KATITIKAN NG SEREMONYA:
Pagtitipon ng mga Anak ng Bayan
NAMUMUNONG KAWAL NG KARTILYA (NKK): Mga kababayan, ating gunitain ang naunang mga dakilang kaganapan sa kasaysayan ng ating bayan, ang pagkakatatag ng Kataas-taasang Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan, ikapitong araw ng ikapitong buwan, 1892, at pagkatapos ng apat na taong matagumpay na pagsisikap ng Katipunan, na pagkaisahin ang magkakaiba at magkakalayong mga pamayanan ng tagailog sa Sangkapuluang ito ay nahinog ang batayan sa pagsisilang ng bansa. Kaya't noong Agosto 24, 1896, ang Katipunan na dati'y isang mapanghimagsik na samahan lamang ay muling itinatag bilang kaunaunahang pambansang pamahalaan na nakilala bilang "Haring Bayang Katagalugan." Sa pamumuno ng Pangulong Andres Bonifacio Maypagasa, ang mga aral ng Katipunan, laluna ang Kartilya na isinulat ni Emilio Jacinto Pingkian, ay itinaguyod na maipagpatuloy sa bagong ugnayan sa ating panahon.
PANGALAWANG NAMUMUNO (PN): Mahalaga pa rin ang mga aral na ito hanggang sa ngayon, kaya't nagtitipon tayo sa pararamihin pang mga "Pamilya sa Kartilya" upang pag-aralan, isabuhay at lalo pang ipalaganap ang mga aral na ito. Bahagi man o hindi ng alinmang pormal na samahan, itinataguyod natin ngayon ang "Kilusang Kartilya" na itinatag ng Katipunang DakiLahi para sa Pambansang Pagsasaniblakas batay sa seremonyang Pagtitipon ng mga Anak ng Bayan, na nilikha ng Kampanya para sa sentenaryong Katipunan, Sandaan! noong Hulyo 7, 1992. Nagsimula tayo noon ng limang-taong buwanang pagdaraos ng Pagtitipon bilang isang monumentong espiritwal sa hanay ng ating mga kababayan sa buong kapuluan at sa ibayong dagat; at idinaraos tuwing ikapitong araw ng bawat buwan, na nagsisimula ng ikapito ng gabi. Ang paggalang natin sa seremonyang ito ay maging tanda nawa ng paggalang natin sa ating mga bayaning ninuno. Tumayo tayo nang tuwid ay awitin ang martsang Alerta Katipunan.
1. Pambungad na Awitin: ALERTA, KATIPUNAN!
I. Alerta, Katipunan!
Sa bundok ang tahanan,
Doon mararanasan
Ang hirap ng katawan!
Walang unan, walang kumot,
Walang banig sa pagtulog.
Inuunan pa ay gulok
Abansing katakut-takot!
II. Alerta, Katipunan!
Bathin ang kahirapan,
Pag-ibayuhin ang tapang,
Kahit mamatay sa laban!
Layunin natin ay itaguyod
Baya'y tubusin at itampok,
Hayo na tayo, makipaghamok,
Abansing katakut-takot!
[Uupo ang lahat sa iisang sirkulo.]
2. Pagtanggap sa mga Dumalo at Paglilinaw sa mga Layunin
NKK: Mabuhay kayo, mahal na mga kapatid! Simulan natin ang ating pagdaraos ngayon ng Pagtitipon ng mga Anak ng Bayan sa pamamagitan ng pagkilala sa isa't isa at sa ating mga layunin. Sagutin ngayon ng bawat isa sa atin ang unang pambungad na katanungan sa mga dumudulog upang umanib sa Katipunan: "Ikaw ay sino?"
[Babanggitin ng bawat isa ang kanyang buong pangalan at palayaw, mga lalawigang pinagmulan ng kanyang mga magulang, at ang lalawigang kanyang kinasilangan at kinalakhan. Babanggitin ang sariling okupasyon ngunit hindi ipakikilala o babanggitin man lamang ang kinapapaloobang samahan o pinapasukang tanggapan. Unang magpapakilala ang Namumunong Kawal ng Kartilya.]
PN: Palakpakan po natin ang lahat ng dito'y nagtipon. Sabay-sabay naman nating sagutin ngayon ang ikalawang pambungad na katanungan sa mga dumudulog sa Katipunan: "Ano ang dito ay iyong hinahanap?"
LAHAT: Sa naritong Pagtitipon / ay kusangloob kaming dumadalo, / upang magpugay at mag-aral / sa kasaysayan at kabayanihan / ng Kataas-taasang Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan / at sa kasakilaan / ng sambayanang Pilipino.
PN: Kung gayon, sa diwa ng dakilang simulaing taglay ng Pagtitipon ng mga Anak ng Bayan ay batiin at tanggapin natin ang bawat isa.
[Lahat ay titingin at magbibigay ng pagngiti at pagbati sa isa't isa, tanda ng pagtanggap nila sa isa't isa sa Pagtitipong ito.]
NKK: Ang mga dumadalo ngayon sa Pagtitipon sa unang pagkakataon ay mangyaring tumayo, isuot at ibuhol ang pulang sagisag, at ating palakpakan. [pagtayo at palakpakan] Ang mga kinikilala nang mga ganap na Katipon dahil sa pag-uulit ng pagdalo, ay tumayo ngayon, isuot at ibuhol ang pulang sagisag na may isang titik K, at ating palakpakan. [pagtayo at palakpakan] Ang naritong mga Kawal ng Kartilya, na nakapagdaos ng maikling bersyon ng seremonyang ito, nakapanghikayat ng bagong dumalo, at nakapamuno na sa isa man lamang pagdaraos ng buong seremonya sa isang regular na Pamilya ng Kartilya, ay tumayo ngayon, isuot at ibuhol ang pulang sagisag na may dalawang titik K, at ating palakpakan. [pagtayo at palakpakan] Ang mga Kapatid sa Kabayanihan ng Katipunan, na nakapag-aral na sa mga orihinal na sulatin nina Gat Andres Bonifacio at Gat Emilio Jacinto, nakapag-aral na sa unang baytang ng Palatuntunang Pingkian, at nakaganap na sa iba pang mga pamantayang inihanay ng Sanggunian ng mga Kawal ng Kartilya para sa katayuang ito, ay tumayo ngayon, isuot ang pulang sagisag na may tatlong titik K, at ating palakpakan. [pagtayo at palakpakan] Atin ngayong ipagbunyi ang lahat ng bumubuo ng Kilusang Kartilya sa buong kapuluan at sa ibayong dagat! [Palakpakan]
PN: Ang pangatlong pambungad na katanungang ihinanarap sa mga dumudulog sa Katipunan ay: "Di mo baga nababatid na kapagkarakang ikaw ay masanib sa Katipunang ito, ikaw ay mabibingit sa katakut-takot na kapahamakan?" Hindi tayo sasagot sa ganitong katanungan sa Pagtitipon dahil hindi naman tayo umaanib ngayon sa Katipunan na isang samahang mapanghimagsik at tinutugis ng makapangyarihang Kastila noong kanilang panahon.
Gayunman ang kakaharapin natin ngayon ay isang mabigat na hamon, at ito ay ang pagsasabuhay at pagpapalaganap sa dakilang diwa ng Katipunan. Hindi ito madaling maisakatuparan at ang kailangan ay katatagan ng loob at kahandaang magpakasakit, isang pagpapanibagong-hubog sa sarili, ayon sa mga aral ng Kartilya ng Katipunan.
NKK: Ang pag-anib natin sa pagsisikap na ito ng Kilusang Kartilya ay malaman at madama sana ng ating pami-pamilya, mga kamag-anak at mga kaibigan, ayon sa matingkad nating pagsasabuhay sa mga simulaing nakaukit sa Kartilya ng Katipunan, at hindi lamang dahil ipinagsasabi natin ito. Nawa'y maging mabunga ang pagdaraos natin ngayon ng Pagtitipon ng mga Anak ng Bayan, para sa bawat isa sa atin at para sa ikaiinam ng kalagayan ng mahal nating Inang Bayan.
LAHAT: Pagsumikapan nating lahat / na ito ay gawing mabunga . ngayon at lagpas pa nang malaon / sa ating paghihiwa-hiwalay.
3. Ikalawang Awit: PAG-IBIG SA TINUBUANG LUHA
[Isinaayos ni Luis Jarque, halaw sa 28 saknong na tula ni Gat Andres Bonifacio]
I.
Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
Sa pagkadalisay at pagkadakila
Gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa?
Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala.
II.
Walang mahalagang hindi inihandog
Ng may pusong mahal sa Bayang nagkupkop:
Dugo, yaman, dunong, katiisa't pagod,
Buhay ma'y abuting magkalagut-lagot.
Koro:
Ang nakaraang panahon ng aliw
Ang inaasahang araw na darating
Ng pagkatimawa ng mga alipin,
Liban pa sa Bayan, saan tatanghalin?
Sa aba ng abang mawalay sa Bayan!
Gunita ma'y laging sakbibi ng lumbay,
Walang alaala't inaasam-asam
Kundi ang makita'y lupang tinubuan.
III.
Kayong nalagasan ng bunga't bulaklak,
Kahoy n'yaring buhay na nilanta't sukat
Ng bala-balakid, makapal na hirap
Muling manariwa't sa Baya'y lumiyag.
IV.
Ipakahandog-handog ang buong pag-ibig,
Hanggang sa may dugo'y ubusing itigis,
Kung sa pagtatanggol, buhay ay kapalit
Ito'y kapalaran at tunay na langit.
Koro:
Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
Sa pagkadalisay at pagkadakila
Gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa?
Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala.
4. Pagbabasa: ANG DAPAT MABATID NG MGA TAGALOG
[Pagbasa sa isang bahagi ng "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog" na isinulat ni Gat Andres Bonifacio. Maaaring magdagdag ng pagbasa ng isa pang pahayag / liham o kaya'y presentasyon ng likhang sining na di lalagpas ng 10 minuto.]
NKK: Narito ang huling bahagi ng "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog," isang makapangyarihang pahayag na inilathala sa pahayagang Kalayaan noong Enero 1896 nang may lagdang "Agapito Bagumbayan," isang pangalan sa panulat ni Gat Andres Bonifacio. Ang mga Kapatid nating sina [dalawa sa mga dumadalo sa unang pagkakataon] ang siyang babasa ng tigisang talata.
TAGABASA 1:
"Ano ang nararapat nating gawin? Ang araw ng atwiran na sumisikat sa Silanganan ay malinaw na itinuturo sa ating mga matang malaong nabulagan ang landas na dapat nating tunguhin. Ang liwanag niya'y tanaw sa ating mga mata ang kukong nag-akma ng kamatayang alay sa atin ng mga ganid na asal. Itinuturo ng katwiran na wala tayong iba pang maaantay kundi lalo't lalong kahirapan, lalo't lalong kataksilan, lalo't lalong kaalipustaan, at lalo't lalong kaalipinan. Itinuturo ng katwiran na huwag nating sayangin ang panahon sa pag-asa sa ipinangakong kaginhawahan na hindi darating at hindi mangyayari. Itinuturo ng katwiran na tayo'y umasa sa ating sarili at huwag antayin sa iba ang ating kabuhayan. Itinuturo ng katwiran na tayo'y magkaisang-loob, magkaisang-isip at akala nang tayo'y magkalakas na maihanap ng lunas ang naghaharing kasamaan sa ating bayan."
TAGABASA 2:
"Panahon na ngayong dapat na lumitaw ang liwanag ng katotohanan. Panahon nang dapat nating ipakilala na tayo'y may sariling pagdaramdam, may puri, may hiya, at pagdadamayan. Ngayo'y panahon nang dapat simulan ang pagsisiwalat ng mga mahal at dakilang aral na magwawasak sa masinsing tabing na bumubulag sa ating kaisipan. Panahon na ngayong dapat makilala ng mga Tagalog ang pinagbuhatan ng kanilang kahirapan... Kaya, O, mga kababayan! Ating idilat ang bulag na kaisipan at kusang igugol sa kagalingan ang ating lakas, sa tunay at lubos na pag-asa na magtatagumpay sa nilalayong kaginhawahan ng bayang tinubuan."
5. Pagsagot sa Tatlong Tanong
Ukol sa Kasaysayan ng Ating Bayan
NKK: Ngayon ay handa na ba tayong sumagot sa Tatlong Tanong sa Kasaysayan, na kahawig ng ipinasasagot noon sa bawat umaanib sa Katipunan?
LAHAT: Handa na kami, Kapatid! / buod ng kasaysayan / ng ating bayan / ay amin nang nababatid.
NKK: Ano ang kalagayan ng ating bayan / bago dumating ang mga / mananakop na dayuhan?
LAHAT: Maraming libong taon na / ang ating mga ninuno / ay namuhay ng malaya, / mapayapa at masagana, / may unti-unting pag-unlad, / may namumuong pagkakaisang likas / na tumutungo sa pagkabansa, / at may malusog na pakikipag-ugnayan / sa nakapaligid na mga bansa.// Ang ating mga ninuno / ay may mayamang kultura / at maayos na sistema ng pamahalaan / na pawang sinira ng nanakop na dayuhan.
NKK: Ano ang naging kalagayan ng ating bayan / magmula nang ang buhay nito'y / pagharian ng mga dayuhan?
LAHAT: Sapilitang binuo ang isang kolonyang bayan / ngunit pinanatiling hati-hati ang mga mamamayan. // Mula noon, tayo'y inalipin at pinagsamantalahan / sampu ng ating mga likas na yaman. // Hinawakan ang ating mga kaisipan, / inudlot at sinira ang pag-unlad ng ating wika, / at ang ating karangalan at kakanyahan / bilang sambayanan ay niyurakan at ipinalimot, / lalo na sa mga kabataan. // Ang ating kabuhayan ay pinakinabangan ng mga dayuhan / at ng ilan nating mga kababayan. // Habang nagkakandakuba sa paggawa, / tayo'y naging mga pulubi at alipin / sa sariling bayan at maging sa ibayong dagat. // At sa halip na umunlad, / buhay nati'y lumubha ng lumubha / sa paglipas ng bawat / maghapon at magdamag.
NKK: At ano naman ang magiging kalagayan ng ating bayan, sa sandaling makalaya tayo sa paghaharing dayuhan at sa ibinunga nito sa ating mga pag-uugnayan, ugali at isipan?
LAHAT: Ang likas na kayamanan / at lakas-paggawa ng Inang Bayan / ay maiuukol na sa kapakanan at pag-unlad / ng kanyang mamamayan. // Maibabangon at maisusulong na natin / ang ating kabuhayan, / matitigil na ang pagpapaalipin / ng ating mga kababayan / sa kinang ng salaping dayuhan, / at magiging maaliwalas ang hinaharap / para sa ating mga anak.
PN: Kung mayroong mga tanong ang sinuman ukol sa mga Pagbasa at sa ating pagsagot sa Tatlong Tanong, mangyari po lamang na maisulat nang kalakip ang inyong pangalan, at maibigay sa amin upang mabigyang-daang matugunan. Kung isasagawa na ngayon, ang mga pagtatanong at pagtugon ay hindi dapat lumagpas ng 15 minuto.
6. Mga Aral mula sa Kartilya ng Katipunan
PN: Pasa-pasa nating basahin ngayon ang mga punto ng Mga Aral ng Katipunan ng mga A.N.B. na itinatampok ng Kartilyang isinulat ni Gat Emilio Jacinto. Walang mga numero sa orihinal at ang mga katagang nakahilig at nasa panaklong ay idinagdag ng Kamalaysayan upang higit na maunawaan sa kasalukuyan. Matapos ang pagbasa ng lahat ay idedeklara ng bawat isa sa maliit na grupo kung alin sa mga aral ang agad tumimo sa kanya at ipaliliwanag niya kung bakit yaon ay may buhay na kaugnayan sa kanyang kalagayan at karanasan at sa sarili niyang mga katangian, ugali at/o asal. Hindi tayo gagawa ng konsensus o sama-samang pasya batay sa mga pagbabahaginang ito.
1. Ang buhay na hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy (puno) na walang lilim, kundi (man) damong makamandag.
2. Ang gawang magaling na nagbubuhat sa paghahambog o papipita sa sarili (paghahangad na makasarili), at hindi talagang nasang gumawa ng kagalingan, ay di kabaitan.
3. Ang tunay na kabanalan ay ang pagkakawang-gawa, ang pag-ibig sa kapwa at ang isukat ang bawat kilos, gawa't pangungusap sa talagang Katuwiran.
4. Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao'y magkakapantay; mangyayaring ang isa'y hihigitan sa dunong, sa yaman, sa ganda; ngunit di mahihigitan sa pagkatao.
5. Ang may mataas na kalooban, inuuna ang (dangal o) puri kaysa pagpipita sa sarili; ang may hamak na kalooban, inuuna ang pagpipita sa sarili sa puri.
6. Sa taong may hiya, salita'y panunumpa.
7. Huwag mong sayangin ang panahon; ang yamang nawala'y mangyayaring magbalik; ngunit panahong nagdaan nay di na muli pang magdadaan.
8. Ipagtanggol mo ang inaapi;kabakahin (labanan) ang umaapi.
9. Ang taong matalino'y ang may pag-iingat sa bawat sasabihin;matutong ipaglihim ang dapat ipaglihim.
10. Sa daang matinik ng buhay, lalaki ang siyang patnugot ng asawa at mga anak; kung ang umaakay ay tungo sa sama, patutunguhan ng inaakay ay kasamaan din. (Ang simula nito ay obserbasyon sa ugnayan ng babae at lalaki sa panahon ng Katipunan; para sa kasalukuyan, iminumungkahing ipalit ang sumusunod: "Sa daang matinik ng buhay, ang mga magulang ang patnugot ng mag-anak; kung ang umaakay ay tungo sa sama, and patutunguhan ng inaakay ay kasamaan din.)
11. Ang babae ay huwag mong tingnang isang bagay na libangan lamang, kundi isnag katuwang at karamay (ng lalaki) sa mga kahirapan nitong buhay; gamitin mo nang buong pagpipitagan ang kanyang (pisikal na ) kahinaan, alalahanin ang inang pinagbuhatan at nag-iwi sa iyong kasanggulan.
12. Ang di mo ibig gawin sa asawa mo, anak at kapatid, ay huwag mong gagawin sa asawa, anak at kapatid ng iba.
13. Ang kamahalan ng tao'y wala sa pagkahari, wala sa tangos ng ilong at puti ng mukha, wala sa pagkaparing kahalili ng Diyos, wala sa mataas na kalagayan sa balat ng lupa: wagas at tunay na mahal na tao, kahit laking gubat at walang nababatid kundi sariling wika, yaong may magandang asal, may isang pangungusap, may dangal at puri, yaong di nagpaaapi't di nakikiapi; yaong marunong magdam-dam at marunong lumingap sa bayang tinubuan.
14. Paglaganap ng mga aral na ito, at maningning na sisikat ang araw ng mahal na kalayaan dito sa kaaba-abang Sangkapuluan at sabungan ng matamis niyang liwanag ang nangagkaisang magkakalahi't magkakapatid, ng liwanag ng walang katapusan, ang mga ginugol na buhay, pagod, at mga tiniis na kahirapa'y labis nang matutumbasan.
[Bubuo ng mga apat-kataong grupo at may limang minuto ang bawat tao upang makapagbahagi. Hindi pag-uusapan ang organisasyon, tanggapan o kumpanyang pinapasukan ninuman at ang tuon lamang ay sa personal na unawa at pagsapamuhay ng bawat isa sa napiling punto.]
7. Pag-awit ng LIWANAG, HUWAG DILIM
[Katha ni Ed Aurelio "Ding" C. Reyes ng Kamalaysayan
batay sa "Liwanag at Dilim" ni Emilio Jacinto]
I.
Liwanag, ating hanapin,
Liwanag, yakapin at gamitin,
Liwanag ay makapangyarihan
Sa paglalandas ng ating buhay
II.
Liwanag ng Katotohanan,
Liwanag ng Katuwiran,
Liwanag ng Kalayaan,
Ng Katarungan at Kapatiran...
Koro 1:
Di tulad ng Dilim
Di tulad ng Ningning
Na sarili lamang ang 'pinapakita
Sa ating paningin
III.
Liwanag, sa sandaling mahanap,
Pagsumikapang maipalaganap,
At paramihin ang maninindigan
Na mabubuhay sa kanyang sinag.
Koro 2:
Ang Dilim ay Piring,
Huwad na ilaw naman ang Ningning
Na kaakit-akit, kaya nagagawa
Tayong linlangin!
Ulitin ang II at III
Liwanag!
8. Pagbigkas at Paglagda sa Panata
NKK: Magsitayo tayong lahat nang tuwid, idikit ang ating kamao sa pagtibok ng ating puso at sabay-sabay nating bigkasin ang panata sa pagsasabuhay at pagpapalaganap sa Kartilya ng Katipunan. Sa ating pagpapahayag ay iniisip natin ang ating mga ninuno na unang nagtaguyod sa kadakilaan ng ating lahi.
LAHAT:
Kaming narito ngayon, mga kusang-loob na dumalo sa Pagtitipon ng mga Anak ng Bayan / ay sumusumpa ngayong pag-aaralan, / isasabuhay at ipalalaganap ang dakilang diwa / ng Kataas-taasang Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan. // Niyayakap namin / bilang sariling panuntunan sa buhay / ang Kartilya ng Katipunan / at nangangako kaming ipakikilala ito / sa higit na marami pang mga kababayan / sa Pilipinas man o sa ibayong dagat. // Gagawin namin / sa iba't ibang kaparaanan / sa abot ng aming makakayanan / na pagkaisahin ang lahat sa isang bukluran / sa patnubay ng mga aral ng Katipunan / at kamtin ang kaisahan, kalayaan, karangalan at kaginhawaang / malaon nang ipinagkakait / sa minamahal na Inang Bayan. // Mag-aambag at magpapatampok kami / sa sama-samang galing ng mga Pilipino / at magtatalastasan at magtatangkilikan / sa pagsasaniblakas at bagong bayanihan, / upang mabuo ang isang malakas na bansa. //
Kami'y magpupunyagi / upang ang mga ikinikilos namin sa araw-araw / ay sukat naming maikarangal / sa mga nagtatag at nagtaguyod ng Katipunan / at sa lahat ng mga ninunong / mayaman sa kabayanihan. // Hindi kailanman mamamatay / ang kaytagal nang mga pangarap! / Ito ang mataimtim naming Panata / sa ngalan ng aming karangalan. // Kasihan nawa kami / ng Bathalang Maykapal!
PN: Hahanay tayo ngayon, at bawat isa'y lalagda sa ilalim ng binigkas nating Panata, sindihan ang tangan niyang kandila, lalagyan ng isang patak ng kandila ang kanyang lagda habang nagsasabi ng "Tulad ng aking karangalan, di mabubura ang aking lagda." [Ipauulit ito sa lahat.] Pagkatapos ay papatakan din ng kandila ang sariling palad habang nagsasabi ng "Talab sa aking palad, talab sa aking isip, salita at gawa." Atin nang simulan ang banal na gawaing ito. Pinaaalalahanang maging tahimik ang lahat bilang pagbigay-galang sa seremonya at paggalang din sa tahimik na pagmumuni-muni na isasagawa ng bawat isa.
9. Pagpapalitan ng kandila
NKK: Bilang tanda ng init at liwanag na taglay ng mahigpit nating pagkakaisa sa ating Panata sa Diwa ng Katipunan, lapitan natin ang bawat isa, makipagpalitan ng kandila sa kanya, batiin siya ng "Mabuhay Ka at ang Ating Panata!" at makipagkamay nang palad-sa-palad sa kanya. [Ipaulit sa lahat ang pagbati. Ipakita ang palad-sa-palad na pakikipagkamay.]
LAHAT (sa isa't isa): Mabuhay Ka at ang Ating Panata!
PN: Yayamang tapos na, magbalik na tayo sa ating mga upuan, patayin ang sindi ng ating mga kandila, ilapag ang lahat ng hawak, maging tahimik at manatiling nakatayo bilang angkop na paghahanda sa Pagtatalaga ng ating Panata.
10. Paghahandog (Konsekrasyon) ng Panata
NKK: [Ipakikita sa nagsidalo ang nilagdaang Panata] Masdan n'yo mga Kapatid, ang ating Panata, at ang ating mga lagda ng karangalan, na ngayon ay nasa papel. Atin ngayon itong aalisin sa anyong pisikal... [sisindihan ang papel at ilalapit sa harap ng bandila ng Katipunan at mga sagisag na bungo at punyal]... at sundan n'yo ako at pagkatapos ay tahimik tayong magmuni-muni...
Ang Panata at mga lagda / na inaangkin ngayon ng apoy / ay gumabay sana at manatiling nakaukit / sa puso at isipan / ng bawat isa sa atin / at sa higpit / ng ating pagkakaisa. [tahimik na manonood ang lahat sa pagkaubos ng apoy]
PN: Mabuhay ang Dakilang Diwa ng Katipunan!
LAHAT: Mabuhay!
PN: Mabuhay sa atin ang Dakilang Diwa ng Katipunan!
LAHAT: Mabuhay!
11. Pagwawakas
PN: Magsiupo tayo. Bawat isa ay magpapahayag ng maikli sa mga naiisip niya't naramdaman ukol sa pagdalong ito sa Pagtitipon ng mga Anak ng Bayan. Hindi muna maglalabas ng anumang pagmumungkahi ang sinuman sa nakikita niyang pagpapahusay pa ng katitikan o ng mga pagdaraos ng seremonya. Ang mahalaga ay pagtugon sa seremonya, ayon sa pagkakadaos nito ngayon, lalina ang mga bahaging may pinakamalaking epekto sa kanya. Unahin nating pakinggan ang mga dumadalo ngayon sa kauna-unahang pagkakataon.
[Isagawa ang mga pagpapahayag; magbabahagi rin ang NKK at PN ng ilang karagdagang impormasyon at hihikayatin silang magbasa ng hiwalay na mga sulatin ukol sa Katipunan, ukol sa Kartilya, at sa Kilusang Kartilya, at/o manatili matapos ang seremonya para sa karagdagang mga pag-uusap-usap.]
NKK: Mga Kapatid, dumating na ang oras ng ating pagpapaalam sa isa't isa. Ngunit ito'y pansamantala lamang at hindi tunay na paghihiwa-hiwalay. Pansamantala sapagkat bawat isa sa atin na nagsasabing mahusay at mainam ang ating seremonya ay tinatawagan ngayon na kahit minsan pa'y dumalong muli bilang ganap nang Katipon sa susunod pang mga Pagtitipon ng mga Anak ng Bayan, magpadalo ng dalawa man lamang na magiging mga ganap ding mga Katipon, at hangga't maaari ay maging Pangalawang Namumuno, tulad ni ______________, at paglaon ay Namumunong Kawal ng Kartilya, o tagabasa ng mga pamagat ng bahagi at mga paliwanag sa panaklong, tulad ni ______________, sa paglawak pa nitong ating Kilusang Kartilya dito o sa iba pang lugar. Ang sinumang babalik ay dadalo sanang muli hindi lamang upang may bagong matutunan, kundi upang makapagbahagi rin sa iba. Ganap nating sikaping makarating sa tamang oras, upang mapanindigan ang ikaanim at ikapitong aral ng Katilya at maiwaksi ang ugaling hindi nababagay sa mga anak ng Dakilang Lahi. Palakpakan po natin ngayon ang mga dumating kanina sa tamang oras. (palakpakan).
Hindi ganap ang paghihiwa-hiwalay sapagkat mahigpit tayong binubuklod ngayon ng ating Panata na isabuhay at ipalaganap ang Dakilang Diwa ng Katipunan, sa nagkakaisa nating pagmamahal sa ating Inang Bayan.
Humayo tayo, kung gayon, at magsilbing mga kandilang nagbibigay ng init at liwanag sa pagbubuklod ng higit pang maraming mamamayan tungo sa karangalan, kaisahan, kalayaan, katarungan, at kaginhawahan.
LAHAT [Tatayo]: Mabuhay ang Pilipinas! Isabuhay ang Dakilang Diwa ng Katipunan! Ikarangal ang kadakilaan ng ating lahi!
12. Pag-awit ng MARANGAL NA DALIT
PN: Tayo'y maghawak-kamay... at taimtim nating awitin ang unang pambansang awit ng nagkaisang mga anak ng bayan, ang Marangal na Dalit na kinatha ng Katipunerong kompositor na si Julio Nakpil:
LAHAT:
I.
Mabuhay, Ma---buhay yaong
Kalayaan, Kalayaan!
At pasulungin
Ang puri't kabanalan
Ang puri't kabanalan!
II
Kastila'y mairing
Ng Katagalugan
At ngayo'y ipagwagi
Ang kahusayan!
(Ulitin ang I)
Maaaring sundan ito ng simpleng salu-salo, at/o pag-uusap na ukol sa mga plano ng mga grupo hinggil sa Kartilya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento