Lunes, Agosto 25, 2025

Sa pambansang araw ng mga bayani

SA PAMBANSANG ARAW NG MGA BAYANI

di lang sina Jacinto, Andres, Luna't Rizal
ang mga bayaning dapat nating itanghal
sa kasalukuyan, maraming mararangal
na kaylaking ambag sa bayan, nagpapagal

kayraming bayaning mga walang pangalan
na talaga namang naglingkod din sa bayan
uring manggagawa at taong karaniwan
sa bawat bansa'y tagapaglikha ng yaman

nariyan ang mga mangingisda, pesante
nariyan ang ating mga ina, babae
aktibista muna bago naging bayani
ngunit di ang mga pulitikong salbahe

ang mga O.F.W. ay bayani rin
na remittances ang ambag sa bayan natin
di man sila kilala'y dapat ding purihin
na mga inambag ay di dapat limutin

ang uring manggagawa ang tagapaglikha
nitong ekonomya't mga yaman ng bansa
mangingisda't magsasaka'y tagapaglikha
nitong mga pagkain sa hapag ng madla

sa lahat ng mga bayani, pagpupugay!
tunay na magigiting, mabuhay! Mabuhay!
nagawa ninyo sa bayan ay gintong lantay
na sa pamilya't bayan ay ambag na tunay

- gregoriovbituinjr.
08.25.2025

Sabado, Agosto 23, 2025

Sa Buwan ng Kasaysayan

SA BUWAN NG KASAYSAYAN

patuloy lamang tayong magbasa
ng mga aklat sa kasaysayan
baka may mabatid pa ang masa
na nakatago pang kaalaman

tara, mandirigma't magigiting
o makabagong Katipunero
panlipunang sistema'y aralin
bakit ang daigdig ay ganito

mga digmaan ay anong dami
nais manakop ng ibang bansa
bakit may mga bansang salbahe
nangapital versus manggagawa

asendero versus magsasaka
pananakop versus tamang asal
elitista't mga dinastiya
versus masang kanilang nasakal

kasaysayan ay di lang si Andres
Bonifacio o Rizal, bayani
kundi pati masang ginagahis
sinasamantala't inaapi

dapat lamang baguhin ang bulok
na sistema, kaya pag-aralan
ang kasaysayan ng nasa tuktok
ng gumagawa't nasa laylayan

- gregoriovbituinjr.
08.23.2025

Huwebes, Agosto 14, 2025

Kwento - Ipagbunyi ang Pagsilang ng Bansa!


IPAGBUNYI ANG PAGSILANG NG BANSA! 
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Agosto na! Alam n’yo ba na kaya Ghost Month ang August ay dahil pag nakakita raw ng multo, sasabihin nila’y Oh, Ghost! Hindi ba, tunog August!” Iyan ang pambungad na sinabi ni Adrian, isa sa mga lider ng kanilang samahang magkakapitbahay nang magkita sa isang pulong.

“Oo nga, ano?” Bati agad ni Benito. “Subalit mayroon pa sa Agosto maliban diyan, ‘yung pagkilala sa pagkakatatag ng bansa o Birth of the Nation. Natatandaan n’yo pa ba? Ilang taon na rin nang simulan natin ang panawagang ‘Birth of the Nation Week’ noon? Iyon ang paksa ng pulong natin ngayon. Hintayin lang natin ang iba.”

“Natatandaan ko iyan,” ani Ingrid, “Kasama ako sa pagpapapirma ng petisyon noong si Mang Inggo pa ang nasa pamunuan. Nakarami rin tayo ng nakuhang pirma noon at nadala natin ito sa kongresista ng ating lungsod, datapwat hindi umusad. Ngunit dapat pa rin nating balikan iyon dahil sa napakahalaga ng mga papel na nilagdaan ng mga tao. Kaya marami rin ang namulat, nagdebate, nakumbinsi at napalagda natin.”

Dumating na ang ilan pang nasa pamunuan, kagawad at kasapi ng samahan. Binuksan na Benito ang pulong. “Mga kasama, noong araw ay nakapagpalagda tayo upang maging ganap na batas ang ‘Birth of the Nation Week’ subalit hindi umusad sa Kongreso ang ating petisyon. Subalit mahalaga ang ating makasaysayang panawagang iyon.”

Nagtaas ng kamay si Irma. “Baka mas kailangan natin ng People’s Initiative upang hindi na iyan dumaan sa Kongreso. Alam naman nating mga elitista at political dynasty ang mga nakaupo. Mga iniisip lang ay ang kanilang sarili,  na parang ang serbisyo sa tao ay kanilang negosyo.

Nagtanong si Isabel, “Bakit ‘Birth of the Nation Week’, bakit hindi ‘Birth of the Nation Day’? Hindi lang naman sa pagpunit ng sedula iyan kundi kung kailan naging rebolusyonaryong pamahalaan ang Katipunan. Hindi ba? Kaya pabor  ako sa saliksik nina Dr. Milagros Guerrero na ang Agosto 24 ang ‘Birth of the Nation Day’. Bagamat sa batas, noong 1962, mas kinilala ang Sigaw sa Pugad Lawin, ngunit hindi pa tinukoy doon na nabuo na ang bansa. Sigaw pa lang iyon. Gayunman, hindi ko pa nabasa ang iba pang aklat kasaysayan kaya baka may iba pa. Subalit para sa akin, nang magsalita noon si Dr. Guerrero sa ating samahan noong 2013, sa ika-150 kaarawan ng Supremo, sinabi niyang Agosto 24 nga naging rebolusyonaryong pamahalaan ang Katipunan at naging pangulo ng bansa si Gat Andres Bonifacio.”

Sumabat si Ingrid, “Mahirap ang pinagdaanan natin noon bilang samahang magkakapitbahay na may pakialam sa kasaysayan ng ating bansa. Para bang ang mga ibon ang gumagawa ng mga batas para sa ating mga isda. Hindi kinukunsulta ng mga ibon ang mga isda sa mga batas na ginagawa. Kung ano ang para sa negosyo ngunit nakakasira sa kalikasan, iyon ang isinasabatas nila. Kung paano kikita ang negosyo kahit nakasasama sa mamamayan, lalo sa mga katutubo’t kababaihan, iyon ang isinasabatas nila. Kung anong nais ng mamamayan, iyon ang ayaw nilang isabatas. Tama lang ang panawagan nating dapat mabatid ng kasalukuyan: Wakasan na ang dinastiya at baguhin na ang sistema!”

“Tama ka,” ani Benito. “Sa ngayon, kahit hindi pa naisabatas ang ating panukala, Birth of the Nation Week man iyan o Birth of the Nation Day, ang mahalaga’y idineklara ng pamahalaan na ang Buwan ng Agosto ay Buwan ng Kasaysayan. Kaya marapat nang ipagbunyi ng mamamayan ang Birth of the Nation tuwing Agosto. Hanggang sa dumating ang panahong maisabatas na ang ating panawagan.”

“Kaya anong susunod nating gagawin? Agosto na!” Ani Ingrid.

Tumugon agad si Benito. “Ang mungkahi ko, kahit wala pang batas, ipagbunyi na natin ang Pagsilang ng Bansa o Birth of the Nation. Atin nang imbitahan ang iba’t ibang samahang maralita, magkakapitbahay, at maging unyon ng manggagawa, pati na mga history group tulad ng Kamalaysayan, mga History Department o Kagawaran ng Kasaysayan sa mga pamantasan, sa ating gagawing aktibidad kaugnay ng Birth of the Nation. Sa Agosto 24 natin isagawa. Ayos ba sa inyo? Kung ayos, aba’y gawin na natin ang programa at imbitasyon.”

“Gagawa pa ba tayo ng petisyon?” Tanong ni Ingrid.

“Kung may kopya pa ng dating petisyon, iyon na.” Ani Benito.

Natapos ang pulong na may kanya-kanya silang toka upang maging matagumpay ang pagdiriwang ng makasaysayang pagkakabuo ng bansa, o ang tinatawag nating Birth of the Filipino Nation.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Agosto 1-15, 2025, pahina 18-19.

Miyerkules, Agosto 13, 2025

Kasaysayan at lipunan ay pag-aralan

 

KASAYSAYAN AT LIPUNAN AY PAG-ARALAN

bayani nga'y nagbilin sa bayan:
"matakot kayo sa kasaysayan
walang lihim na di nabubunyag"
madaling tandaan, maliwanag

ang bilin nila't yapak ay sundan
na pag-aralan ang kasaysayan
at pag-aralan din ang lipunan
kung nais natin ng kalayaan

lumaya sa pagsasamantala
lumaya sa bulok na sistema
lumaya sa kuhila't burgesya
at pulitikal na dinastiya

uring obrero'y pagkaisahin
tungong mapagpalayang layunin
iba pang sektor, pagkaisahin
at isyu nila'y ating aralin

at ipaglaban, kasama'y dukha
pesante, vendor, babae, bata
mangingisda, uring manggagawa
sa pakikibaka'y maging handa

- gregoriovbituinjr.
08.13.2025

Lunes, Agosto 11, 2025

Si Oriang

SI ORIANG

dumalo ako sa Oriang
isang maikling talakayan
nang kaalaman madagdagan

ginanap iyon doon sa MET
layunin naman ay nakamit
sinapuso'y bagong nabatid

sa Supremo'y di lang asawa
kundi isang Katipunera
nakipaglaban, nakibaka

kahit ang Supremo'y pinaslang
ng dapat kasangga ng bayan
ay nagpatuloy si Oriang

taaskamaong pagpupugay
kay Oriang na anong husay
tanging masasabi'y Mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
08.11.2025

* mga litrato kuha sa Metropolitan Theater, Maynila, Agosto 11, 2025, kasama ang grupong Oriang; ang aktibidad ay proyekto ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP)    

Martes, Disyembre 26, 2023

Ang nasa kaliwa at kanan sa litrato ni Ambeth Ocampo

ANG NASA KALIWA AT KANAN SA LITRATO NI AMBETH OCAMPO
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kaninong punto de bista ang susundin upang mabatid ang kung sino ang nasa kaliwa at nasa kanan ng litrato? Ang sa mambabasa ba, o ang nasa kaliwa at kanan ng awtor na nasa gitna ng litrato?

Nabili ko nitong Disyembre 24, 2023 ang aklat na Two Lunas, Two Mabinis, Looking Back 10 ng historian na si Ambeth Ocampo, sa halagang may 10% discount sa National Book Store, kaya mula P150 ay P135 na lang, may 100 pahina.

Sa pahina 11 ay naintriga ako sa litrato kung sino si Teodoro Agoncillo sa dalawa, ang nakatayo sa kanyang kaliwa, o ang nakaupo sa kanyang kanan. Nakasulat kasi sa ibaba nito ay: "After school, I continued to learn Philippine history from two eminent mentors: E. Aguilar Cruz (left) and Teodoro A. Agoncillo (right)."

Hindi ba't dapat ay sa punto de bista ng mambabasa, at hindi batay sa litrato kung sino ang nasa kanan o kaliwa ni Ocampo?

Hindi ko kilala si Cruz habang kilalang historian si Agoncillo. Nakilala ko lang si Cruz dahil nakita ko sa librong iyon sa listahan ng mga nalathalang libro ni Ocampo ang pamagat na "The Paintings of E. Aguilar Cruz (1986); E. Aguilar Cruz, The Writer as Painter (2018), na marahil ay bibilhin ko rin at babasahin pag nakita ko. Si Cruz pala ay pintor at manunulat. Gayunman, mas hinanap ko sa litrato kung alin sa dalawa si Agoncillo.

Kung hindi mo kilala ang mukha ng dalawang ito, at hindi mo titingnan sa google ang mukha nina Cruz at Agoncillo, paano mo ito malalaman bilang mambabasa kung sino ang sino sa pamamagitan lang ng pagbasa sa nakasulat sa ibaba ng litrato?

Nasa gitna ng litrato si Ambeth Ocampo. Nasa kanan niya ba ay si Agoncillo, o batay sa punto de bista ng mambabasa, nasa kaliwa si Agoncillo. Sino ang sino? Alin ang alin?

Upang matapos na ang usapan, hinanap ko sa google ang litrato ni Agoncillo, upang mabatid kung siya ba ang nasa kanan o nasa kaliwa ni Ocampo. Paano kung walang google? Hindi mo agad mahahanap.

Sa google, agad kong nakita na si Teodoro Agoncillo ang nakatayo. Sa litrato, nasa left siya ni Ocampo kahit sinulat nitong si Agoncillo ang nasa right. Nasa right ni Ocampo si Cruz kahit sinulat nitong si Cruz ang nasa left. Sa madaling salita, isinaalang-alang ni Ambeth ang kanan at kaliwa ng mambabasa, at hindi kung sino ang nasa kanan at kaliwa ng litrato na pinagigitnaan niya ang dalawa.

Kung gayon, as a rule, punto de bista ng mambabasa ang dapat masunod, kung sino ang nasa kanan at kaliwa ng mambabasa.

O kaya, isinulat niya iyon ng ganito: "After school, I continued to learn Philippine history from two eminent mentors: E. Aguilar Cruz (in my right) and Teodoro A. Agoncillo (in my left)."

Maraming salamat, Ginoong historian Ambeth Ocampo. Nais kong kompletuhin ang Looking Back series mo. Bukod sa Looking Back 10, meron na akong Looking Back 8, Virgins of Balintawak; Looking Back 9, Demonyo Tables; at Looking Back 11, Independence X6.

Lunes, Nobyembre 27, 2023

Pagpupugay kay Gat Andres Bonifacio

PAGPUPUGAY KAY GAT ANDRES BONIFACIO

Gat Andres Bonifacio, Supremo ng Katipunan
mahusay na organisador, marunong, matapang
sa kanyang pamumuno'y dumami ang kasapian
mga Katipon, Kawal, Bayani'y nakipaglaban

dineklara ng Supremo ang paglaya ng bansa
"Punitin ang mga sedula!" ang kanyang winika
ang sigaw niya'y inspirasyong pumukaw sa madla
simula ng himagsikan ng armas, dugo't diwa

O, Gat Andres, salamat sa iyong ambag sa bayan
ngunit pinaslang ka ng 'kapanalig' sa kilusan
taun-taon, ikaw ay aming pinararangalan
tula't sanaysay mo'y pamanang sa amin iniwan

salin ng Huling Paalam ni Rizal, ang Tapunan 
ng Lingap, Ang mga Cazadores, ang Katapusang
Hibik ng Pilipinas sa Inang Espanya, at ang
Mi Abanico sa Espanyol, nariyan din naman

ang obra niyang Pag-ibig sa Tinubuang Lupa 
ating nauunawa bagamat matalinghaga,
bayani, makata, mananalaysay, manggagawa
pinaglaban ang kalayaan, tunay na dakila

basahi't namnamin ang dalawa niyang sanaysay:
Mararahas na Mga Anak ng Bayan, Mabuhay!
Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog, magnilay
mga gintong aral niya'y makahulugang tunay!

- gregoriovbituinjr.
11.27.2023

* Inihanda para sa "Konsiyerto ng Tula at Awit: Parangal sa Ika-160 Kaarawan ni Gat Andres Bonifacio", University Hotel, UP-Diliman, Nobyembre 27, 2023, 2-6pm