Huwebes, Marso 19, 2020

Ang Hasik ng Katipunan, ang Buklod ng BMP, at ang KASAMA ng KPML

ANG HASIK NG KATIPUNAN, ANG BUKLOD NG BMP, AT ANG KASAMA NG KPML
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

May ninuno pala ang BUKLOD ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) at ang dating KASAMA ng grupong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). Ito ang HASIK ng KKK o Katipunan nina Gat Andres Bonifacio.

Sa aklat na "Kartilyang Makabayan: Mga Tanong at Sagot Ukol Kay Andres Bonifacio at sa KKK" na sinulat ni Hermenegildo Cruz, ay nabanggit ang pagbubuo ng Hasik na maihahalintulad sa pagbubuo ng Buklod ng BMP, at dating KASAMA (Kapatiran ng mga Sosyalistang Aktibistang Maralita), ng KPML na binago na't ginawa na ring Buklod na ibinatay sa BMP. Sa pahina 21 ng nasabing aklat ay nasusulat: 

25. - Sa papaanong paraan ginagawa ang pagkuha ng kasapi? - Sa bawa't pook ay nagtatayo ng isang wari'y lupon na kung tawagin ay "Hasik" na binubuo ng tatlo katao na parang tatlong tungko. Ang "Hasik" na ito ang siyang sa inot-inot ay nanghihikayat upang may sumapi sa "Katipunan". Pagdamidami na ng mga kasangayon ay saka pa lamang itinatayo ang "Balangay" na pinamumunuan ng isang lupon na ang mga tungkulin ay tulad din ng sa Kataastaasang Lupon. Ang mga "Hasik" na yaon ay di na ipinagpatuloy ng malapit na ang tangkang panahon sa paghihimagsik, pagka't ang mga taong baya'y halos naguunahan nang sila'y mapabilang sa "Katipunan".

Sa aklat na “Andres Bonifacio: Buhay at Pakikibaka” na nalathala noong ika-150 kaarawan ni Gat Andres Bonifacio noong Nobyembre 30, 2013, pahina 21, ay nakasulat naman:

“Sa larangang pang-organisasyon, isinaayos ang balangkas ng kilusang lihim sa pamamagitan ng sistemang hasik o tatsulok. Ang “Hasik” na ito ang matiyagang nanghihikayat ng bagong miyembro ng Katipunan. Kapag marami-rami na ang kasang-ayon ay saka itinatayo ang “Balangay” na pinamumunuan ng isang lupon na ang mga tungkulin ay tulad din ng sa Kataastaasang Lupon.”

Ang pagbubuo ng Buklod ng BMP ay naisulat ng namayapang Ka Popoy Lagman sa akda niyang PAGKAKAISA na nalathala sa magasing Tambuli ng BMP noong Disyembre 1998. Halina't sipiin natin ang ilang bahagi nito:

"Dapat ay mas madali ang magbuo ng grupo o sirkulong pampulitika ng lima hanggang sampu katao sa bawat kompanya (tawagin natin na mga buklod) kaysa magbuo ng unyon na kinakailangang dumaan sa mga ligal at teknikal na proseso. Upang mapatampok ang pampulitikang tungkulin at katangian ng BMP, mas wasto at mas mahusay na ang magiging ispesyalisasyon nito ay ang pagbubuo ng network ng mga grupo o sirkulong pampulitika sa pinakamaraming kompanyang maaabot nito na mas nakatuon sa pampulitikang pagkamulat, pagkakaisa, pagkakaorganisa at pakikibaka ng masang manggagawa bilang uri."

"Oryentasyon ng mga buklod na ito ang aktibong paglahok sa pang-unyong pakikibaka nang hindi binabago ang prinsipal na diin sa pampulitikang pag-oorganisa. Bawat lider, organisador at aktibista ng BMP ay dapat magkaroon ng mga target na kompanyang tatayuan nila ng mga buklod. Dapat ay walang tigil ang araw-araw na pagbubuo ng mga buklod na ito hanggang sa malatagan natin ang mayorya ng mga kompanya sa buong bansa ng ganitong network ng sosyalistang pagkakaisang makauri bilang preparasyon sa paglubha ng krisis ng globalisasyon at pag-igpaw ng kilusan ng uring manggagawa sa antas ng pampulitikang pakikibaka."

Sa bahagi naman ng KPML, binuo noon ang KASAMA upang maipalaganap ang makauring pagkakaisa ng mga maralita bilang proletaryado at ng uring manggagawa sa kabuuan. Katatampukan ang KASAMA ng pag-oorganisa at pampulitikang pagmumulat. Ayon sa dokumentong Oryentasyon ng KASAMA: "Ang KASAMA ay isang pampulitikang grupo o sirkulo (mga 5-10 katao) ng mga mulat na maralita sa loob ng isang lokal na organisasyon at komunidad na kinikilusan ng KPML, o kaya'y mga indibidwal na maralitang wala pang organisasyon sa isang komunidad."

"Binuo ang KASAMA bilang katuwang ng KPML sa pagkokonsolida sa ating mga kinikilusang komunidad. Pagkat sila ang mga mulat (may mataas na pampulitikang kamalayan) na maralita sa loob ng kanilang mga lokal na organisasyon, pangungunahan nila ang kanilang samahan sa mga pagkilos sa loob at labas ng kanilang mga komunidad, at magsasagawa ng pagmumulat sa hanay ng kasapian at maging sa iba pang organisasyon at mga kalapit pang komunidad. Ang mga KASAMA ang siyang magiging gulugod sa pag-oorganisa at pagkokonsolida ng ating organisasyon at mga komunidad na kinikilusan."

Sa ngayon, napagpasyahan na ng KPML na mas mainam na gamitin ang Buklod, at pinalitan na ang katawagang Kasama bilang pagtalima sa atas ng BMP, kung saan kasaping organisasyon ang KPML, na magtayo ng Buklod sa mga komunidad ng maralita upang palakasin ang sosyalistang kilusan.

Maraming salamat sa Katipunan, at may pinagmanahan pala ang BMP at KPML bilang mga mapagpalayang organisasyon tungo sa pagtatayo ng lipunang walang pang-aapi at walang pagsasamantala ng tao sa tao.

Mga pinaghalawan:
aklat na "Kartilyang Makabayan: Mga Tanong at Sagot Ukol Kay Andres Bonifacio at sa KKK" na sinulat ni Hermenegildo Cruz, (inilimbag, 1922), pahina 22
aklat na “Andres Bonifacio: Buhay at Pakikibaka” na nilathala ng Bonifacio 150 Committee (B150C)
http://popoylagman.blogspot.com/2009/07/pagkakaisa-akda-ni-ka-popoy-lagman.html
http://kpml-org.blogspot.com/2010/10/ang-pagbubuo-ng-kasama.html

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Marso 16-31, 2020, pahina 18-19.

Lunes, Marso 16, 2020

Si Espiridiona Bonifacio



SI ESPIRIDIONA BONIFACIO
Maikling sanaysay at saliksik ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sino nga ba si Espiridiona Bonifacio, o Nonay? At ano nga ba ang ambag niya sa Katipunan?

Nakabili ako ng dalawang aklat na tiglilimampung piso lang ang isa noong Disyembre 9, 2019 na pumapatungkol kay Gat Andres Bonifacio at sa Katipunan. Ito'y ang "Kartilyang Makabayan", na sinulat ni Hermenegildo Cruz (Inilimbag sa Maynila noong 1922), umaabot ng 70 pahina, at ang "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan" na sinulat ni Jose P. Santos (Ikalawang Pagkalimbag, 1935), umaabot naman ng 43 pahina.

Dito'y nabasa ko ang ilang tala sa buhay ni Ginang Espiridiona Bonifacio. Bagamat sa isang aklat ay mali ang tala, na iwinasto naman sa isa pang aklat.

Sa pahina 6 ng "Kartilyang Makabayan" ay ganito ang nakasulat:

"2. - Nagkaroon ba siya ng mga kapatid? (na tumutukoy kay Gat Andres Bonifacio) - Apat: sina Ciriaco, Procopio, Petrona, at Troadio. Ang dalawang una at itong huli'y patay na at ang babai'y buhay pa. Ang babaeng ito ay siyang naging asawa ng nasirang bayaning Teodoro Plata, isa sa mga masikhay na kasama ni Andres Bonifacio."

Sa pahina 1 ng "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan" ay ganito naman ang nakasulat:

"Sa mga nagsilabas at napalathalang biograpiya ni Andres Bonifacio ay sinasabing lima lamang silang magkakapatid, at sa limang iyan ay iisa raw ang babae na hindi pa tumpak ang pagkakasulat ng pangalan. Nguni't sa pagsusuring ginawa namin ay aming nabatid na sila'y anim na magkakapatid at hindi lima. Sa anim na iyan ay dalawa ang babae, si Espiridiona, hindi Petrona na gaya ng sinasabi ng maraming kasaysayan, at Maxima. Ang matanda sa lahat ay ang Andres, sumusunod ang Ciriaco, pangatlo ang Procopio, pang-apat ang Espiridiona, ikalima ang Troadio at bunso ang Maxima."

Idinagdag pa sa sumusunod na talata hinggil kay Espiridiona: "Ang Espiridiona na naging maybahay ng bayaning Teodoro Plata, isa sa bumubuo ng unang triangulo ng Katipunan at naging Ministro de Guerra ng pamahalaan ni Andres Binifacio, ay buhay pa."

Nakalathala naman sa pahina 4 ng "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan" ang larawan ni Ginang Espiridiona.

Nabanggit muli si Espiridiona sa pahina 18 ng nasabing aklat, hinggil sa nag-iisang tula naman ni Procopio:

"Isang tula naman ni Procopio, kapatid ng Supremo, ang iniwan ni Andres Bonifacio kay Ginang Espiridiona, kapatid na babae ng Supremo, bago siya lumabas ng gubat..."

"Ang tulang ito ay buong-buong nasasa-ulo ni Ginang Espiridiona na nagkaloob sa akin ng salin."

Tatlo sa magkakapatid na Bonifacio ang nagbuwis ng buhay sa pakikibaka para sa kalayaan. Sina Andres at Procopio ay pinaslang ng mga tauhan ni Heneral Emilio Aguinaldo noong Mayo 10, 1897 sa Bundok Buntis, Maragondon, Cavite, habang si Ciriaco naman ay napatay sa Limbon. May pagtalakay hinggil kay Troadio, subalit kaunti lamang ang ipinatid sa atin tungkol kay Espiridiona. Wala nang nabanggit na anupaman tungkol kay Maxima, maliban sa siya ang bunso sa magkakapatid.

Sa website na filipino.biz.ph ay ito naman ang pakilala kay Espiridiona Bonifacio:

"The youngest sibling of Andres Bonifacio, she helped the Katipuneros even when she had just lost her husband, Teodoro Plata."

"At a designated spot, she would wait for the rebels to give guns stolen or collected from attacks on Spanish soldiers. As they would race back into hiding, she would quickly stash the weapons under her big skirt."

"Aside from her husband, she also lost her three brothers Ciriaco, Procopio, and Andres who were killed by forces loyal to Aguinaldo in 1897."

Gayunman, tila hindi nila nabasa ang aklat na "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan" at hindi nila alam na si Maxima ang bunsong kapatid ni Andres Bonifacio, at pang-apat sa anim na magkakapatid si Espiridiona o Nonay. Gayunman, sinipi ko iyon dahil sa ikalawang talata, na ambag ni Nonay sa himagsikan. At isinalin ko iyon sa ganito: "Sa isang itinalagang lugar, hihintayin niya ang mga manghihimagsik na magbigay ng mga baril na ninakaw o nakolekta mula sa mga pagsalakay sa mga kawal na Kastila. Tulad ng pagtalilis nila upang magkubli, mabilis niyang itatago ang mga sandata sa ilalim ng malaki niyang baro."

Sa tagalog wikipedia ay ito naman ang ulat hinggil kay Espiridiona:

"Si Espiridonia de Castro Bonifacio (14 Disyembre 1875 – 26 Mayo 1956) ay isang Katipunera at bayaning Pilipino. Siya ay isa mga unang babaeng kasapi ng Katipunan na itinatag ng kanyang nakatatandang kapatid na si Andres Bonifacio. Ang iba pa niyang nakatatandang kapatid ay sina Ciriaco Bonifacio at Procopio Bonifacio."

"Noong siya ay labingpitong taong gulang pa lamang, siya ay nagpakasal noong 1893 kay Teodoro Plata na isa rin sa mga nagtatag ng Katipunan. Siya ay nabalo nang bitayin si Plata sa Bagumbayan (Luneta) noong 1896 nang matuklasan ng mga Kastila ang Katipunan. Di naglaon, matapos paslangin ang kanyang mga nakatatandang kapatid ng mga alagad ni Emilio Aguinaldo sa Cavite, siya ay kinupkop ng isang pamilyang taga-Cavite rin na may apelyidong Distrito upang itago sa mga tumutugis na alagad ni Aguinaldo, na nais din siyang paslangin. Matapos ang himagsikan, napangasawa niya ang isa sa mga anak ng pamilyang kumupkop sa kanya."

"Si Espiridiona Bonifacio-Distrito ay namatay noong Mayo 26, 1956 sa Paco, Manila. Siya ay nakahimlay sa Manila South Cemetery. Siya ang nalalamang pinakahuling kapatid ng Supremo na nabuhay pagkatapos ng pananakop ng mga dayuhan sa Pilipinas."

Kapansin-pansing isang araw lang ang tanda ni Ginang Espiridiona sa kasamang matalik ng kuya Andres niya na si Gat Emilio Jacinto, ang sinasabing Utak ng Katipunan, na isinilang noong Disyembre 15, 1875.

Panghuli, inalayan ko ng soneto o tulang may labing-apat na taludtod si Ginang Espiridiona. Ito'y nasa anyong akrostika, o tulang pag binasa ang unang titik ng bawat taludtod ay may mababasang salita.

SONETO KAY GNG. ESPIRIDIONA
tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ginang Espiridiona, bunsong kapatid ni Andres,
Na naghimagsik din sa Kastilang mapagmalabis
Gutom at pagod ay binata, kahit na magtiis
Esposa ni Plata, lumaban sa dayong mabangis
Sa panahon ng himagsikan ay sadyang lumaban
Panahon ay ibinigay para sa masa't bayan
Inisip din kung paano makatulong sa tanan
Rebolusyonarya, Katipunera, makabayan
Isa ka ring dakilang bayani ng bansa, Nonay!
Dahil tumulong kang sadya sa himagsikang tunay
Ikasawi man ng kabiyak, mabuhay! Mabuhay!
O, Espiridiona, taas kamaong pagpupugay!
Nawa'y di malimot ang ambag mo sa himagsikan
At kahit munti man ay dapat kang pasalamatan!

Mga pinaghalawan:
Kartilyang Makabayan, ni Hermenegildo Cruz, Maynila, 1922
Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan, ni Jose P. Santos, 1935
https://filipino.biz.ph/history/hero/espiridiona_bonifacio.html
https://tl.wikipedia.org/wiki/Espiridonia_Bonifacio

Ang dalawang aklat hinggil sa Katipunan, na nabanggit ng sanaysay
Ang litrato ni Espiridiona Bonifacio sa pahina 4 ng aklat na "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan" ni Jose P. Santos
Ang nagsaliksik at nagsulat ng munting sanaysay

Miyerkules, Disyembre 25, 2019

Ang limang anak ni Gat Andres Bonifacio


ANG LIMANG ANAK NI GAT ANDRES BONIFACIO
Maikling sanaysay at saliksik ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang karaniwang alam natin kay Gat Andres Bonifacio ay may isa siyang anak sa kanyang asawang si Gregoria de Jesus, subalit ito'y namatay.

Subalit may apat pang anak si Gat Andres Bonifacio. Kung mayroon nga, nasaan na kaya sila? May mga apo kaya ang mga anak niyang ito na nabubuhay sa ngayon?

Bukod kay Gregoria de Jesus o Oriang, may iba pang babaeng nakaugnayan ni Andres Bonifacio, kung saan nagkaroon siya ng anak sa mga ito. Ito'y malinaw na itinala ni Jose P. Santos sa kanyang aklat na "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan" sa pahina 3 at pahina 5. Narito ang tala:

"Ang unang niligawan ni Andres Bonifacio ay isang babaeng nagngangalang Monika at taga-Palomar, Tondo, na ayon sa mga nakakakilala ay may katutubong kagandahan din naman. Nagkaibigan sila at nagsamang parang tunay na mag-asawa. Si Monika ay namatay sa sakit na ketong. Nagkaroon dito ng tatlong anak si Andres Bonifacio na hindi naman malaman kung buhay pa o patay na."

"Ang ikalawang kinasama at pinakasalan ni Andres Bonifacio ay nagngangalang Dorotea Tayson. Ito ay hindi rin nababanggit sa mga kasaysayan niyang nagsilabas na. Nang mamatay ito ay napakasal uli kay Gregoria de Jesus na siyang nakasama niya sa pamumundok at nakahati sa kahirapan."

"Noong 1894 o 1895, si Andres Bonifacio ay nagtungo sa Libog, Albay, kasama ang mananaysay na amerikanong si John Foreman na isa sa kanyang matalik na kaibigan at kapalagayang loob. Sinasabi ni Dr. Jose P. Bantug na siya kong pinagkakautangan ng mga ulat na ito, na si Andres Bonifacio ay nagkaroon doon ng kasintahan na nagngangalang Genoveva Bololoy at dito'y nagkaroon siya ng isang anak na babae na pinanganlang Francisca. Nang makilala ni Andres Bonifacio si Genoveva ay tumutuntong lamang ito (ang babae) sa gulang na 22 taon. Maging ang ina at ang anak ay kapuwa buhay pa, ayon kay Dr. Bantug. Si Francisca ay naninirahan ngayon sa Irosin, Sorsogon at makalawang magkaasawa, ang una'y namatay at ngayo'y muling napakasal kay Roman Balmes."

Libog ang dating pangalan ng bayan ng Santo Domingo ngayon sa Albay, na kaiba sa bayan ng Libon, sa Albay din.

Walang nabanggit sa nasabing aklat na may anak si Andres Bonifacio kay Gregoria de Jesus. Subalit sa ulat ng GMA Network, ayon umano sa historyador na si Xiao Chua, "Bukod sa kasal sa simbahan sa Binondo, nagpakasal din sina Andres at Gregoria sa ritwal ng Katipunan kung saan kinilala ang kaniyang maybahay bilang "Lakambini" ng Katipunan. Nagkaroon ng anak na lalaki sina Andres at Gregoria pero namatay din sa sakit nang bata pa."

Sa madaling sabi, lima ang naging anak ni Gat Andres Bonifacio: tatlo kay Monika, walang nabanggit na anak kay Dorotea Tayson, isa kay Genoveva Bololoy, at isa kay Gregoria de Jesus.

Mga Pinaghalawan:
aklat na "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan" ni Jose P. Santos, nalimbag noong 1935


Biyernes, Disyembre 13, 2019

Tula - Kaginhawahan ng bayang tinubuan

"Kaya, O, mga kababayan! Ating idilat ang bulag na kaisipan at kusang igugol sa kagalingan ang ating lakas sa tunay at lubos na pag-asa na magtagumpay sa nilalayong kaginhawahan ng bayang tinubuan." ~ Gat Andres Bonifacio

kaginhawahan ng bayang tinubuan, pangarap
ng bayaning Gat Andres Bonifacio, na nangusap
sa mga kababayan habang sila'y nangangalap
ng sasapi sa Katipunan kahit mahihirap

kaginhawahan ng bayang tinubuan, layunin
ng Katipunan at mga Kastila'y patalsikin
sa tinubuang natigmak ng dugo kung isipin
Katipunang ginhawa ng bayan ang simulain

ibinukas nila sa atin ang pakikibaka
di pa tapos ang laban ni Bonifacio't ng masa
igugol ang ating lakas sa lubos na pag-asa
upang ginhawa ng bayan ay kamtin ng balana

mabuhay ka sa bilin mo, Gat Andres Bonifacio!
kung noon, nilabanan ninyo'y mapangaping dayo
kami naman ay nakikibakang taas-kamao
laban sa sistema at mapang-aping Pilipino

nilabanan ninyo noon ang mga dayong bugok
ang binabaka naman namin ay sistemang bulok
hangad na uring manggagawa'y ilagay sa tuktok
at ibagsak ang burgesya't elitistang dayukdok

- gregbituinjr.

Huwebes, Disyembre 12, 2019

Ang tula ni Procopio Bonifacio

ANG TULA NI PROCOPIO BONIFACIO
Sinaliksik ni Gregorio V. Bituin Jr.

Makata rin pala ang ikatlong nakababatang kapatid ni Gat Andres Bonifacio na si Procopio, na kasama niyang napaslang sa Bundok Buntis sa Maragondon, Cavite. Kapwa makata pala ang magkapatid na Bonifacio. Ayon sa pananaliksik, sampung taon ang tanda ni Andres kay Procopio, dahil 1873 ito ipinanganak, at kapwa sila namatay dahil sa pagpaslang sa kanila ng mga tauhan ni Emilio Aguinaldo noong Mayo 10, 1897.

May nalathalang mga sanaysay at tula si Gat Andres Bonifacio na naging pamana niya sa sambayanan. Nariyan ang mga tulang "Pag-ibig sa Tinubuang Bayan", salin ng tulang "Huling Paalam" ni Dr. Jose Rizal, "Ang mga Kasadores", "Katapusang Hibik ng Pilipinas", at "Tapunan ng Lingap", at ang tula niya sa Kastilang "Mi Abanico". Nariyan din ang sanaysay niyang "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog" at "Katipunang Mararahas ng mga Anak ng Bayan."

Subalit may tula rin palang naiwan si Procopio na tungkol din sa pagmamahal sa bayan. Isa lamang ang tulang iyon na nasaliksik, at marahil ay may iba pa subalit di pa natatagpuan. Nito lamang Disyembre 9, 2019, nang mabili ko ang aklat na "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan" ni Jose P. Santos, sa Popular Bookstore sa Timog Avenue sa Lungsod Quezon. At sa pagbabasa niyon sa bahay ay nakita ko ang pagbanggit ni Santos sa tula ni Procopio. Sa pahina 18 ng nasabing aklat ay ganito ang nakasulat:

"Isang tula ni Procopio, kapatid ng Supremo, ang iniwan ni Andres Bonifacio kay Ginang Espiridiona, kapatid na babae ng Supremo, bago siya lumabas sa gubat, at ngayo'y sisipiin ko ng walang labis at walang kulang:"

   "Oh Inang Espanya, humihinging tawad
kaming Pilipino na iyong inanak,
panahon ay dumating na magkatiwatiwalag
sa di mo pagtupad, masamang paglingap.

   Paalam na akong Espanyang pinopoon,
kaming Pilipino humihiwalay na ngayon
ang bandera namin dulo ng talibong
ipakikilala sa lahat ng nasyon.

   Lakad, aba tayo, titigisa ang hirap
tunguhin ang bundok, kaluwangan ng gubat
gamitin ang gulok at sampu ng sibat
ipagtanggol ngayon Inang Pilipinas.

   Paalam na ako, bayang tinubuan
bayang masagana sa init ng araw
oh maligayang araw na nakasisilaw
kaloob ng Diyos at Poong Maykapal."

"Ang mga huling talata ng tulang ito na ngayon lamang mahahayag ay nahahawig sa mga huling talata ng huling paalam ni Dr. Jose Rizal. Ang tulang ito ay buong-buong nasasaulo ni Ginang Espiridiona na siyang nagkaloob sa akin ng salin. Itinutugma nila ito sa isang namomodang tugtugin nang panahong iyon, kaya't ang pagkakatula'y hindi husto ang mga pantig o silaba."

Martes, Setyembre 3, 2019

Pagbisita namin ni misis sa makasaysayang Kakarong

Pagbisita sa Kakarong, na sinasabing lugar na itinatag ang Unang Republika ng Pilipinas, bago pa ang Malolos. Setyembre 1, 2019, Pandi, Bulacan. Kasama ko si misis at iba pa niyang kasama sa advocacy.

Ayon sa pananaliksik, "The Battle of Kakarong de Sili was fought on January 1, 1897, at Pandi, Bulacan, in the Philippines. The Kakarong Republic, based in the little fort in Pandi, was attacked by a force of Spaniards who massacred the Katipuneros there. At the end of the battle, General Eusebio Roque (also known as Maestrong Sebio and Dimabungo) was captured by the Spaniards. The Kakarong republic was considered the first republic formed in Bulacan and in the Philippines." (mula sa Wikipedia)















Miyerkules, Agosto 14, 2019

Kwento - Isabatas ang "Birth of the Nation Week" bilang pag-alala sa ating kasaysayan


ISABATAS ANG “BIRTH OF THE NATION WEEK” BILANG PAG-ALALA SA ATING KASAYSAYAN
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nag-uusap ang magkapitbahay na sina Inggo at Indoy hinggil sa gaganaping pagdiriwang ng Buwan ng Kasaysayan tuwing Agosto.

“Alam mo, Pareng Indoy, may mga isasagawang pagdiriwang ang pamahalaan hinggil sa Buwan ng Kasaysayan at Buwan ng Wika. Subalit sa kasaysayan, may mga pagtatalo ang mga historyador hinggil sa kung kailan eksaktong nagsimula ang himagsikan nina Bonifacio.” Ani Inggo.

“Bakit? Ano bang pinagtatalunan nila?” Tanong ni Indoy.

“Ganito kasi, Pareng Indoy,” pagpapatuloy ni Inggo, “Sa aklat natin sa kasaysayan na sinulat ni Gregorio F. Zaide, nagsimula ang himagsikan sa Sigaw sa Balintawak noong Agosto 26, 1896. Kinwestiyon ito ng iba pang historyador natin, tulad ni Gregorio Agoncillo, na unang naganap ang Sigaw sa Pugadlawin noong Agosto 23, 1896. Mahalaga kasing matuldukan na ang ganito sanang pagtatalo dahil napakahalaga nito sa ating kasaysayan. Nang pinunit kasi ng mga Katipunero ang kanilang sedula, tanda iyon na ang Katipunan ay naging isang rebolusyonaryong pamahalaan. At si Gat Andres Bonifacio ang unang pangulo.”

“Ah, kaya pala, may pelikulang Bonifacio: Unang Pangulo,” sabi ni Indoy. “Ngayon ko lang nauunawaan. Subalit ano ba ang programa o plano ng pamahalaan diyan?”

“Ang punto ko,” ani Inggo, “Dapat tapusin na ang debate kung kailan at saan ba talaga nagsimula ang Himagsikang 1896. Ibig sabihin, magdeklara na ang pamahalaan ng isang linggong pagdiriwang hinggil sa Pagsilang ng Bansa, o Birth of the Nation Week. Maaaring magsimula ito sa Agosto 23 hanggang Agosto 29 na tatamaan ang Sigaw sa Pugadlawin at Sigaw sa Balintawak, hanggang sa Tagumpay ng Nagsabado sa Pasig ng Agosto 29. Pitong araw, kaya isang linggong pagdiriwang.”

Napanganga si Indoy, “Ha? May tagumpay ba ang mga Katipunero? Ano iyang Nagsabado sa Pasig?”

Tugon ni Inggo, “Ayon sa historyador ng Pasig na si Carlos Tech sa kanyang panayam kay  Heneral Valentin A. Cruz, ang Nagsabado sa Pasig ay hinggil sa pag-aalsang naganap noong Agosto 29, 1896. Pinamunuan ito ni Cruz, at nilahukan ng halos 2,000 Katipunerong armado ng itak, sibat, karit at ilang riple. Matagumpay nilang nilusob ang Tribunal sa Pasig at ang himpilan ng mga Guardia Civil, at nakasamsam ng 17 pistola at tatlong ripleng Remington. Kaya umatras sina Tenyente Manuel Sityar, ang pinuno ng Guardia Civil, kasama ang kanyang mga tauhan at nagtago sa kampanaryo ng simbahan. Iyan ang Battle of Nagsabado na dapat ding taunang ipagdiwang, di lang sa Pasig, kundi sa buong bansa.”

“Naunawaan ko na,” ani Indoy, “Kaya anong dapat nating gawin?”

Tumugon si Inggo, “Dapat maikampanya natin ang pagsasabatas ng Birth of the Nation Week. Magsulat tayo ng petisyon, magpaliwanag sa mga tao upang lagdaan ang petisyon, kumausap ng mga senador at kongresista, mga guro sa kasaysayan, upang maging ganap na batas ang pagdiriwang ng Pagkasilang ng Bansa, o Birth of the Nation Week.”

Napakinggan pala sila ni Ingrid na nakaupo lang sa tabi habang kumakain ng pansit kanton. Sumabat ito. “Tanong ko lang, kung maisasabatas ba iyang Birth of the Nation Week, maaapektuhan ba ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan tuwing Hunyo 12?”

“Aba’y hindi,” mabilis na tugon ni Inggo. “Magkaiba kasi sila ng panahon sa kasaysayan.”

“Salamat. Alam n’yo, ituloy n’yo lang iyan, lalo ang gagawin n’yong petisyon,” ani Ingrid, “Kung sakali, tutulong ako sa pagpapapirma. Aba’y mahalaga iyang sinasabi mong Birth of the Nation upang mabatid talaga ng mga Pilipino ano ang naganap noong isinilang ang ating bansa. Basta malinaw maipaliwanag sa mamamayan, tiyak na maraming lalagda.”

Buong galak na sinabi ni Indoy, “Aba’y sulatin mo na ang petisyon. At magpatawag ka na rin ng pulong ng magkakapitbahay upang mapag-usapan ang iyong mungkahi at baka makatulong rin sila sa pagtalakay at pagpapalaganap niyan. Sagot ko na ang pagpaparami ng petisyon.”

“Salamat. Sige, susulatin ko ang petisyon at magpulong na rin tayo sa Sabado, alauna ng hapon. Sa harap na ng bahay namin.” Sabi ni Inggo.

“Sige, at iimbitahan ko na rin ang ilan kong kaibigan.” Ani Indoy.

“Ako rin.” Ani Ingrid. “KIta-kits sa Sabado.”

Isang araw iyon na punong-puno ng pag-asa para sa kanila.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Agosto 1-15, 2019, pahina 18-19.