Huwebes, Nobyembre 6, 2008

Ang Kasalanan ni Cain

ANG KASALANAN NI CAIN
Akda ni Gat Emilio Jacinto (1875-1899)

I

Katatapos pang nilalang ng Maykapal ang Sandaigdigan.

Bahagya pang sumusupling sa mag-asawang si Adan at si Eva ang mga kauna-unahang bunga ng kanilang pagsasama sa ibabaw ng lupa… At ang lupang ito, na katatapos pang nilalang ng Maykapal ay dinungisan na ng isang kasalanang kakila-kilabot at kasuklam-suklam na higit sa bangis ng gabing lumilintik at higit na kasindak-sindak at nakauulol na pangarap ng may pusong dulingas at sukab na akala.

Si Cain ay nagtaglay ng malaking pagkainggit sa kapatid niyang si Abel, at sa kainggitang ito’y nagmula ang isang matinding kagalitan, hanggang sa siya’y dinayang dinala sa ilang at doo’y… pinatay ng lilong kapatid na si Caing tampalasan.

Magbuhat noon ay maraming daan at libong taon na ang nakararaos. Gayunma’y nalilimbag pa sa alaala at gunita ng mga tao’t mga bayan ang kasalanan ni Cain at dili yata mapapawi’t mababaklas hanggang sa ang lupa ay lupa.

Magbuhat noon, magbuhat ng patayin ng kapatid ang kapatid sa hamak na kadahilanan ay naghari at nag-ulol ang kasukaban sa balat ng lupa, at ang mga mata’y laging lumuluha, at ang dugo ng kapatid ay laging pinababaha ng kapatid, at walang namamahay sa mga kalooban kundi ang umalipin at dumaya sa kapwa din.

At si Cain ay isinumpa ng Diyos at iginuhit sa noo niya ang tanda ng darakilang kasalanan. At magbuhat noo’y makapal na noo ang nagtataglay ng hamak na tanda…

Tunay ngang may lumitaw na mga bayani’t magagandang puso ang nangahas at nangahas ding bumangon sa lusak ng madlang kapahamakan; at sukdang ikapanaw ng tangang hininga ay pinukaw at ipinaaalala sa nangahihimlay na ang lahat ng tao ay magkakapatid at magkakapantay, na ang nagiging dahil ng mga sakit, hirap, at dalamhating walang katapusan ng Sangkatauhan ay ang mana’t manang kasalanan ni Cain, na walang daang iba pa sa kaginhawahang laging hinahanap kundi ang tunay na pagkakakilanlan at pagmamahalan ng magkakapatid at tunay na paglingap ng lahat sa bawat isa at ng bawat isa sa lahat.

Datapwat kung ito’y tunay, tunay din naman na ang mga pusong lubhang angkan at angkan pa sa kasamaan at katampalasanan ay bumalikwas na nagngangalit at walang awang inawas ang mga pangahas na nagsisiwalat ng banal na matwid at magandang pag-ibig na makapuputol ng lilong pagpapasasa sa dinayang kapangyarihan at ninakaw na yaman.

II

Ngayon naman, kung ang mamasdang haharapin ng paningin ay ang mga nangyayaring pinaglalagusan ng Katagalugan, ay! puso’y naiinis, nagsisikip ang dibdib, at luha sa mata’y kusang umaagos.

Nakaririmarim na tanda ng kasalanan ni Caing isinumpa ng Maykapal, bakit nakaguhit ka sa noo ng makapal na Tagalog, karugo at tunay kong kapatid? Diyata’t ikaw lamang nga, ikaw ang magiging dahil kung kaya mananatili sa karukhaan at kutya ang walumpung yutang katawan, kung kaya di magtatamo ng kinakailangan at minimithing kalayaan ang walumpung yutang Tagalog, kung kaya mawawalan ng kabuluhan ang mga pinuhunang pagod, panganib, at di-masaysay na katiisan at tiyaga, sampu ng libo-libong buhay na pumapanaw ng mga bayaning nagbangon ng katwiran at puri ng lahat? O, kasalanan ni Caing isinumpa ng Diyos! Ikaw ay muli naming isinusumpa sa ngalan ng aming mga inang nananangis, sa ngalan ng madlang nagbabata ng lahat ng sakit at katampalasanan sa kadakilaan mo! Kasalanan ni Cain, ikaw ay muli’t muli naming isinusumpa nang walang katapusan!

III

Masdan ninyo iyong tao: Ang mga mata niya’y laging isinusulyap sa balang masalubong; ang mga tainga niya’y laging nakikinig ng balang salitaan; ang mga bibig niya’y laging nangungusap ng balang nalalaban sa kanyang isinasaloob at masasamang budhi; sa baywang niya’y may natatagong isang lubid at isang rebolber na laan sa kanyang mga kapatid. Iyan ang policia secreta, samakatwid tiktik, tiktik na sukab at walang awa ng tampalasang panginoon.

Pahayag - akda ni Gat Emilio Jacinto

PAHAYAG
Akda ni Gat Emilio Jacinto (1875-1899)

Isa iyong gabing madilim.

Wala isa mang bituing nakatanglaw sa madilim na langit ng kagimbal-gimbal na gabing iyon.

Nakayukayok at sapupo ng dalawang palad ang mukha, naghihimutok ang isang kabataan.

Ang tahanang katatagpuan sa naturang kabataan ay natatanglawan ng isang tinghoy, na kukurap-kurap at ang liwanag ay nanganganib ng kusang panawan ng buhay.

Sa yugtong halos isuko na ng kabataan ang sarili sa matinding poot at sa pag-iisip na kahila-hilakbot at palagiang gumigiyagis sa kanyang puso, na waring nakabaon sa kaibuturan ngunit sapilitan nang ibinubulalas ng dibdib, sa yugtong ito niya naramdaman ang isang mabining haplos sa isa niyang balikat at naulinigan ang isang mahinang tinig, matamis at malungkot, na nag-uusisa:

“Bakit ka lumuluha? Anong kirot at dalita ang dumudurog sa iyong puso at yumuyurak at humahamak sa iyong kabataan at lakas?”

Nag-angat siya ng ulo at natigib sa panggigilalas: may kapiling siya at halos apat na hakbang ang lapit, at nabanaagan niya ang isang anino na waring nababalot ng maputing ulap ang kabuuan.

“Ay, mahabaging anino! Ang mga pighati ko’y walang lunas, walang katighawan. Maaaring kung isiwalat ko sa iyo ay sabihin mo o isipin mong walang anumang halaga. Bakit kailangan mong lumitaw ngayon upang antalahin ang aking paghibik?”

“Hanggang kailan,” sagot ng anino, “ang kamangmangan at ang katunggakan ay magiging sanhi ng mga hirap at pasakit ng mga tao at ng mga bayan?”

“Hanggang kailan kayo makasusunod magbangon pabalikwas sa kabulagan ng pang-unawa tungo sa tugatog ng katwiran at adhika? Hanggang kailan ninyo ako hindi makikilala at hanggang kailan kayo magtgitiwalang umasa na kahit wala sa aking piling ay maaaring matamo ang tunay at wagas na ligaya tungo sa kapayapaan ng sangkalupaan.”

“Sino ka samakatwid na nagmamay-ari ng kagila-gilalas na kapangyarihan at kahanga-hangang lumitaw at nag-aalay?”

“Ay, sa aba ko! Diyata’t hindi mo pa ako nakikilala hanggang ngayon? Ngunit hindi ako magtataka, sapagkat mahigit nang tatlong daang taon magmula nang dalawin ko ang tinatahanan mong lupain at kusain ng iyong mga kababayan na sumampalataya sa mga huwad na idolo ng relihiyon at ng mga tao, ng mga kapwa mo nilikha, at kung kaya naglaho sa inyong mga gunita ang pagkakilala sa akin…”

“Nais mo bang malaman kung sino ako? Kung gayo’y makinig: Ako ay ang simula nang mga bagay na higit na dakila, higit na maganda at higit na kapuri-puri, marangal at iniingatan, na maaaring matamo ng sangkatauhan. Nang dahil sa akin ay nalaglag ang mga ulong may korona; nang dahil sa akin ay nawasak ang mga trono at napalitan at nadurog ang mga koronang ginto; nang dahil sa aking adhikain ay nabigo at namatay ang siga ng “Santa Inkisisyon” na ginamit ng mga prayle para busabusin ang libo at libong mamamayan; nang dahil sa adhikain ko’y napagkakaisa ang mga tao at kinalilimutan ng bawat isa ang pansariling pakinabang at walang nakikita kundi ang higit na kabutihan ng lahat; nang dahil sa akin ay natimawa ang mga alipin at nahango mula sa lusak ng pagkalugami at kalapastanganan; at napugto ang kayabangan at kayamuan ng kanilang mababangis na panginoon; kailangan ako sa bawat naisin at lasapin ng mga bayan at sa ilalim ng aking kalinga may ginhawa at biyaya at kasaganaan ang lahat, katulad ng idinulot ko sa Hapon, Amerika, at ibang pook; nang dahil sa akin ay umiimbulog ang diwa upang siyasatin at tuklasin ang mga hiwaga ng syensya; saanmang pinaghaharian ko ay napaparam ang mga pighati at nakasisinghap nang daglian ang dibdib na nalulunod sa pang-aalipin at kabangisan. Ang pangalan ko ay KALAYAAN.”

Nagulilat at naumid ang kabataan pagkarinig nito at pagkaraan ng ilang saglit saka nakapangusap:

“Sapagkat ang mga kabutihan at biyaya mo ay walang kapantay, o kataas-taasang Kalayaan! Papawiin ko ang pighati na nagpapabalong ng labis-labis na luha sa aking mga mata, na ang sanhi ay hindi naiiba sa mga pagdaralita ng aking lupang sinilangan. Kung mapagmamasdan mo ang mga alipusta, mga pangangailangan, mga kautusang dapat tiisin at pagdusahan ng aking bayan ay matitiyak na tutubuan ka ng awa at muling kakalingain sa iyong magiliw at di-mapag-imbot ngunit kinakailangang pangangalaga. Ay, ihihibik ng aking mga kapatid!”

“Ako,’ sabi nila, ‘ay nagugutom,’ at siyang nagturo sa akin na pakainin ang nagugutom ay tumugon: ‘Kainin ang mga labi at mga mumo sa aming masaganang mga piging, sa aming mariwasang hapag.”

“Sabi ng aking mga kapatid: ‘Ako’y nauuhaw,’ at siyang nagturo sa akin na painumin ang nauuhaw ay tumugon: ‘Lagukin ang inyong mga luha at ang pawis, sapagkat dudulutan namin kayo ng sapat na kalinga nito.”

“Hibik ng aking mga kapatid: ‘Wala akong damit, ganap akong hubad,’ at siyang nag-utos sa amin na damitan ang hubad ay tumugon: ‘Ngayon di’y babalutin ko ang buong katawan ng patong-patong na mga tanikala.”

“Sabi ng aking mga kapatid: ‘Nahalay ang aking puri ng isang kura, ng isang paring Kastila, ng isang mariwasa, at ang hukom na matibay na haligi ng hustisya ay tumugon: ‘Ang taong iyan ay tulisan, isang bandido at isang masamang tao: ikulong sa piitan!”

“Sasabihin ng aking mga kapatid: ‘Kaunting pag-ibig, kaunting awa at kaunting lingap,’ at mabilisang tutugon ang mga maykapangyarihan at pinunong makatwiran at mabuting loob kung mamahala: ‘Ang taong iyan ay filibustero, isang kaaway ng Diyos at ng Inang Espanya: Dalhin sa Iligan!”

“Pansinin at pagmasdang mabuti, KALAYAAN; pagmasdan at pansinin kung dapat magdamdam ang aking puso at kung may sanhi ang pagluha…”

“Dapat magdamdam at lumuha,” tugon ni KALAYAAN sa himig na nagungutya at ginagagad ang mapaghimutok na paraan ng pagsasalita. “Lumuha! Lumuha ay dapat kung ang mga sukab ay wala nang buhay na maaaring putulin; kung tinatanggap nang ang kawalanghiyaan at katampalasanan sa pagbitay kina Padre Burgos, Gomez, at Zamora, sa pagpapatapon kay Rizal, ay hindi nangangailangan ng makatwiran at maagap na paghihiganti, na maaaring mabuhay sa piling ng mga kaaway, at na may mga pagmamalabis na dapat pang ipagmakaawa ng katubusan. Lumuha sa sariling tahanan, at sa katahimikan at kadiliman ng gabi ay hindi ko maunawaan. Hindi ito ang nararapat para sa isang kabataan… hindi ito ang nararapat.”

“Ano ang nais, kung gayon, ano ang dapat gawin? Kaming mga Tagalog ay naugali na sa ganoon. Sapol pa sa sinapupunan ng aming ina ay naturuan na kaming magdusa at magtiis sa lahat ng uri ng mga gawain, upasala, at pagkadusta. Ano ang higit na nararapat naming gawin bukod sa lumuha? Wala na kundi ito ang naugalian ng aming pagkukusa.”

“Hindi lahat ng naugalian ay mabuti,” paliwanag ni KALAYAAN, “may masasamang kahiligan at ang mga ito’y dapat iwaksi lagi ng mga tao.”

Ibig sanang tumutol ng kabataan, ngunit hindi pa niya matiyak ang sasabihin at walang maapuhap na ipangusap. Sa gayon ay nagpatuloy si KALAYAAN sa pagpapaliwanag.

“Ang ipinahayag ko sa iyo ay ang katotohanan. Walang kautusan na maaaring magpabagsak dito, sapagkat hindi maaaring ang wasto at tuwid ay maging kalaban ng wasto at tuwid, maliban kung ito ay binaluktot. Samakatwid, makinig ka. Noong sinaunang panahon, noong ang karuwagan at pagkaalipin ay hindi pa pumapalit sa magagandang kaugalian ng iyong mga ninuno, nasa lilim ko ang bayang Tagalog at nasa ilalim ng aking pangangalaga, at siya ay maligaya at sinisimsim ang simoy na nagdudulot sa kanya ng buhay at lakas ng katawan: tinatanglawan ng aking liwanag ang kanyang pag-iisip at iginagalang siya ng mga kalapit bayan. Ngunit isang araw, na dapat ikarimarim at isumpa, dumating ang Pang-aalipin at nagpakilalang siya ang kagalingan, ang katwiran, at ang karampatan, at nangako ng luwalhati sa lahat ng sasampalataya sa kanya.”

“Dumating man siyang nakabihis ng balatkayo ng kagandahan at kabutihan, at mapayapa at magiliw sa kanyang mga paggalaw at pagkilos, ay nakilala ko kung sino siya. Nabatid kong ang kaligayahan ng bayan ay nagwakas na; na ganap nang napako sa kanya ang kapuspalad na bayan… umabot sa akin ang iyong mga hinagpis at natigib ako sa labis-labis na dalamhati at iyon ang dahilan ng aking pagparito. Ngayo’y dapat na akong umalis kaya’t paalam na.”

“Huwag muna, Kalayaan,” pakiusap ng kabataan nang makita siyang tumalikod at nakahandang lumisan. “Pagbigyan mo muna ako ng kaunting panahon. Naipaliwanag mo ang mga malubhang pagmamalabis na pinagdusahan at tiniis ng aking bayan, hindi mo ba sila maaaring kahabagan at ibalik ang iyong pangangalaga?”

“Unawain akong mabuti, bagamat hindi mo nababanggit, walang ibang naririnig ang aking tainga at walang ibang nakikita ang aking mga mata, sapagkat iisa ang pinagbubuhusan at dinaramdam ng aking puso at kung kaya maagap akong dumadamay at humahanap sa mga naaapi at tuwing may naririnig na dumaraing. Ngunit walang tao na karapat-dapat sa aking pangangalaga at kalinga kung hindi siya pumipintuho sa akin at umiibig sa akin, at kung wala siyang kakayahang mamatay para sa aking adhika. Maaari mo itong ipahayag sa iyong mga kababayan o katinubuang lupa.”

Halos katatapos wikain ito, noon lumamlam ang sinag ng tinghoy, na pakurap-kurap ang ningas dahil sa kawalan ng langis…

Kinaumagahan, nang pawiin ng kaliwanagan ng araw ang mga lagim at karimlan ng gabi, may bagay na kumikislap sa mga mata ng kabataan na mistulang isang nagbabagang adhika.

Pahayag ng Agosto 1897

PAHAYAG NG AGOSTO 1897
Akda ni Gat Emilio Jacinto (1875-1899)

Ngayong pinasisimulan namin nang buong kasayahan ang ikalawang panahon ng amng pagsasakit, mula sa mga kabundukang ito na kailanma’y siyang nag-aalay ng dalisay na pananalig sa aming kalayaan at paghiwalay sa Espanya ay aming ipinupukol ang hiyaw ng aming pagtawag sa lahat ng mga nakararamdam sa kanilang dibdib na ang tumitibok ay matitining na puso, sa lahat ng taong may bait at puri, may dangal at lupang tinubuan.

Hindi kami natangi ng mga lahi. Tinatawagan namin ang lahat ng may iwing puri at pamahalaan ng isang may paglingap sa kanyang bayan. Gayon ang Katagalugan, para ng taga-Asia, Amerika, o Europa, tayong lahat ay nagdurusa; at lahat ng nagsisipagdusa ay aming inaanyayahang ibangon ang isang bayang inilugmok, pinasakitan, isang Inang Bayang minunglay at itinulak sa putik ng kaalipustaan. Hindi namin inililisan ang sinuman kahima’t Kastila, sapagkat may mararangal na Kastilang nakikiramay sa aming hukbo na walang mga ligalig ang kalooban at sukat sa kanilang pagkamagalang sa katwiran ay ipinagtatangkilik ang aming karaingan, karaingang damayan baga ng mga maykaya at wagas na kamahalan.

Mangagsipanandata kayo, mararangal na puso, mangagsipanandata kayo! Siya na ang mga pagtitiis!

Ang Katagalugan ay hinila sa kaalipinan. Ang Inang Bayan ay tinatangisan ang pagkapalungi ng kanyang mga anak.

Masdan ninyo ang ating mga sambahang dinungisan ng mga kahalili ni Hesukristo na ang mga lalong kagalang-galang na kasangkapan ay ginawa lamang masisibang sisidlan ng kanilang gawang pangangalakal sa pangalan ng Diyos. Walang bahala sa kanilang pinanumpaang karalitaan, kagandahang ugali, at sa kalinisan ng lahat, ang mga Prayle ay salapi lamang ang tinitingnan nang makapagbinyag, makapagkasal, at makapaglibing sa mga bulaan na di nananalig sa isang Diyos na tunay. Ngunit labhasain o lamunin ng mga uwak ang mga Tagalog na walang pilak. Sukat ang mayayaman lamang ang pinagbiyayaan ng dalangin at katawan ni Hesukristo.

Masdan ninyo ang ating mga tahanan. Ang kanilang mga haliging bato at lupang dinilig sa pawis ng ating mga magulang ay pinag-aagawan lamang niyang mga Prayle na walang kinikilalang kautusan kundi ang kapangyarihan ng kanilang kalooban. At matatapang nang magnakaw ng mga bunga ng ating kapagalan samantalang isinisigaw nila ang kanilang panatang pagpapakarukha at pag-iingat ng katawan laban sa kahalayan.

Ay ng isang mag-anak na may itinagong anumang yaman! Ay ng inang may alagang isang bulaklak na may kagandahan! Karaka-raka nganing ikapagiging sanhi lamang ng mga luha ng pagpapahamak ng puri at pagkatapon ng mga walang salang magulang at kapatid.

Tingnan ninyo ang katwiran na yinuyurakan at ginagawa munang kagila-gilalas na pandaya bago sa ikapagtatanggol ng Katagalugan. Saan-saanma’y ang pagbabala at ang pagpapasuhol. Ang mga pinuno sa bayan-bayan ay hinamak at niwalang-halaga. Ang pangangalaga sa bayan at ang mga kayamanan ay sinila ng kalupitang-asal at kasakiman sa tubo’t tubong pangangalakal. Sa pamahalaan at sa mga ganapan ng katungkulan ng mga matataas na pinuno, na doo’y hinahalay lamang ang mga Tagalog, ay naghahari ang kasawian; at pinapagbubuhat ay katibayan ng tao hindi sa talagang katwiran kundi sa walang saguting kalooban ng alinman sa mga pinuno. Ang lisya at kabulaan ang itinuturo sa kalahatan; sa may bahay-aralan at tagakalat-balita sa araw-araw ay ang lubos na kasukaban; saan-saanma’y ang kamangmangan, ang kadustaan, ang gawing masama, at ang kasiraan.

Walang halaga ang mga tapat sa suplong ng mga sumbong; ang mga karaingan ay pawang kaalipustaan ang tinamo lamang. Ano ang ginawa sa ating mga matwid na kahingian na alisin ang mga Prayle dito sa lupang Katagalugan? Ano ang ginawa sa ating gunamgunam at pagmamatwid na ipinahayag upang magkaroon ng pinakakatawang bayan itong Katagalugan na maitututol baga ang kanyang balang tapat na maibig sa mga kapisanan ng mga katawang-bayan sa Espanya? O karunungan at katotohanan! Ang mga nagsisihingi ng ampon sa katwiran, lahat ay isinadlak sa bibitayan o sa pagkatapon. Siya na ang mga kahalayan! Mangagsipanandata kayo, mga kababayan! Mangagsipanandata kayo, mga kapatid!

Magiliw sa kagalingan ng lahat, nilalayon namin ang kaluwalhatiang magkamit ng kalayaan, ang sariling kapangyarihan, at ang kapurihan nitong Inang Bayan. Ninanais namin ang isang kautusang yari sa kalooban ng tunay na mamamayan, na maging katibayan at pitagan sa kanilang lahat na walang ililisan, kahiman at sino.

Nagnanasa kami ng isang pamahalaang magpapakilala ng mga buhay na lakas ng isang bayan at doo’y mangangasiwa ang lalong may karapatan, ang lalong may mga puri at matalinong pag-iisip, na di titingnan dukha man o mayaman man at ang lahing pinanggalingan.

Ninanais namin na dito sa Sangkapuluan ay huwag may matuntong kahit isang prayle, huwag may manatili kahit isang kumbento, kahit anumang tahanang makasisira, kahit alinmang mga kaibigan niyang mga pusong naugali na ng mga Prayle na itong lupang Katagalugan ay ginawang pangalawang Espanya ng kanilang mapang-usig na kalupitan. Sa aming hanay kailanma’y igagalang ang kaayusan.

Sa ilalim ng aming bandila, ang katwiran ay siyang mamamahala magpakailanman.

Kaming mga tunay na anak ng kalayaang inagaw sa amin ng malaking katampalasanan ay aming itatanghal sa Sansinukuban na kami’y nararapat magkaroon ng isang sariling pamahalaan, isang sariling Inang Bayan gaya ng kami’y mayroong isang sariling wika.

Ipinagtatanim namin ang pangalang kalait-lait na ipinalalayaw sa amin ngayon ng aming mga kaaway. Kami, ang mga tapat na anak na walang lingon sa aming buhay at kayamanan, sa mga kaginhawahan at lahat ng kapansanan, ay ipinagkakaloob namin ang aming dugo sa kagalingan ng Inang Bayan, sa kapayapaan ng aming mga kababayan, at sa ikaliligtas sa kaalipinan ng aming anak.

Mabuhay sa kalayaan ang Katagalugan!!!