Sabado, Abril 2, 2016

Si Teodoro Asedillo bilang Bayani ng Sariling Wika

SI TEODORO ASEDILLO BILANG BAYANI NG SARILING WIKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bago pa maging tagapagtanggol at maging Ama ng Wikang Pambansa si Manuel L. Quezon, may isa nang kilalang guro sa kasaysayan ang unang nagtanggol sa sariling wika, at siya si Teodoro Asedillo.

Dapat ituring na bayani ng wikang pambansa ang rebolusyonaryong guro na si Teodoro Asedillo. Ayon sa kasaysayan, labing-isang taon naglingkod bilang guro si Maestro Asedillo sa mababang paaralan ng Longos sa lalawigan ng Laguna, mula taong 1910 hanggang 1921. Bilang guro, itinuro niya ang lahat ng aralin sa maghapong pagpasok sa klase ng mga mag-aaral sa elementarya. Siya’y naangat bilang head teacher ngunit nagpatuloy siyang nagturo sa mga batang nasa ikatlo at ikaapat na baytang. Kilala siya sa kahusayan sa pagtuturo. Isang disiplinaryan, ayaw niya sa mga estudyanteng nagbubulakbol, di nagsisikap matuto, at nagsasayang lang ng oras.

Nang panahong iyong sakop ng Amerika ang bansa, ipinagbawal ang paggamit ng sariling wika sa pagtuturo, at yaong gumagamit nito'y pinarurusahan. Noong elementarya ako'y naranasan ko rin ang ganito sa aming paaralan, ipinagbawal ang paggamit ng sariling wika, at may parusa ang magsasalita ng sariling wika, gayong mahigit na kalahating siglo na yaong nakararaan sa panahon ni Asedillo. Matutunghayan natin ang eksenang ito sa unang bahagi ng pelikulang Asedillo na pinagbidahan ni Fernando Poe Jr. na ibinase sa kanyang buhay.

Isa sa pinagtuunan ng pansin ng mga Amerikanong kolonisador ay ang Department of Public Instruction (DPI) sa kanilang kampanya ng pasipikasyon (pwersahang pagpayapa) at asimilasyon (sapilitang pagpapalunok sa atin ng sarili nilang kultura). Sa pamamagitan ng Philippine Commission Act No. 74 (Enero 1901), iniatas ni Gobernador-Heneral Elwell Otis ang mga sumusunod na polisiya: (1) sentralisadong sistema ng batayang edukasyon; (2) paggamit sa Ingles bilang wikang panturo at komunikasyon; at (3) pagtatatag ng isang kolehiyong normal para sa maramihang pagsasanay ng magiging mga guro. 

Ang mga pangyayari at kalagayang ito ang nagtulak sa unang paghihimagsik ni Asedillo. Pinili niyang gamitin ang wikang Pilipino sa halip na wikang Ingles. Iminulat niya ang mga mag-aaral sa kagitingan at aral ng mga bayaning Pilipino, habang tinuruan din niya ang mga mag-aaral ng awiting makabayan. Hindi rin niya ginamit ang mga aklat na sinulat ng mga dayuhang awtor. Dahil dito, siya’y kinasuhan ng insubordinasyon o pagsuway sa kautusan ng kagawaran noong 1923. Ipinagtanggol niya ang sarili at ikinatwirang hindi dapat ipilit sa mga batang Pilipino ang kulturang banyaga sa kanilang karanasan at pang-unawa. Ngunit siya’y natalo at natanggal sa pagtuturo. Ang pamilyang Asedillo ay naghirap ng husto. 

Anong saklap na pangyayari! Nang dahil sa pagtatanggol sa sariling wika na dapat gamitin sa pagtuturo, siya pa ang natanggal.

Naging masalimuot ang buhay ni Asedillo mula noon. Hinirang siya ng alkalde sa bayang San Antonio bilang hepe ng pulisya roon, ngunit nabiktima ng pang-iintirga at natanggal bilang hepe.

Nang maitatag ang Katipunan ng mga Anakpawis sa Pilipinas (KAP) noong 1929, sumapi rito si Asedillo nang nagkatrabaho na siya bilang magsasaka sa taniman ng kape. Hanggang siya'y atasaan ng pamunuan ng KAP na lumuwas sa Maynila upang mag-organisa ng mga manggagawa partikular sa unyon ng La Minerva Cigar and Cigarette Factory sa Tondo, hanggang sa ang mga manggagawa rito ay nagwelga. Sa welgang iyon ay pinagtangkaan siyang arestuhin ng Konstabularya ngunit nakatakas siya patungong Laguna, ang kanyang probinsya. 

Bumalik siya sa Laguna kung saan may base ng magsasaka ang KAP. Muli siyang nag-organisa. Napagtanto niyang hindi na maaari ang parlamentaryong paraan lamang ng protesta. Hindi na libro, plakard at araro ang hawak-hawak, kundi baril, bilang isang mandirigma ng masa. Ipinakita niya ang kahusayan sa pamumuno, at nagsagawa sila ng repormang agraryo, pinababa ang buwis o upa sa lupa.

Sumanib si Asedillo sa mga pwersa ni Nicolas Encallado, na kilala sa tawag na Kapitan Kulas.

Naging alamat si Asedillo sa mga lugar na pinaglalabas-masukan niya noon sa Laguna at Tayabas. Siya’y katulad ni Robin Hood na ang kinukuha sa mayayaman ay ibinibigay sa mahihirap. Sinasabing araw na araw ay ligtas siyang nakakapaglakad sa mga kalye ng pinagmulan niyang bayan, at pinakakain siya ng taumbayan at pinatutuloy sa kanilang bahay.

Noong Disyembre 31, 1935, pagkaraan ng mahigpit na paghahanap ng mga tropa at ahente ng gubyerno kina Asedillo at Encallado, natagpuan nila ang pinagtataguan ni Asedillo sa Cavinti, Laguna. Sa labanang nangyari, napatay si Asedillo at ang dalawa niyang badigard. Pagkaraa’y inilibot ng Konstabularya sa bayan-bayan ang bangkay ni Asedillo na tadtad ng bala. Ang buong ngitngit ng kaaway ay ipinadama kahit sa kanyang luray na bangkay. Kinaladkad sa mga poblasyon, sa harap ng mga presidencia ng mga bayang kanyang kinilusan, upang ipagyabang na patay na si Asedillo. Si Asedillo ay itinulad kay Kristong ipinako sa krus hanggang sa mamatay.

Marahas na wakas ang nangyari kay Teodoro Asedillo, guro at tagapagtanggol ng sariling wika. Ngunit ang halimbawa niya bilang tagapagtanggol ng sariling wika, una pa kay Manuel Quezon, ay hindi dapat mabaon sa limot. Dapat siyang itaguyod sa panahong ito na dinedelubyo ng globalisasyon ang edukasyon at K-12 upang huwag nang pag-aralan ng sambayanang Pilipino ang sariling wika, at matuto na lang ng wikang dayuhan upang maging alipin sa ibang bansa.

Noong kanyang panahon ay wala pang idinedeklarang wikang pambansa, ngunit ang pagtataguyod niya ng sariling wikang nakagisnan niya ay malaking bagay na upang kilalanin siyang tagapagtanggol ng sariling wika at hindi ng wika ng dayo.

Dapat itaguyod ang simulan ni Teodoro Asedillo, hindi lamang ang kanyang paninindigan noong siya'y kasapi ng KAP, kundi higit sa lahat, bilang tagapagtanggol ng sariling wika.

Dapat siyang kilalanin at gawan ng bantayog bilang ganap na pagkilala sa kanya at ituring siyang bayaning nakibaka laban sa mga dayuhan at bayaning nanindigan para sa sariling wika. Halina't tayo'y magkaisa upang bigyang parangal si Asedillo bilang una pa kay Quezon sa pagtataguyod ng sariling wika.

Mabuhay si Teodoro Asedillo, rebolusyonaryo, tagapagtanggol ng api, at bayani ng sariling wika!

Martes, Agosto 11, 2015

Ang Bitukang Manok sa Pasig, Atimonan, Daet at sa Kasaysayan ng Katipunan

ANG BITUKANG MANOK SA PASIG, ATIMONAN, DAET AT SA KASAYSAYAN NG KATIPUNAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Noong Oktubre 9, 2014, kami sa Climate Walk ay tumahak sa tinatawag na Bitukang Manok sa Atimonan, Quezon. Iyon ang ikalawang Bitukang Manok na nalaman ko. Dahil ang alam kong Bitukang Manok ay nasa Lungsod ng Pasig, na kadalasang tinatalakay namin sa usaping kasaysayan, lalo na sa Katipunan ni Gat Andres Bonifacio. Mahalaga ang Bitukang Manok sa kasaysayan ng pakikibaka ng Katipunan dahil pinagpulungan iyon ng mga Katipunero sa pangunguna ni Bonifacio. Tatlong historyador ang nagbanggit nito. Ang dalawa ay kaibigan ko at kasama sa grupong Kamalaysayan (Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan, na dating Kampanya para sa Kamalayan sa Kasaysayan).

Ang Climate Walk ay isang kampanya para sa Katarungang Pangklima o Climate Justice, at isang mahabang lakbayan, o lakaran mula sa Luneta (Kilometer Zero) hanggang sa Tacloban (Ground Zero) na aming isinagawa mula Oktubre 2, na Pandaigdigang Araw ng Hindi Paggamit ng Dahas (International Day on Non-Violence), hanggang Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng matinding bagyong Yolanda.

Ang ikalawang Bitukang Manok na nalaman ko ay hindi isang ilog, kundi isang paliku-likong daan. Tinawag na Bitukang Manok dahil animo'y bituka ng manok na paliku-liko ang daraanan. Dito nga kami sa Climate walk tumahak, at habang naglalakad dito'y nagsulat ako ng tula sa aking maliit na kwaderno. Nakita ni kasamang Albert Lozada ng Greenpeace ang pagsulat ko ng tula, kaya ipinatipa niya iyon sa akin sa kanyang cellphone, na siya naman niyang ipinadala sa tanggapan ng Greenpeace upang i-upload sa kanilang website. Narito ang tula:

PAGTAHAK SA BITUKANG MANOK
11 pantig bawat taludtod

Tinahak namin ang Bitukang Manok
Na bahagi ng mahabang Climate Walk
Kaysasaya naming mga kalahok
Nag-aawitan, di nakakaantok

Napakahaba man nitong lakaran
Ay makararating din sa Tacloban
Lalo't kaysaya ng pagsasamahan
Ang pagod ay tila 'di namin ramdam

Sariwang hangin, walang mga usok
Dito'y gubat na gubat pa ang bundok
Kay sarap dito sa Bitukang Manok
Kahit 'di namin narating ang tuktok.

- Bitukang Manok, Atimonan, Quezon, Octubre 9, 2014

Ang tulang ito'y nalathala sa website ng GreenPeace na in-upload doon ni Jenny Tuazon. Maraming salamat sa inyo, Greenpeace! Mabuhay kayo!

Ang ikatlong Bitukang Manok ay nahanap ko sa internet. At ito'y nasa rehiyon ng Bikol, nasa Daet, Camarines Norte. Ito'y nasa kahabaan ng national highway malapit sa hangganan ng Camarines Sur at Camarines Norte, at nasasakupan ng Bicol National Park.

Ang unang Bitukang Manok na alam ko, bago naging bahagi ng kasaysayan ng Katipunan, ay isang kaharian sa panahon ni Dayang Kalangitan (na isinilang ng 1450 at namatay ng taon 1515). Siya ang tanging reynang namuno sa Kaharian ng Tondo, at nagtatag din ng maliit na kaharian sa makasaysayang Bitukang Manok, na nasasakop ng Pasig. Si Dayang Kalangitan ang panganay na anak ni Raha Gambang na itinuturing na isa sa pinakamakapangyarihang pinuno ng kaharian. Noong araw, nang hindi pa nasasakop ng mga Kastila ang bansa, nasasakop ng Tondo ang malaking bahagi ng lupain, kasama na ang Pasig.

Nang mamatay ang kanyang ama, si Dayang Kalangitan ang humalili. Napangasawa niya si Gat Lontok, na nang lumaon ay naging Raha Lontok, na hari ng Tondo. Sinasabing ang pamumuno ni Dayang Kalangitan ay katulad ng pamumuno ni Prinsesa Urduja ng Pangasinan.  Napangasawa ng anak niyang babaeng si Dayang Panginoon si Prinsipe Balagtas ng Namayan, at anak ni Emperatris Sasaban. Ang anak ni Dayang Kalangitan na si Salalila ang humalili sa kanya, at nang nagpasakop na si Salalila sa Islam, napalitan na ang kanyang pangalan ng Sulaiman, na sa kalaunan ay naging ang makasaysayang si Raha Sulaiman na siyang hari ng Tondo.

Ang nasabing Bitukang Manok sa Pasig ang naging pulungan ng mga Katipunero noong panahon ni Bonifacio. Ayon kay Ed Aurelio Reyes (1952-2015) ng Kamalaysayan, noong maagang bahagi ng Mayo 1896, panahon ng peregrinasyon sa Birhen ng Antipolo, isang armada ng labimpitong bangka ang gumaod mula sa Quiapo, sakay ang mga pinuno ng iba't ibang konsehong panlalawigan ng Katipunan. Pinangungunahan ito ni Gat Andres Bonifacio. Nakarating sila sa bahagi ng ilog na tinatawag na Bitukang Manok, at sinalubong sila ni Gen. Valentin Cruz, sa isang pagtitipon na tinawag na "Asamblea Magna". Sa Bitukang Manok idinaos ng mga Katipunero ang pulong kung saan napagpasyahan nilang simulan ang digmaan laban sa Espanya. Bagamat may pag-aatubili ang ilan hinggil sa pasyang ito, lalo na si Emilio Aguinaldo ng Cavite, ang Pagpapasya sa Bitukang Manok ang isang desisyong pinagkaisahan at pinagtibay ng mga Katipunero mula Batanes hanggang Cotabato.

Ayon naman ay Jose Eduardo Velasquez, ikalawang pangulo ng Kamalaysayan at batikang historyador ng Pasig na humalili kay Carlos Tech na nakapagsagawa ng panayam kay Heneral Valentin Cruz noong 1956, ang plano ng Katipunan sa matagumpay na Nagsabado sa Pasig ay pinagpulungan sa Bitukang Manok. Kasabay ng pagkatalo ng mga Katipunero sa Pinaglabanan sa San Juan, nagtagumpay naman ang mga Katipunero sa Pasig noong Agosto 29, 1896, araw ng Sabado. Pinangunahan ni Heneral Valentin Cruz ang mahigit dalawanglibong (2,000) Pasigenyo sa pagsalakay sa kuta ng mga gwardya sibil sa pinakamalaking garison sa labas ng Maynila. Nakubkob nila ang kuta, at nakasamsam doon ng tatlong armas na Remington at labimpitong ripleng de piston. Ang tagumpay na ito'y pinagdiriwang ng mga Pasigenyo hanggang ngayon bilang unang tagumpay ng mga Katipunero laban sa mapagsamantalang mananakop. Isandaang taon matapos ang tagumpay ng Nagsabado sa Pasig, nananatiling buhay sa diwa ng mga Pasigenyo ang kabayanihan ng mga Katipunero at ipinagdiwang nila ang sentenaryo nito noong Agosto 29, 1996.

Ayon naman kay Pablo S. Trillana, mula sa Philippine Historical Association, sa pulong ng Mayo 4, 1896 sa Bitukang Manok, kinausap ni Supremo Andres Bonifacio si Dr. Pio Valenzuela upang kausapin si Jose Rizal hinggil sa sisimulang rebolusyon. Naganap ang pulong nina Rizal at Valenzuela sa Dapitan sa Mindanao noong Hunyo 21-22, 1896, dalawang buwan bago ilunsad ng Katipunan ang himagsikan. Tinanggihan ni Rizal ang alok ni Bonifacio, dahil para kay Rizal, hindi pa hinog ang himagsikan.

Animo'y sawa ang kailugan ng Bitukang Manok na isang mayor na bahagi ng Ilog Pasig. Tinawag ito ng mga Espanyol noon na "Rio de Pasig" (o Ilog ng Pasig), ngunit patuloy pa rin itong tinawag ng mga mamamayan doon na Bitukang Manok. Ang Bitukang Manok ay dumurugtong sa Ilog ng Antipolo. Noong ika-17 hanggang ika-20 siglo, maraming lakbayan patungong Simbahan ng Antipolo ang tumatahak sa kahabaan ng Bitukang Manok. Kahit ang imahen ng Our Lady of Peace and Good Voyage ay labing-isang ulit na pabalik-balik na dumaan sa Bitukang Manok. Noong ika-18 siglo, tinayuan ito ng mga mestisong Tsino ng kongkretong tulay na estilong pagoda na tinawag na Pariancillo Bridge, na sa kalaunan ay naging Fray Felix Trillo Bridge bilang pagpupugay sa kilalang pastor ng Pasig.

Ang Bitukang Manok ngayon sa Pasig ay isa nang naghihingalong ilog, dahil imbis na protektahan ang ilog ay tinayuan ito ng mga komersyal na establisimyento. Ito'y nasa 3.6 kilometro mula sa kinatatayuan ng McDonalds hanggang sa kinatatayuan ng pabrikang Asahi Glass sa Pinagbuhatan sa Pasig.

Tulad ng iba pang mahahalagang pook sa bansa, makasaysayan ang Bitukang Manok sa Pasig at hindi ito dapat mawala o masira. Dapat itong pahalagahan ng henerasyon ngayon at ng mga susunod pang henerasyon.

Mga pinaghalawan:
The Featinean publication, July-October 1996, pages 28-29
https://en.wikipedia.org/wiki/Dayang_Kalangitan
http://filipinos4life.faithweb.com/Pasig.htm
http://filipinos4life.faithweb.com/Joe-ed-pasig.htm
http://www.mytravel-asia.com/pois/100343-Bitukang-Manok
http://wikimapia.org/5620018/Bitukang-Manok-Marker-Pariancillo-Creek
http://www.pasigcity.gov.ph/subpages/historical.aspx
http://opinion.inquirer.net/59679/bitukang-manok-fork-in-road-to-revolution

Sabado, Nobyembre 16, 2013

Kartilya ng mabuting loob

KARTILYA NG MABUTING LOOB
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

pawang kasapi sila / ng bunying Katipunan
na gabay ang Kartilya, / mabuting kalooban
buhay na di ginugol / sa banal na dahilan
kahoy na walang lilim, / buhay na sayang lamang.

kung pawang pansarili / yaong nasasaloob
di pakikipagkapwa / sa puso'y nakalukob
paano na ang iba / kung ang nakakubakob
sariling ginhawa lang / ang sa kanya'y marubdob.

Kartilya'y mahalaga, / gabay sa pagkatao
sadyang Katwiran yaong / nangungusap sa iyo
ipagtanggol ang api, / kapwa'y paglingkuran mo
at sa lahat ay dapat / pantay-pantay ang trato.

ang kabanalang tunay / ay pagkakawanggawa
lalo pang mahalaga'y / ang pag-ibig sa kapwa
at sa taong may hiya, / salita'y panunumpa
ang loob ay linisin / nang di maging kuhila.

naghihimagsik tayo / laban sa kasamaan
at ipinaglalaban / ang talagang Katwiran
dapat taglayin nati'y / mabuting kalooban
upang di mapahamak / ang kapwa, uri't bayan.

namnamin nating buo / yaring Kartilyang ito
bilang gabay ng ating / buhay at pagkatao
kung tamaan man kita / ng problema't delubyo
ay nakatindig pa rin / tayo nang taas-noo.

Sabado, Disyembre 15, 2012

Emilio Jacinto - tula ni Romualdo G. Ramos

EMILIO JACINTO

Noon ay panahon ng pamamayani sa bayan kong amis
ng pamahalaang walang ginaganap kung di ang mang-inis,
sa abang lahi kong kahi't na dustai't sa hayop iparis
ay pawang ngiti rin at tamis ng loob ang ipinapalit;
nang panahong yao'y walang bigong kilos, at bahagyang imik
ang kahima't sino na di may katugong yamba ng paglait.
Ang lahing tagalog nang araw na iyon ay kakaning itik
ng mga maputing sa dugong dalisay ay lakas sisipsip.

Ang ulo ng lahat noo'y nangagyukod kahi't na paslangin,
bibig ay may susi, hindi makatutol sukdan mang iringin,
palibhasa noo'y ang kilalang hari sa bayan kong angkin
ay di gumagalang sa batas ng Matwid na dapat tuntunin,
bagkus siyang lalung madalas lumabag, magwasak, pumuwing
sa Katwirang Banal. Iyan ang larawang hindi nagmamaliw
ng Bayan kong sawing lipos ng linggatong at laging alipin
at kuyom ni lupi... Anong pagkalungkot kung gugunitain...

Lahat ay may nais, nang panahong yaon, na ipagsanggalang
sa harap ng haring pinapanginoon, ang hiyas ng buhay
ng abang lahi kong laging nakadalhak sa maraming hukay
nang pagkaalipin, nang kahi't bahagya'y masinag man lamang
sa silangang dako ang dakilang sikat ng malayang Araw;
nguni't sadya yatang di pa dumarating ang katadhanaan...
sapagka't ang mga libong pagsisikap ay di makagitaw
sa iisang lakas na noo'y may hawak sa palad ng bayan.

Datapwa't hindi rin lubhang namalagi sa hindi pag-imik
ang bayang nang una ay sipsipang dugo ng mga limatik,
sapagka't dumating ang talagang araw na dapat ipatid
niyong tanikalang malaong panahon ng nakabilibid
sa kanyang katawan; sa parang at gubat, bangin hanggang yungib
ay di magkamayaw ang mga hiyawan ng magkakapatid:
anila'y "Dapat nang maputol ang Sama't gumitaw ang Matwid"
at ang watak-watak na bisig ng baya'y tinipo't binigkis.

Ang mga tagalog na anak ng bayan ay di na nagyukod
ng kanilang ulo sa pamahalaan na nagbubusabos;
sa kabila nito'y lalong minabuti ang parang at bundok
na siyang tahanan, kay sa mamalagi sa mga pag-ayop.
Kaya't ang ginawa sa paraang lihim sila'y nagtaguyod
ng mga samahang ipagkakaisa ng bayang tagalog
sila'y nagsikatha ng alituntuning dapat na masunod
ng bawa't kaanib sa banal na layong pag-iisang loob.

Isa sa naggugol ng lahat at lahat sa gitna ng parang
ay di pa marahil lubhang kakilala nating karamihan
gayong siya'y isa sa naging haligi niyong Katipunan
at isang kalihim na siyang may sulat ng dakilang aral
na ang sinasabi'y: "Ang alin mang buhay na di inilaan
sa isang mabuti at dakilang layon, ay nakakabagay
ng hamak na kahoy na wala mang lilim na sukat silungan;"
Siya'y nagngangalang EMILIO JACINTO, batang katipunan.

Sa mga bayaning lumabas sa bundok ay siya ang tangi
na bata sa lahat, nguni't matalino at walang pangimi
sa punlong masasal ng mga kaaway... at lalo pang hindi
marunong gumawa, kaya'y magpasunod, ng anomang mali
sa mga kapatid bagkus siyang lalong dalas dumaliri
sa mga gawaing sinsay sa katwiran at lubhang tiwali.
Siya ang madalas karinggan ng lahat ng mga taguring:
"Mahanga'y mamatay kay sa maturingang api rin ang Lahi."

Sa pagkabata pa'y talagang likas na ang pagkamatapang
na di natatakot sa kahima't sinong may kapangyarihan,
magpakailan ma't ito ay may gawang linsad sa katwiran.
At di lamang ito; ang ating bayaning ipinagdiriwang
hindi lang bihasa sa pakikibaka at pagpapatayan,
siya'y may diwa ring marunong umawit ng tuwa at lumbay;
sa madaling sabi, ay isang makatang patnugot ng Bayan...
makatang nagsabog ng mahahalaga at dakilang aral.

PUTONG:

Dakilang makata na anak ng Trosong iyong sinilangan,
bayaning naggugol ng buhay at pagod dahilan sa Bayan
magmula sa lupa na tahanan naming mga nakinabang
sa ipinunla ninyong matimyas na binhi ng malayang buhay,
magbuhat nga rito'y tanggapin mo riyan at ng kasamahan
ang dakilang putong na tanda ng aming pagsinta't paggalang
sa inyong ginawa;... nguni't sumasamo kaming kalahatan
na ibalita mo kung diyan sa bayang iyong nilipatan
ay di nga marami ang kilalang Diyos, kungdi isa lamang
gaya ng sinabi ng ating bayaning si Gat Jose Rizal.

ROMUALDO G. RAMOS
Troso, Maynila

Martes, Nobyembre 27, 2012

Kay Emilio Jacinto - salin ng tula ni Cecilio Apostol

KAY EMILIO JACINTO
Tula ni Cecilio Apostol
Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
20 pantig bawat taludtod

Bansag: YOGA.

Makabayan:
Sa panahong walang pasalamat / sa pag-aaral at anong tapang
kabaliwan, at bisyong matimyas / ng mga nagsitakasang mukha
na may dalangin at katuwaan / sa labi ng tulang walang muwang,
mag-isang tinungo ang pag-ibig / na masayang siya'y sinasakop.
May kakaibang pugad sa iyong / buhok na tikas mala-artista,
napuno ng pambihirang dapo / ang iyong kawalang-rangyang hardin.

Ano't walang kapantay ang poot / sa masasama't kasuklam-suklam
sa diwa'y may aranya ng siyam / na Brumaire ang naglalagablab
o isang pirasong "Noli": iyong / sinamba sina Ibarra't Danton,
at ang luma'y siyang inibig mo. / Ang panahong ginto't patriyarkal
ay may malinis na patakaran / sa iyong matunog na pandiwa
malinaw yaong makatarungang / pangarap mong ibig at kaylayo.

Maimpluwensiyang kaluluwa, / dama'y malatulaing kariktan
na minsan ay ritmo, minsan naman / ay bulaklak, sa iyong awitin
nananatili ang alaala / ng tunog sa taal na amihan;
nangangatal na ikinakalat / ang makabayan mong mga tula
pinakita'y salin mong malinis / at makinis na kaliwanagan.

Di ang iyong panariling misyon / ng mga awiting Apollonyan.
Ang di matingkalang halagahan / sa balikong guhit na paikot
yaong tao't lahing bumubuo / niyong abuhing akademiko,
sa kilos mo ng paunang ikid / na pinanlapi sa mga puwang:
Kagaw ay inilagay ni Rizal; / ang gatilang Andres Bonifacio;
Ikaw'y bisig at makatarungang / ideya sa may harmonyang batas.

Kapara'y madilim na abuhin / noong sinauna pang panahon
pinagtila ginto ang dalisay / na kasabihan sa Analektas,
at ang Asya'y kanila, winasak / ang sekular na kawalang-hilig,
Aking napakinggan yaong tinig / ng isang sumulat sa Corinto
Ang anong rangal mong ebanghelyo / ng dangal at bansa, O, Jacinto
na sumagisag sa iyong lahi, / historya ng bansa'y sinalamin.

Ang ingay sa ilalim ng lupa, / sa gitna ng marikit na pista,
nadama ang pagiging kolonya / at hangin ng galit na protesta
dinaraan ko sa mga noo / ang apoy niring sedang mainit.
Nasilayan mo ang pananabik / ng nagsanib na malayang diwa,
at pagkatapos, sa pulang kinang / niring matapang na Katipunan,
inilunsad ang sundang ng apoy / sa mahinahon nilang paghamon...

Yaong daigdig na natatangi / sa kalaunan ay naging lawa
ng dugo, nilagdaan ang tipan, / na inihatid doon ng tabak
kumikinang na tansong kamao / yaong kipkip na sama ng loob.
Ang mapapalad ay napapalis / ng iyong mabisang pandirigma;
gayunman, ang iyong pagkahenyo'y / sakop ng karaniwang bilanggo,
at nasa awa ka ng opisyal / na mangangasong ngala'y Hidalgo.

Nang maiwagayway na sa langit / ang bandilang pinakamamahal
sa bundok at lambak, mabulaklak / yaong makasaysayang landasin,
kambal na luwalhati'y kay-ilap / sa kagustuhan ng sambayanan.
hinanap ko ang kapanglawan mo, / ninunong tumigil, at kariktan
sa dulo'y iyo nang isinuko / kay Kamatayan ang punong tsapa,
nakaharap ka sa kalangitan, / sa ilalim ng lilim ng palma.

"Katapusan sa Pagpapahinga." / Nasa molde yaong kanyang utak
ang kaisipang nagpasimula / ng dakilang epiko ng lahi,
pahinga na. Bansa'y nagbabantay / sa pangarap mong kapayapaan.
Pinagmamalaki ka ng bansa, / kasama'y bayaning katulad mo.
Namatay kang masaya, nang hindi / nakita ang anino sa dibdib
ng nakabukang pakpak, pati na / mga kuko ng buwitreng hayok.

Naluto na sa hurno ang dapat. / Binura mo ang masamang padron,
at sa tinahak niyang madawag / mamamayan mo'y lakad-pasulong.
Maaaring magwakas na ito, / o malibing sa ragasang lupa.
Ngayon yaong puno'y nadiligan / ng dugo at matinding pasakit
ay nakangiti sa bunga nito / at hintay ang luntiang bulaklak
Di iyon rason upang tumanggi; / ni maging yaon mang kabutihan.

* Sinalin - Sampaloc, Maynila, Nobyembre 27, 2012
.
.
.
A EMILIO JACINTO

Lema: YOGA.

Patriota: en los tiempos de ingratos estudios, y audaces
locuras, y dulces visiones de rostros fuganes
con rezos y risas en labios de ingenuo carmin,
hermetico fuiste al amor y su gaya conquista.
Lo raro anidaba en tu airosa melena de artista, 
y raras orquideas poblaban tu austero jardin...

En odio implacable a todo lo inicuo y nefario
tu mente inflamaba una arenga del nueve Brumario
o un trozo del "Noli": adorabas a Ibarra y Danton,
y amabas lo antiguo. La edad patriarcal y de oro
del pristino regulo tuvo en tu verbo sonoro
la clara justeza de amada y distante vision.

Espiritu procer, sensible al poetico encanto,
que a veces es ritmo y a veces es flor, de tu canto
aun queda el recuerdo sonoro en el aire natal;
aun vibra y contagia el patriotico ardor de tus versos
y muestra tu limpis version el claror de los tersos
diamantes que enjoyan el "Ultimo Adios" de Rizal.

No fue tu exclusive mision la del canto apolineo.
La arcana virtud que preside el rodar curvilineo
de pueblos y razas que integran la adamica grey,
tu accion en el ciclo inicial preñjo en el espacio:
Rizal puso el germen; su musculo Andres Bonifacio;
tu el brazo y la idea justante en harmonica ley.

Asi como el gris tenebroso de edades provectas
doraron las maximas puras de las Analectas,
y en ellas el Asia, rompiado el sopor secular,
la voz excucho del que luego escribiera a Corinto,
to noble evangelio de honor y de patria, oh Jacinto,
simbando a tu raza, engrandece la historia insular.

Rumor suberraneo, en mitad de la idilica fiesta,
sintio la colonia, y un viento de airada protesta
paso por las frentes su fuego de calido tul.
Plasmaste el anhelo en que espiritus libres se adunan,
y entonces, al rojo fulgor del audaz Katipunan, 
puñales febriles lanzaron su reto al azul...

La uberrima tierra tornose despues en un lago
de sangre, firmada en el pacto, y el bolo hizo entrago
fulgiendo en el puño broncineo de añozo rencor.
La suerte fue adversa a tu ardor eficaz de guerrero;
no obstante, a tu genio encubria el vulgar prisionero,
y hubiste merced del hidalgo oficial cazador.

Despues que la amada bandera se irguio hacia los astros
en montes y valles, floridos de historicos rastros,
tu duplica gloria fue esquiva al favor popular.
Busco tu nostalgia el retiro ancestral, y el belleza
rendiste, por fin, a la Parca la insignia cabeza,
de cara a tu cielo, debajo de umbroso palmar.

"La muerte en descanso". Cerebro en que tuvo su hornaza
la idea que urdio la epopaya inmortal de la raza,
descanas. La Patria vigila tu sueño de paz.
La Patria, orgullosa, entre eponimos heroas te nombre.
Moriste dichoso, sin ver sobre, el pecho la sombra
del ala extendida y las garras del buitre voraz.

La suerte esta echada. Borraste el padron infamante,
y en su hispide senda tu pueblo camina adelante.
Tal vez llegue al fin, o tal vez lo sepulte en alud.
Ya el arbol, nutrido con sangre y acerbos dolores
sonrie en sua frutos y espera en sus vergenes flores.
No es una razon el negario; tampoco es virtud.

CECILIO APOSTOL

Sabado, Nobyembre 17, 2012

Pingkian - alay na tula kay Gat Emilio Jacinto

PINGKIAN

Sagisag: Consumatum Est...

Sala ng may sala!... Sadyang ang Mahina
ay talo ng lakas sa balat ng Lupa.
Ang Lakas ng Matwid ay bihibihirang
makitang sa kanyang tahana'y malaya;
ang Matwid ng Lakas ang magpapasasa't
kailan ma'y siyang palaging Dakila.

Ito ang nangyari sa palad ng Bayang
kaya nakidigma'y upang patunayan,
na dito sa isang dulo ng Silangan
ay hindi ang bawat diwang tagaakay
sa dakilang landas ng Katutuhanan
ay supil nang lahat ng Lakas ng Yaman.

Hinding-hindi pa nga; dito ay may bisig
na hindi maalam magdamdam ng sakit,
dito ay may utak at may pag-iisip,
may puso at diwang walang iniibig
kundi ang makitang ang baya'y malinis
sa yagit na padpad ng alon sa Pasig.

At nipot sa gitna ng katahimikan
ang dakilang mithi ng "Anak ng Bayan"
wari'y Bagong Kristong nagkalat ng aral
sa pikit na mata ng Katagalugan
parang bagong sinag na nagbagong buhay
sa lamlam ng sikat ng "Malayang Araw".

At doon sa umpok ng mga Zamora,
mga Bonifacio, Rizal, Burgos, Luna,
ng mga Del Pilar, Gomez at Jaena,
may isang kung di man natin nakilala,
subali't sa dahon ng ating "istorya'y"
may titik na gintong nagpapakilala.

Iyan ang Jacinto... ang Anak ng Bayang
nakilala natin sa ngalang "Pingkian",
utak, pag-iisip, sigla, dunong, buhay
ng di malilimot nating "Katipunan"...
patnubay sa landas ng naglikong daan
diwang tagaturo sa diwang panglaban.

Sa kapayapaa'y budhing matahimik
ligaligin mo ma'y di mangliligalig,
datapwa't talagang ang lamig ng tubig
ay daig ang apoy pag siyang nag-init,
ang datihang tiklop na tuhod at bisig
ay talagang sukdol pag siyang nagalit.

Na kung siya'y sino? - Basal na binata,
sumupling sa tangkay ng Lahing kawawa,
sahol sa ginhawa, kaya't nagtiyagang
tumuklas ng dunong at pagkadakila,
datapwa't sa tawag ng Inang may luha
ngiti ng ligaya'y niwalang bahala.

Ang dahon ng aklat at ng karunungan
iniwang sandali sa kinalalagyan, 
At sa ganang kanya; - Anhin ang yumaman
sa lupa kung laging alipin din lamang,
mahanga'y ang dukhang mayrong Kalayaan
kay sa masagana sa tahanang hiram.

Iniwan ang lahat: ang kaway ng puso,
anyaya ng diwa't ngiti ng pagsuyo,
nilisan ang bayang batbat ng balaho,
tiniklop ang aklat na mana sa nuno,
nilingon ang tawag sa bayang siphayo
upang isagawa ang sumpang pangako.

Siya ang nanguna upang ibalita
kailanga'y aliw ng Bayang kawawa't
hingin sa may lakas ang habag sa kapwa,
upang ang liwanag na sa ibang lupa
ay nananagano't nagbibigay diwa
sumikat din ito nang boong paglaya.

Humuwad sa isang intsik na mahirap
upang sa lihiman ay maipahayag
kay Gat Jose Rizal ang guhit ng palad
nitong bayang ibig kumita ng lunas,
na kung mangyayari'y sadyang mailadlad
ang nakita niyang pangangailangan...

Iyan ang bayani: di ng bisig lamang,
ang isang Dakila't Malayang Watawat
di lamang ng puso, di lamang ng yaman,
iyan ang bayaning palibhasa'y bayan
nilisan ang lahat, ang aklat, ang layaw,
upang maitayo ang Sariling Bahay.

Nita ka ng lalong batibot na utak,
mita ka ng lalong matayog na malak
na animo'y sadyang kaban ng pangarap...
siya'y dili iba... ang sa unang malas
ay makikita mong ngala'y nasusulat
ng titik na ginto sa dahon ng palad.

Utak na umisip ng Aklat ng Lahi
na pinagsaligan sa pananakali,
utak na lumubid ng mabisang tali
ng pagkakaisa, utak na yumari't
naghand ang lupa sa sariling ari
upang katayuan ng Bagong Gusali.

Kung si Bonifacio ang pagsasabihin
kung sino ang taong dapat dakilain,
sa pinagdaanan nitong bayan natin...
marahil tutugong: "Ang dapat ituring
ay kung sino yaong nagkusang gumising
sa himbing ng bayan sa pagkaalipin."

Iya'y si "Pingkian": ang tanging bayaning
kung di man nabantog noon sa marami'y
datapwa't naglagak naman ng haliging
magiging saligan sa pagsasarili,
mga kasulatang sakdal ng bubuti't 
mga binhing ngayo'y ating inaani.

Dakilang dakila ang kanyang pangalang
sinagisagisag ng pakikilaban
upang makayari ng Sariling Bayan;
sapagka't ang kanyang pinananaligan:
"sa pagkakapingki ng kapwa katwiran
kaya sumisikat ang katutuhanan."

Datapwat talagang ang banal na diwang
bukalan ng buti'y mahirap lumaya;
ang sama ay sadyang mapagpanganyaya't
mapagwaging lagi sa balat ng lupa;
ang gawang magaling kahit manariwa'y
nilalanta't sukat ng kanyang tadhana.

Ang araw ng api'y talagang mahirap
makapanalaya sa kanyang pagsikat;
yumao si Rizal ng hindi pa oras
at si Bonifacio'y pinaram din agad,
si Jacinto nama'y sa banig ng hirap
binigyang tadhana ang buhay na hawak.

At siya'y namatay: gaya ng marami;
ang lupang katawa'y nabalik sa dati;
nguni't kailan man ang mga Bayani'y
hindi namamatay, ni di napuputi
sa tangkay ng Lahi; sa madaling sabi;
kahi't putihin ma'y hindi mangyayari.

Naryan ang kaunting halaw ng isipan,
sa aking kudyaping puspus kapanglawan,
naryan ang kalaw ko sa "Aklat ng Buhay"
na makasasaksi sa "Luha ng Bayan,"
Maging kurus nawa sa kanyang libingan
nang tayo'y mayroong mapaghahanapan.

Martes, Oktubre 2, 2012

Emilio Jacinto - tula ni Pascual De Leon

EMILIO JACINTO

"Emilio Jacinto o Dizon (a) Pingkian, secretario del Katipunan, fue, segun dicen los Katipuneros, el ojo de la Sociedad."
"Si Andres Bonifacio fue el Alma del Katipunan, Emilio Jacinto la intelligensia, y el entusiasmo que lo dirigio." - (Isabelo de los Reyes.)

I

Ang mga bayani ng irog kong bayan
Ay di lamang tanyag sa mga digmaan,
Sa mga nagpuyat sa ilog at parang,
Sa mga nagsubo ng buhay sa hukay,
Sa mga kumilos ng lubus-lubusan,
Sa mga gumamit ng lakas at tapang
Ay may mahahalong di malilimutan
Na isang Makata pagsakapuluan.

II

Gaya ni Mabini kung magmalasakit,
Gaya rin ni Luna sa pamimiyapis,
Gaya rin ni Rizal sa mga pag-awit
At kung sinasabing "kaluluwa't bisig
Yaong Bonifaciong di naliligalig"
Masasabi namang mata, dunong, isip
Noong himagsikang ang hindi nanganib
Na ating Pingkiang may gintong panitik.

III

Singbata ng mga balitang Patricio,
Subalit singdiwa nina Zola't Jugo;
Singtapang ng ating mga Bonifacio,
Plaridel, Zamora, Burgos, Lapidario;
Bayaning kapilas ng palad ni Kristo
Na nagpakahirap nang matubos tayo;
Iyan ang makatang Emilio Jacinto
Na anak at dangal ng purok ng Troso.

IV

Kabilang sa isang marangal na lipi,
Matalinong walang kapangipangimi
Mapalad na anak na nakapag-ari
Ng isang panulat na di nababali;
Batang mandirigmang dangal nitong Lahi;
Batang manunulat na kahilihili
At isang makatang kung magdalamhati
Ay nailalagay sa tulang mayumi.

V

Murang-murang bunga ang kanyang katulad
Nguni't pusong Nestor na di nagugulat,
Nang mga panahong nagbabangung-palad
Itong ating Bayang busog sa pahirap,
Ay nagsuot-intsik na di nabagabag
Upang makalapit at makipag-usap
Noong si Rizal pa ay nasa sa dagat,
Tungkol sa pag-agaw dito at pagtakas.

VI

Ang tapang ng tao, ang pagkamagiting
Sa buhay na ito'y hindi malilihim,
Pagka't parang tulang hagkan man ng hangin
Ay taglay ang kislap at di magmamaliw;
Ang batang Pingkian, nang siya'y pukawin
Upang makilaban, ay di nahilahil;
Kanyang idinulot ang buong paggiliw
Sa ikatutubos ng Bayang alipin.

VII

Kanyang isinubo sa mga kaaway
Ang hindi nangiming hiniram na buhay:
Paano, sa mundo'y walang kamatayan
Ang taong masawi nang dahil sa Bayan,
At ang kanya pa ring pinagbabataya'y
Ang buhay ng tao'y parang isang araw
Na kahi't magkanlong sa kanyang kanlungan
Ay sumisikat din sa kinabukasan.

VIII

Yaong Pasong Tamo ang siyang magsabi
Sa tapang na kimkim ng ating Bayani;
Ang bayang Mahayhay na nananatili
Ang siyang sumagot sa mga nangyari't
Diyan napatangi ang dahas na iwi
Ng ating Jacintong hindi masisisi:
Diyan nakilalang siya'y Garibalding
Sa mga digmaa'y unos at buhawi.

IX

Talagang ang sibol sa lupang Tagalog
Ay napapatangi sa pakikihamok,
Na kung sakali mang hindi kumikilos
Ay nagpapalipas pa lamang ng pagod,
O kaya'y katapat ang nangaguutos:
Kung hindi ganito'y laging masusubok
Ang kapangyarihan kung nagsasaagos
Na bawat daana'y pawang matatapos.

X

Matamis sa puso kahit Bagumbayan,
Huwag lang malagak sa kapighatian;
Mga Balintawak ang hinahanapan
Ang ipaglalagot sa kabusabusan
Labingtatlong palad sa Kabiteng bayan
Ang kailangan pa sa ati'y dumamay.
Ang lahat ng ito, kung nangabubuhay
Ay bagong Malulos ang maaasahan.

XI

At bakit binitay yaong tatlong Pari?
Si Rizal ay bakit kaya naaglahi?
Bakit nangagsikap sa anyo't ugali
Ang mga Jacinto at ibang kalahi?
Bakit pinaluha ng walang pangimi
Ang mga panulat na kahilihili?
Pagka't nangagnasang sa mga gusali
Ng lupit ay kumi't iguho ang hari.

XII

Sa dahon ng ating panahong lumipas
Ang ngalang Pingkia'y di na matitinag,
Paano'y pangalang ang nakakatulad
Ay malaking bundok na di mapapatag
Ng mga dumaang digmaa't bagabag;
Na sa sinalungang sigwa'y di matinag;
Paano'y pangalang yumari't sumulat
Ng dakilang aral ng ilaw ng palad.

XIII

Ang kanyang sinulat na palatuntunan
Na ubod at diwa noong Himagsikan,
Ang kanyang niyaring mga gintong aral
Na yaman ng palad at gabay sa buhay,
Ang di malilimot na kanyang kundiman
Na handog sa ating nagdurusang Bayan...
Ang lahat ng ito'y mga katunayang
Ang kanyang panulat ay dapat hangaan.

XIV

Ang kanyang panulat na busog sa diwa
Haligi ng palad na kahangahanga,
Ang kanyang panulat ang siyang nagwikang
Tayo'y pantaypantay sa balat ng lupa;
Panulat ding iyan ang hindi naawang
Tumapos sa mga ganid at masiba;
Subali't sa mga may pusong dakila
Ay batis at batis ng mga biyaya.

XV

Kung minsa'y hinampo ng puso sa kasi,
Kung minsa'y tumaghoy na parang pulubi,
Kung minsa'y paawang parang si Florante,
Kung minsa'y kilatis ni Elias sa Noli,
Kung minsa'y dagundong ng mga buhawi,
Kung minsa'y maglambing na parang babae...
Iyan ang panitik ng ating Bayaning
Sa pagkamakata'y walang masasabi.

XVI

Basahin ang kanyang kundimang sinulat
Kungdi ka mapukaw sa pagkapanatag,
Kuruin ang kanyang hinagpis ng palad
Sa bawat talatang mainit, maalab;
Pakinggan ang kanyang paghanga't pagtawag
Sa kaawaawang Inang naghihirap;
Tingnan mo kungdi ka sagian sa hagap
Ng mga yumaong saglit ng bagabag.

XVII

Kung buhay si Aldeng humanga kay Cesar
Ay hindi sasalang hahanga ring tunay
Sa pagkamakata't sa kabayanihan
Ng ating Jacintong walang kamatayan,
Ang ganitong anak na may katangian
Ay dapat matanyag sa Sangkatauhan,
Sapagka't sa tao'y bihirang mapisan.
Ang pagkamakata't kawal sa digmaan.

XVIII

Malinis na asal, tapat na pagsuyo,
Pag-ibig sa bayang kapintupintuho,
Damdaming matayog na hindi susuko,
Loob na maalab na di maglalaho
Isipang mayaman na makagigipo
Sa kapangyarihan ng mga palalo...
Ang lahat ng iyan ang itinuturo
Ng kanyang panitik na hindi mahapo.

XIX

Hanggang may panitik ang mga makata't
Mga manunulat sa iniwang lupa
Hanggang nadadama ng aming akala
Ang bundok, ang yungib at damong mahaba,
Hanggang nadadama ng aming akala
Ang bayang Mahayhay na kahangahanga,
Ay pakaasahan na laging sariwa
Ang ngalang Pingkian sa puso at diwa.

XX

PARANGAL:

Dakilang Kalihim niyong KATIPUNAN:
Batang namayani sa unang digmaan,
Bolivar ng aming sinisintang Bayan,
Aquiles na tanyag sa pakikilaban;
Ang halimbawa mong sa ami'y iniwan
Ay magiging sulo sa kinabukasa't
Siyang magtatanyag sa iyong pangalang
Katumbas ng Dunong, Lakas, Kalayaan

PASCUAL DE LEON.
Tondo, Maynila.