EMILIO JACINTO
Noon ay panahon ng pamamayani sa bayan kong amis
ng pamahalaang walang ginaganap kung di ang mang-inis,
sa abang lahi kong kahi't na dustai't sa hayop iparis
ay pawang ngiti rin at tamis ng loob ang ipinapalit;
nang panahong yao'y walang bigong kilos, at bahagyang imik
ang kahima't sino na di may katugong yamba ng paglait.
Ang lahing tagalog nang araw na iyon ay kakaning itik
ng mga maputing sa dugong dalisay ay lakas sisipsip.
Ang ulo ng lahat noo'y nangagyukod kahi't na paslangin,
bibig ay may susi, hindi makatutol sukdan mang iringin,
palibhasa noo'y ang kilalang hari sa bayan kong angkin
ay di gumagalang sa batas ng Matwid na dapat tuntunin,
bagkus siyang lalung madalas lumabag, magwasak, pumuwing
sa Katwirang Banal. Iyan ang larawang hindi nagmamaliw
ng Bayan kong sawing lipos ng linggatong at laging alipin
at kuyom ni lupi... Anong pagkalungkot kung gugunitain...
Lahat ay may nais, nang panahong yaon, na ipagsanggalang
sa harap ng haring pinapanginoon, ang hiyas ng buhay
ng abang lahi kong laging nakadalhak sa maraming hukay
nang pagkaalipin, nang kahi't bahagya'y masinag man lamang
sa silangang dako ang dakilang sikat ng malayang Araw;
nguni't sadya yatang di pa dumarating ang katadhanaan...
sapagka't ang mga libong pagsisikap ay di makagitaw
sa iisang lakas na noo'y may hawak sa palad ng bayan.
Datapwa't hindi rin lubhang namalagi sa hindi pag-imik
ang bayang nang una ay sipsipang dugo ng mga limatik,
sapagka't dumating ang talagang araw na dapat ipatid
niyong tanikalang malaong panahon ng nakabilibid
sa kanyang katawan; sa parang at gubat, bangin hanggang yungib
ay di magkamayaw ang mga hiyawan ng magkakapatid:
anila'y "Dapat nang maputol ang Sama't gumitaw ang Matwid"
at ang watak-watak na bisig ng baya'y tinipo't binigkis.
Ang mga tagalog na anak ng bayan ay di na nagyukod
ng kanilang ulo sa pamahalaan na nagbubusabos;
sa kabila nito'y lalong minabuti ang parang at bundok
na siyang tahanan, kay sa mamalagi sa mga pag-ayop.
Kaya't ang ginawa sa paraang lihim sila'y nagtaguyod
ng mga samahang ipagkakaisa ng bayang tagalog
sila'y nagsikatha ng alituntuning dapat na masunod
ng bawa't kaanib sa banal na layong pag-iisang loob.
Isa sa naggugol ng lahat at lahat sa gitna ng parang
ay di pa marahil lubhang kakilala nating karamihan
gayong siya'y isa sa naging haligi niyong Katipunan
at isang kalihim na siyang may sulat ng dakilang aral
na ang sinasabi'y: "Ang alin mang buhay na di inilaan
sa isang mabuti at dakilang layon, ay nakakabagay
ng hamak na kahoy na wala mang lilim na sukat silungan;"
Siya'y nagngangalang EMILIO JACINTO, batang katipunan.
Sa mga bayaning lumabas sa bundok ay siya ang tangi
na bata sa lahat, nguni't matalino at walang pangimi
sa punlong masasal ng mga kaaway... at lalo pang hindi
marunong gumawa, kaya'y magpasunod, ng anomang mali
sa mga kapatid bagkus siyang lalong dalas dumaliri
sa mga gawaing sinsay sa katwiran at lubhang tiwali.
Siya ang madalas karinggan ng lahat ng mga taguring:
"Mahanga'y mamatay kay sa maturingang api rin ang Lahi."
Sa pagkabata pa'y talagang likas na ang pagkamatapang
na di natatakot sa kahima't sinong may kapangyarihan,
magpakailan ma't ito ay may gawang linsad sa katwiran.
At di lamang ito; ang ating bayaning ipinagdiriwang
hindi lang bihasa sa pakikibaka at pagpapatayan,
siya'y may diwa ring marunong umawit ng tuwa at lumbay;
sa madaling sabi, ay isang makatang patnugot ng Bayan...
makatang nagsabog ng mahahalaga at dakilang aral.
PUTONG:
Dakilang makata na anak ng Trosong iyong sinilangan,
bayaning naggugol ng buhay at pagod dahilan sa Bayan
magmula sa lupa na tahanan naming mga nakinabang
sa ipinunla ninyong matimyas na binhi ng malayang buhay,
magbuhat nga rito'y tanggapin mo riyan at ng kasamahan
ang dakilang putong na tanda ng aming pagsinta't paggalang
sa inyong ginawa;... nguni't sumasamo kaming kalahatan
na ibalita mo kung diyan sa bayang iyong nilipatan
ay di nga marami ang kilalang Diyos, kungdi isa lamang
gaya ng sinabi ng ating bayaning si Gat Jose Rizal.
ROMUALDO G. RAMOS
Troso, Maynila
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento