Miyerkules, Abril 6, 2016

Dalawang tulang "Bonifacio" ni Ka Amado V. Hernandez

DALAWANG TULANG "BONIFACIO" NI KA AMADO V. HERNANDEZ
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dalawang tula, iisang pamagat. Kapwa pagninilay sa ating bayaning si Gat Andres Bonifacio. Kung alin ang nauna sa dalawa ay hindi ko na nalaman pagkat walang petsa ang nasabing mga tula. Narito ang magkaibang tula ni Ka Amado V. Hernandez hinggil sa Supremo ng Katipunan.

Ang isa'y mula sa aklat na Tudla at Tudling, mp. 276-277, na hinati sa tatlong bahagi, na kung susuriin animo'y pinagdugtong na tatlong soneto, at ang bawat taludtod ay tiglalabing-anim na pantig, at may sesura o hati sa pangwalong pantig.

Ang isa naman ay nasa aklat na Isang Dipang Langit, p. 159, na binubuo ng apat na saknong na may tig-aapat na taludtod, at lalabindalawang pantig, at may sesura o hati sa ikaapat na pantig.

Halina't tunghayan natin at namnamin ang dalawang tulang ito na iisa ang pamagat.


BONIFACIO
ni Amado V. Hernandez

I
Pag malubha na ang init, sumasabog din ang bulkan,
pag labis ang pagkadusta'y naninigid din ang langgam:
at ang bayan, kahit munti, kung inip na sa karimlan,
sa talim ng isang tabak hinahanap ang liwayway!

Walang bagay sa daigdig na di laya ang pangarap,
iyang ibon, kahit ginto ang kulunga'y tumatakas;
kung baga sa ating mata, kalayaan ay liwanag,
at ang bulag, tao't bayan ay tunay na sawingpalad!

Parang isang bahagharing gumuhit sa luksang langit,
ang tabak ni Bonifacio'y tila kidlat na gumuhit
sa palad ng ating bayang "nauuhaw'y nasa tubig."

Sa likuran ng Supremo'y kasunog ang buong lahi,
samantalang libo-libo ang pangiting nasasawi,
sa gitna ng luha't dugo, ang paglaya'y ngumingiti.

II
Ang kalansay ng bayaning nangalagas sa karimlan,
naging hagdan sa dambana ng atin ding kasarinlan;
at ang Araw, kaya pala anong pula ng liwayway,
ay natina sa dumanak na dugo ng katipunan!

Namatay si Bonifacio, subali't sa ating puso,
siya'y mutyang-mutyang kayamanang nakatago;
wari'y kuintas ng bulaklak, nang sa dibdib ay matuyo,
bagkus natin nalalanghap ang tamis ng dating samyo.

Sa Ama ng Katipuna'y kautangan nating lahat
ang dunong na matutunan ng lakas sa kapwa lakas,
batong-buhay, nang magpingki'y may apoy na naglalablab!

Natanto ring kung may tubig na pandilig sa pananim,
ang laya man, kung nais na mamulaklak ay dapat ding
diligin ng isang lahi ng dugong magigiting.

III
Iyang mga baya'y tulad ng isda rin palibhasa,
ang maliit ay pagkain ng malaking maninila;
ang kawawang Pilipinas, pagka't munti at kawawa,
kaya lupang sa tuwina'y apihin ng ibang lupa.

Oh, kay saklap! Anong saklap! Ang sa atin ay sumakop,
isang naging busabos ding tila ibig mangbusabos;
kung kaya ang ating laya'y isa lamang bungang-tulog,
nasa kurus hanggang ngayon itong si Juan de la Cruz!

At ang bayan, sa malaking kasawiang tinatawid,
ang ngalan ni Bonifacio ay lagi nang bukang-bibig,
tinatanong ang panahon kung kailan magbabalik!

Kailan nga magbabalik ang matapang na Supremo?
Tinatawag ka ng bayan: - "Bonifacio! Bonifacio!
isang sinag ng paglaya bawa't patak ng dugo mo!"


BONIFACIO
ni Amado V. Hernandez

Kalupitan ay palasong bumabalik,
kaapiha'y tila gatong, nagliliyab;
Katipuna'y naging tabak ng himagsik,
at ang baya'y sumiklab na Balintawak!

Isang tala ang sumipot sa karimlan,
maralita't karaniwang Pilipino;
ang imperyo'y ginimbal ng kanyang sigaw,
buong lahi'y nagbayaning Bonifacio!

Balintawak, Biak-na-Bato, Baraswain,
naghimala sa giting ng bayang api;
kaalipnan ay nilagot ng alipin,
at nakitang may bathalang kayumanggi.

Republika'y bagong templong itinayo
ng bayan din, di ng dayo o ng ilan;
Pilipinas na malaya, bansang buo,
na patungo sa dakilang kaganapan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento