Sabado, Hulyo 14, 2012

Salamat sa akdang "Liwanag at Dilim" ni Emilio Jacinto

SALAMAT SA AKDANG “LIWANAG AT DILIM” NI EMILIO JACINTO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Maraming salamat, Emilio Jacinto
Sa maraming aral na binahagi mo
Ito’y tunay naming ikapapanuto
Sa lipunang itong dapat na mabago.

Ang ibinilin mong pagpapakatao
Ay dapat umiral ngayon sa’ting mundo
Tigilan ang away at mga perwisyo
Kundi magkaisa, maglingkod sa tao.

Liwanag at Dilim, malikot ang diwa
Sadyang nanggigising ang maraming paksa
Matalim, malalim ang iyong adhika
Na s’yang kailangan nitong ating bansa.

Maganda ang aral sa nakakabasa
Na nanaisin ngang maglingkod sa masa
Mga akda itong sa ami’y pamana
Isang pasalubong sa bagong umaga.

Mga sulatin mo ay napakahusay
Sa balat at diwa nami’y lumalatay
Mga aral itong dapat isabuhay
Tungo sa sistemang may pagkakapantay.

Maraming salamat sa iyong pamana
May liwanag ngayon kaming nakikita
Upang ating bayan ay mapagkaisa
At mabago itong bulok na sistema.

Salamat, salamat sa iyo, Jacinto
Pawang karangalan itong pamana mo
Pag-ibig, paglaya, pagpapakatao
Paggawa, katwiran, lahing Pilipino.

Nobyembre 7, 2007, Sampaloc, Maynila

Sabado, Hulyo 7, 2012

Internasyunalismo

INTERNASYUNALISMO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nagkataon lang sa Pilipinas ako sinilang
kaya iyang banyaga'y di natin agad kalaban
gayunman, nauunawaan ko ang kasaysayan
kung bakit ninuno'y lumaban sa mga dayuhan

subalit sa panahong ito ng kapitalismo
diwang internasyunalismo'y tinataguyod ko
na nakita ko sa aral ni Emilio Jacinto
sa kanyang Liwanag at Dilim, aking napagtanto

"Iisa ang pagkatao ng lahat," sabi niya
malalim kong pinagnilayan, diwang mahalaga
"Lahat ng tao'y magkakapantay" ang sinulat pa
bilang isa sa mga payo't aral sa Kartilya

ang Kartilya'y nagmulat sa aking matang may luha
upang magpakatao't makipagkapwa sa madla
upang wala nang pang-aapi sa mundo't sa bansa
upang makipagkaisa sa uring manggagawa

kung ako'y taga-Amerika, Europa, o Byetnam
ang Pilipino ba'y kalaban na agad, kay-inam
tayo'y magkapatid, kapwa taong may pakiramdam
kaya sa isyu sa ibang bansa'y may pakialam

kaya internasyunalista sa sarili'y turing
nagkataon lang sa bansang ito ako nagising
bilin nga sa Kartilya, tayo'y magkapantay man din
balat man ay kayumanggi, dilaw, puti o itim

Miyerkules, Setyembre 14, 2011

Isang Aklat at ang Rebulto ni Sakay: Ilang Personal na Tala

ISANG AKLAT AT ANG REBULTO NI SAKAY: ILANG PERSONAL NA TALA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Karaniwang tinatalakay sa mga aklat-pangkasaysayan ang kadakilaan at kagitingan ng mga bayaning sina Jose Rizal at Gat Andres Bonifacio, kung saan ang kanilang mga rebulto ang karaniwang makikita sa iba't ibang panig ng bansa.

Bihira ring matalakay ang rebolusyong Pilipino sa panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano, at ang mga bayani noon ay itinuring pang bandido ng mga dayuhan at di kinilala ng sariling kababayan, tulad na lang ni Macario Sakay. Si Sakay ang nagpatuloy ng tungkulin ng KKK na itinatag ni Andres Bonifacio.

Kasama si Lucio De Vega, binitay sila ng mga Amerikano noong Setyembre 13, 1907 matapos siyang malinlang ng lider-obrerong si Dominador Gomez at tuluyang madakip ng mga Amerikano.

Makalipas ang eksaktong isangdaang taon pagkabitay nila, inilunsad sa ikalawang palapag ng Kolehiyo ng Sining at Agham (CAS) ng Unibersidad ng Pilipinas sa Maynila, ang aklat na "Macario Sakay: Bayani" na isinulat ng inyong abang lingkod. Ang nasabing aklat ay bilang pag-alala sa ambag ni Macario Sakay sa rebolusyon. Inilathala ito ng grupong Kamalaysayan (Kampanya para sa Kamalayan sa Kasaysayan, na sa kalaunan ay naging Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan) na pinamumunuan nina Prof. Bernard Karganilla ng UP Manila at ni Prof. Ed Aurelio C. Reyes, na siyang pasimuno ng Kamalaysayan at tinatawag ng marami na Sir Ding. Malugod kaming tinanggap doon ni Dean Reynaldo Imperial, na siyang dekano ng UP CAS. Nasaksihan din ng aking ama at ng isa kong kapatid na babae ang paglulunsad ng aklat.

Sinulat ko bilang Pambungad sa aklat, na may petsang Agosto 21, 2007: “Nawa'y makatulong sa mga mambabasa ang munting aklat na ito sa pag-unawa sa kabayanihan ni Macario Sakay pagkat siya'y bahagi ng kasaysayan ng himagsikang Pilipino para lumaya ang bayan sa kamay ng dayuhan. Nawa’y makatulong din ito sa pagpapalaganap ng kampanya upang magkaroon ng rebulto si Sakay sa isang pangunahing lansangan sa bansa, ipangalan sa kanya ang isang pangunahing lansangan, at ituring siyang isang bayani sa mga aklat pangkasaysayan na binabasa at pinag-aaralan ng mga mag-aaral.”

Isa iyong kahilingan at kampanya na hindi ko naisip na agad na masasakatuparan. Marahil ay mahaba pa ang lalakbayin o kailangan pa ng madugong rebolusyon ng bayan para ang mga manggagawa't dalitang uupo sa poder ang siyang magdedeklara na isang bayani ang mga tulad ni Sakay na hindi namanginoon sa mga dayo at mga mapagsamantalang uri sa lipunan, kundi ipinaglaban ang karapatan ng kanilang mga kababayan at kapwa tao. Isang taon ang lumipas mula nang ilunsad ang aklat, naitayo at napasinayaan ang rebulto ni Sakay sa Plaza Morga sa Tondo, Maynila.

Ang kabuuan ng aklat ay ini-upload ni Sir Ding sa internet, na makikita sa kawing na http://kamalaysayan.8m.net/aklat-sakay.html. Gayunman, hindi niya roon isinama ang kanyang sinulat na paunang salita. Kay Sir Ding, maraming salamat. Nais ko ring ipaalam sa lahat na si Sir Ding Reyes ang nagdisenyo ng pabalat ng aklat na may mukha ni Sakay.

Nais kong sipiin ang "Paunang Salita ng Kamalaysayan" na may lagda ni Sir Ding na nasa pahina 4 ng aklat:

"Si Macario Sakay at si Greg"

"Walang kapaguran ang matulis na pluma ng kaibigan at kapwa ko manunulat na si Gregorio V. Bituin Jr. Mula pa noong staffmember pa siya ng Featinean ay lagi na lang siyang may bagong panulat na nakapupukaw ng pag-iisip sa samu't saring paksain. At nagagalak kaming bumubuo ng pamunuan ng Kamalaysayan na nakahiligan din ni Greg ang pananaliksik sa mga paksang pangkasaysayan, bukod sa kapaligiran, sining, agham, at matematika (paborito niya). At natutuwa kami na minarapat niyang magsaliksik at magsulat ukol kay Macario Sakay, isa sa napakarami nating mga dakilang bayani, na pilit siniraan ng mga kolonyalistang Amerikano at ng mga kabalat nating kakampi nila. Kaya't pilit namin maihabol ang isinulat na ito ni Greg upang mailabas sa eksaktong sentenaryo ng pagkamatay ni Sakay. Itinuturing naming karapat-dapat lang naming sikapin ito sapagkat  ang sentenaryo ay sentenaryo, si Sakay ay si Sakay, at si Greg ay si  Greg."

"Ikinararangal naming irekomenda para sa pagbabasa ng lahat ng mga tunay na Anak ng Bayan ang munting aklat na ito. Tiyak kaming  malaking kaalaman ang mapupulot dito."

"- Ed Aurelio C. Reyes, Pasimuno,
Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan
Agosto 24, 2007"

Isinulat ng aktibistang si Ric Reyes sa kanyang kolum na Bandoleros sa unang isyu ng pahayagang Ang Sosyalista (Hulyo 2010, p.2): “Hanggang ngayon, walang bantayog na itinayo para sa mga martir na ito liban sa isang monumento ni Heneral Sakay sa isang sulok ng Maynila.”

Ngunit paano nga ba nagkaroon ng monumento si Sakay sa Maynila, at kailan ito inilagay doon?

Ilang buwan matapos ilunsad ang aklat, tinawagan ako ni Sir Ding Reyes dahil nais daw akong makausap ng magtatayo ng rebulto ni Sakay. Itinatanong daw kung ano ang height ni Sakay para sa gagawing rebulto. Ibig sabihin, kung gaano talaga siya katangkad, pati sukat ng baywang, dibdib, kung gaano kahaba ang buhok, ang kanyang suot, ang siyang iuukit na rebulto. Ngunit di ako agad nakatugon dahil wala iyon sa aking saliksik. Ngunit naghanap pa rin ako ng materyales. Nagbakasakali akong may masaliksik ngunit nang magkita kaming muli ni Sir Ding ay may nakausap na daw hinggil sa height ni Sakay.

Ang pagtatayo ng rebulto ni Sakay ay ikinampanya ng Kamalaysayan kay Mayor Alfredo Lim ng Maynila, na ayon kay Sir Ding, si Mayor Lim mismo ay kasapi ng Kamalaysayan. Kasapi rin ng Kamalaysayan sina Ric Reyes at ang inyong abang lingkod. Sa Kamalaysayan ko natutunan ang Kartilya ng Katipunan at ang pagsasabuhay nito. Kaya pag nagkikita kami ni Sir Ding at ng iba pang kasapi ng Kamalaysayan, ang batian namin ay "Mabuhay ka at ang ating panata!"

Setyembre 13, 2007, inilunsad ang aklat kong “Macario Sakay, Bayani” sa UP Manila. Dumalo roon ang mga mag-aaral ng UP, ang kanilang mga guro, si Sir Ding, ako, ang aking ama, ang aking kapatid na babae, at ilang kaibigang mahiligin sa kasaysayan. Sa aklat at sa mga dumalo sa paglulunsad ng aklat ay nanawagan akong dapat magkaroon ng rebulto si Macario Sakay, pati na ipangalan sa kanya ang isang pangunahing lansangan. Setyembre 13, 2008, pinangunahan ni Manila Mayor Alfredo Lim ang inaugurasyon ng rebulto ni Macario Sakay sa Plaza Morga, Santa Maria St., sa Tondo, Maynila.

Ilang araw bago iyon, noong Setyembre 8, 2008, sa ikalawang sesyong regular ng senado, naglabas ng Senate Resolution No. 623 sina Senador Francis Pangilinan at Senador Aquilino Pimentel Jr. na pinamagatan itong “A resolution expressing the sense of the Senate honoring the sacrifice of Macario Sakay and all other Filipinos who gave up their lives in the Philippine-American War for our Freedom”, at sa dulo ng resolusyon ay nakasulat, “After one hundred and one years, a life-size statue of Sakay will be unveiled at Plaza Morga Tondo by the Manila Historical Heritage Commission.”

Naglabas muli ang Senado ng Resolution No. 121 na pinamagatan din tulad ng SR 623 na nilagdaan ni Senador Manny Villar, ang pangulo ng Senado, at may lagda rin si Emma Lirio-Reyes, Sekretaryo ng Senado, na pinagtibay noong Setyembre 16, 2008.

Masasabi kong wala akong kinalaman sa pagkakatayo ng rebulto ni Sakay. Ang kinalaman ko lang ay sinulat ko ang aklat bilang ambag sa sentenaryo ni Sakay, at ibinenta ito kung saan may mga pagtitipon hinggil sa kasaysayan o anumang pagtitipong pulitikal. At marahil ay nadinig ng marami ang panawagan ko sa aklat na magkaroon ng rebulto si Sakay sa Maynila. Malaki ang naitulong ng Kamalaysayan upang maisakatuparan ang adhikaing ito. Sa kanila'y taos-puso kong pasasalamat. Mabuhay ang Kamalaysayan!

Masarap ang pakiramdam na kahit wala akong direktang kinalaman sa pagkakatayo ng rebulto ni Sakay ay natupad naman ang isang pangarap bilang tanda ng pagkilala sa mga sakripisyo ng mga Katipunerong nagpatuloy ng laban upang mapalaya ang ating mga kababayan mula sa kuko ng mga mananakop.

Gayunman, may isa pang kampanya ang dapat gawin. At ito ang aking mungkahi. Ang Taft Avenue sa Maynila, na nakapangalan pa sa isang dayuhan, ay ipangalan kay Macario Sakay. Kaya ito'y magiging Macario Sakay Avenue. Kasabay nito'y kilalanin din siyang bayani at ilathala sa mga aklat-pampaaralan. Ngunit ang mga kampanyang ito'y hindi ko magagawang mag-isa, dapat maraming makiisa sa layuning ito.

Miyerkules, Mayo 11, 2011

Simbolikong Paglilibing kay Bonifacio, Yungib ng Pamitinan, Mayo 10, 1997


Ang Simbolikong Paglilibing kay Gat Andres Bonifacio 
sa Kweba ng Pamitinan sa Wawa, Montalban, Rizal, Mayo 10, 1997
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Saksi ako sa simbolikong paglilibing kay Gat Andres Bonifacio sa kweba ng Pamitinan sa Wawa, Montalban, Rizal, noong Mayo 10, 1997, isandaang taong anibersaryo ng kanyang pagkapaslang sa kamay ng kapwa kababayan. Staff pa ako ng Sanlakas noon nang mapasama ako rito't naging kasapi ng history group na Kamalaysayan (Kampanya para sa Kamalayan sa Kasaysayan). Ang simbolikong paglilibing ay pinangunahan ng grupong Kamalaysayan, na pinamagatan nilang Sentenaryo Bonifacio '97: The People's Symbolic Funeral of Andres Bonifacio. 

Dumalo dito ang mga apo ni Bonifacio, kabilang si Gary Bonifacio (na hindi pa abogado noon), mga taga-akademya, kabataan, environmentalist, mga kasapi ng grupong Sanlakas, at marami pang iba. Ipinasok sa loob ng kweba ang isang urna bilang simbolo ng paglilibing kay Bonifacio, at nagkaroon ng maikling programa, kung saan binigkas namin ang Kartilya ng Katipunan. Ayon sa alamat, dito sa Kweba ng Pamitinan ikinulong ng nag-uumpugang bato si Bernardo Carpio, isang bayani ng bayan na ang lakas ay tulad ng kay Samson ni Delilah. Ang kweba ng Pamitinan ang tinuturing na "Temple of Katipunan Spirit". 

Noong 1895, dito sa kweba ng Pamitinan ang lihim na pulungan nina Bonifacio at iba pang Katipunero upang magplano ng mga istratehiya't taktika laban sa Kastila. Pinaniniwalaang dito isinagawa ang Unang Sigaw para sa Kalayaan ng Bayan laban sa Espanya noong Biyernes Santo ng Abril 1895. Isinulat pa nila sa dingding ng kweba ang panawagang “Viva Independencia" na mababakas pa rin hanggang ngayon. Dito rin nila isinagawa ang paglilinis ng kalooban na nakatitik sa Kartilya ng Katipunan. 

Noong Hulyo 7, 1996 ang kweba ng Pamitinan ay idineklarang National Historical Site at noong Oktubre 10, 1996, ito’y idineklarang Protected Area Landscape. 

Makasaysayan ang aktibidad na ito na nagdulot sa akin ng kakaibang pakiramdam at pagiging committed sa gawaing history hanggang ngayon.

Biyernes, Nobyembre 27, 2009

Maalam din sa wikang Kastila si Gat Andres Bonifacio

MAALAM DIN SA WIKANG KASTILA SI GAT ANDRES BONIFACIO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

May dalawang patunay na maalam sa wikang Kastila si Gat Andres Bonifacio. Ang una ay ang pagkakasalin niya sa wikang Tagalog ng Mi Ultimo Adios ni Gat Jose Rizal na nakasulat sa wikang Kastila. Ang ikalawa ay ang pagkasulat ni Bonifacio ng isang tula sa wikang Kastila noong bata pa siya.

Maraming salin sa wikang Filipino ang tulang Mi Ultimo Adios ni Gat Jose Rizal, ngunit ang kilalang unang nagsalin nito ay si Gat Andres Bonifacio. Pagkamatay ni Rizal ay limang buwan pang nabuhay si Bonifacio. Matatas at magaling ang kanyang pagkakasalin bagamat isinalin ito ni Bonifacio sa paraang iba ang anyo. Ang tulang Mi Ultimo Adios ni Rizal ay binubuo ng labing-apat na saknong at bawat saknong ay may limang taludtod. Ang pagkakasalin naman ni Bonifacio ay binubuo ng dalawampu't walong saknong, ang bawat saknong ay may apat na taludtod, at ang bawat taludtod ay may pantig na lalabingdalawahin. Kumbaga, ang isang saknong ni Rizal ay ginawang dalawang saknong ni Bonifacio. Tingnan natin ang pagkakasalin ni Bonifacio kay Rizal sa una at huling taludtod:

Saknong 1 ng Mi Ultimo Adios ni Rizal:

Adios, Patria adorada, region del sol querida,
Perla del Mar de Oriente, nuestro perdido Eden!
A darte voy alegre la triste mustia vida,
Y fuera más brillante más fresca, más florida,
Tambien por tí la diera, la diera por tu bien.

Salin ni Bonifacio sa Saknong 1:

Pinipintuho kong Bayan ay paalam
lupang iniirog ng sikat ng araw,
mutyang mahalaga sa dagat Silangan
kaluwalhatiang sa ami'y pumanaw.

Masayang sa iyo'y aking idudulot
ang lanta kong buhay na lubhang malungkot;
maging marangal man at labis alindog
sa kagalingan mo ay akin ding handog

Saknong 14 ng Mi Ultimo Adios ni Rizal:

Adios, padres y hermanos, trozos del alma mía,
Amigos de la infancia en el perdido hogar,
Dad gracias que descanso del fatigoso día;
Adios, dulce extrangera, mi amiga, mi alegría,
Adios, queridos séres morir es descansar.

Salin ni Bonifacio sa Saknong 14:

Paalam, magulang at mga kapatid,
kapilas ng aking kaluluwa't dibdib,
mga kaibigan bata pang maliit,
sa aking tahanang di na masisilip.

Pagpasalamatan at napahinga rin,
pa'lam estrangherang kasuyo ko't aliw,
paalam sa inyo mga ginigiliw,
mamatay ay siyang pagkagupiling.

Hindi lang nagsalin ng tula ni Rizal si Bonifacio bilang patunay ng kanyang kaalaman sa wikang Kastila, kundi nagsulat din siya ng tula sa wikang Kastila, na ayon sa mananaliksik na si Virgilio S. Almario ay mula umano sa ulat ng isang E. Arsenio Manuel. [Panitikan ng Rebolusyon(g 1896), V. S, Almario, pahina 134]. Ang tulang ito "diumano'y nilikha ni Bonifacio noong bata pa at nakakanta pa ng kapatid na si Espiridiona nang kapanayamin ni Manuel." (Ibid.) Ibig sabihin, di lang simpleng tula sa wikang Kastila ang nalikha ni Bonifacio kundi isang awit. Narito ang dalawang saknong ng tula sa wikang Kastila ni Gat Andres Bonifacio:

MI ABANICO
un poema de Andres Bonifacio

Del sol nos molesta mucho el resplandor,
Comprar un abanico de quita el sol;
Aqui sortijas traigo de gran valor,
De lo bueno acaba de lo mejor,
de lo mejor.

El abanico servi sabeis para que?
Para cubrir el rostro de una mujer,
Y con disimulo pondreis mirar,
Por ente las rajillas del abanico.
Vereis la mar.

Noong high school ako ay may kurso pang Spanish. Nasa third year yata kami noon nang nagturo sa amin ng Spanish ang aming gurong si Mam Luz Boayes. Kahit ang sikat na awiting Espanyol na "Eres tu" ay tinuro niya't pinakanta sa amin, at tanda ko pa ang tono nito. Halos limot ko na ang ilang itinurong mga pangungusap sa Espanyol dahil bihira naman itong gamitin sa araw-araw. Sa kaunti kong kaalaman sa wikang Kastila, sinubukan kong isalin ang tula ng ating bayani. Wala kasing salin ang awiting ito sa aklat ni Almario. Ang nagawa ko'y isang tulang may labing-anim na pantig na may sesura (hati) sa ikawalo. Narito ang aking malayang salin sa wikang Filipino ng tulang "Mi Abanico" ni Bonifacio:

ANG AKING PAMAYPAY
tula ni Gat Andres Bonifacio

Sadyang nakababagabag yaring araw na sumikat
Kaya dapat lang mabili ang pamaypay na pantapat
May dala rin akong singsing na mahusay yaong karat
Kung ano ang mas mabuti ay buting karapat-dapat
kabutihang nararapat.

Ang silbi ng pamaypay ay iyo bang nababatid
Na sa maamong mukha ng binibini'y nagsisilid
At kabighanian niya'y susulyapan din ng lingid
Mula sa katawan niring pamaypay na ating hatid
habang ang dagat ay masid

Marahil, balang araw ay susubukan ko ring isalin sa makabagong wikang Filipino ang tula ni Rizal bilang dagdag sa marami nang salin ng Mi Ultimo Adios. Isa yaong hamon sa aking kakayahan bilang manunulat at tagasalin.

Sa kaalaman ni Bonifacio sa wikang Kastila, ang kanyang pagsulat ng tula sa wikang ito noong bata pa siya, at ang pagkakasalin niya sa huling tula ni Rizal ay nagpapatunay lamang na may matalas na kaisipan at may pinag-aralan si Bonifacio. Ibig sabihin, hindi totoo ang impresyon ng tao sa kanya na hindi siya marunong bumasa at sumulat, tulad ng nais ipahiwatig ng namayapang direktor na si Marilou Diaz-Abaya sa pelikulang "Rizal" na pinagbibidahan ni Cesar Montano. Sa pelikula'y ipinakitang utal kung magbasa si Bonifacio.

Bagamat hindi nakatapos ng ikalawang baytang sa hayskul si Bonifacio, siya naman ay palabasa. Ayon sa aklat na "A History of the Philippines: From the Spanish Colonization to the Second World War" nina Renato at Letizia Constantino, pahina 162: "Poverty prevented him (Bonifacio) from going beyond the second year of high school but he was an avid reader, especially on the subject of revolution." (Kahirapan ang pumigil kay Bonifacio upang makatapos ng kanyang ikalawang baytang sa mataas na paaralan ngunit siya'y masipag magbasa, lalo na sa paksa ng himagsikan. - salin ni GBJ) Ipinapakita nito na hindi lamang sa paaralan nakukuha ang karunungan kundi sa pagtitiyaga at pagsisikap na matuto sa pamamagitan ng pagbabasa at pagsusunog ng kilay.

Isang inspirasyon ang ginawang ito ni Bonifacio para sa kasalukuyang salinlahi upang yaong hindi makapag-aral dahil sa mahal ng presyo ng matrikula, o dahil itinulak sila ng kalagayang maghanapbuhay sa mas maagang edad, ay maaari ding maging mahusay na pinuno balang araw. Kaya dapat magbasa-basa ang mga kabataan ngayon ng mga aklat hinggil sa pilosopiya, matematika, agham at teknolohiya, araling panlipunan, at iba pang makabuluhang araling tingin nila'y makatutulong sa kanilang pag-unlad bilang taong may dignidad, prinsipyado, nagpapakatao at nakikipagkapwa-tao.

Ang kaalamang ito ni Bonifacio sa wikang Kastila ang isa sa nagdala sa kanya sa imortalidad, tulad din ng kanyang pagiging makata, manunulat, manggagawa, estratehista, pinuno ng himagsikan, pangulo ng unang pamahalaan, at pambansang bayani.

Huwebes, Hunyo 25, 2009

Si Bonifacio at ang Tagalog at Katagalugan

SI BONIFACIO AT ANG TAGALOG AT KATAGALUGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa mga dokumento ng Katipunan at sa mga sulatin ni Gat Andres Bonifacio, mas ginamit niya ang Katagalugan na siyang katawagan sa bayan, at Tagalog naman sa mamamayan. Bihira niyang ang Filipino at ang Filipinas dahil noong panahong iyon, dahil Filipino ang tawag ng mga Kastilang ipinanganak dito sa Filipinas, at ang Filipinas ay ipinangalan dito ng mga prayle't Kastila bilang pagpupugay sa hari ng Espanya. At sa kanyang tulang "Katapusang Hibik ng Filipinas" ay negatibo ang kanyang pagkakagamit sa Filipinas.

Mas ginamit ni Bonifacio ang taal na salitang Katagalugan para sa buong sangkapuluan at ang Tagalog para sa mamamayan, na ang kahulugan batay sa isang dokumento ng Katipunan ay ito: “Sa salitang tagalog katutura’y lahat nang tumubò sa Sangkapuluang ito; sa makatuid, bisayà man, iloko man, kapangpangan man, etc., ay tagalog din.”

Pinatotohanan din ito ni Gat Emilio Jacinto sa paksang "Ang Bayan at ang mga (Gobierno) Pinuno, na bahagi ng kanyang mahabang akdang "Liwanag at Dilim": "Ang Bayan na dito’y sinasabi ko ay hindi ang kapisanan ng mga taong nananahan sa gayong lugar, kundi ang katipunan ng lahat ng Tagalog: ng lahat na tumubo sa Sangkapuluan."

Ipinaliwanag pa itong maigi ng historyador at kaibigang si Ed Aurelio C. Reyes sa kanyang sanaysay na "Bakit nga ba 'Katagalugan' ang Ipinangalan sa Bayan?" Isinulat ni Reyes: "Noong panahon ng pananakop na mga Kastila sa ating kapuluan, ang tinatawag na Filipino ay yaong mga Kastilang dito sa ating bayan ipinanganak. Indio naman ang tawag nila sa atin. Mestiso at mestisa naman ang may magkahalong dugo. Ayon sa talababa sa unang pahina ng Kartilya ng Katipunan, sa salitang "Tagalog," kahulugan ay "lahat ng tumubò sa Sangkapuluang ito. Samakatuwid, Bisaya man, Iloco man, Kapampangan man, etc. ay Tagalog din." Sa katunayan, pawang magkakasingkahulugan naman ang mga katagang Tagailog, Ibanag, Ilokano, Kapampangan, Sugbohanon, Subanon, Subanen, Agusan, Tausug, atbp. Mulat sina Bonifacio na ang mga katangiang "taga-ilog" at "taga-agos" ay isang katangian na nagkakapare-pareho ang karamihan sa ating pamayanan sa buong kapuluan. Kaya nakita nilang bagay itong ipangalan sa pagkakaisa ng mga pamayanan sa isang pagkabansa. Maliban pa rito, ang ilog ay tunay na simbulo ng malusog na pag-uugnayan na tulad ng ating mga ugat na dinadaluyan ng "dugong nag-uugnay at naglilingkod sa buhay." - mula sa pahina 14-15 ng magasing Tambuli, Agosto 2006, ika-5 isyu.

Ang sanaysay na "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog" ni Andres Bonifacio ang isa sa pinakatanyag niyang sanaysay. At sa isa pa sa kanyang sanaysay, ang "Katipunang Mararahas ng mga Anak ng Bayan" ay tinapos niya sa "Mabuhay ang Haring Bayang Katagalugan!"

Halina't basahin ang ilan sa mga saknong ng kanyang mga tula kung saan niya ginamit ang salitang Tagalog. Narito ang ikatlong saknong ng tulang "Tapunan ng Lingap":

3. "At ating lisanin ang dating ugali
Na ikinasira ng taas ng uri,
Ang bayang Tagalog ay may asa dili
Ang puring nilupig ng bakang maputi."

Ngunit karaniwan, mas ginagamit niya ang salitang Bayan na pumapatungkol din naman sa Katagalugan, at kababayan, imbes na Tagalog. Kumbaga'y maaring magpalitan ang Bayan at Katagalugan, at ang mga indio, mamamayan, at Tagalog, marahil ay inaangkop ito ni Bonifacio sa kanyang tula sa tamang bilang ng pantigan sa bawat taludtod.

Tingnan naman natin ang kanyang 28-saknong na tulang "Pag-ibig sa Tinubuang Bayan". Ang Katagalugan ay tinawag niyang "Inang Bayang tinubuan" na nasa ikapitong saknong. Gayunman, nabanggit ng tatlong ulit ang salitang Tagalog sa tulang ito. Ito'y nasa saknong ika-17, ika-21 at ika-22. Makahulugan ang saknong 22 dahil sa paghahanap niya sa dangal ng mga Tagalog, o dangal ng ating lahat na kababayan.

17. "Di gaano kaya ang paghihinagpis
Ng pusong Tagalog sa puring nilait?
Aling kalooban na lalong tahimik
Ang di pupukawin sa paghihimagsik?"

21. "Mangyayari kaya na ito'y malangap
Ng mga Tagalog at hindi lumingap
Sa naghihingalong Inang nasa yapak
Na kasuklam-suklam na Kastilang uslak."

22. "Nasaan ang dangal ng mga Tagalog?
Nasaan ang dugong dapat na ibuhos?
Baya'y inaapi, bakit di kumilos
At natitilihang ito'y mapanood."

Sa tulang "Katapusang Hibik ng Filipinas" ay inilarawan niya kung paano ang pagpapahirap na ginawa ng Espanya sa mga Tagalog. Tingnan ang ika-4 at ika-5 saknong nito:

4. "Gapusing mahigpit ang mga Tagalog.
HInain sa sikad, kulata at suntok,
Makinahi't 'biting parang isang hayop
Ito baga, Ina, ang iyong pag-irog."

5. "Ipabilanggo mo't sa dagat itapon,
Barilin, lasunin nang kami'y malipol,
Sa aming Tagalog ito baga'y hatol,
Inang mahabagin, sa lahat ng kampon."

Tingnan din kung paano niya ginamit ang Filipinas, sa kung susuriin ay negatibo ang paggamit, sa ika-2, ika-7 at ika-14 na saknong:

2. "Walang isinuway kaming iyong anak
Sa bagyong masasal ng salita't hirap,
Iisa ang puso nitong Filipinas
At ikaw ay di na Ina naming lahat."

7. "Wala nang namana itong Filipinas
Na layaw sa Ina kundi nga ang hirap;
Tiis ay pasulong, patente'y nagkalat,
Rekargo't imp'westo'y nagsala-salabat."

14. "Paalam na, Ina, itong Filipinas
Paalam na, Ina, itong nasa hirap;
Paalam, paalam, Inang walang habag,
Paalam na ngayon, katapusang tawag."

Ang tulang ito'y bahagi ng sagutang tula ng tatlong makata. Ang una'y ang "Hibik ng Filipinas sa Ynang Espana" ni Hermenegildo Flores, ang ikalawa'y ang "Sagot ng Espanya sa Hibik ng Filipinas" ni Marcelo H. del Pilar, at ang ikatlo't pangwakas na tula'y ang "Katapusang Hibik ng Filipinas" ni Andres Bonifacio. Ginamit ni Bonifacio ang Filipinas, imbes na Katagalugan, sa tulang "Katapusang Hibik" bilang tugon sa naunang dalawang tula, at siyang naging pantapos sa sagutang tatlong tula.

Nang nailagay siya sa pabalat ng magasing La Illustracion Español y Americana na may petsang ika-8 ng Pebrero 1897, naroon ang larawan ng nakakurbatang si Andres Bonifacio, na nakasulat sa ibaba, "Andres Bonifacio, Titulado “Presidente’ de la Republica Tagala" o "Andres Bonifacio: May Titulong Pangulo ng Republika ng Katagalugan", at inilarawan siyang pinuno ng katutubong pamahalaan.

Mayroong ding pambansang awit ang Katipunan na pinamagatan nila ng "Marangal na Dalit ng Katagalugan" kung saan malalim at makahulugan ang panawagan. Kalayaan, ay pasulungin ang puri at kabanala. Nais ng mga Tagalog ang kalayaan, at gayundin naman ay ipaglalaban nila ang kanilang puri at kabanalan dahil ang pagkayurak nito'y katumbas ng kamatayan. Ang mga Kastila'y mailing ng Katagalugan, inaayawan ng mga Tagalog, mga mananakop na hindi tatanguan kundi iilingan ng mga Tagalog upang maipagwagi ang kahusayan o kagalingan ng bayan. Narito ang nilalaman ng dalit, na inaawit ng dalawang ulit:

Mabuhay, Mabuhay yaong Kalayaan, Kalayaan
At pasulungin ang puri't kabanalan
Kastila'y mailing ng Katagalugan
At ngayo'y ipagwagi ang kahusayan

Ang "Marangal na Dalit ng Katagalugan" ay nilikha ni Julio Nakpil na kinomisyon ni Pangulong Bonifacio upang gumawa ng isang pambansang awit noong bandang Nobyembre 1896. http://forthephilippines.blogspot.com/2011/12/andres-bonifacio-unang-pangulo-ng.html

Bukod doon, may ulat na ginamit umano ng mga Katipunero sa pangunguna ni Bonifacio ang salitang Filipinas. Ito'y nang magtungo sila sa Yungib ng Pamitinan sa Montalban at isinulat sa isang batuhang dingding ang mga katagang "Mabuhay ang Kalayaan ng Filipinas!" Basahin natin ang ulat na ito:

"Noong Semana Santa ng Abril 1895, isang peregrinasyon ang pinangunahan ni Bonifacio patungo sa mga bundok ng Montalban at San Mateo, Morong (Rizal na ngayon). Ayon sa salaysay ni Guillermo Masangkay, kasama siya at sina Emilio Jacinto, Restituto Javier, Aurelio Tolentino, Faustino Manalak, Pedro Zabala, at iba pang Katipunero. Ginalugad nila ang mga kuweba ng Makarok at Pamitinan at nagdaos ng mga pulong at inisasyon ng Katipunan. Nakadama sila ng ganap na kapanatagan sa loob ng mga "yungib ni Bernardo Carpio". Noong Biyernes Santo, Abril 12, 1895, humawak si Bonifacio ng sampirasong uling at isinulat sa dingding ng kuweba ang "Mabuhay ang Kalayaan ng Filipinas!" - mula sa aklat na Panitikan ng Rebolusyon(g 1896) ni VS Almario, mp 43-44.)

Marahil ginamit dito ni Bonifacio ang salitang Filipinas bilang kadikit ng salitang Kalayaan. Ito marahil ay upang ipatampok sa mga Kastila na ang tinatawag nitong bansang Filipinas ay dapat nang mapalaya sa mga Kastilang kamay. Ngunit marahil ay hindi niya gagamitin ang Filipinas kung hindi kadikit ang salitang Kalayaan. O kaya naman ay depende sa kanyang kausap kung kailan gagamitin ang salitang Filipinas. Mas nanaisin pa rin ni Bonifacio na gamitin ang Katagalugan bilang tawag sa buong bansa, dahil ito'y taal na wika sa bansa at hindi mula sa Kastila.

Gayunman, isang taon matapos paslangin si Bonifacio, pormal nang inangkin ng mga kababayan ang Filipinas bilang pangalan ng bansa noong Hunyo 12, 1898 nang ipahayag na ang kasarinlan ng bansa sa Cavite Viejo (ngayo'y Kawit), sa lalawigan ng Cavite, bagamat nakasulat sa Acta de Independencia na lumalaya ang Bayan sa mga dayuhang Kastila, habang niyayakap naman ng buong puso ang mga Amerikano. Narito ang patunay:

Y tomando por testigo de la rectitud de nuestras intenciones al Juez Supremo del Universo, bajo la protección de la Potente y Humanitaria Nación Norte Americana, proclamos y declaramos solemnemente en nombre y por la Autoridad de los habitantes de todas estas Islas Filipinas. (And having as witness to the rectitude of our intentions the Supreme Judge of the Universe, and under the protection of our Powerful and Humanitarian Nation, The United States of America, we do hereby proclaim and declare solemnly in the name by authority of the people of these Philippine Islands.) Narito naman ang salin ko sa wikang Filipino, "At bilang saksi sa pagkamatuwid ng aming adhika sa kataas-taasang Hukom ng Sansinukob, at sa ilalim ng pangangalaga ng makapangyarihan at makataong bansa, ang Estados Unidos ng Amerika, aming ipinahahayag at mataimtim na idinedeklara sa ngalan ng kapangyarihan ng mamamayan ng mga kapuluan ng Pilipinas.)

Ibig sabihin, ang tinatawag nating bansang Pilipinas ngayon, o Filipinas, Philippine, at Philippines ay tinatawag na Katagalugan ni Gat Andres Bonifacio at ng buong Katipunan. Nang mamatay si Bonifacio, kahit na idineklara ang "kalayaan" ng Filipinas, ipinagpatuloy ni Macario Sakay ang layunin ng Katipunan at itinatag ang Republika ng Katagalugan.

Linggo, Mayo 10, 2009

Ang Pagpaslang kay Gat Andres Bonifacio

ANG PAGPASLANG KAY GAT ANDRES BONIFACIO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Masaklap ang pagkakapaslang kay Gat Andres Bonifacio. Malinaw na inilarawan ni Heneral Artemio Ricarte ang mga pangyayari hinggil sa pagpaslang kay Gat Andres Bonifacio ng mga tauhan ni Emilio Aguinaldo noong Mayo 10, 1897 sa Bundok Buntis, sa bayan ng Maragondon, sa lalawigan ng Kabite.

“Si Koronel Bonzon ang bumaril ng rebolber kay G. Andres Bonifacio na ipinagkasugat nito sa kaliwang bisig. Dumaluhong din noon si Koronel Pawa kay G. Andres Bonifacio at ito'y sinaksak ng sundang sa gawing kanan ng liig. Nang anyong bibigyan ulit ng isa pang saksak si G. Bonifacio ay siyang pagdaluhong kay Pawa ni G. Alejandro Santiago na nagsabing: 'Ako ang patayin ninyo, huwag iyan!' Noon din ay inilagay si G. Andres Bonifacio sa isang duyan at dinalang bihag sa Indang, pati ng kapatid na Procopio na nagagapus ng buong higpit; kasama ring bihag sina GG. Francisco Carreon, Arsenio Mauricio, isang binatang nag-aaral pa na nagngangalang Leon Novenario, na naging Kapitan Ayudante't Kalihim ni Vibora at iba pang di ko na matatandaan ang mga panga-pangalan. Ang lahat ng nabihag, matangi kay G. Andres Bonifacio at kapatid nitong si G. Procopio, ay pinagpipiit sa bilangguang madilim at di binigyan ng pagkain, kundi makalawa lamang sa loob ng tatlong araw na ikinabilanggo nila. Ang Konsehong inilagay upang magsiyasat, tunkol sa mga pagkakasalang ibinubuhat kay G. Andres Bonifacio at sa kapatid nitong si G. Procopio, ay humatol ng parusang kamatayan sa magkapatid.”

Iyan ang testimonya ni Heneral Artemio Ricarte sa sinapit ni Gat Andres Bonifacio. Matatagpuan iyan sa pahina 71 ng kanyang aklat na Himagsikan ng mga Pilipino Laban sa Kastila, na nalathala noong 1927 sa Yokohama, Japan.

May mga paratang laban sa pangkat nina Bonifacio na nasa nayon ng Limbon, sa Indang, Cavite nang panahong iyon. Dahil dito'y agad ipinadala ni Heneral Emilio Aguinaldo sina Koronel Agapito Bonzon at Jose Pawa, kasama ang kani-kanilang mga tauhan. Ayon sa ulat ni Ricarte: “Kinabukasan ng umaga, ang mga kawal ni G. Andres Bonifacio na noo'y nakabantay sa daan ng nayong Limbon, ay nilusob na't sukat ng pangkat ng nagsibalik doong mga Koronel Bonzon at Pawa at agad nilang napatay ang matandang kapatid ng Supremo na si G. Ciriaco Bonifacio, at pagkatapus ay hinandulong na nila ang mga kasamang kawal ng namatay, hanggang sa mangahuli at maalisan silang lahat ng sandata. Pagkarinig sa putukan, si G. A. Bonifacio at isa pang kapatid niyang si G. Procopio, saka ang mga kasamang G. Alejandro Santiago, G. Francisco Carreon, G. Apolonio Samson, G. Antonino Guevara at iba pa, ay nagsidalo sa pook na pinangyayarihan ng gulo; ngunit bahagya pa silang nakalalapit, ay sinagupa na sila nina Bonzon at Pawa.”

Dagdag pa ni Ricarte sa kanyang ulat: “Pagkabaril sa magkapatid na G. Andres Bonifacio at G. Procopio Bonifacio. - Nang ang Republika Pilipina ay nahihimpil na sa mga bundok na lalong masukal at tago sa pag-itan ng Maragundong at Look, pook na pinamamagatang Buntis, si G. Emilio Aguinaldo ay nagpasya na ng pagpapabaril sa dalawang magkapatid na nasabi na, upang lubusan nang mawala, marahil, ang sa boong tapang at lagablab ng pag-ibig sa bayang tinubuan, ay tinatag niya ang K. K. K. ng mga A. N. B. na siyang lumikha ng dakilang tungkuling sa gahasa'y inangkin niya (Aguinaldo). Inuna muna ang Procopio at pagkatapus ang Andres, na dahil sa kanyang mga sugat ay lupaypay na ang katawan, kaya't dinalang nakaduyan sa pook na pinagbarilan, isang oras muna sa kanyang kapatid, ng mga Koronel ding Bonzon at Pawa (“Koronel Lazaro Makapagal”), na gaya ng maalaala'y silang nagsilusob sa pangkat nina Bonifacio sa nayon ng Limbon, Indang. At sa ganitong paraan tinapus ang buhay niyaong bayaning humamak sa mga kapanganiban, at nagtatag ng K. K. K. ng mga Anak ng Bayan; niyaong taong nagturo sa bayang Pilipino ng tunay na landas, upang maibulid ang pangaalipin ng mga dayuhan; niyong, kailan ma't kausap ng kanyang mga kabig, ay lagi nang nilalabasan sa bibig ng mga ganitong pangungusap: “Pagsikapan ninyong huwag makagawi ng mga pagkakasalang makadudungis sa inyong mga pangalan.” “Matakot kayo sa Kasaysayan (Historia), na siyang di mapagkakailaan ng inyong mga kagagawan.” (Ibid. pahina 75-76)

Idinagdag pa ni Ricarte na may isinulat hinggil dito si Apolinario Mabini, na idinugtong niya sa kanyang ulat. Ayon kay Mabini, sa Kabanata VIII ng kanyang aklat na Ang Himagsikan ng Bayang Pilipino: “Sa inasal na ito ni G. Emilio Aguinaldo, ang manunuligsang kasaysayan, ay di makakakita ng anomang katwirang sukat makapagtakip o makabawas man lamang sa kanyang sagutin. Si Andres Bonifacio ay di huli sa pinag-aralan sa sino man sa mga napahalal sa naturang pagpupulong, at tangi sa rito'y nagpakilala ng talino at lakas loob na di pangkaraniwan sa pagtatatag niya ng Katipunan. Ang lahat ng mga naghalal ay kaibigan ni G. Emilio Aguinaldo at ni G. Mariano Trias na noon ay nangagkakaisa, samantalang si Bonifacio ay tinitingnan nila ng may hinalang tingin, gayon nakapagpakilala na ng isang kaasalang malinis at pusong buo, at ito'y dahil lamang sa siya'y hindi tubo sa Kabite; ito ang sanhi ng kanyang pagdaramdam. Gayon pa man, ang pagdaramdam niya'y hindi ipinakita sa isang magahasang paraan ng pagsalungat, at ang katunayan, nang makita niyang walang sinomang nagmamalasakit sa ikapagkakasundo ng lahat, ay nagkasya na lamang siya sa pag-alis sa lalawigan tungong San Mateo na kasama ang kanyang mga kapatid. Kung pag-iisiping si G. Aguinaldo ang una-unang dapat managot sa di niya pagsunod at sa di pagkilala sa naturang pinuno ng Katipunan na kanya ring kinaaniban; kung pagbubulay-bulaying ang pagkakasundo ng lahat ay siyang tanging angkop na lunas sa mapanganib na kalagayan noon ng Panghihimagsik, ang dahil at layon ng pagpatay, ay di maikakait na bunga ng mga damdaming nakasisirang totoo ng puri sa Panghihimagsik; sa paano't paano man, ang gayong katampalasanan, ay siyang masabing unang tagumpay ng kasakiman ng isang tao laban sa tunay na pag-ibig sa bayan.”

At sa Kabanata X nama’y sinulat ni Mabini: “Ang pagkamatay ni Andres Bonifacio ay nagpakilalang maliwanag na si G. Emilio Aguinaldo ay may isang walang habas na kasakiman sa kapangyarihan.” Aniya pa, “Sa buong sabi, ang Paghihimagsik ay nabigo pagkat nagkaroon ng masamang pamamatnugot; pagkat nakuha ng tagapamatnugot ang kanyang tungkulin, hindi sa pamamag-itan ng mga gawaing kapuri-puri, kungdi sa mga gawang kalait-lait; pagkat sa halip na tulungan niya ang mga taong lalong may magagawa sa bayan, dahil lamang sa paninibugho, ay lalo pang sinugpo niya. Sa pagkalango sa kadakilaan ng sarili, ay di na pinahalagahan ang mga tao nang ayon sa kanilang kakayahan, katibayang-loob at pag-ibig sa bayan. Dahil sa ganitong paghamak niya sa bayan, siya'y iniwan ng bayan naman; at sapagkat siya’y iniwan nito, wala na siyang hangganan kungdi ang pagkabulid na gaya ng nangyari sa isang pagkit na diyus-diyusan na nilusaw ng init ng kasawiang-palad. Harinangang tayo'y huwag makalimot sa kakila-kilabot na aral na iyang ating natutuhan sa likod ng mga di maulatang pagtitiis na yaon.”