?_rdc=1&_rdr

Lunes, Mayo 10, 2021

Sa ika-124 na anibersaryo ng pagpaslang sa Supremo

SA IKA-124 NA ANIBERSARYO NG PAGPASLANG SA SUPREMO

sa kasaysayan ay kilala ang Diyes de Mayo
na araw ng pagpaslang kay Gat Andres Bonifacio
siya'y kilala bilang bayaning Katipunero
ngunit di mananakop ang pumaslang sa Supremo

siya'y pinaslang ng may nasa rin ng kalayaan
pinaslang ng kapwa rin niya mga kababayan
siya'y pinaslang ng kapanalig sa Katipunan
ang pumaslang ay mga karibal sa himagsikan

nakatala sa kasaysayan kung paano nalugmok
ang Supremo't ang kanyang kapatid sa isang bundok
may nagsabing siya'y binaril, tinaga ng gulok
dahil daw kinalaban ang naghahangad sa tuktok

ngunit sa bayan, kayraming ambag ni Bonifacio
na pinamunuan ang laban ng Katipunero 
upang lumaya ang bayan, nakibakang totoo
ngunit siya nga'y pinaslang, kasama si Procopio

naiwang sulatin ng Supremo'y pinag-aralan
kanyang mga tula't sanaysay ay makasaysayan
sinalin niyang tula ni Rizal ay kainaman
patunay ng talino niya't mga kaalaman

Diyes de Mayo, sa anibersaryo ng pagpaslang 
kay Maypagasa o kay Agapito Bagumbayan
siya'y inspirasyon sa may nais ng kalayaan
taos na pagpupugay sa kanyang kadakilaan

- gregoriovbituinjr.
05.10.2021

Sa kaarawan ni Sir Ding

SA KAARAWAN NI SIR DING

maligayang kaarawan sa yumaong Ding Reyes
araw din ng pagpaslang sa bayaning si Gat Andres
dalawang Katipunerong talagang magkaparis
na pananakop sa bayan ay di nila matiis

si sir Ding ay historyador, kaibigang matalik
sa kasaysayan ay gabay ko sa pananaliksik
isa ring guro't manunulat na sinasatinig
ang kultura, at anumang ang masa'y hinihibik

magkasama sa grupong Kamalaysayan na hangad
Karilya'y isapuso, sa kasaysayan mamulat
sa tulong niya ay nakagawa ako ng aklat
libro kong Macario Sakay sa U.P. inilunsad

kayrami niyang pinamunuang organisasyon
at tagapagtaguyod din ng makataong layon
tulad ng Kamayan para sa Kalikasan Forum
na higit tatlong dekada na'y patuloy pa ngayon

kayrami niyang librong sinulat at nalathala
may tungkol sa kalikasan, may tungkol sa adhika
may kooperatiba, may kasaysayan ng bansa
may libro siya ng sariling tula't ibang paksa

marami pong salamat, maligayang kaarawan
mabuhay ka, Sir Ding Reyes, na aming kaibigan
mananatili kang patnubay ng Kamalaysayan
at di ka mawawala sa aming puso't isipan

- gregoriovbituinjr.05.10.2021

* kuha ang litrato sa paglulunsad ng aklat na "Macario Sakay: Bayani" ni Gregorio V. Bituin Jr. sa UP Manila noong sentenaryo ng pagbitay kay Macario Sakay, Setyembre 13, 2007; ang nasabing aklat ay inilathala ng Kamalaysayan

Miyerkules, Oktubre 7, 2020

Ang bantayog ni Bonifacio sa Ibaloi garden


Munting bantayog na bakal bilang pagpupugay kay Gat Andres Bonifacio na nakasulat sa baybayin, ang lumang paraan ng pagsulat ng Pinoy. Kuha sa Ibaloi garden, tabi ng Burnham park sa Baguio City. Isang tula ang aking kinatha hinggil dito:

Ang bantayog ni Bonifacio sa Ibaloi garden

may munting bantayog para sa bayaning magiting
si Gat Andres Bonifacio'y pinagpugayan man din
sa lungsod ng Baguio, at nasusulat sa baybayin
tabi ng Burnham park, sa loob ng Ibaloi garden

aralin mo ang baybayin upang iyong mabasa
ang naukit doong sa kanya'y pagpapahalaga
sa isang sanaysay niya'y naisulat pa niya
na baybayin ang panitik noong panahong una

matutunghayan mo iyon sa "Ang Dapat Mabatid..."
sanaysay ni Bonifacio't sa historia'y umugit
na bago dumating ang mga Kastila'y ginamit
ng ating ninuno ang baybaying sadyang panitik

minsan nga'y dalawin natin ang bantayog na iyon
at magbigkas ng kinathang tula ng rebolusyon
bilang pagpupugay sa kanyang may dakilang layon
lalo na't huwaran ng di pa natapos na misyon

- gregoriovbituinjr.

Biyernes, Setyembre 18, 2020

Ang Libog, Albay pala noon ay hindi ang Libon, Albay ngayon

ANG LIBOG, ALBAY PALA NOON AY HINDI ANG LIBON, ALBAY NGAYON
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Para akong nabunutan ng tinik, dahil natagpuan ko ang isang bagay na dapat mabatid sa kasaysayan, dahil sinabihan ako ng mali noon, na ngayon ay tama pala. Sa saliksik ko noon na pinamagatan kong "Ang limang anak ni Gat Andres Bonifacio", ay nabanggit ko ang Libog, Albay, na sinipi ko para sa artikulo.

Ayon sa pahina 4 ng aklat na "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan", ni Jose P. Santos, "Noong 1894 o 1895, si Andres Bonifacio ay nagtungo sa Libog, Albay, kasama ang mananaysay na Amerikanong si John Foreman na isa sa kanyang matalik na kaibigan at kapalagayang loob. Sinasabi ni Dr. Jose P. Bantug na siya kong pinagkakautangan ng mga ulat na ito, na si Andres Bonifacio ay nagkaroon doon ng kasintahan na nagngangalang Genoveva Bololoy at dito'y nagkaroon siya ng isang anak na babae na pinanganlang Francisca."

Nagtungo si Bonifacio sa Libog, Albay, at hindi sa Libon, Albay. Dahil naisulat ko ang Libog, may nagkomento sa facebook ng ganito, "Tanga! Libon, hindi Libog." Kaya agad ko iyong pinalitan ng Libon, at binura ang komentong iyon. Tulad ko, hindi rin niya alam na may Libog, Albay pala noong panahon ni Bonifacio. Ilang buwan nang nakalipas, hanggang sa aking pagbabasa ay nakita kong talaga palang may Libog, Albay, na kaiba sa Libon, Albay. Nilitratuhan ko iyon bilang patunay.

Sa Codebook ng 2020 Census of Population and Housing, na gamit ni misis ngayon bilang isa sa census area supervisor ng PSA (Philippine Statistics Authority), nakatala sa pahina 14 nito, sa ilalim ng lalawigan ng Albay ang mga bayang LIBON at SANTO DOMINGO (LIBOG). Doon ko napagtanto na tama pala ang nakasulat sa aklat ni Santos tungkol sa ulat niya kay Bonifacio, at hindi iyon typographical error o kamalian sa pagtipa sa makinilya. Nagtungo si Bonifacio sa Libog, Albay, na ngayon ay Santo Domingo na, at hindi sa Libon, Albay.

Nagsaliksik pa ako. Ayon sa Wikipedia, "The town of Santo Domingo was originally named Libog. Albay historians say that there were a number of stories on the origin of the name Libog. One version is that libog was derived from the Bikol word labog meaning "unclear water" for there was a time when no potable water was available in the locality. Another has it that the town might have been called after labog (jellyfish), which abound in its coastal water. Libod (behind) is another version because the town’s position is behind the straight road from Legazpi to Tabaco across Basud to Santa Misericordia."

Kaya sa Libog, Albay nagtungo noon si Bonifacio, at hindi sa Libon, Albay, na kilala natin ngayon. At marahil ay sa bayan ng Santo Domingo matatagpuan ang mga apo ni Bonifacio kay Genoveva Bololoy, at hindi sa Libon.

Sa puntong ito, aayusin ko't iwawasto na rin ang nauna kong naisulat sa artikulo kong nabanggit.

Taospusong pasasalamat sa misis kong si Liberty at sa PSA sa saliksik na ito, at talagang malaking tulong ito sa pagwawasto ng ilang detalye sa kasaysayan ng ating bayan. Mabuhay kayo!

Pinaghalawan:
aklat na "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan" ni Jose P. Santos, nalimbag noong 1935
ang Codebook ng 2020 Census of Population and Housing ng Philippine Statistics Authority (PSA)
http://mgakatipunero.blogspot.com/2019/12/ang-limang-anak-ni-gat-andres-bonifacio.html
https://en.wikipedia.org/wiki/Santo_Domingo,_Albay





Linggo, Abril 12, 2020

Bukrebyu: Ang Kartilyang Makabayan na sinulat ni Hermenegildo Cruz


BUKREBYU

ANG KARTILYANG MAKABAYAN NA SINULAT NI HERMENEGILDO CRUZ
Sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nabili ko noong Disyembre 9, 2019, sa halagang P50.00 lang ang 72-pahinang aklat na "Kartilyang Makabayan: Mga Tanong at Sagot Ukol Kay Andres Bonifacio at sa Kataastaasan, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan, na nagturo at nag-akay sa Bayang Pilipino sa Paghihimagsik laban sa Kapangyarihang Dayo"

Isinulat ito ni Hermenegildo Cruz, na siya ring nagsulat ng talambuhay ni Gat Francisco Balagtas, at dating kalihim ng Kawanihan ng Paggawa. Inilimbag ito sa Maynila noong ika-16 ng Nobyembre, 1922, na may 5,000 kopya. Ang unang pagpapalimbag na ito ay ipinagawa ng Lupong Tagaganap ng Araw ni Bonifaio, 1922.

Naglalaman ang aklat ng 78 tanong, na bawat isa ay may kasagutan. Naroon din ang salin ni Bonifacio ng tulang Mi Ultimo Adios ni Jose Rizal, ang Dekalogong sinulat ni Bonifacio, at talaan ng mga petsa't pangyayari sa hulihan na ng aklat.

Tila nakahukay ako ng ginto nang mabili ko ang aklat dahil bibihira na lang ang may kopya nito, lalo na't 98 taon na ang nakalilipas nang ilimbag ito. Natsamba-han ko, ika nga, nang mabili ko ang aklat na ito sa Popular Bookstore sa Timog Avenue, sa Lungsod Quezon. 

Maraming detalye tungkol sa buhay ni Bonifacio at ng Katipunan ang sinikap sagutin sa aklat na ito. Bagamat may isang detalye akong nakitang mali subalit itinama ng ibang historyador. Ayon kay  Jose  P.  Santos,  anim   silang magkakapatid, di lima, at Espiridiona, hindi Petrona ang pangalan ng kapatid ni Andres Bonifacio.

Subalit sa kabuuan, magandang magkaroon ng aklat na ito, hindi lamang upang mabasa ninyo, kundi upang mabasa rin ng mga susunod pang henerasyon, mga anak, mga apo. Maraming salamat.

* Ang maikling artikulong ito'y inihanda at unang nilathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Abril 1-15, 2020, pahina 16.

Martes, Abril 7, 2020

Bahaginan mo ng iyong makakayanan ang mahihirap at kapuspalad. ~ Gat Andres Bonifacio

"BAHAGINAN MO ANG MAHIHIRAP AT KAPUSPALAD" ~ Gat Andres Bonifacio

"Bahaginan mo ng iyong makakayanan ang sino mang mahirap at kapuspalad." ~ bilang Ikawalo (VIII) ng Katungkulang Gagawin ng mga Anak ng Bayan (Dekalogong sinulat ni Gat Andres Bonifacio

prinsipyo palang taglay ng dakilang Katipunan
na yaong nagdaralita'y atin ding bahaginan
ng anupamang mayroon tayo't makakayanan
ito nga'y tunay na pakikipagkapwa sa bayan

lalo na ngayong lockdown pa't nasa bahay lang tayo
dahil nananalasa pa ang COVID-19 dito
namnamin natin ang Dekalogo ni Bonifacio
tiyak may kapupulutang aral dito ang tao

luma man ang mensahe, bago sa ating panahon
habang naka-kwarantina't kayraming nagugutom
maralita'y panay ang paghihigpit ng sinturon
kahit panggitnang uri'y nauubusan din ngayon

gawin nang minimum wage ang sahod ng konggresista,
senador, ehekutibo, sundalo't huwes, sana
ay mangyari't makaahon ang ating ekonomya
tigilan na nilang negosyohin ang pulitika

pagpupugay sa Sanlakas at Bulig Pilipinas
nangalap ng pondo, nagluto ng ulam at bigas
at namigay ng pagkain sa dukhang nasa labas
sa iba't ibang lungsod na gutom ang dinaranas

halimbawa nila'y tunay na magandang hangarin
sa ganyan nakikita ang tapat na adhikain
bilin ni Gat Andres na magbahaginan ay gawin
upang kapwa natin, pati dukha'y makaraos din

04.07.2020