Biyernes, Nobyembre 27, 2009

Maalam din sa wikang Kastila si Gat Andres Bonifacio

MAALAM DIN SA WIKANG KASTILA SI GAT ANDRES BONIFACIO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

May dalawang patunay na maalam sa wikang Kastila si Gat Andres Bonifacio. Ang una ay ang pagkakasalin niya sa wikang Tagalog ng Mi Ultimo Adios ni Gat Jose Rizal na nakasulat sa wikang Kastila. Ang ikalawa ay ang pagkasulat ni Bonifacio ng isang tula sa wikang Kastila noong bata pa siya.

Maraming salin sa wikang Filipino ang tulang Mi Ultimo Adios ni Gat Jose Rizal, ngunit ang kilalang unang nagsalin nito ay si Gat Andres Bonifacio. Pagkamatay ni Rizal ay limang buwan pang nabuhay si Bonifacio. Matatas at magaling ang kanyang pagkakasalin bagamat isinalin ito ni Bonifacio sa paraang iba ang anyo. Ang tulang Mi Ultimo Adios ni Rizal ay binubuo ng labing-apat na saknong at bawat saknong ay may limang taludtod. Ang pagkakasalin naman ni Bonifacio ay binubuo ng dalawampu't walong saknong, ang bawat saknong ay may apat na taludtod, at ang bawat taludtod ay may pantig na lalabingdalawahin. Kumbaga, ang isang saknong ni Rizal ay ginawang dalawang saknong ni Bonifacio. Tingnan natin ang pagkakasalin ni Bonifacio kay Rizal sa una at huling taludtod:

Saknong 1 ng Mi Ultimo Adios ni Rizal:

Adios, Patria adorada, region del sol querida,
Perla del Mar de Oriente, nuestro perdido Eden!
A darte voy alegre la triste mustia vida,
Y fuera más brillante más fresca, más florida,
Tambien por tí la diera, la diera por tu bien.

Salin ni Bonifacio sa Saknong 1:

Pinipintuho kong Bayan ay paalam
lupang iniirog ng sikat ng araw,
mutyang mahalaga sa dagat Silangan
kaluwalhatiang sa ami'y pumanaw.

Masayang sa iyo'y aking idudulot
ang lanta kong buhay na lubhang malungkot;
maging marangal man at labis alindog
sa kagalingan mo ay akin ding handog

Saknong 14 ng Mi Ultimo Adios ni Rizal:

Adios, padres y hermanos, trozos del alma mía,
Amigos de la infancia en el perdido hogar,
Dad gracias que descanso del fatigoso día;
Adios, dulce extrangera, mi amiga, mi alegría,
Adios, queridos séres morir es descansar.

Salin ni Bonifacio sa Saknong 14:

Paalam, magulang at mga kapatid,
kapilas ng aking kaluluwa't dibdib,
mga kaibigan bata pang maliit,
sa aking tahanang di na masisilip.

Pagpasalamatan at napahinga rin,
pa'lam estrangherang kasuyo ko't aliw,
paalam sa inyo mga ginigiliw,
mamatay ay siyang pagkagupiling.

Hindi lang nagsalin ng tula ni Rizal si Bonifacio bilang patunay ng kanyang kaalaman sa wikang Kastila, kundi nagsulat din siya ng tula sa wikang Kastila, na ayon sa mananaliksik na si Virgilio S. Almario ay mula umano sa ulat ng isang E. Arsenio Manuel. [Panitikan ng Rebolusyon(g 1896), V. S, Almario, pahina 134]. Ang tulang ito "diumano'y nilikha ni Bonifacio noong bata pa at nakakanta pa ng kapatid na si Espiridiona nang kapanayamin ni Manuel." (Ibid.) Ibig sabihin, di lang simpleng tula sa wikang Kastila ang nalikha ni Bonifacio kundi isang awit. Narito ang dalawang saknong ng tula sa wikang Kastila ni Gat Andres Bonifacio:

MI ABANICO
un poema de Andres Bonifacio

Del sol nos molesta mucho el resplandor,
Comprar un abanico de quita el sol;
Aqui sortijas traigo de gran valor,
De lo bueno acaba de lo mejor,
de lo mejor.

El abanico servi sabeis para que?
Para cubrir el rostro de una mujer,
Y con disimulo pondreis mirar,
Por ente las rajillas del abanico.
Vereis la mar.

Noong high school ako ay may kurso pang Spanish. Nasa third year yata kami noon nang nagturo sa amin ng Spanish ang aming gurong si Mam Luz Boayes. Kahit ang sikat na awiting Espanyol na "Eres tu" ay tinuro niya't pinakanta sa amin, at tanda ko pa ang tono nito. Halos limot ko na ang ilang itinurong mga pangungusap sa Espanyol dahil bihira naman itong gamitin sa araw-araw. Sa kaunti kong kaalaman sa wikang Kastila, sinubukan kong isalin ang tula ng ating bayani. Wala kasing salin ang awiting ito sa aklat ni Almario. Ang nagawa ko'y isang tulang may labing-anim na pantig na may sesura (hati) sa ikawalo. Narito ang aking malayang salin sa wikang Filipino ng tulang "Mi Abanico" ni Bonifacio:

ANG AKING PAMAYPAY
tula ni Gat Andres Bonifacio

Sadyang nakababagabag yaring araw na sumikat
Kaya dapat lang mabili ang pamaypay na pantapat
May dala rin akong singsing na mahusay yaong karat
Kung ano ang mas mabuti ay buting karapat-dapat
kabutihang nararapat.

Ang silbi ng pamaypay ay iyo bang nababatid
Na sa maamong mukha ng binibini'y nagsisilid
At kabighanian niya'y susulyapan din ng lingid
Mula sa katawan niring pamaypay na ating hatid
habang ang dagat ay masid

Marahil, balang araw ay susubukan ko ring isalin sa makabagong wikang Filipino ang tula ni Rizal bilang dagdag sa marami nang salin ng Mi Ultimo Adios. Isa yaong hamon sa aking kakayahan bilang manunulat at tagasalin.

Sa kaalaman ni Bonifacio sa wikang Kastila, ang kanyang pagsulat ng tula sa wikang ito noong bata pa siya, at ang pagkakasalin niya sa huling tula ni Rizal ay nagpapatunay lamang na may matalas na kaisipan at may pinag-aralan si Bonifacio. Ibig sabihin, hindi totoo ang impresyon ng tao sa kanya na hindi siya marunong bumasa at sumulat, tulad ng nais ipahiwatig ng namayapang direktor na si Marilou Diaz-Abaya sa pelikulang "Rizal" na pinagbibidahan ni Cesar Montano. Sa pelikula'y ipinakitang utal kung magbasa si Bonifacio.

Bagamat hindi nakatapos ng ikalawang baytang sa hayskul si Bonifacio, siya naman ay palabasa. Ayon sa aklat na "A History of the Philippines: From the Spanish Colonization to the Second World War" nina Renato at Letizia Constantino, pahina 162: "Poverty prevented him (Bonifacio) from going beyond the second year of high school but he was an avid reader, especially on the subject of revolution." (Kahirapan ang pumigil kay Bonifacio upang makatapos ng kanyang ikalawang baytang sa mataas na paaralan ngunit siya'y masipag magbasa, lalo na sa paksa ng himagsikan. - salin ni GBJ) Ipinapakita nito na hindi lamang sa paaralan nakukuha ang karunungan kundi sa pagtitiyaga at pagsisikap na matuto sa pamamagitan ng pagbabasa at pagsusunog ng kilay.

Isang inspirasyon ang ginawang ito ni Bonifacio para sa kasalukuyang salinlahi upang yaong hindi makapag-aral dahil sa mahal ng presyo ng matrikula, o dahil itinulak sila ng kalagayang maghanapbuhay sa mas maagang edad, ay maaari ding maging mahusay na pinuno balang araw. Kaya dapat magbasa-basa ang mga kabataan ngayon ng mga aklat hinggil sa pilosopiya, matematika, agham at teknolohiya, araling panlipunan, at iba pang makabuluhang araling tingin nila'y makatutulong sa kanilang pag-unlad bilang taong may dignidad, prinsipyado, nagpapakatao at nakikipagkapwa-tao.

Ang kaalamang ito ni Bonifacio sa wikang Kastila ang isa sa nagdala sa kanya sa imortalidad, tulad din ng kanyang pagiging makata, manunulat, manggagawa, estratehista, pinuno ng himagsikan, pangulo ng unang pamahalaan, at pambansang bayani.

Huwebes, Hunyo 25, 2009

Si Bonifacio at ang Tagalog at Katagalugan

SI BONIFACIO AT ANG TAGALOG AT KATAGALUGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa mga dokumento ng Katipunan at sa mga sulatin ni Gat Andres Bonifacio, mas ginamit niya ang Katagalugan na siyang katawagan sa bayan, at Tagalog naman sa mamamayan. Bihira niyang ang Filipino at ang Filipinas dahil noong panahong iyon, dahil Filipino ang tawag ng mga Kastilang ipinanganak dito sa Filipinas, at ang Filipinas ay ipinangalan dito ng mga prayle't Kastila bilang pagpupugay sa hari ng Espanya. At sa kanyang tulang "Katapusang Hibik ng Filipinas" ay negatibo ang kanyang pagkakagamit sa Filipinas.

Mas ginamit ni Bonifacio ang taal na salitang Katagalugan para sa buong sangkapuluan at ang Tagalog para sa mamamayan, na ang kahulugan batay sa isang dokumento ng Katipunan ay ito: “Sa salitang tagalog katutura’y lahat nang tumubò sa Sangkapuluang ito; sa makatuid, bisayà man, iloko man, kapangpangan man, etc., ay tagalog din.”

Pinatotohanan din ito ni Gat Emilio Jacinto sa paksang "Ang Bayan at ang mga (Gobierno) Pinuno, na bahagi ng kanyang mahabang akdang "Liwanag at Dilim": "Ang Bayan na dito’y sinasabi ko ay hindi ang kapisanan ng mga taong nananahan sa gayong lugar, kundi ang katipunan ng lahat ng Tagalog: ng lahat na tumubo sa Sangkapuluan."

Ipinaliwanag pa itong maigi ng historyador at kaibigang si Ed Aurelio C. Reyes sa kanyang sanaysay na "Bakit nga ba 'Katagalugan' ang Ipinangalan sa Bayan?" Isinulat ni Reyes: "Noong panahon ng pananakop na mga Kastila sa ating kapuluan, ang tinatawag na Filipino ay yaong mga Kastilang dito sa ating bayan ipinanganak. Indio naman ang tawag nila sa atin. Mestiso at mestisa naman ang may magkahalong dugo. Ayon sa talababa sa unang pahina ng Kartilya ng Katipunan, sa salitang "Tagalog," kahulugan ay "lahat ng tumubò sa Sangkapuluang ito. Samakatuwid, Bisaya man, Iloco man, Kapampangan man, etc. ay Tagalog din." Sa katunayan, pawang magkakasingkahulugan naman ang mga katagang Tagailog, Ibanag, Ilokano, Kapampangan, Sugbohanon, Subanon, Subanen, Agusan, Tausug, atbp. Mulat sina Bonifacio na ang mga katangiang "taga-ilog" at "taga-agos" ay isang katangian na nagkakapare-pareho ang karamihan sa ating pamayanan sa buong kapuluan. Kaya nakita nilang bagay itong ipangalan sa pagkakaisa ng mga pamayanan sa isang pagkabansa. Maliban pa rito, ang ilog ay tunay na simbulo ng malusog na pag-uugnayan na tulad ng ating mga ugat na dinadaluyan ng "dugong nag-uugnay at naglilingkod sa buhay." - mula sa pahina 14-15 ng magasing Tambuli, Agosto 2006, ika-5 isyu.

Ang sanaysay na "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog" ni Andres Bonifacio ang isa sa pinakatanyag niyang sanaysay. At sa isa pa sa kanyang sanaysay, ang "Katipunang Mararahas ng mga Anak ng Bayan" ay tinapos niya sa "Mabuhay ang Haring Bayang Katagalugan!"

Halina't basahin ang ilan sa mga saknong ng kanyang mga tula kung saan niya ginamit ang salitang Tagalog. Narito ang ikatlong saknong ng tulang "Tapunan ng Lingap":

3. "At ating lisanin ang dating ugali
Na ikinasira ng taas ng uri,
Ang bayang Tagalog ay may asa dili
Ang puring nilupig ng bakang maputi."

Ngunit karaniwan, mas ginagamit niya ang salitang Bayan na pumapatungkol din naman sa Katagalugan, at kababayan, imbes na Tagalog. Kumbaga'y maaring magpalitan ang Bayan at Katagalugan, at ang mga indio, mamamayan, at Tagalog, marahil ay inaangkop ito ni Bonifacio sa kanyang tula sa tamang bilang ng pantigan sa bawat taludtod.

Tingnan naman natin ang kanyang 28-saknong na tulang "Pag-ibig sa Tinubuang Bayan". Ang Katagalugan ay tinawag niyang "Inang Bayang tinubuan" na nasa ikapitong saknong. Gayunman, nabanggit ng tatlong ulit ang salitang Tagalog sa tulang ito. Ito'y nasa saknong ika-17, ika-21 at ika-22. Makahulugan ang saknong 22 dahil sa paghahanap niya sa dangal ng mga Tagalog, o dangal ng ating lahat na kababayan.

17. "Di gaano kaya ang paghihinagpis
Ng pusong Tagalog sa puring nilait?
Aling kalooban na lalong tahimik
Ang di pupukawin sa paghihimagsik?"

21. "Mangyayari kaya na ito'y malangap
Ng mga Tagalog at hindi lumingap
Sa naghihingalong Inang nasa yapak
Na kasuklam-suklam na Kastilang uslak."

22. "Nasaan ang dangal ng mga Tagalog?
Nasaan ang dugong dapat na ibuhos?
Baya'y inaapi, bakit di kumilos
At natitilihang ito'y mapanood."

Sa tulang "Katapusang Hibik ng Filipinas" ay inilarawan niya kung paano ang pagpapahirap na ginawa ng Espanya sa mga Tagalog. Tingnan ang ika-4 at ika-5 saknong nito:

4. "Gapusing mahigpit ang mga Tagalog.
HInain sa sikad, kulata at suntok,
Makinahi't 'biting parang isang hayop
Ito baga, Ina, ang iyong pag-irog."

5. "Ipabilanggo mo't sa dagat itapon,
Barilin, lasunin nang kami'y malipol,
Sa aming Tagalog ito baga'y hatol,
Inang mahabagin, sa lahat ng kampon."

Tingnan din kung paano niya ginamit ang Filipinas, sa kung susuriin ay negatibo ang paggamit, sa ika-2, ika-7 at ika-14 na saknong:

2. "Walang isinuway kaming iyong anak
Sa bagyong masasal ng salita't hirap,
Iisa ang puso nitong Filipinas
At ikaw ay di na Ina naming lahat."

7. "Wala nang namana itong Filipinas
Na layaw sa Ina kundi nga ang hirap;
Tiis ay pasulong, patente'y nagkalat,
Rekargo't imp'westo'y nagsala-salabat."

14. "Paalam na, Ina, itong Filipinas
Paalam na, Ina, itong nasa hirap;
Paalam, paalam, Inang walang habag,
Paalam na ngayon, katapusang tawag."

Ang tulang ito'y bahagi ng sagutang tula ng tatlong makata. Ang una'y ang "Hibik ng Filipinas sa Ynang Espana" ni Hermenegildo Flores, ang ikalawa'y ang "Sagot ng Espanya sa Hibik ng Filipinas" ni Marcelo H. del Pilar, at ang ikatlo't pangwakas na tula'y ang "Katapusang Hibik ng Filipinas" ni Andres Bonifacio. Ginamit ni Bonifacio ang Filipinas, imbes na Katagalugan, sa tulang "Katapusang Hibik" bilang tugon sa naunang dalawang tula, at siyang naging pantapos sa sagutang tatlong tula.

Nang nailagay siya sa pabalat ng magasing La Illustracion Español y Americana na may petsang ika-8 ng Pebrero 1897, naroon ang larawan ng nakakurbatang si Andres Bonifacio, na nakasulat sa ibaba, "Andres Bonifacio, Titulado “Presidente’ de la Republica Tagala" o "Andres Bonifacio: May Titulong Pangulo ng Republika ng Katagalugan", at inilarawan siyang pinuno ng katutubong pamahalaan.

Mayroong ding pambansang awit ang Katipunan na pinamagatan nila ng "Marangal na Dalit ng Katagalugan" kung saan malalim at makahulugan ang panawagan. Kalayaan, ay pasulungin ang puri at kabanala. Nais ng mga Tagalog ang kalayaan, at gayundin naman ay ipaglalaban nila ang kanilang puri at kabanalan dahil ang pagkayurak nito'y katumbas ng kamatayan. Ang mga Kastila'y mailing ng Katagalugan, inaayawan ng mga Tagalog, mga mananakop na hindi tatanguan kundi iilingan ng mga Tagalog upang maipagwagi ang kahusayan o kagalingan ng bayan. Narito ang nilalaman ng dalit, na inaawit ng dalawang ulit:

Mabuhay, Mabuhay yaong Kalayaan, Kalayaan
At pasulungin ang puri't kabanalan
Kastila'y mailing ng Katagalugan
At ngayo'y ipagwagi ang kahusayan

Ang "Marangal na Dalit ng Katagalugan" ay nilikha ni Julio Nakpil na kinomisyon ni Pangulong Bonifacio upang gumawa ng isang pambansang awit noong bandang Nobyembre 1896. http://forthephilippines.blogspot.com/2011/12/andres-bonifacio-unang-pangulo-ng.html

Bukod doon, may ulat na ginamit umano ng mga Katipunero sa pangunguna ni Bonifacio ang salitang Filipinas. Ito'y nang magtungo sila sa Yungib ng Pamitinan sa Montalban at isinulat sa isang batuhang dingding ang mga katagang "Mabuhay ang Kalayaan ng Filipinas!" Basahin natin ang ulat na ito:

"Noong Semana Santa ng Abril 1895, isang peregrinasyon ang pinangunahan ni Bonifacio patungo sa mga bundok ng Montalban at San Mateo, Morong (Rizal na ngayon). Ayon sa salaysay ni Guillermo Masangkay, kasama siya at sina Emilio Jacinto, Restituto Javier, Aurelio Tolentino, Faustino Manalak, Pedro Zabala, at iba pang Katipunero. Ginalugad nila ang mga kuweba ng Makarok at Pamitinan at nagdaos ng mga pulong at inisasyon ng Katipunan. Nakadama sila ng ganap na kapanatagan sa loob ng mga "yungib ni Bernardo Carpio". Noong Biyernes Santo, Abril 12, 1895, humawak si Bonifacio ng sampirasong uling at isinulat sa dingding ng kuweba ang "Mabuhay ang Kalayaan ng Filipinas!" - mula sa aklat na Panitikan ng Rebolusyon(g 1896) ni VS Almario, mp 43-44.)

Marahil ginamit dito ni Bonifacio ang salitang Filipinas bilang kadikit ng salitang Kalayaan. Ito marahil ay upang ipatampok sa mga Kastila na ang tinatawag nitong bansang Filipinas ay dapat nang mapalaya sa mga Kastilang kamay. Ngunit marahil ay hindi niya gagamitin ang Filipinas kung hindi kadikit ang salitang Kalayaan. O kaya naman ay depende sa kanyang kausap kung kailan gagamitin ang salitang Filipinas. Mas nanaisin pa rin ni Bonifacio na gamitin ang Katagalugan bilang tawag sa buong bansa, dahil ito'y taal na wika sa bansa at hindi mula sa Kastila.

Gayunman, isang taon matapos paslangin si Bonifacio, pormal nang inangkin ng mga kababayan ang Filipinas bilang pangalan ng bansa noong Hunyo 12, 1898 nang ipahayag na ang kasarinlan ng bansa sa Cavite Viejo (ngayo'y Kawit), sa lalawigan ng Cavite, bagamat nakasulat sa Acta de Independencia na lumalaya ang Bayan sa mga dayuhang Kastila, habang niyayakap naman ng buong puso ang mga Amerikano. Narito ang patunay:

Y tomando por testigo de la rectitud de nuestras intenciones al Juez Supremo del Universo, bajo la protección de la Potente y Humanitaria Nación Norte Americana, proclamos y declaramos solemnemente en nombre y por la Autoridad de los habitantes de todas estas Islas Filipinas. (And having as witness to the rectitude of our intentions the Supreme Judge of the Universe, and under the protection of our Powerful and Humanitarian Nation, The United States of America, we do hereby proclaim and declare solemnly in the name by authority of the people of these Philippine Islands.) Narito naman ang salin ko sa wikang Filipino, "At bilang saksi sa pagkamatuwid ng aming adhika sa kataas-taasang Hukom ng Sansinukob, at sa ilalim ng pangangalaga ng makapangyarihan at makataong bansa, ang Estados Unidos ng Amerika, aming ipinahahayag at mataimtim na idinedeklara sa ngalan ng kapangyarihan ng mamamayan ng mga kapuluan ng Pilipinas.)

Ibig sabihin, ang tinatawag nating bansang Pilipinas ngayon, o Filipinas, Philippine, at Philippines ay tinatawag na Katagalugan ni Gat Andres Bonifacio at ng buong Katipunan. Nang mamatay si Bonifacio, kahit na idineklara ang "kalayaan" ng Filipinas, ipinagpatuloy ni Macario Sakay ang layunin ng Katipunan at itinatag ang Republika ng Katagalugan.

Linggo, Mayo 10, 2009

Ang Pagpaslang kay Gat Andres Bonifacio

ANG PAGPASLANG KAY GAT ANDRES BONIFACIO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Masaklap ang pagkakapaslang kay Gat Andres Bonifacio. Malinaw na inilarawan ni Heneral Artemio Ricarte ang mga pangyayari hinggil sa pagpaslang kay Gat Andres Bonifacio ng mga tauhan ni Emilio Aguinaldo noong Mayo 10, 1897 sa Bundok Buntis, sa bayan ng Maragondon, sa lalawigan ng Kabite.

“Si Koronel Bonzon ang bumaril ng rebolber kay G. Andres Bonifacio na ipinagkasugat nito sa kaliwang bisig. Dumaluhong din noon si Koronel Pawa kay G. Andres Bonifacio at ito'y sinaksak ng sundang sa gawing kanan ng liig. Nang anyong bibigyan ulit ng isa pang saksak si G. Bonifacio ay siyang pagdaluhong kay Pawa ni G. Alejandro Santiago na nagsabing: 'Ako ang patayin ninyo, huwag iyan!' Noon din ay inilagay si G. Andres Bonifacio sa isang duyan at dinalang bihag sa Indang, pati ng kapatid na Procopio na nagagapus ng buong higpit; kasama ring bihag sina GG. Francisco Carreon, Arsenio Mauricio, isang binatang nag-aaral pa na nagngangalang Leon Novenario, na naging Kapitan Ayudante't Kalihim ni Vibora at iba pang di ko na matatandaan ang mga panga-pangalan. Ang lahat ng nabihag, matangi kay G. Andres Bonifacio at kapatid nitong si G. Procopio, ay pinagpipiit sa bilangguang madilim at di binigyan ng pagkain, kundi makalawa lamang sa loob ng tatlong araw na ikinabilanggo nila. Ang Konsehong inilagay upang magsiyasat, tunkol sa mga pagkakasalang ibinubuhat kay G. Andres Bonifacio at sa kapatid nitong si G. Procopio, ay humatol ng parusang kamatayan sa magkapatid.”

Iyan ang testimonya ni Heneral Artemio Ricarte sa sinapit ni Gat Andres Bonifacio. Matatagpuan iyan sa pahina 71 ng kanyang aklat na Himagsikan ng mga Pilipino Laban sa Kastila, na nalathala noong 1927 sa Yokohama, Japan.

May mga paratang laban sa pangkat nina Bonifacio na nasa nayon ng Limbon, sa Indang, Cavite nang panahong iyon. Dahil dito'y agad ipinadala ni Heneral Emilio Aguinaldo sina Koronel Agapito Bonzon at Jose Pawa, kasama ang kani-kanilang mga tauhan. Ayon sa ulat ni Ricarte: “Kinabukasan ng umaga, ang mga kawal ni G. Andres Bonifacio na noo'y nakabantay sa daan ng nayong Limbon, ay nilusob na't sukat ng pangkat ng nagsibalik doong mga Koronel Bonzon at Pawa at agad nilang napatay ang matandang kapatid ng Supremo na si G. Ciriaco Bonifacio, at pagkatapus ay hinandulong na nila ang mga kasamang kawal ng namatay, hanggang sa mangahuli at maalisan silang lahat ng sandata. Pagkarinig sa putukan, si G. A. Bonifacio at isa pang kapatid niyang si G. Procopio, saka ang mga kasamang G. Alejandro Santiago, G. Francisco Carreon, G. Apolonio Samson, G. Antonino Guevara at iba pa, ay nagsidalo sa pook na pinangyayarihan ng gulo; ngunit bahagya pa silang nakalalapit, ay sinagupa na sila nina Bonzon at Pawa.”

Dagdag pa ni Ricarte sa kanyang ulat: “Pagkabaril sa magkapatid na G. Andres Bonifacio at G. Procopio Bonifacio. - Nang ang Republika Pilipina ay nahihimpil na sa mga bundok na lalong masukal at tago sa pag-itan ng Maragundong at Look, pook na pinamamagatang Buntis, si G. Emilio Aguinaldo ay nagpasya na ng pagpapabaril sa dalawang magkapatid na nasabi na, upang lubusan nang mawala, marahil, ang sa boong tapang at lagablab ng pag-ibig sa bayang tinubuan, ay tinatag niya ang K. K. K. ng mga A. N. B. na siyang lumikha ng dakilang tungkuling sa gahasa'y inangkin niya (Aguinaldo). Inuna muna ang Procopio at pagkatapus ang Andres, na dahil sa kanyang mga sugat ay lupaypay na ang katawan, kaya't dinalang nakaduyan sa pook na pinagbarilan, isang oras muna sa kanyang kapatid, ng mga Koronel ding Bonzon at Pawa (“Koronel Lazaro Makapagal”), na gaya ng maalaala'y silang nagsilusob sa pangkat nina Bonifacio sa nayon ng Limbon, Indang. At sa ganitong paraan tinapus ang buhay niyaong bayaning humamak sa mga kapanganiban, at nagtatag ng K. K. K. ng mga Anak ng Bayan; niyaong taong nagturo sa bayang Pilipino ng tunay na landas, upang maibulid ang pangaalipin ng mga dayuhan; niyong, kailan ma't kausap ng kanyang mga kabig, ay lagi nang nilalabasan sa bibig ng mga ganitong pangungusap: “Pagsikapan ninyong huwag makagawi ng mga pagkakasalang makadudungis sa inyong mga pangalan.” “Matakot kayo sa Kasaysayan (Historia), na siyang di mapagkakailaan ng inyong mga kagagawan.” (Ibid. pahina 75-76)

Idinagdag pa ni Ricarte na may isinulat hinggil dito si Apolinario Mabini, na idinugtong niya sa kanyang ulat. Ayon kay Mabini, sa Kabanata VIII ng kanyang aklat na Ang Himagsikan ng Bayang Pilipino: “Sa inasal na ito ni G. Emilio Aguinaldo, ang manunuligsang kasaysayan, ay di makakakita ng anomang katwirang sukat makapagtakip o makabawas man lamang sa kanyang sagutin. Si Andres Bonifacio ay di huli sa pinag-aralan sa sino man sa mga napahalal sa naturang pagpupulong, at tangi sa rito'y nagpakilala ng talino at lakas loob na di pangkaraniwan sa pagtatatag niya ng Katipunan. Ang lahat ng mga naghalal ay kaibigan ni G. Emilio Aguinaldo at ni G. Mariano Trias na noon ay nangagkakaisa, samantalang si Bonifacio ay tinitingnan nila ng may hinalang tingin, gayon nakapagpakilala na ng isang kaasalang malinis at pusong buo, at ito'y dahil lamang sa siya'y hindi tubo sa Kabite; ito ang sanhi ng kanyang pagdaramdam. Gayon pa man, ang pagdaramdam niya'y hindi ipinakita sa isang magahasang paraan ng pagsalungat, at ang katunayan, nang makita niyang walang sinomang nagmamalasakit sa ikapagkakasundo ng lahat, ay nagkasya na lamang siya sa pag-alis sa lalawigan tungong San Mateo na kasama ang kanyang mga kapatid. Kung pag-iisiping si G. Aguinaldo ang una-unang dapat managot sa di niya pagsunod at sa di pagkilala sa naturang pinuno ng Katipunan na kanya ring kinaaniban; kung pagbubulay-bulaying ang pagkakasundo ng lahat ay siyang tanging angkop na lunas sa mapanganib na kalagayan noon ng Panghihimagsik, ang dahil at layon ng pagpatay, ay di maikakait na bunga ng mga damdaming nakasisirang totoo ng puri sa Panghihimagsik; sa paano't paano man, ang gayong katampalasanan, ay siyang masabing unang tagumpay ng kasakiman ng isang tao laban sa tunay na pag-ibig sa bayan.”

At sa Kabanata X nama’y sinulat ni Mabini: “Ang pagkamatay ni Andres Bonifacio ay nagpakilalang maliwanag na si G. Emilio Aguinaldo ay may isang walang habas na kasakiman sa kapangyarihan.” Aniya pa, “Sa buong sabi, ang Paghihimagsik ay nabigo pagkat nagkaroon ng masamang pamamatnugot; pagkat nakuha ng tagapamatnugot ang kanyang tungkulin, hindi sa pamamag-itan ng mga gawaing kapuri-puri, kungdi sa mga gawang kalait-lait; pagkat sa halip na tulungan niya ang mga taong lalong may magagawa sa bayan, dahil lamang sa paninibugho, ay lalo pang sinugpo niya. Sa pagkalango sa kadakilaan ng sarili, ay di na pinahalagahan ang mga tao nang ayon sa kanilang kakayahan, katibayang-loob at pag-ibig sa bayan. Dahil sa ganitong paghamak niya sa bayan, siya'y iniwan ng bayan naman; at sapagkat siya’y iniwan nito, wala na siyang hangganan kungdi ang pagkabulid na gaya ng nangyari sa isang pagkit na diyus-diyusan na nilusaw ng init ng kasawiang-palad. Harinangang tayo'y huwag makalimot sa kakila-kilabot na aral na iyang ating natutuhan sa likod ng mga di maulatang pagtitiis na yaon.”

Linggo, Marso 22, 2009

Ang Makatang Andres Bonifacio

ANG MAKATANG ANDRES BONIFACIO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Hindi mapasusubaling isa ring makata si Gat Andres Bonifacio. May anim siyang tula, kasama na ang dalawang taludtod na tulang Mi Abanico na isinulat niya sa wikang Kastila. Ang iba pa'y ang Tapunan ng Lingap, Ang mga Cazadores, Pag-ibig sa Tinubuang Bayan, Katapusang Hibik ng Filipinas, at ang Huling Paalam ni Dr. Jose Rizal.

Ang tulang Mi Abanico ay mula sa ulat ng isang E. Arsenio Manuel, na "diumano'y nilikha ni Bonifacio noong bata pa at nakakanta pa ng kapatid na si Espiridiona nang kapanayamin ni Manuel." Aba, di lang pala simpleng tula sa wikang Kastila ang nalikha ni Bonifacio kundi awit.

Ang tulang Tapunan ng Lingap ay panawagan ni Bonifacio sa mga kababayan na huwag matakot sa pakikibaka, at tapunan nawa sila ng paglingap ng Bathala, na kaiba sa Diyos ng mga mananakop. Kung pagbabatayan ang isinulat ni Bonifacio sa sanaysay na "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog", hindi ang Diyos ng mga Kastila o ng Katolisismo ang hininingan niya ng paglingap kundi ang katutubong Bathala ng mga Pilipino bago pa dumating ang mga mananakop. Kanya ngang isinulat sa "Ang Dapat Mabatid..." sa ikatlong talata: "Iminulat tayo sa isang maling pagsampalataya at isinadlak sa lubak ng kasamaan ang kapurihan ng ating Bayan." Pumapatungkol ito sa mga Kastila, batay sa naunang dalawang talata.

Sa tulang Ang Mga Cazadores, inilarawan ni Bonifacio ang kalupitan ng mga kastila, na ginagamit ang awtoridad upang mang-umit ng manok at baka ng mga Pilipino, sinasaliksik ang mga kabahayan upang nakawan ng pilak at alahas, at panghahalay ng mga babae. Ayon nga sa ikalimang saknong, ikatlo't ikaapat na taludtod: "Walang nalalabi sa pag-aagawan ng mga Kastila kung matatagpuan."

Sa dalumat ni Bonifacio sa mahabang tulang Pag-ibig sa Tinubuang Bayan ay tunay na pagmamahal sa bayang tinubuan ang tunay na pag-ibig, Tila pag-alingawngaw din ito sa ikalawang hanay ng kanyang akdang may pamagat na "Katungkulang Gagawin ng mga Z.LL.B.": "2. Gunamgunamin sa sarili tuwina na ang matapat na pagsampalataya sa kanya ang ang pag-ibig sa lupang tinubuan sapagkat ito ang tunay na pag-ibig sa kapwa."

Ang Katapusang Hibik ng Filipinas ang ikatlo at huli sa tatlong animo'y magkakarugtong na tula ng tatlong makata. Ang una'y ang "Hibik ng Filipinas sa Ynang Espana" ni Hermenegildo Flores, ang ikalawa'y ang "Sagot ng Espanya sa Hibik ng Filipinas" ni Marcelo H. del Pilar, at ang ikatlo't pangwakas na tula'y ang "Katapusang Hibik ng Filipinas" ni Andres Bonifacio. Ang sinimulang tula ni Flores ay sinagot ni Del Pilar at sinagot din ni Bonifacio.

Ang Huling Paalam naman ang salin ni Bonifacio sa tulang Mi Ultimo Adios ni Rizal. Ito ang huling tula ni Rizal bago siya bitayin ng mga Kastila, at marahil ay ito rin ang huling tulang ginawa ni Bonifacio bago siya paslangin ng mga kababayan. Ang tula ni Rizal ay binubuo ng 14 na saknong na may limang taludtod bawat saknong, habang ang pagkakasalin ni Bonifacio sa Tagalog ay binubuo ng 28 saknong na ang bawat saknong ay may apat na taludtod. Ang isang saknong ni Rizal ay ginawang dalawang saknong ni Bonifacio.

Hinggil sa pagkakaayos ng tula o istruktura nito, mapapansing marunong si Bonifacio ng katutubong tugma't sukat, at ginamit niya ang palasak noong anyo ng pagtulang sinimulan ni Balagtas sa obra nitong Florante at Laura.

Maliban sa kanyang tula sa wikang Kastila, ang nasaliksik at natipong lima niyang tula ay sumusunod sa padron na labindalawang pantig bawat taludtod, bawat saknong ay may apat na taludtod, at pawang mahahaba ang kanyang mga tula, mula pitong saknong pataas.

Ang Tapunan ng Lingap ay may sampung saknong, Ang mga Cazadores ay may pitong saknong, Pag-ibig sa Tinubuang Bayan ay may 28 saknong, Katapusang Hibik ng Filipinas ay may 14 saknong, at Huling Paalam ni Dr. Jose Rizal, na salin ng Mi Ultimo Adios ay may 28 saknong.

Sa akdang Arte metrica del tagalog ni Jose Rizal, tinalakay niya ang sining ng tugma at sukat sa Tagalog. Ito'y isinalin sa wikang Filipino ng Jose Rizal Centennial Commission mula sa wikang Espanyol. Orihinal na isinulat ito ni Rizal sa wikang Aleman, at siya rin ang nagsalin sa Espanyol. Ang akdang ito'y binasa ni Rizal sa Sociedad Etnografica sa Berlin noong Abril 1887. Nalathala ito ng nasabing samahan nang taon ding yaon.

Natalakay na natin sa itaas ang sukat ng mga taludtod na ginamit ni Bonifacio sa lahat ng kanyang tulang nasa wikang Tagalog na pawang lalabindalawahing pantig bawat taludtod. Dagdag pa rito, bawat taludtod ay may impit o sesura sa gitna o ikaanim na pantig.

Tingnan natin ang kanyang mga tugmaan. Ayon kay Rizal, sa mga salitang nagtatapos sa patinig, magkatugma ang may impit at magkatugma rin ang walang impit. Kaya ang salitang "dugo" at "berdugo" ay hindi magkatugma, dahil ang "dugo" ay may impit habang wala naman ang "berdugo" kahit na pareho itong nagtatapos sa titik "o". Gayundin naman, hindi magkatugma ang "mata" at "dukha" at ang katugma ng "dukha" ay "dalita".

Sang-ayon pa kay Rizal, may dalawang uri ng tugmaan na nagtatapos sa katinig - ang katinig na malakas at ang katinig na mahina. Magkatugma ang mga katinig na malakas na nagtatapos sa b, d, g, k, p, s, at t. Kaya magkatugma ang salitang "loob" at "lubos", pati na ang "patid" at "hapis".

Magkakatugma naman ang mga katinig na mahina na nagtatapos sa l, m, n, ng, y, w, at wala namang nagtatapos sa titik na r at h.

Gayunman, sa isang pag-aaral sa LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo), isang pambansang samahan ng mga makata sa wikang Filipino, ang titik na r ay kasama sa mga katinig na mahina. Halimbawa, "pader" at "dingding".

Suriin natin ang ilang saknong sa mga tula ni Bonifacio batay sa pagtalakay ni Rizal sa usapin ng tugmaang patinig sa tulang Tagalog.

"Aling pag-ibig pa ang hihit kaya
Sa pagkadalisay at pagkadakila
Gaya ng pag-ibig sa tinub'ang lupa?
Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala."

"At ating lisanin ang dating ugali
Na ikinasira ng taas ng uri,
Ang bayang Tagalog ay may asal dili
Ang puring nilupig ng bakang maputi."
- ikatlong saknong ng tulang "Tapunan ng Lingap"

"Matining na tunog ako sa dinig mo,
ilaw, mga kulay, masamyong pabango,
ang ugong at awit, paghibik sa iyo,
pag-asang dalisay ng pananalig ko!"
- ika-24na saknong ng tulang "Huling Paalam ni Dr. Jose Rizal"

Sa tugmaang katinig naman ay ang mga sumusunod:

"Walang isinuway kaming iyong anak,
Sa bagyong masasal ng salita't hirap,
Iisa ang puso nitong Filipinas
At ikaw ay di na Ina naming lahat."
- ikalawang saknong ng tulang "Katapusang Hibik ng Filipinas"

"Buong kabahayan ay sinasaliksik,
Pilak na makita sa bulsa ang silid;
Gayon ang alahas at piniling damit
Katulad ay sisiw sa limbas dinagit."
- ikatlong saknong ng tulang "Ang mga Cazadores"

"Tubig n'yang malinaw na anaki'y bubog,
Bukal sa batisang nagkalat sa bundok,
Malambot na huni ng matuling agos
Na nakaaaliw sa pusong may lungkot."
- ika-12 saknong ng tulang "Pag-ibig sa Tinubuang Bayan"

Ginamit din ni Bonifacio ang iisang katinig lamang sa tugmaan, tulad nito:

"Lahat ng makita nilang maggagatas
Agad haharangin, dada'nin sa bulas,
Tuloy lalaklakin ng mga dulingas
Anupa nga't wala nang pinalalampas."
- ikaanim na saknong ng tulang "Ang mga Cazadores"

Ang tamang paggamit mismo ni Bonifacio sa sukat at tugma, at kaalaman sa pagtutugma ng tulang katinig, ay patunay na sadyang alam ni Bonifacio ang tugma at sukat sa tulang Tagalog, at masasabi natin isa siyang ganap na makata.

Lima lamang ang tulang Tagalog ni Bonifacio yaong nasaliksik, nalathala, at natipon. Marahil, marami pa siyang naisulat na tula ngunit hindi na ito nalathala at natipon at nawala na lamang sa pagdaan ng panahon, ngunit naiwan naman ang mga tulang tunay na nakapagpapaalab sa damdamin ng sinumang taong nagnanais na makaalpas sa kamay ng mga mananakop. Mga tula itong tunay na lantay na gintong hindi kukupas sa pagdaan pa ng ilangdaang taon.

Mga pinaghalawan ng datos:
(1) Anim na tula ni Bonifacio, mula sa aklat na Panitikan ng Rebolusyon(g 1986) ni Virgilio S. Almario, mp. 137-150
(2) Ang Sining ng Tugma at Sulat sa Tagalog, ni Jose P. Rizal, mula sa aklat na Poetikang Tagalog, mp. 47-57