Linggo, Marso 22, 2009

Ang Makatang Andres Bonifacio

ANG MAKATANG ANDRES BONIFACIO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Hindi mapasusubaling isa ring makata si Gat Andres Bonifacio. May anim siyang tula, kasama na ang dalawang taludtod na tulang Mi Abanico na isinulat niya sa wikang Kastila. Ang iba pa'y ang Tapunan ng Lingap, Ang mga Cazadores, Pag-ibig sa Tinubuang Bayan, Katapusang Hibik ng Filipinas, at ang Huling Paalam ni Dr. Jose Rizal.

Ang tulang Mi Abanico ay mula sa ulat ng isang E. Arsenio Manuel, na "diumano'y nilikha ni Bonifacio noong bata pa at nakakanta pa ng kapatid na si Espiridiona nang kapanayamin ni Manuel." Aba, di lang pala simpleng tula sa wikang Kastila ang nalikha ni Bonifacio kundi awit.

Ang tulang Tapunan ng Lingap ay panawagan ni Bonifacio sa mga kababayan na huwag matakot sa pakikibaka, at tapunan nawa sila ng paglingap ng Bathala, na kaiba sa Diyos ng mga mananakop. Kung pagbabatayan ang isinulat ni Bonifacio sa sanaysay na "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog", hindi ang Diyos ng mga Kastila o ng Katolisismo ang hininingan niya ng paglingap kundi ang katutubong Bathala ng mga Pilipino bago pa dumating ang mga mananakop. Kanya ngang isinulat sa "Ang Dapat Mabatid..." sa ikatlong talata: "Iminulat tayo sa isang maling pagsampalataya at isinadlak sa lubak ng kasamaan ang kapurihan ng ating Bayan." Pumapatungkol ito sa mga Kastila, batay sa naunang dalawang talata.

Sa tulang Ang Mga Cazadores, inilarawan ni Bonifacio ang kalupitan ng mga kastila, na ginagamit ang awtoridad upang mang-umit ng manok at baka ng mga Pilipino, sinasaliksik ang mga kabahayan upang nakawan ng pilak at alahas, at panghahalay ng mga babae. Ayon nga sa ikalimang saknong, ikatlo't ikaapat na taludtod: "Walang nalalabi sa pag-aagawan ng mga Kastila kung matatagpuan."

Sa dalumat ni Bonifacio sa mahabang tulang Pag-ibig sa Tinubuang Bayan ay tunay na pagmamahal sa bayang tinubuan ang tunay na pag-ibig, Tila pag-alingawngaw din ito sa ikalawang hanay ng kanyang akdang may pamagat na "Katungkulang Gagawin ng mga Z.LL.B.": "2. Gunamgunamin sa sarili tuwina na ang matapat na pagsampalataya sa kanya ang ang pag-ibig sa lupang tinubuan sapagkat ito ang tunay na pag-ibig sa kapwa."

Ang Katapusang Hibik ng Filipinas ang ikatlo at huli sa tatlong animo'y magkakarugtong na tula ng tatlong makata. Ang una'y ang "Hibik ng Filipinas sa Ynang Espana" ni Hermenegildo Flores, ang ikalawa'y ang "Sagot ng Espanya sa Hibik ng Filipinas" ni Marcelo H. del Pilar, at ang ikatlo't pangwakas na tula'y ang "Katapusang Hibik ng Filipinas" ni Andres Bonifacio. Ang sinimulang tula ni Flores ay sinagot ni Del Pilar at sinagot din ni Bonifacio.

Ang Huling Paalam naman ang salin ni Bonifacio sa tulang Mi Ultimo Adios ni Rizal. Ito ang huling tula ni Rizal bago siya bitayin ng mga Kastila, at marahil ay ito rin ang huling tulang ginawa ni Bonifacio bago siya paslangin ng mga kababayan. Ang tula ni Rizal ay binubuo ng 14 na saknong na may limang taludtod bawat saknong, habang ang pagkakasalin ni Bonifacio sa Tagalog ay binubuo ng 28 saknong na ang bawat saknong ay may apat na taludtod. Ang isang saknong ni Rizal ay ginawang dalawang saknong ni Bonifacio.

Hinggil sa pagkakaayos ng tula o istruktura nito, mapapansing marunong si Bonifacio ng katutubong tugma't sukat, at ginamit niya ang palasak noong anyo ng pagtulang sinimulan ni Balagtas sa obra nitong Florante at Laura.

Maliban sa kanyang tula sa wikang Kastila, ang nasaliksik at natipong lima niyang tula ay sumusunod sa padron na labindalawang pantig bawat taludtod, bawat saknong ay may apat na taludtod, at pawang mahahaba ang kanyang mga tula, mula pitong saknong pataas.

Ang Tapunan ng Lingap ay may sampung saknong, Ang mga Cazadores ay may pitong saknong, Pag-ibig sa Tinubuang Bayan ay may 28 saknong, Katapusang Hibik ng Filipinas ay may 14 saknong, at Huling Paalam ni Dr. Jose Rizal, na salin ng Mi Ultimo Adios ay may 28 saknong.

Sa akdang Arte metrica del tagalog ni Jose Rizal, tinalakay niya ang sining ng tugma at sukat sa Tagalog. Ito'y isinalin sa wikang Filipino ng Jose Rizal Centennial Commission mula sa wikang Espanyol. Orihinal na isinulat ito ni Rizal sa wikang Aleman, at siya rin ang nagsalin sa Espanyol. Ang akdang ito'y binasa ni Rizal sa Sociedad Etnografica sa Berlin noong Abril 1887. Nalathala ito ng nasabing samahan nang taon ding yaon.

Natalakay na natin sa itaas ang sukat ng mga taludtod na ginamit ni Bonifacio sa lahat ng kanyang tulang nasa wikang Tagalog na pawang lalabindalawahing pantig bawat taludtod. Dagdag pa rito, bawat taludtod ay may impit o sesura sa gitna o ikaanim na pantig.

Tingnan natin ang kanyang mga tugmaan. Ayon kay Rizal, sa mga salitang nagtatapos sa patinig, magkatugma ang may impit at magkatugma rin ang walang impit. Kaya ang salitang "dugo" at "berdugo" ay hindi magkatugma, dahil ang "dugo" ay may impit habang wala naman ang "berdugo" kahit na pareho itong nagtatapos sa titik "o". Gayundin naman, hindi magkatugma ang "mata" at "dukha" at ang katugma ng "dukha" ay "dalita".

Sang-ayon pa kay Rizal, may dalawang uri ng tugmaan na nagtatapos sa katinig - ang katinig na malakas at ang katinig na mahina. Magkatugma ang mga katinig na malakas na nagtatapos sa b, d, g, k, p, s, at t. Kaya magkatugma ang salitang "loob" at "lubos", pati na ang "patid" at "hapis".

Magkakatugma naman ang mga katinig na mahina na nagtatapos sa l, m, n, ng, y, w, at wala namang nagtatapos sa titik na r at h.

Gayunman, sa isang pag-aaral sa LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo), isang pambansang samahan ng mga makata sa wikang Filipino, ang titik na r ay kasama sa mga katinig na mahina. Halimbawa, "pader" at "dingding".

Suriin natin ang ilang saknong sa mga tula ni Bonifacio batay sa pagtalakay ni Rizal sa usapin ng tugmaang patinig sa tulang Tagalog.

"Aling pag-ibig pa ang hihit kaya
Sa pagkadalisay at pagkadakila
Gaya ng pag-ibig sa tinub'ang lupa?
Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala."

"At ating lisanin ang dating ugali
Na ikinasira ng taas ng uri,
Ang bayang Tagalog ay may asal dili
Ang puring nilupig ng bakang maputi."
- ikatlong saknong ng tulang "Tapunan ng Lingap"

"Matining na tunog ako sa dinig mo,
ilaw, mga kulay, masamyong pabango,
ang ugong at awit, paghibik sa iyo,
pag-asang dalisay ng pananalig ko!"
- ika-24na saknong ng tulang "Huling Paalam ni Dr. Jose Rizal"

Sa tugmaang katinig naman ay ang mga sumusunod:

"Walang isinuway kaming iyong anak,
Sa bagyong masasal ng salita't hirap,
Iisa ang puso nitong Filipinas
At ikaw ay di na Ina naming lahat."
- ikalawang saknong ng tulang "Katapusang Hibik ng Filipinas"

"Buong kabahayan ay sinasaliksik,
Pilak na makita sa bulsa ang silid;
Gayon ang alahas at piniling damit
Katulad ay sisiw sa limbas dinagit."
- ikatlong saknong ng tulang "Ang mga Cazadores"

"Tubig n'yang malinaw na anaki'y bubog,
Bukal sa batisang nagkalat sa bundok,
Malambot na huni ng matuling agos
Na nakaaaliw sa pusong may lungkot."
- ika-12 saknong ng tulang "Pag-ibig sa Tinubuang Bayan"

Ginamit din ni Bonifacio ang iisang katinig lamang sa tugmaan, tulad nito:

"Lahat ng makita nilang maggagatas
Agad haharangin, dada'nin sa bulas,
Tuloy lalaklakin ng mga dulingas
Anupa nga't wala nang pinalalampas."
- ikaanim na saknong ng tulang "Ang mga Cazadores"

Ang tamang paggamit mismo ni Bonifacio sa sukat at tugma, at kaalaman sa pagtutugma ng tulang katinig, ay patunay na sadyang alam ni Bonifacio ang tugma at sukat sa tulang Tagalog, at masasabi natin isa siyang ganap na makata.

Lima lamang ang tulang Tagalog ni Bonifacio yaong nasaliksik, nalathala, at natipon. Marahil, marami pa siyang naisulat na tula ngunit hindi na ito nalathala at natipon at nawala na lamang sa pagdaan ng panahon, ngunit naiwan naman ang mga tulang tunay na nakapagpapaalab sa damdamin ng sinumang taong nagnanais na makaalpas sa kamay ng mga mananakop. Mga tula itong tunay na lantay na gintong hindi kukupas sa pagdaan pa ng ilangdaang taon.

Mga pinaghalawan ng datos:
(1) Anim na tula ni Bonifacio, mula sa aklat na Panitikan ng Rebolusyon(g 1986) ni Virgilio S. Almario, mp. 137-150
(2) Ang Sining ng Tugma at Sulat sa Tagalog, ni Jose P. Rizal, mula sa aklat na Poetikang Tagalog, mp. 47-57

Lunes, Disyembre 1, 2008

Ang Supremo at Pangulong Andres Bonifacio

ANG SUPREMO AT PANGULONG ANDRES BONIFACIO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bandang 1995 nang mabasa ko ang artikulo nina Dr, Milagros Guerrero, Emmanuel Encarnacion, at Ramon Villegas hinggil kay Andres Bonifacio at sa Himagsikang 1896 kung saan tinalakay dito na si Gat Andres Bonifacio ang unang pangulo. Aktibo ako noon sa mga gawain ng Kamalaysayan (na noon ay Kampanya para sa Kamalayan sa Kasaysayan, na napalitan na ngayon ng Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan), na pinangungunahan noon nina Prof. Ed Aurelio Reyes, Prof. Bernard Karganilla at Jose Eduardo Velasquez. Ang artikulo nina Dr. Guerrero ay nasa isang magasing glossy ang mismong loob na mga pahina na inilathala ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), ngunit nawala na sa akin ang kopya ko nito. Nakasulat ito sa wikang Ingles.

Sa isyu ng Hulyo-Oktubre 1996 ng magasing The Featinean, opisyal na pahayagan ng mga estudyante ng FEATI University, kung saan ako ang features-literary editor ng mga panahong iyon, ay isinulat ko sa aking kolum na LINKS, na si Andres Bonifacio ang unang pangulo. Dagdag pa rito, isinalaysay ko rin doon ang isa sa mga panalo ng Katipunan sa Kalakhang Maynila. Isinalaysay sa akin noon ni Velasquez ng Kamalaysayan ang naganap na Nagsabado sa Pasig kung saan nakubkob ng mga tropa ng Katipunan ang isa sa pinakamalaking garison ng mga Kastila at nakasamsam doon ng tatlong armas na Remington at labimpitong ripleng de piston. Isinulat umano ng historyador ng Pasig na si Carlos Tech na may petsang Oktubre 8, 1956 sa kanyang panayam kay Heneral Valentin Cruz, na isa sa mga heneral ng Katipunan na dumalo kasama si Bonifacio sa isang pulong sa Hagdang Bato sa Mandaluyong noong Agosto 29, 1896, araw ng Sabado, ang naganap sa Battle of Nagsabado. Nang araw na iyon, pinangunahan ni Cruz ang mahigit dalawanglibong (2,000) Pasigenyo sa pagsalakay sa kuta ng mga gwardya sibil sa pinakamalaking garison sa labas ng Maynila. Nakubkob nila ang kuta, at ang tagumpay na ito'y pinagdiriwang ng mga Pasigenyo hanggang ngayon bilang unang tagumpay ng mga Katipunero laban sa mga mananakop.

Si Bonifacio ay Pangulo, hindi lamang siya Supremo, o pangulo ng mga pangulo ng mga balangay ng Katipunan. Siya ang pangulo ng isang rebolusyonaryong pamahalaan mula nang ideklara nila ang kalayaan ng bayan noong ika-24 ng Agosto 1896 hanggang sa pagpaslang sa kanya noong ika-10 ng Mayo 1897.

Ayon kay Ginoong Reyes, iniambag ni Dr. Guerrero sa Kamalaysayan ang artikulong "Pangulong Andres Bonifacio" at nalathala bilang bahagi ng aklat na "Bonifacio: Siya ba ay Kilala Ko?" ni Reyes. Nalathala rin ito sa magasing Tambuli, ika-5 isyu, Agosto 2006, kung saan ako naman ang ikalawang patnugot nito at si Reyes ang punong patnugot, mula pahina 12-17.

Ngunit minsan ay may nagsabi sa akin: "Bakit ba inilalagay ang titulong Pangulo kay Bonifacio gayong ang titulong iyan ay ginagamit ng burgesya at ng mga nagtraydor sa masa?" Isa siyang katulad kong aktibista. Totoo ang sinabi niya. Ang titulong Pangulo ng Pilipinas ay ginamit ng mga naghaharing uri sa bansa, na sa tingin ng marami ay pawang mga "tuta ng Kano" o "pangulong nakikipagkutsaban sa mga dayuhan o imperyalista".

Ngunit hindi naman tayong mga aktibista ngayon ang nagsasalitang dapat gawin nating unang Pangulo si Bonifacio. Maraming patunay mula pa noong buhay pa si Bonifacio hanggang sa mga dokumento't pahayag ng mga Katipunero noon na kinikilala siyang Pangulo ng unang naitayong pamahalaan sa bansa. Kaya hindi tayong mga aktibistang nabubuhay ngayon ang pilit na nagdedeklara niyan. Nais lang nating itama ang nasasaad sa kasaysayan. Kailangan nating bigyan ng hustisya ang manggagawang si Bonifacio sa ganap na pagkilala sa kanya bilang pangulo. Bakit ito pilit na itinatago, tulad ng pagtago sa totoong naganap na pagpatay sa kanya ng mga kapwa rebolusyonaryo?

Ang pagtanghal ba kay Bonifacio bilang unang Pangulo ay nagpapababa sa kanyang pagkatao? Hindi. Nagpapaangat itong lalo sa kanyang katayuan pagkat siya'y Pangulo ng unang pamahalaan at hindi lang bilang Supremo ng Katipunan. Pag itinanghal bang Pangulo si Bonifacio ay mawawalan na ba siya ng silbi bilang simbolo ng pakikibaka? Hindi, at dapat hindi. O marahil, iniisip ng nakausap ko na ang pagtanghal kay Bonifacio bilang Pangulo ay nagpapahina sa kasalukuyang pagbaka ng mga aktibista para sa pagbabago.

Pag itinanghal bang Pangulo si Bonifacio ay hindi na gagamit ng dahas at hindi na mag-aarmas ang mga kabataan, ang mga api, ang mga naghahangad ng pagbabago? Pag sinagot natin ito ng oo'y nawawalan na tayo ng kritikal na pag-iisip. Gawin nating gabay ang kasaysayan, ngunit huwag natin itong kopyahin. Ang paggamit ni Bonifacio ng armas ay naaayon sa kalagayan ng kanyang panahon. Kung gagamit tayo ng armas ngayon nang hindi naaangkop sa kalagayan at panahon ay para na rin tayong nagpatiwakal.

Tinawag na Supremo si Bonifacio dahil siya ang nahalal na pangulo ng mga pangulo ng iba't ibang balangay ng Katipunan na bawat balangay ay may pangulo. Nang ang Katipunan ay naging ganap na rebolusyonaryong pamahalaan, siya ang Pangulo ng unang pamahalaan, na pinatunayan naman ng mga Katipunero noon at ng maraming historyador. Kaya marapat lamang ibigay sa kanya ang nararapat sa kanya, na halos makalimutan na sa kasaysayan. O marahil pilit iwinawaksi sa kasaysayan dahil sa pamamayagpag ng mga kalaban ni Bonifacio sa mga sumunod na pamahalaan pagkamatay niya hanggang sa kasalukuyan.

Minsan, sinabi ng asawa ni Bonifacio na si Oriang (Gregoria de Jesus), "Matakot sa kasaysayan pagka't walang lihim na di nahahayag." Para bang sinabihan tayong halungkatin natin ang kasaysayan pagkat ang mga kaaway ni Bonifacio'y pilit na itinago sa matagal na panahon ang kanyang mga ambag sa bayan, at ang pagpatay sa kanya'y upang mawala na siya sa kangkungan ng kasaysayan. Ngunit pinatunayan ng sinabi ni Oriang na hindi mananatiling lihim ang lihim, at pilit na mauungkat ang mga may kagagawan ng pagpaslang at pagyurak sa dangal ng Supremo ng Katipunan.

Sa tunggalian ng uri sa lipunan, hindi dapat maisama si Bonifacio bilang kahanay ni Aguinaldo, ang taong nag-utos na paslangin si Bonifacio. Siyang tunay. Hindi dapat maisama si Bonifacio sa hanay ng mga pangulong halos lahat ay tuta ng Kano, o mga pangulong ninanais magpadagit sa kuko ng agila kaysa organisahin ang masa upang tumayo sa sariling paa. Hindi dapat maisama si Bonifacio bilang kahanay ng burgesya't elitista tulad ng mga sumunod na pangulo sa kanya, pagkat si Bonifacio ang simbolo ng pagbaka ng mga manggagawa kaya lumalahok ang mga manggagawang ito sa pagkilos tuwing Mayo Uno na Pandaigdigang Araw ng Paggawa, at Nobyembre 30 na kaarawan naman ni Bonifacio. Ngunit kung alam natin ang kasaysayan, ibigay natin kay Pangulong Andres Bonifacio ang nararapat na pagkilala.

Si Gat Andres Bonifacio, itanghal mang pangulo, ay simbolo pa rin ng himagsikan, simbolo ng uring manggagawa, tungo sa pagbabago ng lipunan at pagtatayo ng isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao. Itanghal mang pangulo si Bonifacio, siya lang ang pangulong hindi naging tuta ng Kano at siyang totoong tumahak sa landas na matuwid para sa kagalingan, kaunlaran at kasarinlan ng buong bayan. Siya lang ang Pangulong mula sa uring manggagawa. Mananatili siyang inspirasyon ng mga manghihimagsik laban sa mga mapagsamantala sa lipunan at sa mga nangangarap ng pagbabago upang maitayo ang isang lipunang makatao.

Sa ngayong nalalapit na ang ika-150 kaarawan ni Gat Andres Bonifacio sa Nobyembre 30, 2016, ating sariwain ang mga patunay nang pagkilala ng mga Katipunero noon, pati na mga historyador, kay Gat Andres Bonifacio bilang Pangulo, at kung bakit dapat siyang itanghal na unang pangulo ng bansa. Sa ngayon, sa mga aklatan, si Aquinaldo ang tinuturing na unang pangulo at sumunod sa kanya ay si Manuel L. Quezon. Nariyan din ang pagsisikap ng ilan na itanghal ding pangulo ng bansa si Miguel Malvar at si Macario Sakay ngunit dapat pa itong mapatunayan, ipaglaban, at ganap na maisabatas.

Maraming pinagbatayan sina Guerrero, Encarnacion at Villegas kung bakit dapat itanghal si Bonifacio bilang unang pangulo. Isa-isahin natin:

Nang pinunit ng mga Katipunero ang kanilang sedula bilang tanda ng paghihimagsik sa mga mananakop na Kastila noong ika-24 ng Agosto 1896, ang Katipunan ay naging isa nang pamahalaan. Bago iyon, ang Katipunan ay isang lihim na samahang nagnanais ng kalayaan ng bayan mula sa mananakop. Mayroon itong sariling mga batas, istruktura at halal na pamunuan. Sipiin natin ang mga paliwanag at batayan, mula sa artikulo ng tatlo, na malayang isinalin sa sariling wika:

Nang tinanong si Bonifacio sa Tejeros kung ano ang kahulugan ng titik K sa watawat ng Katipunan, sinabi niyang ito'y "Kalayaan" at kanyang ipinaliwanag: "…na mula sa Ktt. Pamunuan ng Katipunan, hanggan sa kababa-babaan, ay nagkakaisang gumagalang sa pagkakapatiran at pagkakapantay-pantay; namumuhunan ng dugo at buhay laban sa Hari, upang makapagtatag ng sarili at malayang Pamahalaan, na samakatwid, ay mamahala ang Bayan sa Bayan, at hindi ang isa o dalawang tao lamang."

Ang tumatayong pangulo ng paksyong Magdiwang na si Jacinto Lumberas ang nagsabi ng ganito: "Ang Kapuluan ay pinamamahalaan na ng K.K.K. ng mga Anak ng Bayan, na siyang nagbukas ng Paghihimagsik; may Batas at Alintuntuning pinaiiral; sinusunod at iginagalang ng lahat sa pagtatanggol ng Kalayaan, pag-ibig sa kapatid, pag-aayos at pamamalakad ng mga Pamunuan."

Ayon naman kay Heneral Santiago Alvarez ng paksyong Magdiwang sa Cavite ay nagsabi naman ng ganito: "Kaming mga Katipunan…ay mga tunay na Manghihimagsik sa pagtatanggol ng Kalayaan sa Bayang tinubuan.

Ayon naman kay John R.M. Taylor, isang Amerikanong historyador at siyang tagapag-ingat ng Philippine Insurgent Records (mga ulat ng mga manghihimagsik sa Pilipinas), itinatag ni Bonifacio ang unang pambansang pamahalaang Pilipino. Sa pagsusuri ni Taylor sa mga dokumento, lumaban para sa kasarinlan ng bayan ang Katipunan, at bawat pulutong o balangay ng Katipunan sa iba't ibang pook ay ginawa niyang batalyon, ang mga kasapi'y binigyan ng mga mahahalagang katungkulan, at ang kataas-taasang konseho ng Katipunan bilang mga pinuno ng pambansang pamahalaan.

Maging ang mga historyador na sina Gregorio F. Zaide at Teodoro Agoncillo ay kinilala ang rebolusyonaryong pamahalaan ni Bonifacio. Ayon kay Zaide, ang Katipunan ay hindi lamang isang lihim na samahan ng mga manghihimagsik kundi isang pamahalaan, na ang layunin ay mamahala sa buong kapuluan matapos mapatalsik sa bansa ang mga mananakop. Ayon naman kay Agoncillo, inorganisa ni Bonifacio ang Katipunan bilang pamahalaang may gabinete na binubuo ng mga lingkod na kanyang pinagkakatiwalaan.

Noon namang bandang 1980, mas luminaw umano ang pamahalaang Katagalugan ni Bonifacio nang masaliksik ang iba't ibang liham at mga mahahalagang dokumentong may lagda ni Bonifacio. Ang mga ito umano'y bahagi ng koleksyon ni Epifanio de los Santos na isa ring kilalang historyador at dating direktor ng Philippine Library and Museum bago magkadigma. Tatlong liham at isang sulat ng pagtatalaga kay Emilio Jacinto na pawang sinulat ni Bonifacio ang nagpapatunay na si Bonifacio ang unang pangulo ng isang pambansang pamahalaan. Ang mga nasabing dokumento'y may petsa mula ika-8 ng Marso hanggang ika-24 ng Abril 1897. Ang ilan sa mga titulo ni Bonifacio, batay sa mulaangliham (letterhead), ay ang mga sumusunod:

Pangulo ng Kataastaasang Kapulungan;
Ang Kataastaasang Pangulo;
Pangulo nang Haring Bayang Katagalugan;
Ang Pangulo ng Haring Bayan,  May tayo nang K.K. Katipunan nang mga Anak ng Bayan at Unang naggalaw nang Panghihimagsik;
Kataastaasang Panguluhan, Pamahalaang Panghihimagsik

Bagamat ang tawag ni Bonifacio sa Pilipinas noon ay Katagalugan, ito'y pumapatungkol sa buong kapuluan, pagkat ang tinatawag noon na Pilipino ay yaong mga Kastilang ipinanganak sa Pilipinas. Ayon nga sa isang dokumentong nasa pag-iingat ni Epifanio de los Santos, " Sa salitang “Tagalog”, katuturan ay lahat ng tumubo sa Sangkapuluang itó; samakatuwid, “Bisaya” man, “Iloko,” “Kapampangan” atbp. ay “Tagalog” din."

Nagpapatunay din ito na ang pamahalaan ni Bonifacio ay demokratiko at pambansa, na kaiba sa sinasabi ng ilang historyador na nagtayo si Bonifacio ng pamahalaang hiwalay kay Aguinaldo matapos ang kumbensyon sa Tejeros.

Ayon pa sa artikulo nina Guerrero, Encarnacion at Villegas, may nakitang isang magasing La Illustracion Española y Americana na may petsang ika-8 ng Pebrero 1897 at nakasulat sa wikang Kastila na may larawan ng nakakurbatang si Andres Bonifacio, na nakasulat sa ibaba, "Andres Bonifacio, Titulado “Presidente’ de la Republica Tagala" o "Andres Bonifacio: May Titulong Pangulo ng Republika ng Katagalugan", at inilarawan siyang pinuno ng katutubong pamahalaan.

Isang mamamahayag na nagngangalang Reparaz ang nagpatunay nito at kanya pang isinulat kung sinu-sino ang mga pangunahing opisyales sa pamahalaang itinayo ni Bonifacio. Ang mga ito'y sina: Teodoro Plata, Kalihim ng Digma; Emilio Jacinto, Kalihim ng Estado; Aguedo del Rosario, Kalihim na Panloob; Briccio Pantas, Kalihim ng Katarungan; at Enrique Pacheco bilang Kalihim ng Pananalapi.

Ang transpormasyon ng Katipunan mula sa isang samahan tungo sa isang pamahalaan at ang pagkakahalal ni Bonifacio bilang pangulo'y kinumpirma rin ng manggagamot na si Pio Valenzuela sa kanyang pahayag sa mga opisyales na Kastila. Sa ulat naman ng historyador na Kastilang si Jose M. del Castillo sa kanyang akda noong 1897 na "El Katipunan" o "El Filibusterismo en Filipinas" ay pinatunayan din ang naganap na unang halalan sa Pilipinas at nagtala rin siya ng mga pangalan ng pamunuan tulad ng nalimbag sa La Ilustracion.

Ang nadakip na Katipunerong nagngangalang Del Rosario ay inilalarawan bilang "isa sa mga itinalaga ng Katipunan upang itayo ang Pamahalaang Mapanghimagsik ng Bayan at isagawa ang tungkulin sa mga lokal na pamamahala sa mga bayan-bayan."

Oo't marami ngang patunay na si Gat Andres Bonifacio ang unang pangulo. Ngunit dapat itong kilalanin ng buong Pilipinas at hindi ng mga maka-Bonifacio lamang. Kinilala na si Bonifacio bilang bayani ng Pilipinas, bilang pinuno ng Katipunan, kaya ginawang pista opisyal ang araw ng kanyang kapanganakan, ngunit hindi ito sapat. Panahon naman na ideklara ng pamahalaan, sa pamamagitan ng batas, na si Gat Andres Bonifacio ang unang Pangulo ng Pilipinas. Siya, na simbolo ng pagbaka ng uring manggagawa at sambayanan para sa kalayaan at katarungan, ay dapat tanghaling unang Pangulo ng ating bansa, at mailimbag ito sa mga aklat sa paaralan upang magamit na pangunahing aralin ng mga mag-aaral hinggil sa kasaysayan at araling panlipunan.

Huwebes, Nobyembre 6, 2008

Ang Kasalanan ni Cain

ANG KASALANAN NI CAIN
Akda ni Gat Emilio Jacinto (1875-1899)

I

Katatapos pang nilalang ng Maykapal ang Sandaigdigan.

Bahagya pang sumusupling sa mag-asawang si Adan at si Eva ang mga kauna-unahang bunga ng kanilang pagsasama sa ibabaw ng lupa… At ang lupang ito, na katatapos pang nilalang ng Maykapal ay dinungisan na ng isang kasalanang kakila-kilabot at kasuklam-suklam na higit sa bangis ng gabing lumilintik at higit na kasindak-sindak at nakauulol na pangarap ng may pusong dulingas at sukab na akala.

Si Cain ay nagtaglay ng malaking pagkainggit sa kapatid niyang si Abel, at sa kainggitang ito’y nagmula ang isang matinding kagalitan, hanggang sa siya’y dinayang dinala sa ilang at doo’y… pinatay ng lilong kapatid na si Caing tampalasan.

Magbuhat noon ay maraming daan at libong taon na ang nakararaos. Gayunma’y nalilimbag pa sa alaala at gunita ng mga tao’t mga bayan ang kasalanan ni Cain at dili yata mapapawi’t mababaklas hanggang sa ang lupa ay lupa.

Magbuhat noon, magbuhat ng patayin ng kapatid ang kapatid sa hamak na kadahilanan ay naghari at nag-ulol ang kasukaban sa balat ng lupa, at ang mga mata’y laging lumuluha, at ang dugo ng kapatid ay laging pinababaha ng kapatid, at walang namamahay sa mga kalooban kundi ang umalipin at dumaya sa kapwa din.

At si Cain ay isinumpa ng Diyos at iginuhit sa noo niya ang tanda ng darakilang kasalanan. At magbuhat noo’y makapal na noo ang nagtataglay ng hamak na tanda…

Tunay ngang may lumitaw na mga bayani’t magagandang puso ang nangahas at nangahas ding bumangon sa lusak ng madlang kapahamakan; at sukdang ikapanaw ng tangang hininga ay pinukaw at ipinaaalala sa nangahihimlay na ang lahat ng tao ay magkakapatid at magkakapantay, na ang nagiging dahil ng mga sakit, hirap, at dalamhating walang katapusan ng Sangkatauhan ay ang mana’t manang kasalanan ni Cain, na walang daang iba pa sa kaginhawahang laging hinahanap kundi ang tunay na pagkakakilanlan at pagmamahalan ng magkakapatid at tunay na paglingap ng lahat sa bawat isa at ng bawat isa sa lahat.

Datapwat kung ito’y tunay, tunay din naman na ang mga pusong lubhang angkan at angkan pa sa kasamaan at katampalasanan ay bumalikwas na nagngangalit at walang awang inawas ang mga pangahas na nagsisiwalat ng banal na matwid at magandang pag-ibig na makapuputol ng lilong pagpapasasa sa dinayang kapangyarihan at ninakaw na yaman.

II

Ngayon naman, kung ang mamasdang haharapin ng paningin ay ang mga nangyayaring pinaglalagusan ng Katagalugan, ay! puso’y naiinis, nagsisikip ang dibdib, at luha sa mata’y kusang umaagos.

Nakaririmarim na tanda ng kasalanan ni Caing isinumpa ng Maykapal, bakit nakaguhit ka sa noo ng makapal na Tagalog, karugo at tunay kong kapatid? Diyata’t ikaw lamang nga, ikaw ang magiging dahil kung kaya mananatili sa karukhaan at kutya ang walumpung yutang katawan, kung kaya di magtatamo ng kinakailangan at minimithing kalayaan ang walumpung yutang Tagalog, kung kaya mawawalan ng kabuluhan ang mga pinuhunang pagod, panganib, at di-masaysay na katiisan at tiyaga, sampu ng libo-libong buhay na pumapanaw ng mga bayaning nagbangon ng katwiran at puri ng lahat? O, kasalanan ni Caing isinumpa ng Diyos! Ikaw ay muli naming isinusumpa sa ngalan ng aming mga inang nananangis, sa ngalan ng madlang nagbabata ng lahat ng sakit at katampalasanan sa kadakilaan mo! Kasalanan ni Cain, ikaw ay muli’t muli naming isinusumpa nang walang katapusan!

III

Masdan ninyo iyong tao: Ang mga mata niya’y laging isinusulyap sa balang masalubong; ang mga tainga niya’y laging nakikinig ng balang salitaan; ang mga bibig niya’y laging nangungusap ng balang nalalaban sa kanyang isinasaloob at masasamang budhi; sa baywang niya’y may natatagong isang lubid at isang rebolber na laan sa kanyang mga kapatid. Iyan ang policia secreta, samakatwid tiktik, tiktik na sukab at walang awa ng tampalasang panginoon.

Pahayag - akda ni Gat Emilio Jacinto

PAHAYAG
Akda ni Gat Emilio Jacinto (1875-1899)

Isa iyong gabing madilim.

Wala isa mang bituing nakatanglaw sa madilim na langit ng kagimbal-gimbal na gabing iyon.

Nakayukayok at sapupo ng dalawang palad ang mukha, naghihimutok ang isang kabataan.

Ang tahanang katatagpuan sa naturang kabataan ay natatanglawan ng isang tinghoy, na kukurap-kurap at ang liwanag ay nanganganib ng kusang panawan ng buhay.

Sa yugtong halos isuko na ng kabataan ang sarili sa matinding poot at sa pag-iisip na kahila-hilakbot at palagiang gumigiyagis sa kanyang puso, na waring nakabaon sa kaibuturan ngunit sapilitan nang ibinubulalas ng dibdib, sa yugtong ito niya naramdaman ang isang mabining haplos sa isa niyang balikat at naulinigan ang isang mahinang tinig, matamis at malungkot, na nag-uusisa:

“Bakit ka lumuluha? Anong kirot at dalita ang dumudurog sa iyong puso at yumuyurak at humahamak sa iyong kabataan at lakas?”

Nag-angat siya ng ulo at natigib sa panggigilalas: may kapiling siya at halos apat na hakbang ang lapit, at nabanaagan niya ang isang anino na waring nababalot ng maputing ulap ang kabuuan.

“Ay, mahabaging anino! Ang mga pighati ko’y walang lunas, walang katighawan. Maaaring kung isiwalat ko sa iyo ay sabihin mo o isipin mong walang anumang halaga. Bakit kailangan mong lumitaw ngayon upang antalahin ang aking paghibik?”

“Hanggang kailan,” sagot ng anino, “ang kamangmangan at ang katunggakan ay magiging sanhi ng mga hirap at pasakit ng mga tao at ng mga bayan?”

“Hanggang kailan kayo makasusunod magbangon pabalikwas sa kabulagan ng pang-unawa tungo sa tugatog ng katwiran at adhika? Hanggang kailan ninyo ako hindi makikilala at hanggang kailan kayo magtgitiwalang umasa na kahit wala sa aking piling ay maaaring matamo ang tunay at wagas na ligaya tungo sa kapayapaan ng sangkalupaan.”

“Sino ka samakatwid na nagmamay-ari ng kagila-gilalas na kapangyarihan at kahanga-hangang lumitaw at nag-aalay?”

“Ay, sa aba ko! Diyata’t hindi mo pa ako nakikilala hanggang ngayon? Ngunit hindi ako magtataka, sapagkat mahigit nang tatlong daang taon magmula nang dalawin ko ang tinatahanan mong lupain at kusain ng iyong mga kababayan na sumampalataya sa mga huwad na idolo ng relihiyon at ng mga tao, ng mga kapwa mo nilikha, at kung kaya naglaho sa inyong mga gunita ang pagkakilala sa akin…”

“Nais mo bang malaman kung sino ako? Kung gayo’y makinig: Ako ay ang simula nang mga bagay na higit na dakila, higit na maganda at higit na kapuri-puri, marangal at iniingatan, na maaaring matamo ng sangkatauhan. Nang dahil sa akin ay nalaglag ang mga ulong may korona; nang dahil sa akin ay nawasak ang mga trono at napalitan at nadurog ang mga koronang ginto; nang dahil sa aking adhikain ay nabigo at namatay ang siga ng “Santa Inkisisyon” na ginamit ng mga prayle para busabusin ang libo at libong mamamayan; nang dahil sa adhikain ko’y napagkakaisa ang mga tao at kinalilimutan ng bawat isa ang pansariling pakinabang at walang nakikita kundi ang higit na kabutihan ng lahat; nang dahil sa akin ay natimawa ang mga alipin at nahango mula sa lusak ng pagkalugami at kalapastanganan; at napugto ang kayabangan at kayamuan ng kanilang mababangis na panginoon; kailangan ako sa bawat naisin at lasapin ng mga bayan at sa ilalim ng aking kalinga may ginhawa at biyaya at kasaganaan ang lahat, katulad ng idinulot ko sa Hapon, Amerika, at ibang pook; nang dahil sa akin ay umiimbulog ang diwa upang siyasatin at tuklasin ang mga hiwaga ng syensya; saanmang pinaghaharian ko ay napaparam ang mga pighati at nakasisinghap nang daglian ang dibdib na nalulunod sa pang-aalipin at kabangisan. Ang pangalan ko ay KALAYAAN.”

Nagulilat at naumid ang kabataan pagkarinig nito at pagkaraan ng ilang saglit saka nakapangusap:

“Sapagkat ang mga kabutihan at biyaya mo ay walang kapantay, o kataas-taasang Kalayaan! Papawiin ko ang pighati na nagpapabalong ng labis-labis na luha sa aking mga mata, na ang sanhi ay hindi naiiba sa mga pagdaralita ng aking lupang sinilangan. Kung mapagmamasdan mo ang mga alipusta, mga pangangailangan, mga kautusang dapat tiisin at pagdusahan ng aking bayan ay matitiyak na tutubuan ka ng awa at muling kakalingain sa iyong magiliw at di-mapag-imbot ngunit kinakailangang pangangalaga. Ay, ihihibik ng aking mga kapatid!”

“Ako,’ sabi nila, ‘ay nagugutom,’ at siyang nagturo sa akin na pakainin ang nagugutom ay tumugon: ‘Kainin ang mga labi at mga mumo sa aming masaganang mga piging, sa aming mariwasang hapag.”

“Sabi ng aking mga kapatid: ‘Ako’y nauuhaw,’ at siyang nagturo sa akin na painumin ang nauuhaw ay tumugon: ‘Lagukin ang inyong mga luha at ang pawis, sapagkat dudulutan namin kayo ng sapat na kalinga nito.”

“Hibik ng aking mga kapatid: ‘Wala akong damit, ganap akong hubad,’ at siyang nag-utos sa amin na damitan ang hubad ay tumugon: ‘Ngayon di’y babalutin ko ang buong katawan ng patong-patong na mga tanikala.”

“Sabi ng aking mga kapatid: ‘Nahalay ang aking puri ng isang kura, ng isang paring Kastila, ng isang mariwasa, at ang hukom na matibay na haligi ng hustisya ay tumugon: ‘Ang taong iyan ay tulisan, isang bandido at isang masamang tao: ikulong sa piitan!”

“Sasabihin ng aking mga kapatid: ‘Kaunting pag-ibig, kaunting awa at kaunting lingap,’ at mabilisang tutugon ang mga maykapangyarihan at pinunong makatwiran at mabuting loob kung mamahala: ‘Ang taong iyan ay filibustero, isang kaaway ng Diyos at ng Inang Espanya: Dalhin sa Iligan!”

“Pansinin at pagmasdang mabuti, KALAYAAN; pagmasdan at pansinin kung dapat magdamdam ang aking puso at kung may sanhi ang pagluha…”

“Dapat magdamdam at lumuha,” tugon ni KALAYAAN sa himig na nagungutya at ginagagad ang mapaghimutok na paraan ng pagsasalita. “Lumuha! Lumuha ay dapat kung ang mga sukab ay wala nang buhay na maaaring putulin; kung tinatanggap nang ang kawalanghiyaan at katampalasanan sa pagbitay kina Padre Burgos, Gomez, at Zamora, sa pagpapatapon kay Rizal, ay hindi nangangailangan ng makatwiran at maagap na paghihiganti, na maaaring mabuhay sa piling ng mga kaaway, at na may mga pagmamalabis na dapat pang ipagmakaawa ng katubusan. Lumuha sa sariling tahanan, at sa katahimikan at kadiliman ng gabi ay hindi ko maunawaan. Hindi ito ang nararapat para sa isang kabataan… hindi ito ang nararapat.”

“Ano ang nais, kung gayon, ano ang dapat gawin? Kaming mga Tagalog ay naugali na sa ganoon. Sapol pa sa sinapupunan ng aming ina ay naturuan na kaming magdusa at magtiis sa lahat ng uri ng mga gawain, upasala, at pagkadusta. Ano ang higit na nararapat naming gawin bukod sa lumuha? Wala na kundi ito ang naugalian ng aming pagkukusa.”

“Hindi lahat ng naugalian ay mabuti,” paliwanag ni KALAYAAN, “may masasamang kahiligan at ang mga ito’y dapat iwaksi lagi ng mga tao.”

Ibig sanang tumutol ng kabataan, ngunit hindi pa niya matiyak ang sasabihin at walang maapuhap na ipangusap. Sa gayon ay nagpatuloy si KALAYAAN sa pagpapaliwanag.

“Ang ipinahayag ko sa iyo ay ang katotohanan. Walang kautusan na maaaring magpabagsak dito, sapagkat hindi maaaring ang wasto at tuwid ay maging kalaban ng wasto at tuwid, maliban kung ito ay binaluktot. Samakatwid, makinig ka. Noong sinaunang panahon, noong ang karuwagan at pagkaalipin ay hindi pa pumapalit sa magagandang kaugalian ng iyong mga ninuno, nasa lilim ko ang bayang Tagalog at nasa ilalim ng aking pangangalaga, at siya ay maligaya at sinisimsim ang simoy na nagdudulot sa kanya ng buhay at lakas ng katawan: tinatanglawan ng aking liwanag ang kanyang pag-iisip at iginagalang siya ng mga kalapit bayan. Ngunit isang araw, na dapat ikarimarim at isumpa, dumating ang Pang-aalipin at nagpakilalang siya ang kagalingan, ang katwiran, at ang karampatan, at nangako ng luwalhati sa lahat ng sasampalataya sa kanya.”

“Dumating man siyang nakabihis ng balatkayo ng kagandahan at kabutihan, at mapayapa at magiliw sa kanyang mga paggalaw at pagkilos, ay nakilala ko kung sino siya. Nabatid kong ang kaligayahan ng bayan ay nagwakas na; na ganap nang napako sa kanya ang kapuspalad na bayan… umabot sa akin ang iyong mga hinagpis at natigib ako sa labis-labis na dalamhati at iyon ang dahilan ng aking pagparito. Ngayo’y dapat na akong umalis kaya’t paalam na.”

“Huwag muna, Kalayaan,” pakiusap ng kabataan nang makita siyang tumalikod at nakahandang lumisan. “Pagbigyan mo muna ako ng kaunting panahon. Naipaliwanag mo ang mga malubhang pagmamalabis na pinagdusahan at tiniis ng aking bayan, hindi mo ba sila maaaring kahabagan at ibalik ang iyong pangangalaga?”

“Unawain akong mabuti, bagamat hindi mo nababanggit, walang ibang naririnig ang aking tainga at walang ibang nakikita ang aking mga mata, sapagkat iisa ang pinagbubuhusan at dinaramdam ng aking puso at kung kaya maagap akong dumadamay at humahanap sa mga naaapi at tuwing may naririnig na dumaraing. Ngunit walang tao na karapat-dapat sa aking pangangalaga at kalinga kung hindi siya pumipintuho sa akin at umiibig sa akin, at kung wala siyang kakayahang mamatay para sa aking adhika. Maaari mo itong ipahayag sa iyong mga kababayan o katinubuang lupa.”

Halos katatapos wikain ito, noon lumamlam ang sinag ng tinghoy, na pakurap-kurap ang ningas dahil sa kawalan ng langis…

Kinaumagahan, nang pawiin ng kaliwanagan ng araw ang mga lagim at karimlan ng gabi, may bagay na kumikislap sa mga mata ng kabataan na mistulang isang nagbabagang adhika.

Pahayag ng Agosto 1897

PAHAYAG NG AGOSTO 1897
Akda ni Gat Emilio Jacinto (1875-1899)

Ngayong pinasisimulan namin nang buong kasayahan ang ikalawang panahon ng amng pagsasakit, mula sa mga kabundukang ito na kailanma’y siyang nag-aalay ng dalisay na pananalig sa aming kalayaan at paghiwalay sa Espanya ay aming ipinupukol ang hiyaw ng aming pagtawag sa lahat ng mga nakararamdam sa kanilang dibdib na ang tumitibok ay matitining na puso, sa lahat ng taong may bait at puri, may dangal at lupang tinubuan.

Hindi kami natangi ng mga lahi. Tinatawagan namin ang lahat ng may iwing puri at pamahalaan ng isang may paglingap sa kanyang bayan. Gayon ang Katagalugan, para ng taga-Asia, Amerika, o Europa, tayong lahat ay nagdurusa; at lahat ng nagsisipagdusa ay aming inaanyayahang ibangon ang isang bayang inilugmok, pinasakitan, isang Inang Bayang minunglay at itinulak sa putik ng kaalipustaan. Hindi namin inililisan ang sinuman kahima’t Kastila, sapagkat may mararangal na Kastilang nakikiramay sa aming hukbo na walang mga ligalig ang kalooban at sukat sa kanilang pagkamagalang sa katwiran ay ipinagtatangkilik ang aming karaingan, karaingang damayan baga ng mga maykaya at wagas na kamahalan.

Mangagsipanandata kayo, mararangal na puso, mangagsipanandata kayo! Siya na ang mga pagtitiis!

Ang Katagalugan ay hinila sa kaalipinan. Ang Inang Bayan ay tinatangisan ang pagkapalungi ng kanyang mga anak.

Masdan ninyo ang ating mga sambahang dinungisan ng mga kahalili ni Hesukristo na ang mga lalong kagalang-galang na kasangkapan ay ginawa lamang masisibang sisidlan ng kanilang gawang pangangalakal sa pangalan ng Diyos. Walang bahala sa kanilang pinanumpaang karalitaan, kagandahang ugali, at sa kalinisan ng lahat, ang mga Prayle ay salapi lamang ang tinitingnan nang makapagbinyag, makapagkasal, at makapaglibing sa mga bulaan na di nananalig sa isang Diyos na tunay. Ngunit labhasain o lamunin ng mga uwak ang mga Tagalog na walang pilak. Sukat ang mayayaman lamang ang pinagbiyayaan ng dalangin at katawan ni Hesukristo.

Masdan ninyo ang ating mga tahanan. Ang kanilang mga haliging bato at lupang dinilig sa pawis ng ating mga magulang ay pinag-aagawan lamang niyang mga Prayle na walang kinikilalang kautusan kundi ang kapangyarihan ng kanilang kalooban. At matatapang nang magnakaw ng mga bunga ng ating kapagalan samantalang isinisigaw nila ang kanilang panatang pagpapakarukha at pag-iingat ng katawan laban sa kahalayan.

Ay ng isang mag-anak na may itinagong anumang yaman! Ay ng inang may alagang isang bulaklak na may kagandahan! Karaka-raka nganing ikapagiging sanhi lamang ng mga luha ng pagpapahamak ng puri at pagkatapon ng mga walang salang magulang at kapatid.

Tingnan ninyo ang katwiran na yinuyurakan at ginagawa munang kagila-gilalas na pandaya bago sa ikapagtatanggol ng Katagalugan. Saan-saanma’y ang pagbabala at ang pagpapasuhol. Ang mga pinuno sa bayan-bayan ay hinamak at niwalang-halaga. Ang pangangalaga sa bayan at ang mga kayamanan ay sinila ng kalupitang-asal at kasakiman sa tubo’t tubong pangangalakal. Sa pamahalaan at sa mga ganapan ng katungkulan ng mga matataas na pinuno, na doo’y hinahalay lamang ang mga Tagalog, ay naghahari ang kasawian; at pinapagbubuhat ay katibayan ng tao hindi sa talagang katwiran kundi sa walang saguting kalooban ng alinman sa mga pinuno. Ang lisya at kabulaan ang itinuturo sa kalahatan; sa may bahay-aralan at tagakalat-balita sa araw-araw ay ang lubos na kasukaban; saan-saanma’y ang kamangmangan, ang kadustaan, ang gawing masama, at ang kasiraan.

Walang halaga ang mga tapat sa suplong ng mga sumbong; ang mga karaingan ay pawang kaalipustaan ang tinamo lamang. Ano ang ginawa sa ating mga matwid na kahingian na alisin ang mga Prayle dito sa lupang Katagalugan? Ano ang ginawa sa ating gunamgunam at pagmamatwid na ipinahayag upang magkaroon ng pinakakatawang bayan itong Katagalugan na maitututol baga ang kanyang balang tapat na maibig sa mga kapisanan ng mga katawang-bayan sa Espanya? O karunungan at katotohanan! Ang mga nagsisihingi ng ampon sa katwiran, lahat ay isinadlak sa bibitayan o sa pagkatapon. Siya na ang mga kahalayan! Mangagsipanandata kayo, mga kababayan! Mangagsipanandata kayo, mga kapatid!

Magiliw sa kagalingan ng lahat, nilalayon namin ang kaluwalhatiang magkamit ng kalayaan, ang sariling kapangyarihan, at ang kapurihan nitong Inang Bayan. Ninanais namin ang isang kautusang yari sa kalooban ng tunay na mamamayan, na maging katibayan at pitagan sa kanilang lahat na walang ililisan, kahiman at sino.

Nagnanasa kami ng isang pamahalaang magpapakilala ng mga buhay na lakas ng isang bayan at doo’y mangangasiwa ang lalong may karapatan, ang lalong may mga puri at matalinong pag-iisip, na di titingnan dukha man o mayaman man at ang lahing pinanggalingan.

Ninanais namin na dito sa Sangkapuluan ay huwag may matuntong kahit isang prayle, huwag may manatili kahit isang kumbento, kahit anumang tahanang makasisira, kahit alinmang mga kaibigan niyang mga pusong naugali na ng mga Prayle na itong lupang Katagalugan ay ginawang pangalawang Espanya ng kanilang mapang-usig na kalupitan. Sa aming hanay kailanma’y igagalang ang kaayusan.

Sa ilalim ng aming bandila, ang katwiran ay siyang mamamahala magpakailanman.

Kaming mga tunay na anak ng kalayaang inagaw sa amin ng malaking katampalasanan ay aming itatanghal sa Sansinukuban na kami’y nararapat magkaroon ng isang sariling pamahalaan, isang sariling Inang Bayan gaya ng kami’y mayroong isang sariling wika.

Ipinagtatanim namin ang pangalang kalait-lait na ipinalalayaw sa amin ngayon ng aming mga kaaway. Kami, ang mga tapat na anak na walang lingon sa aming buhay at kayamanan, sa mga kaginhawahan at lahat ng kapansanan, ay ipinagkakaloob namin ang aming dugo sa kagalingan ng Inang Bayan, sa kapayapaan ng aming mga kababayan, at sa ikaliligtas sa kaalipinan ng aming anak.

Mabuhay sa kalayaan ang Katagalugan!!!

Huwebes, Agosto 14, 2008

Sa Alaala ng Isang Dakilang Rebolusyonaryo

Sa Alaala ng Isang Dakilang Rebolusyonaryo
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Pambungad sa aklat na Macario Sakay, Bayani!, pahina 6-9, at inilathala ng Kamalaysayan history group noong Setyembre 2007.)

Ang kadakilaan ni Macario Sakay at ng kanyang mga kasama ay dapat lamang gunitain, lalo na ngayong darating na Setyembre 13, 2007, ang sentenaryo ng kanyang kamatayan.

Una kong nakilala si Sakay, hindi sa mga librong pangkasaysayan kundi sa pelikula ni Raymond Red na pinamagatang Sakay, na ipinalabas sa mga sinehan noong 1993. Ang unang pelikulang Sakay ay isinapelikula noong 1939 sa direksyon ni Lam-berto V. Avellana. Meron pa umanong pelikulang pinagbidahan ni Mario Montenegro nang bandang dekada ng 1960s na pinamagatang Alias Sakay.

Itinuturing na tulisan si Sakay at ang kanyang mga kasama kung ang babashin ay mga panulat ng mga historyador na Amerikano, kasama ang mga kakutsabang Pilipino. Ito ang isinisiksik nilang propaganda kahit sa mga aklat ng kasaysayan na ginagamit sa mga paaralan.

Dapat maisulat at malaman ng taumbayan ang kabayanihan ni Sakay at ang pagpapatuloy niya ng adhikain ng Katipunan sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano.

Ayon nga kay Pio del Pilar, sa kanyang liham kay Jose P. Santos noong 1930s, “Si Macario Sakay, sa aking pagkakakilala sa kanya, ay isang tunay na makabayan. Sa panahon ng rebolusyon habang kami’y nakikidigma, siya naman ay patuloy sa pagpapalaganap ng mga adhikain ng Katipunan, na ang pinakalayunin ay ipagtagumpay ang kasarinlan ng Pilipinas. Isa siya sa may malaking naitulong sa pagpunta sa bayan-bayan upang itatag ang mga konseho ng Katipunan. Napakatindi ng pagkahu-maling niya sa adhikaing yaon na kahit nahuli siya ng mga Amerikano, ipinagpatuloy niyang tuparin ang di-natapos na hangarin ng Katipunan na gawing malaya at makatayo sa sariling paa ng bansang Pilipinas, sa pamamagitan ng pagtataguyod ng bagong rebolusyon.

Si Sakay ay maaaring tulisan sa mata ng mga Amerikano, kaya nga siya binitay. Ngunit sa harap ng Diyos, Bayan at Katotohanan, siya’y tunay na makabayan na nararapat lamang mabuhay sa isipan ng lahat nating kababayan sa lahat ng panahon.” (di orihinal na tagalog, ito’y salin mula sa pinagsaliksikang aklat na nakasulat sa Ingles.)

Ayon naman sa awtor na si Orlino A. Ochosa, “Sina Bonifacio, Jacinto at Sakay ang bumubuo ng dakilang triad na namuno sa Katipunan at sa mga naghihimagsik na masa: “ang mga anak ng bayan”. Sila’y mga tunay na proletaryo, anak ng Tondo, kinatawan ng mga walang pag-aaring indios bravos. Dahil sa kanilang rebolusyonaryong paninindigan, nabuhay sila sa kabayanihan at kadalamhatian. Sa pagtatatag ng Katipunan, sinimulan ni Bonifacio ang Rebolusyon na inayawan siya’t pinaslang. Sa pagpapalaganap ng mga gawain ng Supremo, binalewala si jacinto at naiwang mag-isang namatay ng Republika. Ganito rin ba ang kapalaran ni Sakay sa pagmana sa liderato ng Katipunan?” (mula sa aklat na Bandoleros, di orihinal na tagalog, ito’y salin mula sa pinagsaliksikang aklat na nakasulat sa Ingles.)

Wala pang ganap na pagkilala sa kanya, maging ito ma’y proklamasyon ng pangulo ng bansa, pagkakaroon ng bantayog sa isang mayor na lokasyon sa lunsod, o kaya’y ipangalan sa kanya ang isang mayor na kalsada. Kahit sa Tondo, wala man lamang pangalan ng kalsada para kina Sakay at sa kanyang mga kasama.

Nawa’y makatulong sa mga mambabasa ang munting aklat na ito sa pag-unawa sa kabayanihan ni Macario Sakay pagkat siya’y bahagi ng kasaysayan ng himagsikang Pilipino para lumaya ang bayan sa kamay ng dayuhan. Nawa’y makatulong din ito sa pagpapalaganap ng kampanya upang magkaroon ng rebulto si Sakay sa isang pangunahing lansangan sa bansa, ipangalan sa kanya ang isang pangunahing lansangan, at ituring siyang isang bayani sa mga aklat pangkasaysayan na binabasa at pinag-aaralan ng mga mag-aaral.

Sa alaala ng isang dakilang rebolusyonaryo at sa dakilang ambag niya sa himagsikan, nararapat lamang ibigay kay Sakay ang ganap na pagkilala sa kanya – si Macario Sakay ay isang tunay na bayani ng lahing Pilipino.

Sampaloc, Maynila
Agosto 21, 2007

Ang Pasiya ni Sakay: Kabayanihan o Pagkakamali

Ang Pasiya ni Sakay: Kabayanihan o Pagkakamali
ni Gregorio V. Bituin Jr.

- nalathala sa librong "Macario Sakay: Bayani" ng may-akda, at inilunsad noong Setyembre 13, 2007 sa UP Manila, sa ika-100 anibersaryo ng pagbitay kay Macario Sakay ng mga tropang Amerikano

Tunay ngang bawat pasiya ng isang tao ay may malaking kaugnayan sa kanyang kinabukasan o hinaharap. Tulad na rin ng desisyong mag-asawa ng maaga, ito’y pinag-aaralan at pinagpapasiyahan dahil ito’y panghabambuhay, maliban na lamang kung magpasiyang maghiwalay ang mag-asawa.

Tulad din ng desisyong kukuning kurso sa kolehiyo, ito’y pinag-aaralan at pinagpapasiyahan dahil nakasalalay dito ang kanyang kinabukasan.

Tulad din ng desisyong maghimagsik laban sa mga mananakop. Tulad din ng pasiyang sumuko, hindi dahil naduwag, kundi dahil may isinasaalang-alang na bukas.

Gayunman, ang pasiya ba ni Sakay na sumuko ay isang kabayanihan o pagkakamali?

Noong kalagitnaan ng 1905, nakipag-negosasyon si Dr. Dominador Gomez, lider ng Union Obrera Democratica de Filipinas, kina Sakay para sa pagsuko nito, ng kanyang mga opisyal at mga tauhan. Kumbinsido si Gomez na tanging ang pagmamatigas ni Sakay ang bumabalam sa pagtatatag ng isang pambansang asamblea. Napapayag niya si Sakay na wakasan ang kanyang paglaban sa kondisyon na isang pangkalahatang amnestiya ang ipagkaloob sa kanyang mga tauhan, payagan silang makapagdala ng baril at pahintulutan siya at ang kanyang mga tauhan na makalabas ng bansa nang tiyak ang personal na kaligtasan.

Isang buwan pagkabitay kay Sakay, agad itinayo ang Pambansang Asamblea noong Oktubre 16, 1907 na ginanap sa Manila Grand Opera House. Ang Partido Nacionalista na kasama si Sakay sa nagtayo, at Partido Nacional Progresista, ang dalawang pinakamalaking grupo sa asemblea. At isa sa mga naging delegado nito ay si Dr. Dominador Gomez.

Maaari bang maitayo ang Pambansang Asamblea kahit hindi sumuko si Sakay kung may mga taong gagampan naman sa gawaing ito? O may basbas ng mga Amerikano ang pagtatatag ng Pambansang Asamblea?

Ang pasiyang sumuko ni Sakay upang maitatag ang Pambansang Asamblea ang maaaring sabihing katiyakan ng kanyang adhikaing kasarinlan ng bayan. Kung sinasabi ni Gomez na siya at ang kanyang pangkat lamang ang dahilan kaya naaantala ang pagtatayo ng Pambansang Asamblea, may umagos na dugo ng sakripisyo sa mga ugat ni Sakay upang isuko ang pakikipaglaban para lamang matuloy ang makasaysayang pagtitipong ito para sa ganap na kasarinlan.

Ngunit maraming nagsasabing ang kalayaan ng bayan ay hindi nahihingi kundi ipinaglalaban. Sa kasong ito, isinakripisyo ni Sakay ang sarili. Nagbakasakali siya na maganap nga ang Pambansang Asamblea, bagamat hindi niya inaasahang ang pasiya niyang iyon ang magdudulot ng maaga niyang kamatayan.

Hindi niya hiningi ang kalayaang iyon, pagkat siya mismo ay binitay ng mga Amerikano. Kung sakaling hindi sumuko si Sakay, matutuloy pa rin ba ang Pambansang Asamblea? Marahil.

Naganap na ang kasaysayan ni Sakay. Kung nagkamali man siya sa kanyang pasiya, hayaan natin sa mambabasa ang pasiya. Gayunpaman, ang naging pasiya ni Sakay ay hindi dapat ituring na karuwagan o pagkapagod na sa pakikidigma, kundi pagbabakasakali.

Pagbabakasakaling maganap nga ang pagtatayo ng isang nagsasariling bansa. At dahil naganap ang Pambansang Asamblea isang buwan matapos siyang bitayin, ito ang masasabi nating nagbunga ang kanyang sakripisyo.