Huwebes, Nobyembre 6, 2008

Pahayag - akda ni Gat Emilio Jacinto

PAHAYAG
Akda ni Gat Emilio Jacinto (1875-1899)

Isa iyong gabing madilim.

Wala isa mang bituing nakatanglaw sa madilim na langit ng kagimbal-gimbal na gabing iyon.

Nakayukayok at sapupo ng dalawang palad ang mukha, naghihimutok ang isang kabataan.

Ang tahanang katatagpuan sa naturang kabataan ay natatanglawan ng isang tinghoy, na kukurap-kurap at ang liwanag ay nanganganib ng kusang panawan ng buhay.

Sa yugtong halos isuko na ng kabataan ang sarili sa matinding poot at sa pag-iisip na kahila-hilakbot at palagiang gumigiyagis sa kanyang puso, na waring nakabaon sa kaibuturan ngunit sapilitan nang ibinubulalas ng dibdib, sa yugtong ito niya naramdaman ang isang mabining haplos sa isa niyang balikat at naulinigan ang isang mahinang tinig, matamis at malungkot, na nag-uusisa:

“Bakit ka lumuluha? Anong kirot at dalita ang dumudurog sa iyong puso at yumuyurak at humahamak sa iyong kabataan at lakas?”

Nag-angat siya ng ulo at natigib sa panggigilalas: may kapiling siya at halos apat na hakbang ang lapit, at nabanaagan niya ang isang anino na waring nababalot ng maputing ulap ang kabuuan.

“Ay, mahabaging anino! Ang mga pighati ko’y walang lunas, walang katighawan. Maaaring kung isiwalat ko sa iyo ay sabihin mo o isipin mong walang anumang halaga. Bakit kailangan mong lumitaw ngayon upang antalahin ang aking paghibik?”

“Hanggang kailan,” sagot ng anino, “ang kamangmangan at ang katunggakan ay magiging sanhi ng mga hirap at pasakit ng mga tao at ng mga bayan?”

“Hanggang kailan kayo makasusunod magbangon pabalikwas sa kabulagan ng pang-unawa tungo sa tugatog ng katwiran at adhika? Hanggang kailan ninyo ako hindi makikilala at hanggang kailan kayo magtgitiwalang umasa na kahit wala sa aking piling ay maaaring matamo ang tunay at wagas na ligaya tungo sa kapayapaan ng sangkalupaan.”

“Sino ka samakatwid na nagmamay-ari ng kagila-gilalas na kapangyarihan at kahanga-hangang lumitaw at nag-aalay?”

“Ay, sa aba ko! Diyata’t hindi mo pa ako nakikilala hanggang ngayon? Ngunit hindi ako magtataka, sapagkat mahigit nang tatlong daang taon magmula nang dalawin ko ang tinatahanan mong lupain at kusain ng iyong mga kababayan na sumampalataya sa mga huwad na idolo ng relihiyon at ng mga tao, ng mga kapwa mo nilikha, at kung kaya naglaho sa inyong mga gunita ang pagkakilala sa akin…”

“Nais mo bang malaman kung sino ako? Kung gayo’y makinig: Ako ay ang simula nang mga bagay na higit na dakila, higit na maganda at higit na kapuri-puri, marangal at iniingatan, na maaaring matamo ng sangkatauhan. Nang dahil sa akin ay nalaglag ang mga ulong may korona; nang dahil sa akin ay nawasak ang mga trono at napalitan at nadurog ang mga koronang ginto; nang dahil sa aking adhikain ay nabigo at namatay ang siga ng “Santa Inkisisyon” na ginamit ng mga prayle para busabusin ang libo at libong mamamayan; nang dahil sa adhikain ko’y napagkakaisa ang mga tao at kinalilimutan ng bawat isa ang pansariling pakinabang at walang nakikita kundi ang higit na kabutihan ng lahat; nang dahil sa akin ay natimawa ang mga alipin at nahango mula sa lusak ng pagkalugami at kalapastanganan; at napugto ang kayabangan at kayamuan ng kanilang mababangis na panginoon; kailangan ako sa bawat naisin at lasapin ng mga bayan at sa ilalim ng aking kalinga may ginhawa at biyaya at kasaganaan ang lahat, katulad ng idinulot ko sa Hapon, Amerika, at ibang pook; nang dahil sa akin ay umiimbulog ang diwa upang siyasatin at tuklasin ang mga hiwaga ng syensya; saanmang pinaghaharian ko ay napaparam ang mga pighati at nakasisinghap nang daglian ang dibdib na nalulunod sa pang-aalipin at kabangisan. Ang pangalan ko ay KALAYAAN.”

Nagulilat at naumid ang kabataan pagkarinig nito at pagkaraan ng ilang saglit saka nakapangusap:

“Sapagkat ang mga kabutihan at biyaya mo ay walang kapantay, o kataas-taasang Kalayaan! Papawiin ko ang pighati na nagpapabalong ng labis-labis na luha sa aking mga mata, na ang sanhi ay hindi naiiba sa mga pagdaralita ng aking lupang sinilangan. Kung mapagmamasdan mo ang mga alipusta, mga pangangailangan, mga kautusang dapat tiisin at pagdusahan ng aking bayan ay matitiyak na tutubuan ka ng awa at muling kakalingain sa iyong magiliw at di-mapag-imbot ngunit kinakailangang pangangalaga. Ay, ihihibik ng aking mga kapatid!”

“Ako,’ sabi nila, ‘ay nagugutom,’ at siyang nagturo sa akin na pakainin ang nagugutom ay tumugon: ‘Kainin ang mga labi at mga mumo sa aming masaganang mga piging, sa aming mariwasang hapag.”

“Sabi ng aking mga kapatid: ‘Ako’y nauuhaw,’ at siyang nagturo sa akin na painumin ang nauuhaw ay tumugon: ‘Lagukin ang inyong mga luha at ang pawis, sapagkat dudulutan namin kayo ng sapat na kalinga nito.”

“Hibik ng aking mga kapatid: ‘Wala akong damit, ganap akong hubad,’ at siyang nag-utos sa amin na damitan ang hubad ay tumugon: ‘Ngayon di’y babalutin ko ang buong katawan ng patong-patong na mga tanikala.”

“Sabi ng aking mga kapatid: ‘Nahalay ang aking puri ng isang kura, ng isang paring Kastila, ng isang mariwasa, at ang hukom na matibay na haligi ng hustisya ay tumugon: ‘Ang taong iyan ay tulisan, isang bandido at isang masamang tao: ikulong sa piitan!”

“Sasabihin ng aking mga kapatid: ‘Kaunting pag-ibig, kaunting awa at kaunting lingap,’ at mabilisang tutugon ang mga maykapangyarihan at pinunong makatwiran at mabuting loob kung mamahala: ‘Ang taong iyan ay filibustero, isang kaaway ng Diyos at ng Inang Espanya: Dalhin sa Iligan!”

“Pansinin at pagmasdang mabuti, KALAYAAN; pagmasdan at pansinin kung dapat magdamdam ang aking puso at kung may sanhi ang pagluha…”

“Dapat magdamdam at lumuha,” tugon ni KALAYAAN sa himig na nagungutya at ginagagad ang mapaghimutok na paraan ng pagsasalita. “Lumuha! Lumuha ay dapat kung ang mga sukab ay wala nang buhay na maaaring putulin; kung tinatanggap nang ang kawalanghiyaan at katampalasanan sa pagbitay kina Padre Burgos, Gomez, at Zamora, sa pagpapatapon kay Rizal, ay hindi nangangailangan ng makatwiran at maagap na paghihiganti, na maaaring mabuhay sa piling ng mga kaaway, at na may mga pagmamalabis na dapat pang ipagmakaawa ng katubusan. Lumuha sa sariling tahanan, at sa katahimikan at kadiliman ng gabi ay hindi ko maunawaan. Hindi ito ang nararapat para sa isang kabataan… hindi ito ang nararapat.”

“Ano ang nais, kung gayon, ano ang dapat gawin? Kaming mga Tagalog ay naugali na sa ganoon. Sapol pa sa sinapupunan ng aming ina ay naturuan na kaming magdusa at magtiis sa lahat ng uri ng mga gawain, upasala, at pagkadusta. Ano ang higit na nararapat naming gawin bukod sa lumuha? Wala na kundi ito ang naugalian ng aming pagkukusa.”

“Hindi lahat ng naugalian ay mabuti,” paliwanag ni KALAYAAN, “may masasamang kahiligan at ang mga ito’y dapat iwaksi lagi ng mga tao.”

Ibig sanang tumutol ng kabataan, ngunit hindi pa niya matiyak ang sasabihin at walang maapuhap na ipangusap. Sa gayon ay nagpatuloy si KALAYAAN sa pagpapaliwanag.

“Ang ipinahayag ko sa iyo ay ang katotohanan. Walang kautusan na maaaring magpabagsak dito, sapagkat hindi maaaring ang wasto at tuwid ay maging kalaban ng wasto at tuwid, maliban kung ito ay binaluktot. Samakatwid, makinig ka. Noong sinaunang panahon, noong ang karuwagan at pagkaalipin ay hindi pa pumapalit sa magagandang kaugalian ng iyong mga ninuno, nasa lilim ko ang bayang Tagalog at nasa ilalim ng aking pangangalaga, at siya ay maligaya at sinisimsim ang simoy na nagdudulot sa kanya ng buhay at lakas ng katawan: tinatanglawan ng aking liwanag ang kanyang pag-iisip at iginagalang siya ng mga kalapit bayan. Ngunit isang araw, na dapat ikarimarim at isumpa, dumating ang Pang-aalipin at nagpakilalang siya ang kagalingan, ang katwiran, at ang karampatan, at nangako ng luwalhati sa lahat ng sasampalataya sa kanya.”

“Dumating man siyang nakabihis ng balatkayo ng kagandahan at kabutihan, at mapayapa at magiliw sa kanyang mga paggalaw at pagkilos, ay nakilala ko kung sino siya. Nabatid kong ang kaligayahan ng bayan ay nagwakas na; na ganap nang napako sa kanya ang kapuspalad na bayan… umabot sa akin ang iyong mga hinagpis at natigib ako sa labis-labis na dalamhati at iyon ang dahilan ng aking pagparito. Ngayo’y dapat na akong umalis kaya’t paalam na.”

“Huwag muna, Kalayaan,” pakiusap ng kabataan nang makita siyang tumalikod at nakahandang lumisan. “Pagbigyan mo muna ako ng kaunting panahon. Naipaliwanag mo ang mga malubhang pagmamalabis na pinagdusahan at tiniis ng aking bayan, hindi mo ba sila maaaring kahabagan at ibalik ang iyong pangangalaga?”

“Unawain akong mabuti, bagamat hindi mo nababanggit, walang ibang naririnig ang aking tainga at walang ibang nakikita ang aking mga mata, sapagkat iisa ang pinagbubuhusan at dinaramdam ng aking puso at kung kaya maagap akong dumadamay at humahanap sa mga naaapi at tuwing may naririnig na dumaraing. Ngunit walang tao na karapat-dapat sa aking pangangalaga at kalinga kung hindi siya pumipintuho sa akin at umiibig sa akin, at kung wala siyang kakayahang mamatay para sa aking adhika. Maaari mo itong ipahayag sa iyong mga kababayan o katinubuang lupa.”

Halos katatapos wikain ito, noon lumamlam ang sinag ng tinghoy, na pakurap-kurap ang ningas dahil sa kawalan ng langis…

Kinaumagahan, nang pawiin ng kaliwanagan ng araw ang mga lagim at karimlan ng gabi, may bagay na kumikislap sa mga mata ng kabataan na mistulang isang nagbabagang adhika.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento