Huwebes, Hunyo 25, 2009

Si Bonifacio at ang Tagalog at Katagalugan

SI BONIFACIO AT ANG TAGALOG AT KATAGALUGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa mga dokumento ng Katipunan at sa mga sulatin ni Gat Andres Bonifacio, mas ginamit niya ang Katagalugan na siyang katawagan sa bayan, at Tagalog naman sa mamamayan. Bihira niyang ang Filipino at ang Filipinas dahil noong panahong iyon, dahil Filipino ang tawag ng mga Kastilang ipinanganak dito sa Filipinas, at ang Filipinas ay ipinangalan dito ng mga prayle't Kastila bilang pagpupugay sa hari ng Espanya. At sa kanyang tulang "Katapusang Hibik ng Filipinas" ay negatibo ang kanyang pagkakagamit sa Filipinas.

Mas ginamit ni Bonifacio ang taal na salitang Katagalugan para sa buong sangkapuluan at ang Tagalog para sa mamamayan, na ang kahulugan batay sa isang dokumento ng Katipunan ay ito: “Sa salitang tagalog katutura’y lahat nang tumubò sa Sangkapuluang ito; sa makatuid, bisayà man, iloko man, kapangpangan man, etc., ay tagalog din.”

Pinatotohanan din ito ni Gat Emilio Jacinto sa paksang "Ang Bayan at ang mga (Gobierno) Pinuno, na bahagi ng kanyang mahabang akdang "Liwanag at Dilim": "Ang Bayan na dito’y sinasabi ko ay hindi ang kapisanan ng mga taong nananahan sa gayong lugar, kundi ang katipunan ng lahat ng Tagalog: ng lahat na tumubo sa Sangkapuluan."

Ipinaliwanag pa itong maigi ng historyador at kaibigang si Ed Aurelio C. Reyes sa kanyang sanaysay na "Bakit nga ba 'Katagalugan' ang Ipinangalan sa Bayan?" Isinulat ni Reyes: "Noong panahon ng pananakop na mga Kastila sa ating kapuluan, ang tinatawag na Filipino ay yaong mga Kastilang dito sa ating bayan ipinanganak. Indio naman ang tawag nila sa atin. Mestiso at mestisa naman ang may magkahalong dugo. Ayon sa talababa sa unang pahina ng Kartilya ng Katipunan, sa salitang "Tagalog," kahulugan ay "lahat ng tumubò sa Sangkapuluang ito. Samakatuwid, Bisaya man, Iloco man, Kapampangan man, etc. ay Tagalog din." Sa katunayan, pawang magkakasingkahulugan naman ang mga katagang Tagailog, Ibanag, Ilokano, Kapampangan, Sugbohanon, Subanon, Subanen, Agusan, Tausug, atbp. Mulat sina Bonifacio na ang mga katangiang "taga-ilog" at "taga-agos" ay isang katangian na nagkakapare-pareho ang karamihan sa ating pamayanan sa buong kapuluan. Kaya nakita nilang bagay itong ipangalan sa pagkakaisa ng mga pamayanan sa isang pagkabansa. Maliban pa rito, ang ilog ay tunay na simbulo ng malusog na pag-uugnayan na tulad ng ating mga ugat na dinadaluyan ng "dugong nag-uugnay at naglilingkod sa buhay." - mula sa pahina 14-15 ng magasing Tambuli, Agosto 2006, ika-5 isyu.

Ang sanaysay na "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog" ni Andres Bonifacio ang isa sa pinakatanyag niyang sanaysay. At sa isa pa sa kanyang sanaysay, ang "Katipunang Mararahas ng mga Anak ng Bayan" ay tinapos niya sa "Mabuhay ang Haring Bayang Katagalugan!"

Halina't basahin ang ilan sa mga saknong ng kanyang mga tula kung saan niya ginamit ang salitang Tagalog. Narito ang ikatlong saknong ng tulang "Tapunan ng Lingap":

3. "At ating lisanin ang dating ugali
Na ikinasira ng taas ng uri,
Ang bayang Tagalog ay may asa dili
Ang puring nilupig ng bakang maputi."

Ngunit karaniwan, mas ginagamit niya ang salitang Bayan na pumapatungkol din naman sa Katagalugan, at kababayan, imbes na Tagalog. Kumbaga'y maaring magpalitan ang Bayan at Katagalugan, at ang mga indio, mamamayan, at Tagalog, marahil ay inaangkop ito ni Bonifacio sa kanyang tula sa tamang bilang ng pantigan sa bawat taludtod.

Tingnan naman natin ang kanyang 28-saknong na tulang "Pag-ibig sa Tinubuang Bayan". Ang Katagalugan ay tinawag niyang "Inang Bayang tinubuan" na nasa ikapitong saknong. Gayunman, nabanggit ng tatlong ulit ang salitang Tagalog sa tulang ito. Ito'y nasa saknong ika-17, ika-21 at ika-22. Makahulugan ang saknong 22 dahil sa paghahanap niya sa dangal ng mga Tagalog, o dangal ng ating lahat na kababayan.

17. "Di gaano kaya ang paghihinagpis
Ng pusong Tagalog sa puring nilait?
Aling kalooban na lalong tahimik
Ang di pupukawin sa paghihimagsik?"

21. "Mangyayari kaya na ito'y malangap
Ng mga Tagalog at hindi lumingap
Sa naghihingalong Inang nasa yapak
Na kasuklam-suklam na Kastilang uslak."

22. "Nasaan ang dangal ng mga Tagalog?
Nasaan ang dugong dapat na ibuhos?
Baya'y inaapi, bakit di kumilos
At natitilihang ito'y mapanood."

Sa tulang "Katapusang Hibik ng Filipinas" ay inilarawan niya kung paano ang pagpapahirap na ginawa ng Espanya sa mga Tagalog. Tingnan ang ika-4 at ika-5 saknong nito:

4. "Gapusing mahigpit ang mga Tagalog.
HInain sa sikad, kulata at suntok,
Makinahi't 'biting parang isang hayop
Ito baga, Ina, ang iyong pag-irog."

5. "Ipabilanggo mo't sa dagat itapon,
Barilin, lasunin nang kami'y malipol,
Sa aming Tagalog ito baga'y hatol,
Inang mahabagin, sa lahat ng kampon."

Tingnan din kung paano niya ginamit ang Filipinas, sa kung susuriin ay negatibo ang paggamit, sa ika-2, ika-7 at ika-14 na saknong:

2. "Walang isinuway kaming iyong anak
Sa bagyong masasal ng salita't hirap,
Iisa ang puso nitong Filipinas
At ikaw ay di na Ina naming lahat."

7. "Wala nang namana itong Filipinas
Na layaw sa Ina kundi nga ang hirap;
Tiis ay pasulong, patente'y nagkalat,
Rekargo't imp'westo'y nagsala-salabat."

14. "Paalam na, Ina, itong Filipinas
Paalam na, Ina, itong nasa hirap;
Paalam, paalam, Inang walang habag,
Paalam na ngayon, katapusang tawag."

Ang tulang ito'y bahagi ng sagutang tula ng tatlong makata. Ang una'y ang "Hibik ng Filipinas sa Ynang Espana" ni Hermenegildo Flores, ang ikalawa'y ang "Sagot ng Espanya sa Hibik ng Filipinas" ni Marcelo H. del Pilar, at ang ikatlo't pangwakas na tula'y ang "Katapusang Hibik ng Filipinas" ni Andres Bonifacio. Ginamit ni Bonifacio ang Filipinas, imbes na Katagalugan, sa tulang "Katapusang Hibik" bilang tugon sa naunang dalawang tula, at siyang naging pantapos sa sagutang tatlong tula.

Nang nailagay siya sa pabalat ng magasing La Illustracion Español y Americana na may petsang ika-8 ng Pebrero 1897, naroon ang larawan ng nakakurbatang si Andres Bonifacio, na nakasulat sa ibaba, "Andres Bonifacio, Titulado “Presidente’ de la Republica Tagala" o "Andres Bonifacio: May Titulong Pangulo ng Republika ng Katagalugan", at inilarawan siyang pinuno ng katutubong pamahalaan.

Mayroong ding pambansang awit ang Katipunan na pinamagatan nila ng "Marangal na Dalit ng Katagalugan" kung saan malalim at makahulugan ang panawagan. Kalayaan, ay pasulungin ang puri at kabanala. Nais ng mga Tagalog ang kalayaan, at gayundin naman ay ipaglalaban nila ang kanilang puri at kabanalan dahil ang pagkayurak nito'y katumbas ng kamatayan. Ang mga Kastila'y mailing ng Katagalugan, inaayawan ng mga Tagalog, mga mananakop na hindi tatanguan kundi iilingan ng mga Tagalog upang maipagwagi ang kahusayan o kagalingan ng bayan. Narito ang nilalaman ng dalit, na inaawit ng dalawang ulit:

Mabuhay, Mabuhay yaong Kalayaan, Kalayaan
At pasulungin ang puri't kabanalan
Kastila'y mailing ng Katagalugan
At ngayo'y ipagwagi ang kahusayan

Ang "Marangal na Dalit ng Katagalugan" ay nilikha ni Julio Nakpil na kinomisyon ni Pangulong Bonifacio upang gumawa ng isang pambansang awit noong bandang Nobyembre 1896. http://forthephilippines.blogspot.com/2011/12/andres-bonifacio-unang-pangulo-ng.html

Bukod doon, may ulat na ginamit umano ng mga Katipunero sa pangunguna ni Bonifacio ang salitang Filipinas. Ito'y nang magtungo sila sa Yungib ng Pamitinan sa Montalban at isinulat sa isang batuhang dingding ang mga katagang "Mabuhay ang Kalayaan ng Filipinas!" Basahin natin ang ulat na ito:

"Noong Semana Santa ng Abril 1895, isang peregrinasyon ang pinangunahan ni Bonifacio patungo sa mga bundok ng Montalban at San Mateo, Morong (Rizal na ngayon). Ayon sa salaysay ni Guillermo Masangkay, kasama siya at sina Emilio Jacinto, Restituto Javier, Aurelio Tolentino, Faustino Manalak, Pedro Zabala, at iba pang Katipunero. Ginalugad nila ang mga kuweba ng Makarok at Pamitinan at nagdaos ng mga pulong at inisasyon ng Katipunan. Nakadama sila ng ganap na kapanatagan sa loob ng mga "yungib ni Bernardo Carpio". Noong Biyernes Santo, Abril 12, 1895, humawak si Bonifacio ng sampirasong uling at isinulat sa dingding ng kuweba ang "Mabuhay ang Kalayaan ng Filipinas!" - mula sa aklat na Panitikan ng Rebolusyon(g 1896) ni VS Almario, mp 43-44.)

Marahil ginamit dito ni Bonifacio ang salitang Filipinas bilang kadikit ng salitang Kalayaan. Ito marahil ay upang ipatampok sa mga Kastila na ang tinatawag nitong bansang Filipinas ay dapat nang mapalaya sa mga Kastilang kamay. Ngunit marahil ay hindi niya gagamitin ang Filipinas kung hindi kadikit ang salitang Kalayaan. O kaya naman ay depende sa kanyang kausap kung kailan gagamitin ang salitang Filipinas. Mas nanaisin pa rin ni Bonifacio na gamitin ang Katagalugan bilang tawag sa buong bansa, dahil ito'y taal na wika sa bansa at hindi mula sa Kastila.

Gayunman, isang taon matapos paslangin si Bonifacio, pormal nang inangkin ng mga kababayan ang Filipinas bilang pangalan ng bansa noong Hunyo 12, 1898 nang ipahayag na ang kasarinlan ng bansa sa Cavite Viejo (ngayo'y Kawit), sa lalawigan ng Cavite, bagamat nakasulat sa Acta de Independencia na lumalaya ang Bayan sa mga dayuhang Kastila, habang niyayakap naman ng buong puso ang mga Amerikano. Narito ang patunay:

Y tomando por testigo de la rectitud de nuestras intenciones al Juez Supremo del Universo, bajo la protección de la Potente y Humanitaria Nación Norte Americana, proclamos y declaramos solemnemente en nombre y por la Autoridad de los habitantes de todas estas Islas Filipinas. (And having as witness to the rectitude of our intentions the Supreme Judge of the Universe, and under the protection of our Powerful and Humanitarian Nation, The United States of America, we do hereby proclaim and declare solemnly in the name by authority of the people of these Philippine Islands.) Narito naman ang salin ko sa wikang Filipino, "At bilang saksi sa pagkamatuwid ng aming adhika sa kataas-taasang Hukom ng Sansinukob, at sa ilalim ng pangangalaga ng makapangyarihan at makataong bansa, ang Estados Unidos ng Amerika, aming ipinahahayag at mataimtim na idinedeklara sa ngalan ng kapangyarihan ng mamamayan ng mga kapuluan ng Pilipinas.)

Ibig sabihin, ang tinatawag nating bansang Pilipinas ngayon, o Filipinas, Philippine, at Philippines ay tinatawag na Katagalugan ni Gat Andres Bonifacio at ng buong Katipunan. Nang mamatay si Bonifacio, kahit na idineklara ang "kalayaan" ng Filipinas, ipinagpatuloy ni Macario Sakay ang layunin ng Katipunan at itinatag ang Republika ng Katagalugan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento