Sabado, Disyembre 15, 2012

Emilio Jacinto - tula ni Romualdo G. Ramos

EMILIO JACINTO

Noon ay panahon ng pamamayani sa bayan kong amis
ng pamahalaang walang ginaganap kung di ang mang-inis,
sa abang lahi kong kahi't na dustai't sa hayop iparis
ay pawang ngiti rin at tamis ng loob ang ipinapalit;
nang panahong yao'y walang bigong kilos, at bahagyang imik
ang kahima't sino na di may katugong yamba ng paglait.
Ang lahing tagalog nang araw na iyon ay kakaning itik
ng mga maputing sa dugong dalisay ay lakas sisipsip.

Ang ulo ng lahat noo'y nangagyukod kahi't na paslangin,
bibig ay may susi, hindi makatutol sukdan mang iringin,
palibhasa noo'y ang kilalang hari sa bayan kong angkin
ay di gumagalang sa batas ng Matwid na dapat tuntunin,
bagkus siyang lalung madalas lumabag, magwasak, pumuwing
sa Katwirang Banal. Iyan ang larawang hindi nagmamaliw
ng Bayan kong sawing lipos ng linggatong at laging alipin
at kuyom ni lupi... Anong pagkalungkot kung gugunitain...

Lahat ay may nais, nang panahong yaon, na ipagsanggalang
sa harap ng haring pinapanginoon, ang hiyas ng buhay
ng abang lahi kong laging nakadalhak sa maraming hukay
nang pagkaalipin, nang kahi't bahagya'y masinag man lamang
sa silangang dako ang dakilang sikat ng malayang Araw;
nguni't sadya yatang di pa dumarating ang katadhanaan...
sapagka't ang mga libong pagsisikap ay di makagitaw
sa iisang lakas na noo'y may hawak sa palad ng bayan.

Datapwa't hindi rin lubhang namalagi sa hindi pag-imik
ang bayang nang una ay sipsipang dugo ng mga limatik,
sapagka't dumating ang talagang araw na dapat ipatid
niyong tanikalang malaong panahon ng nakabilibid
sa kanyang katawan; sa parang at gubat, bangin hanggang yungib
ay di magkamayaw ang mga hiyawan ng magkakapatid:
anila'y "Dapat nang maputol ang Sama't gumitaw ang Matwid"
at ang watak-watak na bisig ng baya'y tinipo't binigkis.

Ang mga tagalog na anak ng bayan ay di na nagyukod
ng kanilang ulo sa pamahalaan na nagbubusabos;
sa kabila nito'y lalong minabuti ang parang at bundok
na siyang tahanan, kay sa mamalagi sa mga pag-ayop.
Kaya't ang ginawa sa paraang lihim sila'y nagtaguyod
ng mga samahang ipagkakaisa ng bayang tagalog
sila'y nagsikatha ng alituntuning dapat na masunod
ng bawa't kaanib sa banal na layong pag-iisang loob.

Isa sa naggugol ng lahat at lahat sa gitna ng parang
ay di pa marahil lubhang kakilala nating karamihan
gayong siya'y isa sa naging haligi niyong Katipunan
at isang kalihim na siyang may sulat ng dakilang aral
na ang sinasabi'y: "Ang alin mang buhay na di inilaan
sa isang mabuti at dakilang layon, ay nakakabagay
ng hamak na kahoy na wala mang lilim na sukat silungan;"
Siya'y nagngangalang EMILIO JACINTO, batang katipunan.

Sa mga bayaning lumabas sa bundok ay siya ang tangi
na bata sa lahat, nguni't matalino at walang pangimi
sa punlong masasal ng mga kaaway... at lalo pang hindi
marunong gumawa, kaya'y magpasunod, ng anomang mali
sa mga kapatid bagkus siyang lalong dalas dumaliri
sa mga gawaing sinsay sa katwiran at lubhang tiwali.
Siya ang madalas karinggan ng lahat ng mga taguring:
"Mahanga'y mamatay kay sa maturingang api rin ang Lahi."

Sa pagkabata pa'y talagang likas na ang pagkamatapang
na di natatakot sa kahima't sinong may kapangyarihan,
magpakailan ma't ito ay may gawang linsad sa katwiran.
At di lamang ito; ang ating bayaning ipinagdiriwang
hindi lang bihasa sa pakikibaka at pagpapatayan,
siya'y may diwa ring marunong umawit ng tuwa at lumbay;
sa madaling sabi, ay isang makatang patnugot ng Bayan...
makatang nagsabog ng mahahalaga at dakilang aral.

PUTONG:

Dakilang makata na anak ng Trosong iyong sinilangan,
bayaning naggugol ng buhay at pagod dahilan sa Bayan
magmula sa lupa na tahanan naming mga nakinabang
sa ipinunla ninyong matimyas na binhi ng malayang buhay,
magbuhat nga rito'y tanggapin mo riyan at ng kasamahan
ang dakilang putong na tanda ng aming pagsinta't paggalang
sa inyong ginawa;... nguni't sumasamo kaming kalahatan
na ibalita mo kung diyan sa bayang iyong nilipatan
ay di nga marami ang kilalang Diyos, kungdi isa lamang
gaya ng sinabi ng ating bayaning si Gat Jose Rizal.

ROMUALDO G. RAMOS
Troso, Maynila

Martes, Nobyembre 27, 2012

Kay Emilio Jacinto - salin ng tula ni Cecilio Apostol

KAY EMILIO JACINTO
Tula ni Cecilio Apostol
Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
20 pantig bawat taludtod

Bansag: YOGA.

Makabayan:
Sa panahong walang pasalamat / sa pag-aaral at anong tapang
kabaliwan, at bisyong matimyas / ng mga nagsitakasang mukha
na may dalangin at katuwaan / sa labi ng tulang walang muwang,
mag-isang tinungo ang pag-ibig / na masayang siya'y sinasakop.
May kakaibang pugad sa iyong / buhok na tikas mala-artista,
napuno ng pambihirang dapo / ang iyong kawalang-rangyang hardin.

Ano't walang kapantay ang poot / sa masasama't kasuklam-suklam
sa diwa'y may aranya ng siyam / na Brumaire ang naglalagablab
o isang pirasong "Noli": iyong / sinamba sina Ibarra't Danton,
at ang luma'y siyang inibig mo. / Ang panahong ginto't patriyarkal
ay may malinis na patakaran / sa iyong matunog na pandiwa
malinaw yaong makatarungang / pangarap mong ibig at kaylayo.

Maimpluwensiyang kaluluwa, / dama'y malatulaing kariktan
na minsan ay ritmo, minsan naman / ay bulaklak, sa iyong awitin
nananatili ang alaala / ng tunog sa taal na amihan;
nangangatal na ikinakalat / ang makabayan mong mga tula
pinakita'y salin mong malinis / at makinis na kaliwanagan.

Di ang iyong panariling misyon / ng mga awiting Apollonyan.
Ang di matingkalang halagahan / sa balikong guhit na paikot
yaong tao't lahing bumubuo / niyong abuhing akademiko,
sa kilos mo ng paunang ikid / na pinanlapi sa mga puwang:
Kagaw ay inilagay ni Rizal; / ang gatilang Andres Bonifacio;
Ikaw'y bisig at makatarungang / ideya sa may harmonyang batas.

Kapara'y madilim na abuhin / noong sinauna pang panahon
pinagtila ginto ang dalisay / na kasabihan sa Analektas,
at ang Asya'y kanila, winasak / ang sekular na kawalang-hilig,
Aking napakinggan yaong tinig / ng isang sumulat sa Corinto
Ang anong rangal mong ebanghelyo / ng dangal at bansa, O, Jacinto
na sumagisag sa iyong lahi, / historya ng bansa'y sinalamin.

Ang ingay sa ilalim ng lupa, / sa gitna ng marikit na pista,
nadama ang pagiging kolonya / at hangin ng galit na protesta
dinaraan ko sa mga noo / ang apoy niring sedang mainit.
Nasilayan mo ang pananabik / ng nagsanib na malayang diwa,
at pagkatapos, sa pulang kinang / niring matapang na Katipunan,
inilunsad ang sundang ng apoy / sa mahinahon nilang paghamon...

Yaong daigdig na natatangi / sa kalaunan ay naging lawa
ng dugo, nilagdaan ang tipan, / na inihatid doon ng tabak
kumikinang na tansong kamao / yaong kipkip na sama ng loob.
Ang mapapalad ay napapalis / ng iyong mabisang pandirigma;
gayunman, ang iyong pagkahenyo'y / sakop ng karaniwang bilanggo,
at nasa awa ka ng opisyal / na mangangasong ngala'y Hidalgo.

Nang maiwagayway na sa langit / ang bandilang pinakamamahal
sa bundok at lambak, mabulaklak / yaong makasaysayang landasin,
kambal na luwalhati'y kay-ilap / sa kagustuhan ng sambayanan.
hinanap ko ang kapanglawan mo, / ninunong tumigil, at kariktan
sa dulo'y iyo nang isinuko / kay Kamatayan ang punong tsapa,
nakaharap ka sa kalangitan, / sa ilalim ng lilim ng palma.

"Katapusan sa Pagpapahinga." / Nasa molde yaong kanyang utak
ang kaisipang nagpasimula / ng dakilang epiko ng lahi,
pahinga na. Bansa'y nagbabantay / sa pangarap mong kapayapaan.
Pinagmamalaki ka ng bansa, / kasama'y bayaning katulad mo.
Namatay kang masaya, nang hindi / nakita ang anino sa dibdib
ng nakabukang pakpak, pati na / mga kuko ng buwitreng hayok.

Naluto na sa hurno ang dapat. / Binura mo ang masamang padron,
at sa tinahak niyang madawag / mamamayan mo'y lakad-pasulong.
Maaaring magwakas na ito, / o malibing sa ragasang lupa.
Ngayon yaong puno'y nadiligan / ng dugo at matinding pasakit
ay nakangiti sa bunga nito / at hintay ang luntiang bulaklak
Di iyon rason upang tumanggi; / ni maging yaon mang kabutihan.

* Sinalin - Sampaloc, Maynila, Nobyembre 27, 2012
.
.
.
A EMILIO JACINTO

Lema: YOGA.

Patriota: en los tiempos de ingratos estudios, y audaces
locuras, y dulces visiones de rostros fuganes
con rezos y risas en labios de ingenuo carmin,
hermetico fuiste al amor y su gaya conquista.
Lo raro anidaba en tu airosa melena de artista, 
y raras orquideas poblaban tu austero jardin...

En odio implacable a todo lo inicuo y nefario
tu mente inflamaba una arenga del nueve Brumario
o un trozo del "Noli": adorabas a Ibarra y Danton,
y amabas lo antiguo. La edad patriarcal y de oro
del pristino regulo tuvo en tu verbo sonoro
la clara justeza de amada y distante vision.

Espiritu procer, sensible al poetico encanto,
que a veces es ritmo y a veces es flor, de tu canto
aun queda el recuerdo sonoro en el aire natal;
aun vibra y contagia el patriotico ardor de tus versos
y muestra tu limpis version el claror de los tersos
diamantes que enjoyan el "Ultimo Adios" de Rizal.

No fue tu exclusive mision la del canto apolineo.
La arcana virtud que preside el rodar curvilineo
de pueblos y razas que integran la adamica grey,
tu accion en el ciclo inicial preñjo en el espacio:
Rizal puso el germen; su musculo Andres Bonifacio;
tu el brazo y la idea justante en harmonica ley.

Asi como el gris tenebroso de edades provectas
doraron las maximas puras de las Analectas,
y en ellas el Asia, rompiado el sopor secular,
la voz excucho del que luego escribiera a Corinto,
to noble evangelio de honor y de patria, oh Jacinto,
simbando a tu raza, engrandece la historia insular.

Rumor suberraneo, en mitad de la idilica fiesta,
sintio la colonia, y un viento de airada protesta
paso por las frentes su fuego de calido tul.
Plasmaste el anhelo en que espiritus libres se adunan,
y entonces, al rojo fulgor del audaz Katipunan, 
puñales febriles lanzaron su reto al azul...

La uberrima tierra tornose despues en un lago
de sangre, firmada en el pacto, y el bolo hizo entrago
fulgiendo en el puño broncineo de añozo rencor.
La suerte fue adversa a tu ardor eficaz de guerrero;
no obstante, a tu genio encubria el vulgar prisionero,
y hubiste merced del hidalgo oficial cazador.

Despues que la amada bandera se irguio hacia los astros
en montes y valles, floridos de historicos rastros,
tu duplica gloria fue esquiva al favor popular.
Busco tu nostalgia el retiro ancestral, y el belleza
rendiste, por fin, a la Parca la insignia cabeza,
de cara a tu cielo, debajo de umbroso palmar.

"La muerte en descanso". Cerebro en que tuvo su hornaza
la idea que urdio la epopaya inmortal de la raza,
descanas. La Patria vigila tu sueño de paz.
La Patria, orgullosa, entre eponimos heroas te nombre.
Moriste dichoso, sin ver sobre, el pecho la sombra
del ala extendida y las garras del buitre voraz.

La suerte esta echada. Borraste el padron infamante,
y en su hispide senda tu pueblo camina adelante.
Tal vez llegue al fin, o tal vez lo sepulte en alud.
Ya el arbol, nutrido con sangre y acerbos dolores
sonrie en sua frutos y espera en sus vergenes flores.
No es una razon el negario; tampoco es virtud.

CECILIO APOSTOL

Sabado, Nobyembre 17, 2012

Pingkian - alay na tula kay Gat Emilio Jacinto

PINGKIAN

Sagisag: Consumatum Est...

Sala ng may sala!... Sadyang ang Mahina
ay talo ng lakas sa balat ng Lupa.
Ang Lakas ng Matwid ay bihibihirang
makitang sa kanyang tahana'y malaya;
ang Matwid ng Lakas ang magpapasasa't
kailan ma'y siyang palaging Dakila.

Ito ang nangyari sa palad ng Bayang
kaya nakidigma'y upang patunayan,
na dito sa isang dulo ng Silangan
ay hindi ang bawat diwang tagaakay
sa dakilang landas ng Katutuhanan
ay supil nang lahat ng Lakas ng Yaman.

Hinding-hindi pa nga; dito ay may bisig
na hindi maalam magdamdam ng sakit,
dito ay may utak at may pag-iisip,
may puso at diwang walang iniibig
kundi ang makitang ang baya'y malinis
sa yagit na padpad ng alon sa Pasig.

At nipot sa gitna ng katahimikan
ang dakilang mithi ng "Anak ng Bayan"
wari'y Bagong Kristong nagkalat ng aral
sa pikit na mata ng Katagalugan
parang bagong sinag na nagbagong buhay
sa lamlam ng sikat ng "Malayang Araw".

At doon sa umpok ng mga Zamora,
mga Bonifacio, Rizal, Burgos, Luna,
ng mga Del Pilar, Gomez at Jaena,
may isang kung di man natin nakilala,
subali't sa dahon ng ating "istorya'y"
may titik na gintong nagpapakilala.

Iyan ang Jacinto... ang Anak ng Bayang
nakilala natin sa ngalang "Pingkian",
utak, pag-iisip, sigla, dunong, buhay
ng di malilimot nating "Katipunan"...
patnubay sa landas ng naglikong daan
diwang tagaturo sa diwang panglaban.

Sa kapayapaa'y budhing matahimik
ligaligin mo ma'y di mangliligalig,
datapwa't talagang ang lamig ng tubig
ay daig ang apoy pag siyang nag-init,
ang datihang tiklop na tuhod at bisig
ay talagang sukdol pag siyang nagalit.

Na kung siya'y sino? - Basal na binata,
sumupling sa tangkay ng Lahing kawawa,
sahol sa ginhawa, kaya't nagtiyagang
tumuklas ng dunong at pagkadakila,
datapwa't sa tawag ng Inang may luha
ngiti ng ligaya'y niwalang bahala.

Ang dahon ng aklat at ng karunungan
iniwang sandali sa kinalalagyan, 
At sa ganang kanya; - Anhin ang yumaman
sa lupa kung laging alipin din lamang,
mahanga'y ang dukhang mayrong Kalayaan
kay sa masagana sa tahanang hiram.

Iniwan ang lahat: ang kaway ng puso,
anyaya ng diwa't ngiti ng pagsuyo,
nilisan ang bayang batbat ng balaho,
tiniklop ang aklat na mana sa nuno,
nilingon ang tawag sa bayang siphayo
upang isagawa ang sumpang pangako.

Siya ang nanguna upang ibalita
kailanga'y aliw ng Bayang kawawa't
hingin sa may lakas ang habag sa kapwa,
upang ang liwanag na sa ibang lupa
ay nananagano't nagbibigay diwa
sumikat din ito nang boong paglaya.

Humuwad sa isang intsik na mahirap
upang sa lihiman ay maipahayag
kay Gat Jose Rizal ang guhit ng palad
nitong bayang ibig kumita ng lunas,
na kung mangyayari'y sadyang mailadlad
ang nakita niyang pangangailangan...

Iyan ang bayani: di ng bisig lamang,
ang isang Dakila't Malayang Watawat
di lamang ng puso, di lamang ng yaman,
iyan ang bayaning palibhasa'y bayan
nilisan ang lahat, ang aklat, ang layaw,
upang maitayo ang Sariling Bahay.

Nita ka ng lalong batibot na utak,
mita ka ng lalong matayog na malak
na animo'y sadyang kaban ng pangarap...
siya'y dili iba... ang sa unang malas
ay makikita mong ngala'y nasusulat
ng titik na ginto sa dahon ng palad.

Utak na umisip ng Aklat ng Lahi
na pinagsaligan sa pananakali,
utak na lumubid ng mabisang tali
ng pagkakaisa, utak na yumari't
naghand ang lupa sa sariling ari
upang katayuan ng Bagong Gusali.

Kung si Bonifacio ang pagsasabihin
kung sino ang taong dapat dakilain,
sa pinagdaanan nitong bayan natin...
marahil tutugong: "Ang dapat ituring
ay kung sino yaong nagkusang gumising
sa himbing ng bayan sa pagkaalipin."

Iya'y si "Pingkian": ang tanging bayaning
kung di man nabantog noon sa marami'y
datapwa't naglagak naman ng haliging
magiging saligan sa pagsasarili,
mga kasulatang sakdal ng bubuti't 
mga binhing ngayo'y ating inaani.

Dakilang dakila ang kanyang pangalang
sinagisagisag ng pakikilaban
upang makayari ng Sariling Bayan;
sapagka't ang kanyang pinananaligan:
"sa pagkakapingki ng kapwa katwiran
kaya sumisikat ang katutuhanan."

Datapwat talagang ang banal na diwang
bukalan ng buti'y mahirap lumaya;
ang sama ay sadyang mapagpanganyaya't
mapagwaging lagi sa balat ng lupa;
ang gawang magaling kahit manariwa'y
nilalanta't sukat ng kanyang tadhana.

Ang araw ng api'y talagang mahirap
makapanalaya sa kanyang pagsikat;
yumao si Rizal ng hindi pa oras
at si Bonifacio'y pinaram din agad,
si Jacinto nama'y sa banig ng hirap
binigyang tadhana ang buhay na hawak.

At siya'y namatay: gaya ng marami;
ang lupang katawa'y nabalik sa dati;
nguni't kailan man ang mga Bayani'y
hindi namamatay, ni di napuputi
sa tangkay ng Lahi; sa madaling sabi;
kahi't putihin ma'y hindi mangyayari.

Naryan ang kaunting halaw ng isipan,
sa aking kudyaping puspus kapanglawan,
naryan ang kalaw ko sa "Aklat ng Buhay"
na makasasaksi sa "Luha ng Bayan,"
Maging kurus nawa sa kanyang libingan
nang tayo'y mayroong mapaghahanapan.

Martes, Oktubre 2, 2012

Emilio Jacinto - tula ni Pascual De Leon

EMILIO JACINTO

"Emilio Jacinto o Dizon (a) Pingkian, secretario del Katipunan, fue, segun dicen los Katipuneros, el ojo de la Sociedad."
"Si Andres Bonifacio fue el Alma del Katipunan, Emilio Jacinto la intelligensia, y el entusiasmo que lo dirigio." - (Isabelo de los Reyes.)

I

Ang mga bayani ng irog kong bayan
Ay di lamang tanyag sa mga digmaan,
Sa mga nagpuyat sa ilog at parang,
Sa mga nagsubo ng buhay sa hukay,
Sa mga kumilos ng lubus-lubusan,
Sa mga gumamit ng lakas at tapang
Ay may mahahalong di malilimutan
Na isang Makata pagsakapuluan.

II

Gaya ni Mabini kung magmalasakit,
Gaya rin ni Luna sa pamimiyapis,
Gaya rin ni Rizal sa mga pag-awit
At kung sinasabing "kaluluwa't bisig
Yaong Bonifaciong di naliligalig"
Masasabi namang mata, dunong, isip
Noong himagsikang ang hindi nanganib
Na ating Pingkiang may gintong panitik.

III

Singbata ng mga balitang Patricio,
Subalit singdiwa nina Zola't Jugo;
Singtapang ng ating mga Bonifacio,
Plaridel, Zamora, Burgos, Lapidario;
Bayaning kapilas ng palad ni Kristo
Na nagpakahirap nang matubos tayo;
Iyan ang makatang Emilio Jacinto
Na anak at dangal ng purok ng Troso.

IV

Kabilang sa isang marangal na lipi,
Matalinong walang kapangipangimi
Mapalad na anak na nakapag-ari
Ng isang panulat na di nababali;
Batang mandirigmang dangal nitong Lahi;
Batang manunulat na kahilihili
At isang makatang kung magdalamhati
Ay nailalagay sa tulang mayumi.

V

Murang-murang bunga ang kanyang katulad
Nguni't pusong Nestor na di nagugulat,
Nang mga panahong nagbabangung-palad
Itong ating Bayang busog sa pahirap,
Ay nagsuot-intsik na di nabagabag
Upang makalapit at makipag-usap
Noong si Rizal pa ay nasa sa dagat,
Tungkol sa pag-agaw dito at pagtakas.

VI

Ang tapang ng tao, ang pagkamagiting
Sa buhay na ito'y hindi malilihim,
Pagka't parang tulang hagkan man ng hangin
Ay taglay ang kislap at di magmamaliw;
Ang batang Pingkian, nang siya'y pukawin
Upang makilaban, ay di nahilahil;
Kanyang idinulot ang buong paggiliw
Sa ikatutubos ng Bayang alipin.

VII

Kanyang isinubo sa mga kaaway
Ang hindi nangiming hiniram na buhay:
Paano, sa mundo'y walang kamatayan
Ang taong masawi nang dahil sa Bayan,
At ang kanya pa ring pinagbabataya'y
Ang buhay ng tao'y parang isang araw
Na kahi't magkanlong sa kanyang kanlungan
Ay sumisikat din sa kinabukasan.

VIII

Yaong Pasong Tamo ang siyang magsabi
Sa tapang na kimkim ng ating Bayani;
Ang bayang Mahayhay na nananatili
Ang siyang sumagot sa mga nangyari't
Diyan napatangi ang dahas na iwi
Ng ating Jacintong hindi masisisi:
Diyan nakilalang siya'y Garibalding
Sa mga digmaa'y unos at buhawi.

IX

Talagang ang sibol sa lupang Tagalog
Ay napapatangi sa pakikihamok,
Na kung sakali mang hindi kumikilos
Ay nagpapalipas pa lamang ng pagod,
O kaya'y katapat ang nangaguutos:
Kung hindi ganito'y laging masusubok
Ang kapangyarihan kung nagsasaagos
Na bawat daana'y pawang matatapos.

X

Matamis sa puso kahit Bagumbayan,
Huwag lang malagak sa kapighatian;
Mga Balintawak ang hinahanapan
Ang ipaglalagot sa kabusabusan
Labingtatlong palad sa Kabiteng bayan
Ang kailangan pa sa ati'y dumamay.
Ang lahat ng ito, kung nangabubuhay
Ay bagong Malulos ang maaasahan.

XI

At bakit binitay yaong tatlong Pari?
Si Rizal ay bakit kaya naaglahi?
Bakit nangagsikap sa anyo't ugali
Ang mga Jacinto at ibang kalahi?
Bakit pinaluha ng walang pangimi
Ang mga panulat na kahilihili?
Pagka't nangagnasang sa mga gusali
Ng lupit ay kumi't iguho ang hari.

XII

Sa dahon ng ating panahong lumipas
Ang ngalang Pingkia'y di na matitinag,
Paano'y pangalang ang nakakatulad
Ay malaking bundok na di mapapatag
Ng mga dumaang digmaa't bagabag;
Na sa sinalungang sigwa'y di matinag;
Paano'y pangalang yumari't sumulat
Ng dakilang aral ng ilaw ng palad.

XIII

Ang kanyang sinulat na palatuntunan
Na ubod at diwa noong Himagsikan,
Ang kanyang niyaring mga gintong aral
Na yaman ng palad at gabay sa buhay,
Ang di malilimot na kanyang kundiman
Na handog sa ating nagdurusang Bayan...
Ang lahat ng ito'y mga katunayang
Ang kanyang panulat ay dapat hangaan.

XIV

Ang kanyang panulat na busog sa diwa
Haligi ng palad na kahangahanga,
Ang kanyang panulat ang siyang nagwikang
Tayo'y pantaypantay sa balat ng lupa;
Panulat ding iyan ang hindi naawang
Tumapos sa mga ganid at masiba;
Subali't sa mga may pusong dakila
Ay batis at batis ng mga biyaya.

XV

Kung minsa'y hinampo ng puso sa kasi,
Kung minsa'y tumaghoy na parang pulubi,
Kung minsa'y paawang parang si Florante,
Kung minsa'y kilatis ni Elias sa Noli,
Kung minsa'y dagundong ng mga buhawi,
Kung minsa'y maglambing na parang babae...
Iyan ang panitik ng ating Bayaning
Sa pagkamakata'y walang masasabi.

XVI

Basahin ang kanyang kundimang sinulat
Kungdi ka mapukaw sa pagkapanatag,
Kuruin ang kanyang hinagpis ng palad
Sa bawat talatang mainit, maalab;
Pakinggan ang kanyang paghanga't pagtawag
Sa kaawaawang Inang naghihirap;
Tingnan mo kungdi ka sagian sa hagap
Ng mga yumaong saglit ng bagabag.

XVII

Kung buhay si Aldeng humanga kay Cesar
Ay hindi sasalang hahanga ring tunay
Sa pagkamakata't sa kabayanihan
Ng ating Jacintong walang kamatayan,
Ang ganitong anak na may katangian
Ay dapat matanyag sa Sangkatauhan,
Sapagka't sa tao'y bihirang mapisan.
Ang pagkamakata't kawal sa digmaan.

XVIII

Malinis na asal, tapat na pagsuyo,
Pag-ibig sa bayang kapintupintuho,
Damdaming matayog na hindi susuko,
Loob na maalab na di maglalaho
Isipang mayaman na makagigipo
Sa kapangyarihan ng mga palalo...
Ang lahat ng iyan ang itinuturo
Ng kanyang panitik na hindi mahapo.

XIX

Hanggang may panitik ang mga makata't
Mga manunulat sa iniwang lupa
Hanggang nadadama ng aming akala
Ang bundok, ang yungib at damong mahaba,
Hanggang nadadama ng aming akala
Ang bayang Mahayhay na kahangahanga,
Ay pakaasahan na laging sariwa
Ang ngalang Pingkian sa puso at diwa.

XX

PARANGAL:

Dakilang Kalihim niyong KATIPUNAN:
Batang namayani sa unang digmaan,
Bolivar ng aming sinisintang Bayan,
Aquiles na tanyag sa pakikilaban;
Ang halimbawa mong sa ami'y iniwan
Ay magiging sulo sa kinabukasa't
Siyang magtatanyag sa iyong pangalang
Katumbas ng Dunong, Lakas, Kalayaan

PASCUAL DE LEON.
Tondo, Maynila.

Huwebes, Setyembre 6, 2012

Emilio Jacinto - tula ni Julian Cruz Balmaceda

EMILIO JACINTO

Sagisag: - "Noli Me Tangere"

Dakilang Bayani:
Ipaumanhin mo kung ako'y humanga't
pakapurihin ko
ang mga gawa mong kadakidakila,
pagkat kung tunay mang ang balat ng lupa
ay tirahan lamang ng mga hiwaga;
nguni't ang diwa mo
nang ikaw'y buhay pa'y nagpapaniwala
na ikaw ay sadyang
sugong itinangi yata ni Bathala,
kung may Bathala ngang Diyos ng Tadhana,
upang tubusin mo ang bayang kawawa.

At marahil ako'y
kasingpanalig din ng kahima't sino
na sa biglang tingi'y
hindi mapag-asa sa gawa ng Tao;
aking tinawanan sina Bonifacio't
inumisan ko rin sina Agunaldo,
datapwa't nang ikaw
ay aking makita na kahalobilo
sa "Anak ng Bayang"
nagbangon sa gitna upang managano
ng Lakas sa Lakas... ay nagunita kong
dapat ngang humanga ako sa gawa mo.

Na kung ikaw't sino?
Ako sa sarili'y parang alinlangang
wari'y nagtatanong,
wari'y nagbubuklat ng aklat ng buhay
wari'y binabakas ang pinagdaanan
ng kabuhayan mo ng hinggil sa bayan,
datapwa't nang aking
mapag-aralan na ang hulo't luwasan
ng mga gawa mo'y
naniwala ako't aking naalaman,
na ako man pala'y may malaking utang
sa mga gawa mong katangitangian.

Bihibihira nga
at iilan lamang sa silong ng Langit
ang makababalak
ng gaya ng iyong mga nangaisip;
isang bayang tiklop ang tuhod at bisig
sa harap ng isang Haring Mapanglupig
ay napamulat mo
at sila'y naakay upang maitirik
ang bagong watawat
na ang nilalama'y bagong panaginip,
bagong munakalang panglunas sa sakit,
bagong pagkukurong panglimas sa ganid.

Gaya ng marami
ikaw ay namulat sa dampang tahanan,
at kung ang isip mo'y
hasa man sa aklat ng katalinuhan,
hindi mo kilala ang kislap ng yaman,
at di ka palagi sa pasasang dulang,
gahol ka sa lahat
sa aliw ng puso't ligaya ng buhay,
taguri ng diwa'y
bulong ng pangarap sa batang isipan;
ngunit nang dinggin mo ang tawag ng baya'y
niwalang saysay mo ang lahat ng bagay.

At nang makita mong 
ang sikat ng araw sa irog mong lupa'y
malamlam na waring 
hingalo ng tinghoy sa bahay-timawa,
ay di mo natiis at iyong nawikang
- Kung tunay na tayo'y likha ni Bathala
kailangang tayo'y
kanyang bahaginan ng patak ng awa
tayo ay tao rin,
at sapagka't tao'y dapat maunawang
may karapatan ding tayo ay lumaya
at makapagtirik ng ating bandila.

Angat ang noo mong
lumuwal sa parang ng pakikihamok
pinag-aralan mong
pumatay ng kapwa nang laban sa loob,
sapagka't tanto mong ang bayang Tagalog
ay lubhang dagi na sa buhay-busabos.
Ang napakahabang
pagpapakahirap ay di na pagsubok,
kundi talaga nang
pagpapakaimbi't pag-aasal-hayop,
kaya makakalag ang higpit ng gapos,
kung Lakas sa Lakas ang nagpapasabog.

Nagdamit-intsik kang
pagkahiraphirap upang ibalita
kay Gat Jose Rizal
ang dakilang mithi nitong iyong Lupa,
na kung mangyayari'y minsanang lumaya
sa kamay ng Haring nagpapakasiba.
Dakilang Bayani
ng katutuhanan, ako'y naniwala
na napakatangi
ang pag-iisip mo, diwa't munakala,
sa kapwa ko tao'y talagang bihira
ang sa ginawa mo'y hindi pa hahanga.

Mulang Balintawak
hanggang Pasong Tamo'y ang ngalan mo lamang
ang mistulang naging
parang pulot-gata sa bibig ng bayan,
paano'y sadya kang diwang tagaakay,
ulong tagaisip, tukod na pangsuhay.
Lahat ng gawain
kung ikatatamo ng kaligayaha'y
nasasaklawan mo
at may panahon kang sa madla'y panglaan.
Talagang ang bawa't pagbabagong buhay
ay mga gawa mo yaong kailangan.

- Kung si Bonifacio
ang diwang nagbunsod sa dakilang nais
ngunit ikaw naman
ang talino't siglang nag-akay sa bisig
ng bayang busabos ng mga limatik...
Sulo kang tumanglaw sa malabong isip,
araw kong sumikat
sa wastong panahon sa bayang may sakit.
Pagkat ang utak mo'y
parang isang aklat na mapanaginip
tambuling ang sigaw'y abot hanggang langit,
banganan ng lunas, kaban ng pagibig.

At ikaw'y di lamang
bayani ng bisig at ng katapangan
hindi lamang gulok
ang iyong napitang gawing kasangkapan
upang makayari ng Malayang Bayan
at makapagtayo ng Sariling Bahay;
ikaw'y bayani ring
higit sa marami't hirang sa hinirang,
Guro sa kudyapi,
Nuno sa panulat, Apo sa isipan,
sapagka't sa iyong mga tula't aral
ay lalo kang naging katangitangian.

Ang - A LA PATRIA - mo
matapos na aking mapagkurukuro'y
kinilala kitang
sa ngalang tulaa'y dapat maging Guro
pagkat tutuhanang ang luwasa't hulo
ng tula mong yaon ay tibok ng puso't
pitlag ng damdamin
ng bayang aliping laon nang siphayo
at ayaw tulutang
sa pagkaalipi'y sandaling mahango,
tulang kinalamnan ng iyong pangakong:
"patay ka na muna bago ka sumuko".

Sa wikang sarili
na iyong minana sa Inang naghirap
ay doon lalo kong
tinakhan ang iyong Dakilang Panulat,
sapagka't kung ikaw'y hindi ko namalas
na kagaya ko ring taong sawing palad,
ipalalagay kong
malikmata lamang ang iyong pagsikat
at ang mga aral
na tanging ikaw lang ang nakasusulat.
ay sasabihin kong di sibol sa utak
ng sino mang tao sa Sangmaliwanag.

Kung tunay ang sabi
na may isang Diyos na lubhang dakila,
ay sasabihin kong
ang mga aral mo ay aral-Bathala,
sapagka't ang lahat at bawat talata'y
isang mundong batbat ng banal na nasa,
isang daigdigang
ang pinakalangit ay aral na pawa,
isang halamanang
ang lahat ng bunga, hinog man o mura,
ay kanin mo'y parang sinukat ng dila
at balat ma'y di mo iiwan sa lupa.

Walang kabanatang
di ang bawat bigkas ay may kanyang aral,
kung baga sa kanin:
walang isang mumong sukat na masayang,
hamog ng Disyembreng sa lantang halama'y
nagpapasariwa't nagbibigay-buhay,
bulong ng hiwagang
ang ibig sabihin - Dapat mong malamang
kung ikaw ay tao'y
narito ang iyong mga katungkulan,
sapagka't tao ka'y mayroon kang bayang
dapat mong tubusin sa kabusabusan...

"Ningning at Liwanag"
isang kasulatang ang ibig sabihi'y
- Di dapat masilaw
ang tao sa dikit ng makita natin,
sapagkat mayroong kung tingna'y butihin
ngunit ninanakaw lamang ang kakanin;
at may abang-abang
kung ating pagmasda'y mistulang alipin,
nguni't nabubuhay
na... sa kanyang pawis galing ang pagkain,
may magandang-pangit na dapat laiitin,
may pangit na gandang dapat dakilain.

At "Ang Kalayaan"
Sa bayang alipi'y aral na dakila
isang pagtuturong
ngayo'y naguugat sa lahat ng Diwa,
Hampas na mariin sa mga pasasa
na umaaliping lagi kay Mahina.
Ikaw ang may sabi
- Kung walang katwiran ay walang paglaya
at ang kalayaa'y
haliging matibay ng isang Dambana,
na sino man siyang ibig na sumira'y
kinakailangang ilagpak sa lupa - .

"Tao'y pantaypantay"
Isang pagkukurong ang ibig isaad,
ay: - Galing ang tao
sa iisa lamang, kaya't pataspatas
at magkakapatid ang dapat itawag.
Ang lahat ng tao, mayama't mahirap,
puti man at itim
matalino't mangmang, dakila at hamak,
ay dapat kilanling
iisa ang uri't sa isa nagbuhat...
Ngunit tayo'y sadyang sawi yatang palad
na wala nang laya't wala pang watawat,

At "Ang Pag-ibig" mo
Kay tamis na wikang singlambot ng tubig
Singlamig ng buwan,
singganda ng tala, sing-inam ng langit,
wikang nag-uutos sa lahat ng isip,
wika ring nagsakay sa lahat ng bisig,
datapwa at dahil
sa salitang iya'y ibig mong isulit
na... - tayo kung kaya
inalialipi'y dahil sa pagibig
at kapapasuno sa bawa't may nais,
at kapapatuloy sa bawa't lumapit...

"Bayan at Gobyerno"
Dalawang salitang iisa ang uri.
singtimbang ng lakas
at kapangyarihan sa alinmang lahi,
ang huli ay Puno't ang una ay Hari,
datapwa't ang una'y dustaing palagi.
Gaya ng sabi mo:
- Ang una ay buhay, dugo, lakas, ari...
ang huli ay siyang
utak na pangkuro't bisig na pangyari.
Maging yao't ito'y dapat magugaling
tulong na parati't sukob sa gusali.

"Maling Paniwala"
Isang aral mo ring ang ibig ituro'y
- Iwan mo ang maling
pag-asa sa Diyos na tunay ma't biro;
tayo ay binigyan ng malayang kuro,
malayang isipa't layang paghuhulo.
Ang hirap sa lupa
ay likha ng Tao at hindi ng Gurong
Lumikha sa Tao.
Siya'y di gumawa ng Daya at Hibo,
Bagkus pawang galing pagkat Siya'y puno
ng lahat ng gawang kapintupintuho.

"Gumawa": - Salitang
nasnaw sa bibig mo, Bayaning Dakila
upang gawing batas
nitong iyong bayang sabik sa paglaya.
- Ang paggawa'y hindi parusa sa lupa
manapa'y ginhawang hulog ni Bathala.-
Iyan ang sabi mo
sa paggawa lamang napapanariwa
ang lantang bulaklak
ng halaman nating mga mahihina.
Ang paggawa'y ugat ng pananagana't
ang paggawa'y birang sa daloy ng luha.

Ang damong masama'y
kung lumalago man kahi't ginugusad,
ang damong mabuti'y
sadyang matampuhin sa guhit ng palad.
Ito ang nangyari: sa maagang bulas
ng kagitingan mo'y pinuti ka't sukat...
parang hangga ngayo'y
natatanaw ko pa ang dugong nagdanak
nang ikaw'y tamaan
ng taksil na punglong sa kalaban buhat,
nguni't ang dugo mong yaon ay nasulat
ng titik na ginto sa ating Watawat.

Naryang boongboo
ang lahat ng bagay na dapat masabi,
ang - alpha't omega -
ng kabuhayan mo, Dakilang Bayani,
anopa't ang iyong buhay na iniwi;
kung isasalibro'y libro nang marami,
paano'y sa bawa't
pinagdaanan mo'y may binhi ng buting
tumubo, nagdahon,
nagbunga at ngayo'y aming inaani
upang maipunla kung ga't mangyayari
dito rin sa lupang sabik-manarili.

Iyan ang diwa mo:
kislap na mistula ng batong "Pingkian",
tinig ng kudyapi
ng isang Makatang "hindi masisilaw"
sa kinang ng ginto at bisa ng yaman;
Biblia't Ebanghelyong kinasusulatan
ng mga tuntuning
dapat panuntunan ng alin mang bayan.
At ngayon, sa harap
ng tirik na kurus sa iyong libinga'y
walong angaw kaming ngayo'y nagninilay
upang ang aral mo'y amin ding iaral.

JULIAN CRUZ BALMACEDA

Biyernes, Agosto 24, 2012

Sa Inang Bayan, salin ng A la patria ni Gat Emilio Jacinto

SA INANG BAYAN (A LA PATRIA)
tula ni Gat Emilio Jacinto
nakasulat ng orihinal sa Espanyol
na nasa aklat na Rebolusyon(g 1896) ni Virgilio S. Almario

Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
20 pantig bawat taludtod

I.

Mabuhay ka, tinubuang lupa / higit saanman, kita'y sinamba
na ang yaman mo'y napakarami't / kalikasan ay pinagpala ka
edeng kaybabango ng bulaklak / kumpara sa ibang harding tunay
kaygagandang kulay, sumisilay, / langit ay pininta ng liwayway
na yaong makata'y nangagitla't / tila nananaginip kung saan.

II.

Mabuhay ang nakabibighaning / mutya, ang mahal kong Pilipinas
Venus sa ganda'y kaakit-akit, / walang kaparis, bayan kong mahal
lupain ng liwanag at kulay, / tula, halimuyak at ligaya
lupain ng bungang kaysasarap / at matamis na pagkakaisa
marahang inuugoy ng hangin, / dinuduyan ng alon sa laot.

III.

Kayhalaga't nagliliwanag kang / perlas ng Dagat ng Silanganan
paraisong natatag sa kinang / niring ating nagbabagang araw
anong rubdob kitang binabati / at masigasig na sinasamba
aking diwa'y inalay sa iyo, / na marubdob niyang ninanasa
makita kang walang anong pait / at pang-aalipin ng Kastila.

IV.

Sa kabila ng kasuotan mo, / umungol kang nakatanikala
na ang pinakamahalaga pa / - ang kalayaan, yaon ang wala
na upang maibsan, aking bayan, / ang pagdurusa mo't kalungkutan
buhay ko'y buong iniaalay, / dugo ko ma'y sumirit sa ugat
sa huling patak man sa kawalan / ay mapahimlay sa walang hanggan. 

V.

Anong iyo'y katarungang dapat / o kaya'y likas na karapatan
o wala kundi pawang mababaw / na salita't pulos pang-uuyam
katarunga'y para bang halimaw / sa anong lungkot mong kalagayan
alipin ka, gayong marapat kang / alayan ng putong bilang Mutya
pinasasaya ang malulupit, / pinagmamalupitan ka naman.

VI.

Anong matutulong nito, bayan, / na nakayukod sa kasawian
gayong yaong sapiro mong langit / ay maliwanag, kaakit-akit
na sa buwan mong animo'y pilak / ang sa karikta'y di mapantayan
ano bang silbi nito kung ikaw'y  / may himutok sa pagkaalipin
na sa loob ng apat na siglo'y / patuloy kang nasa dusa't hirap.

VII.

Anong silbing mga bulaklak mo'y / tinatabingan ang mga bukirin
matatamis na huni ng ibon / na sa gubat mo'y nauulinig
kung ang kanyang huni't halimuyak / ay dinadala man din ng hangin
na doon sa mga pakpak nila'y / may dalang hikbi't pait na impit
na nananaig sa iwing diwa't / ang tao'y sadyang napapaisip.

VIII.

Anong buting idudulot niyan, / perlas ng basal mong kagandahan
pinakinang mo sa kaputian / yaong yaman ng buong silangan
kung ang lahat ng iyong kariktan / kung ang buo mong kagandahan
ay iginapos sa mga bakal / na walang makapantay sa tigas
ang maniniil ba'y na tuwang-tuwa / sa kaaba-aba mong lagay?

IX.

Anong pakinabang ng lupain mong / kasaganaa'y walang kaparis
na ibinubunga'y masaganang / prutas na kaysarap at kayrami
kung sa wakas may masisilungang / ipinagkaloob niyong langit
ay ipinahayag at inangkin / ng mga Kastilang salanggapang
karapatan lang nila ang batid, / inaring may kalapastanganan.

X.

Sa dulo'y tatahimik ang lahat / at titiisin ang katandaan
na dumating na rin ang panahon / na ikaw na nga'y ipaglalaban
upang durugin ng walang awa't / walang takot ang sukabang ahas
na nilason ng kanyang kamandag / ang iyong kaaba-abang buhay
O, bayan ko, naririto kami, / sa iyo'y handa kaming mamatay.

XI.

Ang mga minamahal na ina / at asawang pinakasisinta
anak mang kapiraso ng puso't / kapara rin ay tipak ng diwa
upang ipagtanggol ang layon mo'y / iniiwan namin ang lahat
yaring pag-asa't aming pag-ibig: / ang kaligayahang aming hangad
lahat ng aming sintang pangarap, / lahat-lahat ng aming tagimpan.

XII.

Sa buong kapuluan, bayani'y / nagbibigay-liwanag sa atin,
pagsinta'y nag-aalab sa bayan, / may ningning sa bawat kabutihan,
masigasig makibaka't tanging / makagagapi'y ang kamatayan
na kahit mangamatay pa sila'y / bibigkasin ang banal mong ngalan
Bayang mahal, ligaya mo'y hangad / hanggang sa huli nilang hininga.

XIII.

Kayrami ng bituin sa langit, / libu-libong bayaning magiting
nahimlay sa dambana mong banal / na buhay nila'y kusang inalay
at nang marinig mo ang labanan. / kasuklam-suklam na sagupaan
sa langit ay umusal nang taos / ang inyong anak, ang matatanda,
at kababaihan, inaasam / na sa ating hukbo ang tagumpay.

XIV.

At sa gitna ng pagmamalupit / at di masabing pagpapahirap
nang dahil umiibig sa iyo'y / tanging kabutihan mo ang pita 
nagdusa'y di mabilang na martir, / higit sa dalisay nilang diwa
pinagpapala ka nila kahit / sa gitna ng dalamhati't pait
at kung tuluyan silang mamatay, / bayan ay sadyang napakapalad.

XV.

Anong halaga kung daan-daan, / libu-libong anak mo'y naglaho
sa di patas na pakikibaka, / sa matinding pagtutunggalian
at kanilang dugo'y nagsidaloy / na animo'y isang karagatan
anong halaga ng pagtatanggol / sa iyo't sa lupa  mong tahanan
kung mapahamak sila sa laban / nakamamatay na kapalaran.

XVI. 

Munting bagay kung ipapatapon / tayo't dumanas ng bilangguan
o mala-impyernong pagdurusa, / na may poot na sadyang kaybagsik
tungo roon sa dambanang banal / na sa ating puso'y nakaukit
sama-sama ka naming tinaas / nang walang bahid ng kahalingan
na sumumpa sa ating layunin / at itinataya yaring dangal.

XVII.

At kung sa dulo man ng labanan / ay may mga lawrel ng tagumpay,
at ang gawa nati't sakripisyo'y / puputungan ng magandang palad
mga susunod na salinlahi'y / tiyak na aalalahanin ka
bilang mutya ng pulong malaya, / mutyang dalisay at walang dungis
at ikaw ay hahangaang sadya / ng lahat ng tao sa daigdig.

XVIII.

Sa kalangitan mong nagniningning / ay muling sisikat ang liwanag
ng bagong araw ng kalayaan, / pagsinta, pati kasaganaan
at sa mga nabulid sa dilim, / sa gabing pusikit ay lumaban
huwag hayaang malimot yaong / puntod nilang kaylamig at payak
para sa iyong kaligayahan, / sila'y maligaya nang hihimlay.

XIX.

At kung yaong putong ng tagumpay / sakali'y maagaw ng Kastila
at sakaling sa pabagu-bagong / kapalaran, ikaw ay talikdan
di na mahalaga, bawat isa'y / ituturing na magkakapatid
laya'y laging may tagabandila / habang may maniniil pang buhay
angpaniwala'y di maglalaho, / habang tumitibok pa ang puso.

XX.

Ang pagkilos ay magpapatuloy / sakali mang dito'y tumahimik
bago unos ay payapa muna / saka mamumuo yaong sigwa
at sa mas bunyi mang katatagan / patuloy ang masinop na gawa
at pagbaka'y sisimulang muli / nang mas masigasig at malakas
makikibaka hanggang magwagi, / hanggang sa matuyo yaring luha.

XXI.

Bayang natatangi't minamahal, / na habang lumbay mo'y lumalago
lumalago rin yaring pag-ibig, / lalo ang tangi mong pagmamahal
huwag kang mawalan ng pag-asa, / maging sugat mo ma'y nakabuka
patuloy na aagos ang dugo / habang may nabubuhay sa amin
ay di ka namin malilimutan, / di kailanman, di kailanman!

Talasalitaan:
tagimpan - ilusion, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 1202
kahalingan - pasion, mula sa English-Tagalog Dictionary, ni Leo James English, pahina 719

.
.
.

A LA PATRIA
Poem by Gat Emilio Jacinto

I

¡Salve, oh patria, que adoro, amor de mis amores,
que Natura de tantos tesoros prodigó;
vergel do son más suaves y gentiles las flores,
donde el alba se asoma con más bellos colores,
donde el poeta contempla delicias que soñó!

II

¡Salve, oh reina de encantos, Filipinas querida,
resplandeciente Venus, tierra amada y sin par:
región de luz, colores, poesía, fragancias, vida,
región de ricos frutos y de armonías, mecida
por la brisa y los dulces murmullos de la mar!

III

Preciosísima y blanca perla del mar de Oriente,
edén esplendoroso de refulgente sol:
yo te saludo ansioso, y adoración ardiente
te rinde el alma mía, que es su deseo vehemente
verte sin amarguras, sin el yugo español.

IV

En medio de tus galas, gimes entre cadenas;
la libertad lo es todo y estás sin libertad;
para aliviar, oh patria, tu padecer, tus penas,
gustoso diera toda la sangre de mis venas,
durmiera como duermen tantos la eternidad.

V

El justo inalienable derecho que te asiste
palabra vana es sólo, sarcasmo, burla cruel;
la justicia es quimera para tu suerte triste;
esclava, y sin embargo ser reina mereciste;
goces das al verdugo que en cambio te dá hiel.

VI

¿Y de qué sirve ¡ay, patria! triste, desventurada,
que sea límpido y puro tu cielo de zafir,
que tu luna se ostente con luz más argentada,
de que sirve, si en tanto lloras esclavizada,
si cuatro siglos hace que llevas de sufrir?

VII

¿De que sirve que cubran tus campos tantas flores,
que en tus selvas se oiga al pájaro trinar,
si el aire que trasporta sus cantos, sus olores,
en alas también lleva quejidos y clamores
que el alma sobrecogen y al hombre hacen pensar?

VIII

¿De qué sirve que, perla de virginal pureza,
luzcas en tu blancura la riqueza oriental,
si toda tu hermosura, si toda tu belleza,
en mortíferos hierros de sin igual dureza
engastan los tiranos, gozándose en tu mal?

IX

¿De qué sirve que asombre tu exuberante suelo,
produciendo sabrosos frutos y frutos mil,
si al fin cuanto cobija tu esplendoroso cielo
el hispano declara que es suyo y sin recelo
su derecho proclama con insolencia vil?

X

Mas el silencio acaba y la senil paciencia,
que la hora ya ha sonada de combatir por ti.
Para aplastar sin miedo, de frente, sin clemencia,
la sierpe que envenena tu mísera existencia,
arrastrando la muerte, nos tienes, patria, aquí.

XI

La madre idolatrada, la esposa que adoramos,
el hijo que es pedazo de nuestro corazón,
por defender tu causa todo lo abandonamos:
esperanzas y amores, la dicha que anhelamos,
todos nuestros ensueños, toda nuestra ilusión.

XII

Surgen de todas partes los héroes por encanto,
en sacro amor ardiendo, radiantes de virtud;
hasta morir no cejan, y espiran. Entre tanto
que fervientes pronuncian, patria, tu nombre santo;
su último aliento exhalan deseándote salud.

XIII

Y así, cual las estrellas del cielo numerosas,
por tí se sacrifican mil vidas sin dolor:
y al oir de los combates las cargas horrorosas
rogando porque vuelvan tus huestes victoriosas
oran niños, mujeres y ancianos con fervor.

XIV

Con saña que horroriza, indecibles torturas,–
porque tanto te amaron y desearon tu bien,–
cuantos mártires sufren; más en sus almas puras
te bendicen en medio de angustias y amarguras
y, si les dan la muerte, bendicente también.

XV

No importa que sucumban a cientos, a millones,
tus hijos en lucha tremenda y desigual
y su preciosa sangre se vierta y forme mares:
no importa, si defienden a tí y a sus hogares,
si por luchar perecen, su destino fatal.

XVI

No importa que suframos destierros y prisiones,
tormentos infernales con salvaje furor;
ante el altar sagrado que en nuestras corazones
juntos te hemos alzado, sin mancha de pasiones,
juramentos te hicieron el alma y el honor.

XVII

Si al terminar la lucha con laureles de gloria
nuestra obra y sacrificios corona el triunfo al fin,
las edades futuras harán de tí memoria;
y reina de esplendores, sin manchas ya ni escoria,
te admirarán los pueblos del mundo en el confín.

XVIII

Ya en tu cielo brillando el claro y nuevo día,
respirando venturas, amor y libertad,
de los que caído hubieren en la noche sombría
no te olvides, que aun bajo la humilde tumba fría
se sentirán felices por tu felicidad.

XIX

Pero si la victoria favorece al hispano
y adversa te es la suerte en la actual ocasión,
no importa: seguiremos llamándonos “hermano”,
que habrá libertadores mientras haya tirano,
la fé vivirá mientras palpite el corazón.

XX

Y la labor penosa en la calma aparente
que al huracán precede y volverá a bramar,
con la tarea siguiendo más firme, más prudente,
provocará otra lucha aun más tenaz y ardiente
hasta que consigamos tus lágrimas secar.

XXI

¡Oh patria idolatrada, cuanto más afligida
y angustiada te vemos te amamos más y más:
no pierdas la esperanza; de la profunda herida
siempre brotará sangre, mientras tengamos vida,
nunca te olvidaremos: ¡jamás, jamás, jamás!

Sabado, Hulyo 14, 2012

Salamat sa akdang "Liwanag at Dilim" ni Emilio Jacinto

SALAMAT SA AKDANG “LIWANAG AT DILIM” NI EMILIO JACINTO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Maraming salamat, Emilio Jacinto
Sa maraming aral na binahagi mo
Ito’y tunay naming ikapapanuto
Sa lipunang itong dapat na mabago.

Ang ibinilin mong pagpapakatao
Ay dapat umiral ngayon sa’ting mundo
Tigilan ang away at mga perwisyo
Kundi magkaisa, maglingkod sa tao.

Liwanag at Dilim, malikot ang diwa
Sadyang nanggigising ang maraming paksa
Matalim, malalim ang iyong adhika
Na s’yang kailangan nitong ating bansa.

Maganda ang aral sa nakakabasa
Na nanaisin ngang maglingkod sa masa
Mga akda itong sa ami’y pamana
Isang pasalubong sa bagong umaga.

Mga sulatin mo ay napakahusay
Sa balat at diwa nami’y lumalatay
Mga aral itong dapat isabuhay
Tungo sa sistemang may pagkakapantay.

Maraming salamat sa iyong pamana
May liwanag ngayon kaming nakikita
Upang ating bayan ay mapagkaisa
At mabago itong bulok na sistema.

Salamat, salamat sa iyo, Jacinto
Pawang karangalan itong pamana mo
Pag-ibig, paglaya, pagpapakatao
Paggawa, katwiran, lahing Pilipino.

Nobyembre 7, 2007, Sampaloc, Maynila

Sabado, Hulyo 7, 2012

Internasyunalismo

INTERNASYUNALISMO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

nagkataon lang sa Pilipinas ako sinilang
kaya iyang banyaga'y di natin agad kalaban
gayunman, nauunawaan ko ang kasaysayan
kung bakit ninuno'y lumaban sa mga dayuhan

subalit sa panahong ito ng kapitalismo
diwang internasyunalismo'y tinataguyod ko
na nakita ko sa aral ni Emilio Jacinto
sa kanyang Liwanag at Dilim, aking napagtanto

"Iisa ang pagkatao ng lahat," sabi niya
malalim kong pinagnilayan, diwang mahalaga
"Lahat ng tao'y magkakapantay" ang sinulat pa
bilang isa sa mga payo't aral sa Kartilya

ang Kartilya'y nagmulat sa aking matang may luha
upang magpakatao't makipagkapwa sa madla
upang wala nang pang-aapi sa mundo't sa bansa
upang makipagkaisa sa uring manggagawa

kung ako'y taga-Amerika, Europa, o Byetnam
ang Pilipino ba'y kalaban na agad, kay-inam
tayo'y magkapatid, kapwa taong may pakiramdam
kaya sa isyu sa ibang bansa'y may pakialam

kaya internasyunalista sa sarili'y turing
nagkataon lang sa bansang ito ako nagising
bilin nga sa Kartilya, tayo'y magkapantay man din
balat man ay kayumanggi, dilaw, puti o itim