Huwebes, Nobyembre 6, 2008

Ang Kasalanan ni Cain

ANG KASALANAN NI CAIN
Akda ni Gat Emilio Jacinto (1875-1899)

I

Katatapos pang nilalang ng Maykapal ang Sandaigdigan.

Bahagya pang sumusupling sa mag-asawang si Adan at si Eva ang mga kauna-unahang bunga ng kanilang pagsasama sa ibabaw ng lupa… At ang lupang ito, na katatapos pang nilalang ng Maykapal ay dinungisan na ng isang kasalanang kakila-kilabot at kasuklam-suklam na higit sa bangis ng gabing lumilintik at higit na kasindak-sindak at nakauulol na pangarap ng may pusong dulingas at sukab na akala.

Si Cain ay nagtaglay ng malaking pagkainggit sa kapatid niyang si Abel, at sa kainggitang ito’y nagmula ang isang matinding kagalitan, hanggang sa siya’y dinayang dinala sa ilang at doo’y… pinatay ng lilong kapatid na si Caing tampalasan.

Magbuhat noon ay maraming daan at libong taon na ang nakararaos. Gayunma’y nalilimbag pa sa alaala at gunita ng mga tao’t mga bayan ang kasalanan ni Cain at dili yata mapapawi’t mababaklas hanggang sa ang lupa ay lupa.

Magbuhat noon, magbuhat ng patayin ng kapatid ang kapatid sa hamak na kadahilanan ay naghari at nag-ulol ang kasukaban sa balat ng lupa, at ang mga mata’y laging lumuluha, at ang dugo ng kapatid ay laging pinababaha ng kapatid, at walang namamahay sa mga kalooban kundi ang umalipin at dumaya sa kapwa din.

At si Cain ay isinumpa ng Diyos at iginuhit sa noo niya ang tanda ng darakilang kasalanan. At magbuhat noo’y makapal na noo ang nagtataglay ng hamak na tanda…

Tunay ngang may lumitaw na mga bayani’t magagandang puso ang nangahas at nangahas ding bumangon sa lusak ng madlang kapahamakan; at sukdang ikapanaw ng tangang hininga ay pinukaw at ipinaaalala sa nangahihimlay na ang lahat ng tao ay magkakapatid at magkakapantay, na ang nagiging dahil ng mga sakit, hirap, at dalamhating walang katapusan ng Sangkatauhan ay ang mana’t manang kasalanan ni Cain, na walang daang iba pa sa kaginhawahang laging hinahanap kundi ang tunay na pagkakakilanlan at pagmamahalan ng magkakapatid at tunay na paglingap ng lahat sa bawat isa at ng bawat isa sa lahat.

Datapwat kung ito’y tunay, tunay din naman na ang mga pusong lubhang angkan at angkan pa sa kasamaan at katampalasanan ay bumalikwas na nagngangalit at walang awang inawas ang mga pangahas na nagsisiwalat ng banal na matwid at magandang pag-ibig na makapuputol ng lilong pagpapasasa sa dinayang kapangyarihan at ninakaw na yaman.

II

Ngayon naman, kung ang mamasdang haharapin ng paningin ay ang mga nangyayaring pinaglalagusan ng Katagalugan, ay! puso’y naiinis, nagsisikip ang dibdib, at luha sa mata’y kusang umaagos.

Nakaririmarim na tanda ng kasalanan ni Caing isinumpa ng Maykapal, bakit nakaguhit ka sa noo ng makapal na Tagalog, karugo at tunay kong kapatid? Diyata’t ikaw lamang nga, ikaw ang magiging dahil kung kaya mananatili sa karukhaan at kutya ang walumpung yutang katawan, kung kaya di magtatamo ng kinakailangan at minimithing kalayaan ang walumpung yutang Tagalog, kung kaya mawawalan ng kabuluhan ang mga pinuhunang pagod, panganib, at di-masaysay na katiisan at tiyaga, sampu ng libo-libong buhay na pumapanaw ng mga bayaning nagbangon ng katwiran at puri ng lahat? O, kasalanan ni Caing isinumpa ng Diyos! Ikaw ay muli naming isinusumpa sa ngalan ng aming mga inang nananangis, sa ngalan ng madlang nagbabata ng lahat ng sakit at katampalasanan sa kadakilaan mo! Kasalanan ni Cain, ikaw ay muli’t muli naming isinusumpa nang walang katapusan!

III

Masdan ninyo iyong tao: Ang mga mata niya’y laging isinusulyap sa balang masalubong; ang mga tainga niya’y laging nakikinig ng balang salitaan; ang mga bibig niya’y laging nangungusap ng balang nalalaban sa kanyang isinasaloob at masasamang budhi; sa baywang niya’y may natatagong isang lubid at isang rebolber na laan sa kanyang mga kapatid. Iyan ang policia secreta, samakatwid tiktik, tiktik na sukab at walang awa ng tampalasang panginoon.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento